top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 6, 2026



Kaya dedma sa mga bashers… HEART, AMINADONG SHOPPING ANG KALIGAYAHAN

Photo: FB Robin Padilla



Inamin nga noong nakaraan ni Heart Evangelista na ang bisyo niya ay shopping. Hilig niya ay mga damit, bags, sapatos, atbp..


Pero ang katwiran naman ni Heart, halos nagkakasakit na siya at naoospital sa sobrang sipag niya sa pagtatrabaho upang kumita ng kanyang pang-shopping. 

Sarili niyang pera ang kanyang ginagastos para mabili ang mga bagay na gusto niya.


Ilang beses nang naoospital si Heart dahil sa sobrang pagod at stress kapag naghahanda sa pagdalo niya sa mga fashion events sa Paris at New York. 

Naisisingit pa niya ang pagde-design ng mga alahas na kanya ring pinagkakakitaan.


Kaya kapag nagsa-shopping siya ay feel na feel niya ang kakaibang saya at sigla. Bale, reward na niya ito sa kanyang sarili. Sulit na sulit ang kanyang pagod kapag nabibili niya ang kanyang gusto.


Ang pagsa-shopping ang happy pill ni Heart, kaya dedma siya sa mga bashers.





Mixed ang reaksiyon ng mga netizens sa naging pahayag ni Barbie Forteza na kapag siya ang magpapakasal, gusto niyang sa Las Vegas gawin para may divorce. 

Preparasyon ba ito ng aktres sakaling mali ang lalaking kanyang minahal at pakakasalan?


Meaning, hindi siya ang tipo ng babaeng magtitiis at magsasakripisyo para lang maging buo ang kanyang pamilya? 


Handa ba siyang makipaghiwalay sakaling ang napili niyang pakasalan ay iresponsable at hindi kayang bumuhay ng pamilya?


Mature na si Barbie. Malawak na ang kanyang pananaw sa maraming bagay. Marami na siyang pagsubok na pinagdaanan upang maabot ang katuparan ng kanyang pangarap sa kanyang career.


Una niyang prayoridad ang bigyan ng magandang buhay ang kanyang mga magulang at kapatid. Nasaktan man siya sa paghihiwalay nila ni Jak Roberto matapos ang 7 taong relasyon, hindi siya nagpaapekto. Mas lalo siyang tumibay at ibinuhos ang kanyang panahon sa kanyang career.


Kinikilala na ngayon si Barbie bilang isang magaling na aktres. Handa siyang gampanan ang lahat ng klaseng rolea, tulad ng kanyang challenging character sa pelikulang Saving Cherry (SC).





SAGLIT naming nakausap ang aktor na si Victor Neri sa wake ni dating Zamboanga Cong. Romeo Jalosjos sa Heritage Chapels.


Nalaman namin kay Victor na kasama siya sa cast ng seryeng Hari ng Tondo (HNT) ng GMA-7 na pinagbibidahan nina Dennis Trillo at Ruru Madrid. Per show lang daw ang contract niya sa Kapuso Network.


Well, kaga-graduate lang ni Victor ng Law ngayong 2026. Nakatapos din siya ng Culinary Arts at isa siyang chef.


Taong 2007 hanggang 2015 nang pansamantala niyang talikuran ang kanyang showbiz career. Nagdesisyon siyang mag-aral muna at tapusin ang kanyang kurso sa kolehiyo.

Ngayon ay muli niyang binabalikan ang pag-arte. Naging madali kay Victor ang pagbabalik dahil isa siyang magaling na aktor at maraming direktor ang gustong makatrabaho siya.


Through the years ay nanatiling humble at low-profile si Victor Neri. Napaka-professional din niya sa trabaho at magaling makisama sa kapwa niya artista, maging sa mga production staff.





After Yen… PAOLO, PAHINGA SA BABAE



MARAMING nagsasabing mas magtatagal sa showbiz si Paolo Contis dahil sa kanyang pagganap ng kontrabida sa seryeng kanyang nilalabasan, tulad ng The Master Cutter (TMC).


Dahil sa kanyang bad boy image, marami ang naiinis at nagagalit sa kanya. Hindi siya nawawalan ng project sa GMA-7.


Pero may pambalanse naman si Paolo sa kanyang pagiging kontrabida sa serye, lumalabas siya sa comedy show na Bubble Gang (BG).


Isa si Pao sa pinakamatagal na naging bahagi ng comedy show. Kaya kasi niyang mag-adjust sa iba’t ibang character na dapat niyang gampanan. Hindi siya basta makakalimutan ng mga viewers dahil regular siyang napapanood.


Samantala, may mga nagtatanong naman kung may love life ba ngayon si Paolo after Yen Santos.


Mukhang nagpapahinga muna siya sa pakikipagrelasyon at bumabawi sa mga anak nila ng kanyang ex-wife na si Lian Paz.

 
 

ni Mercy Lejarde @Talkies | August 6, 2026



Jobert Sucaldito

Photo: Jobert Sucaldito



Sa pinakabagong episode ng programang OOTD (Oras ng Opinyon, Talakayan at Diskusyon) sa YouTube (YT), ibinahagi ni Direk Chaps Manansala ang kanyang mga saloobin at emosyon hinggil sa pagpanaw ng kanyang co-host at kaibigan na si Jobert Sucaldito.


Ayon kay Direk Chaps, “‘Di ko alam kung paano ko uumpisahan ang programang ‘to. Nag-isip po kami nang maraming beses bago kami nagdesisyong mag-live. Sinabi pa sa amin ni Nanay (Jobert) na nu’ng mga panahong ‘di na maganda ang kanyang pakiramdam, sinabi ko sa kanya na magpahinga muna. Sabi ko, ‘Puwede kaming dalawa na lang muna ni May ang mag-live.’ Pero ang sagot n’ya, ‘Ang OOTD ang buhay ko.’ ‘Di ko talaga alam kung paano ko uumpisahan ang lahat ng ‘to at kung paano ko ‘to tatapusin.


“Ito pong OOTD, ang programang tatlong taong minahal at kinandili ni Nanay (Jobert). Ito rin ang programang sinasabi n’ya sa akin na nagbigay sa kanya ng reaffirmation at nakatulong upang magbago ang pananaw ng maraming manonood tungkol sa kanyang tunay na pagkatao.


“Ito na po ata ang pinakamalungkot na episode na gagawin ko, at sana ay tulungan ako ng Panginoon. ‘Di na magiging katulad ng dati ang OOTD dahil si Nanay Jobert ang tunay na bida ng programang ‘to. Ako, nasa gilid lang—pampakalma at pambalanse lang sa kanya.


“Kaninang alas-10 ng umaga, nakauwi si Nanay sa bahay na kanyang tinutuluyan kasama si Nanay Jojit. Nasa ikalawang palapag s’ya, kung saan mayroon siyang sariling kuwarto.

“Ayon sa kuwento, bigla umanong nakarinig ng malakas na kalabog si Tata, isa sa kanyang mga kasama sa bahay, na noon ay nasa ikatlong palapag. Agad siyang bumaba sa ikalawang palapag at nadatnan si Nanay na nakadapa malapit sa pinto at may mga palatandaan pa umano ng buhay. Agad n’yang tinawag ang kanyang asawang si Glen upang makahingi ng emergency assistance, at dali-dali nilang isinugod si Nanay sa Philippine Heart Center.


“Actually, pagdating ni Nanay sa Philippine Heart Center, wala na raw talaga s’yang buhay. Tulog pa ako nu’ng mga oras na ‘yun.


“Tumawag sa akin si Dominic Rea. Nu’ng una ay ‘di ko sinagot ang tawag dahil hindi ko inaasahang tatawag s’ya. Ngunit nang tumawag s’yang muli, nakaramdam na ako na may nangyari. First time kasi n’yang tumawag sa akin. Nang sagutin ko ang tawag, sinabi n’ya na nasa ospital na si Nanay.


“Sinubukan kong tawagan ang cellphone ni Nanay. Si Tata ang sumagot dahil s’ya ang gumagamit ng telepono ni Nanay. Tinanong n’ya ako kung ipapa-revive pa si Nanay. Agad kong sinabi, ‘Oo, i-revive ninyo s’ya,’ dahil ‘yun lang ang naisip kong dapat gawin. Sinubukan daw s’yang i-revive at limang beses silang nagtangkang ibalik ang tibok ng puso n’ya. Ngunit ang totoo, dead on arrival na pala s’ya.


“Pagdating ko sa ospital, nakita ko si Nanay na nakahiga. May dugo ang bibig n’ya dahil tila nasubsob s’ya sa isang figurine nang s’ya ay madapa. Wala na s’yang buhay nang makita ko s’ya.


“Noon ko sinabi sa sarili ko na sana ay ‘di ko na lang nakita ang ganu’ng eksena. Ngunit ako ang pinakamalapit sa kanya, kaya ako rin ang nakakita sa kalagayan n’ya. Hanggang ngayon, ‘di pa rin mabura sa isip ko ang hitsura ni Nanay habang nakahiga sa kama sa Philippine Heart Center.


“Tapos dumating si Dominic, ang pamangkin ni Nanay. Sumunod naman ang kaisa-isa n’yang anak, si Brian Carl.”


Sa nasabing programa, nagbalik-tanaw si Direk Chaps sa mga huling pangyayari bago pumanaw si Jobert.


Ayon kay Direk Chaps, “Nu’ng huling episode namin, nagtaka ako kung bakit nakaputi si Nanay. Kinuha rin ng kapatid ko ang puti kong damit, kaya sinabi ko na lang, ‘Okay.’ Sabi ni Nanay, ‘Nak, pagpasensiyahan mo ako, ha? Mukhang ‘di ako magiging maayos dahil ‘di maganda ang pakiramdam ko.’ Matapos ang live episode, nabiro ko pa s’ya at sinabi kong, ‘Sa lahat ng may sakit, ikaw ang pinakamatalino.’”


Ibinahagi rin ni Direk Chaps na matagal nang may iniindang karamdaman si Jobert. Naospital siya noong nakaraang buwan, at dahil dito, si Maine ang nakasama ni Direk Chaps sa isang live episode upang maipagpatuloy ang programa para sa kanilang mga manonood.


Isinugod si Jobert sa Providence Hospital, kung saan isinailalim siya sa mga pagsusuri. Ayon sa mga doktor, mayroon siyang dalawang bara sa puso at may naipong tubig sa kanyang baga. Pinaniniwalaang ito rin ang dahilan kung bakit matagal nang namamaga ang kanyang mga paa.


Inirekomenda ng mga doktor na ilagay siya sa intensive care unit (ICU) dahil malubha na ang kanyang kondisyon. Gayunman, tumanggi si Jobert matapos niyang makita ang kalagayan sa ICU at malaman ang halaga ng gastusin.


Ayon kay Direk Chaps, sinabihan nila si Jobert na mayroon naman siyang ipon at handa rin siyang tulungan ng kanyang mga tunay na kaibigan at mga taong sumusuporta sa kanya. Ngunit likas umano kay Jobert ang hindi gustong maging pabigat sa iba. Dahil dito, pumirma siya ng waiver at tumangging ma-admit sa ICU, sa kabila ng mariing payo ng mga doktor.


Ayon pa kay Direk Chaps, sinabi ni Jobert, “‘Matagal na itong problema sa puso ko.’”

Dagdag pa ni Direk Chaps, habang hindi napipigilan ang kanyang pag-iyak, “Sino ba naman kami para sabihin na ‘hindi’ at ipilit ang gusto namin? Si Nanay ‘yan. Si Nanay Jobert Sucaldito ‘yan—matapang ‘yan.”


Kahit labag sa kanilang kalooban, iginagalang nila ang naging pasya ni Jobert. 

Kuwento niya, “Sabi n’ya, ‘‘Nak, sa regular room na lang ako.’ Sabi ko, ‘Nay, sige, basta nasa ospital ka. At least, anumang oras na may mangyari, nand’yan ka na.’”

Upang pagaanin ang sitwasyon, nagbiro pa umano sila ni Maine. 


Aniya, “Sabi namin, ‘‘Nay, ito ang paboritong ospital ni Kris Aquino.’ Natawa pa s’ya at sinabi, ‘‘Di pa talaga ako laos.’”


Gayunman, makalipas lamang ang dalawang gabi, nainip na umano si Jobert at muling kinausap ang nurse upang ipaalam na nais na niyang makalabas ng ospital.

Ani Direk Chaps, “Gusto ko s’yang pigilan, gusto kong magalit at gusto kong taasan ang boses ko. Pero ano’ng magagawa ko? Gusto na n’yang umuwi.”


Muli umanong pumirma si Jobert ng waiver upang makalabas ng ospital. 

Aniya, “Habang nakikita ko s’yang pumipirma ng waiver, alam ko na. Ipinapakita n’yang parang wala s’yang nararamdaman sa amin. Parang nagpapaka-best actress s’ya.”


Ikinuwento rin ni Direk Chaps na ilang araw bago ang pagpanaw ni Jobert, sinabi nitong nagtungo siya sa Philippine Heart Center upang isumite ang mga resulta ng kanyang mga pagsusuri mula sa Providence Hospital. Ayon daw kay Jobert, sinabi sa kanya na aabutin pa ng isang buwan bago lumabas ang mga resulta.


Dagdag pa ni Direk Chaps, matagal nang nakararanas si Jobert ng matinding anxiety at hirap sa pagtulog. 


Aniya, “Ilang buwan na s’yang halos isang oras lang ang tulog bawat araw, pero ‘di n’ya ipinapahalata sa inyo. Ang OOTD ang naging buhay ni Nanay. Lagi n’yang sinasabi sa akin na kayo, ang mga hindi bumitaw sa kanya at ang kanyang mga kaibigan—ang nagpalakas sa kanya.”


Isang araw, sinabi umano ni Jobert na maayos na ang kanyang pakiramdam. Ayon kay Direk Chaps, doon lamang niya unang napataas ang kanyang boses kay Jobert.


Aniya, “Sabi n’ya, ‘Nak, okay na ako.’ Sabi ko, ‘Ikaw, okay ka. Pero paano naman kami?' Sinasabi n’ya kasi na mahal ang gastusin. Sinabi ko sa kanya, ‘May pera ka. Maraming nagmamahal sa ‘yo. ‘Wag mong sabihin sa akin na pera ang problema, dahil alam kong ‘di ‘yun ang tunay na dahilan. Ayaw mo lang talagang maging pabigat.’”


Matapos ang kanilang pag-uusap ay nanahimik na lang daw si Jobert.

Bandang alas-10:30 ng umaga noong Agosto 2, kinumpirma ang pagpanaw ng aming mahal na kaibigan na si Jobert Sucaldito.


Sobrang lungkot ang naramdaman ko sa mga sandaling iyon. Nagpapasalamat ako sa Panginoon dahil bago pumanaw si Jobert, nagkaroon pa kami ng pagkakataong magkita sa concert na ginawa ni Daisy Romualdez.


Buti na lamang at hindi ako naniwala sa sinabi ng isang reporter na kung anu-ano ang ibinahagi upang pigilan akong pumunta. Salamat, Panginoon, at hindi ako nagpadala sa sinabi ng taong iyon. Nagkaroon pa kami ng pagkakataong magkatabi at sabay na kumain noong mga oras na iyon.


We love you, Jobert. God bless you, and may you rest in peace.

Maraming salamat, Direk Chaps, sa pagmamahal at pag-aalaga mo sa ating kaibigan.

‘Yun lang, and I thank you.


 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 6, 2026



Iyah Mina - IG

Photo: Iyah Mina - IG



Bilang isa sa mga performers ng Vice Comedy Club, ang stand-up comedienne at aktres na si Iyah Mina ay malaki ang malasakit sa pag-aari nilang negosyo ng TV host-actress na si Vice Ganda.


Kaya naman nang may magpadala sa kanya ng video na ginaya ang Vice Comedy Club, talagang tumalak siya sa kanyang Facebook (FB) account kamakailan para mabasa ng owner ng itinayong comedy bar sa Davao City.


Sey niya, “Okay lang naman magbukas ng comedy bar, may matutulungan tayong mga empleyado, pero ‘yung pinaghirapan ng mga taong nasa likod para mabuo lahat ng meron ang VICE Comedy Club, ‘wag ganu’n. VERY WRONG!!!!!!!


“Wow! Nag-ocular visit lang para makopya? Nooooooo! That’s wrong! Pati social media keme, nagawa n'yo! Galingggg!!! Ano pa? Pati mga jokes, gooooo!!!!”


May mga komento kaming nabasa na malayo naman daw ang Davao City sa Manila.

“Ang 8080 (bob*) ng mga comments, LOL (laugh out loud). Kesyo, ‘Nasa Davao naman, malayo naman.’ So? Since when naging valid excuse ang distance para sa pangongopya? Malayo man o magkatabi lang ang negosyo, a copycat is still a copycat.


“‘Di nababago ng kilometro ang originality. Mas lalo na kung pupunta ka pa sa original na negosyo para kumuha ng ideas, tapos halos pareho ang concept. Tawag d’yan ay inspiration kung may sariling twist at identity. Pero kung halos parehong concept ang ibebenta, ibang usapan na. Business is about innovation, not imitation.


“Distance doesn’t make copying any less obvious. Also, as a Bisaya, kauwaw ana, suon-suon mo ug concept. Please, pangita mo ug inyong originality (nakakahiya naman ‘yan, ginagaya ninyo ang concept. Pakiusap, humanap kayo ng sarili ninyong originality),” mahabang litanya ng isang netizen.


Ipinagtanggol naman ng isa pang netizen si Iyah Mina.

Sey nito, “May point naman si Iyah. ‘Di naman porke’t magkaibang lugar ay tama na ang pangongopya.”


Samantala, ipinost ni Wang Ising TV sa kanyang FB account ang video ng harapan ng comedy bar, kung ano ang design na gagawin, at sa loob ay ginaya nga ang Vice Comedy Club. Totoo ngang halos parehung-pareho, pati ang mahabang stage na lalakaran ng performers.


Sey ni Wang, “Magandang umaga sa inyong lahat. Ang video namin ay tungkol sa mga mesa, lalo na para sa mga unang VIP. Kami-kami lang ang nag-ayos at naglinis ng mga ito—ang pamilya ko, ang nanay ko, at ako dahil wala kaming perang ipambayad sa mga trabahador.  Pinaghirapan talaga namin ang comedy bar sa Davao, at nagpapasalamat ako dahil puno na ang VIP section.”


Anyway, taong 2024 nang itayo ni Vice Ganda ang nasabing comedy bar para mabigyan ng trabaho ang mga kasamahan niya sa industriya na nawalan ng regular na pagkakakitaan dahil maraming comedy bars ang nagsara noong pandemya at ang iba ay hindi na nakabalik pa.


Ang regular na nakapuwesto sa Vice Comedy Club ay sina Petite, Donita Nose, Divine Tetay, Negi, Pepay, Makki, Jewel, Anton Diva, MC, Lassy, at Iyah Mina.





BLIND ITEM:

PURING-PURI ng mga taga-production ang kilalang aktres dahil dumarating ito isang oras bago ang call time at nakahanda na kung ano ang gagawin niya sa show.


Pagdating ng kilalang aktres sa set ay bumabati ito sa lahat saka didiretso sa dressing room, at doon na siya sisimulang i-make-up. 


Kapag tinawag na ay tatayo agad at hindi katulad ng ibang artists na magbibilang pa ng kalahating oras bago tumayo dahil busy pang makipagtsikahan sa mga kasama o may kausap sa cellphone.


Madalas gawing laughingstock ang kilalang aktres ng kanyang mga kasama sa show dahil nakitang hindi siya pikon at ginagawa rin nitong biro ang mga mali niya, bagay na ikinatutuwa lalo ng mga kasama niya.


Oo naman dahil kung hindi type ang kilalang aktres ng pinaka-main host ng programa ay malamang tsugi na ito dahil hindi nito bet ang pikon at walang ambag sa show.


Isa rin kami sa mga nakakita ng tunay na ugali ng kilalang aktres off-camera, lalo na noong nagsisimula pa lang siya, na napaka-natural. Kung may pagbabago man siguro ngayon ay aware na siya sa mga taong alam niyang pinaplastik siya kaya umiiwas na.


Hindi man kami nakaranas ng pagiging generous niya tulad ng sinasabi ng mga taga-production at mga taong natulungan niya, hanga kami sa kanya dahil bukal ito sa loob niya at galing lahat sa pinaghirapan niya, at wala siyang hinihinging kapalit.


Kaya kung may mga taong hindi siya gusto, baka kasi misunderstood lang siya?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page