top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT
Search

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 12, 2026



Gretchen Barretto - Instagram

Photo: File / Gretchen Barretto - Instagram



May mga bodyguards si Gretchen Barretto kapag lumalabas at dumadalo sa mga events. Dapat lang naman dahil isa siyang sikat na celebrity at isang multimillionaire, kaya mainit sa mata ng mga taong may masamang tangka.


Kaya, bihirang-bihira na rin siyang magpakita sa publiko ngayon. 

Ganunpaman, dumalo si La Greta sa screening ng ilang Cinemalaya movies, kasama si Tonyboy Cojuangco.


Si Tonyboy ang namamahala ngayon sa Cinemalaya Film Festival. As expected, hindi basta nalalapitan ng mga fans si Gretchen dahil sa mga bodyguards na nakabantay sa kanya.


Naging matipid naman si La Greta sa pagsagot sa mga tanong sa kanya ng media at sinabing happy naman siya ngayon.


Pero wala na raw siyang planong bumalik sa showbiz kahit marami ang nakaka-miss sa kanya. 


Bihirang-bihira na kasi siyang lumabas ngayon. Hindi na rin siya dumadalo sa mga showbiz events, kaya sabik ang lahat na makibalita sa mga kaganapan sa kanyang buhay ngayon.


Well, wala na rin silang isyu ngayon ni Marjorie Barretto, kaya tahimik na ang kanyang mundo.





PARA kay Dennis Trillo, kung sakaling i-revive ang My Husband’s Lover (MHL), na big hit noon sa GMA-7, ang mairerekomenda niyang gumanap sa kanyang role ay si Miguel Tanfelix.


Sila ni Tom Rodriguez ang male lead actors noon sa nasabing serye at kasama nila rito si Carla Abellana. Naging usap-usapan noon ang kakaibang plot ng istorya nito at tumagal ito sa ere.


Napakalakas ng impact nito sa mga televiewers dahil kakaiba ang istorya at magagaling ang mga artistang nagsiganap.


Marahil, kinakitaan ni Dennis si Miguel ng kakaibang galing sa pag-arte kaya pasado para sa kanya.


Well, handa naman kaya si Miguel na gampanan ang daring role na ginampanan noon ni Dennis na maging isang bakla?





MARAMING fans ang nagtatanong kung career move ba para kay David Licauco ang pagpirma niya ng movie contract sa Viva Films. 


Wala bang offer sa kanya ang GMA Pictures, na nagpo-produce na rin ngayon ng pelikula? Hindi na ba masaya ang aktor sa pananatili sa Kapuso Network?


Anyway, pagdating sa pagpo-produce ng pelikula, okey naman ang record ng Viva Films. Humahakot ng awards ang kanilang mga big-budgeted movies. Malalaking artista ang nakakontrata sa kanila.


Deserve naman ni David na ma-experience na magbida sa mga pelikulang babagay sa kanyang personalidad. At hindi naman siguro susugal ang Viva Films kung hindi nila kinakitaan ng potensiyal si David.


Mabigyan lang siya ng tamang pelikula, lalabas din ang kanyang pagiging seryosong aktor. Medyo tahimik lang at may pagka-nonchalant si David pero tiyak na may ibubuga naman siya sa pag-arte. May kakaiba siyang karisma, kaya marami siyang fans na sumusuporta sa kanya.





Todo-iwas magpa-interview… SHAINA, SUPER-TAGAL NA SA SHOWBIZ, ‘DI NAGMAMARKA



  • Shaina Magdayao
    Shaina Magdayao - IG


Matagal nang nag-aartista si Shaina Magdayao. Marami na siyang nagawang serye at pelikula. Kaya nagtataka ang mga netizens kung bakit hindi siya nagmamarka sa publiko at walang gaanong mga fans.


Naungusan na si Shaina ng mga artistang mas bata sa kanya. Ano nga ba ang kulang at mabagal ang usad ng kanyang career?


Seryoso naman siyang aktres kung tutuusin. Namimili ba siya ng project na gagawin? May attitude ba siya at hindi makasundo ng production staff?


Anyway, sa seryeng My Bespren Emman (MBE) ay markado ang role ni Shaina at ngayon na nasa Season 2 na ang serye, may malaking twist at pagbabagong magaganap sa istorya.


Dito ay lalabas ang role ni Shaina bilang isang babaeng palaban. Mapapasabak siya sa maaaksiyong eksena na ikagugulat ng mga viewers.


Puwede namang gumanap si Shaina sa iba’t ibang klaseng roles. Kulang lang siya sa kumpiyansa sa kanyang sarili at todo-iwas din siya sa media.


Well, sa ginanap na Tara Kapatid! 2026 Midyear Media and Trade Celebration ng TV5, agad siyang naglaho at hindi tsumika sa entertainment press.


Bakit parang allergic ang aktres sa mga reporters? Dapat ay dagdagan niya ang kanyang PR sa press people. Wala naman siyang dapat na ikatakot basta maayos ang kanyang pakikisama.


Bakit kaya hindi namana ni Shaina ang pagiging sweet ng kanyang Ate Vina Morales sa mga reporters? Puwede naman niyang pakiusapan ang press kung may mga topics siyang ayaw sagutin.


 
 

ni Mercy Lejarde @Talkies | August 12, 2026



Dennis Trillo sa FTWBA - YT

Photo: Dennis Trillo sa FTWBA - YT



Diretsahang inamin ng aktor na si Dennis Trillo na 100 percent loyal siya sa kanyang asawang aktres na si Jennylyn Mercado.


Sa kanyang guesting sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA), napag-usapan ang tungkol sa loyalty ni Dennis kay Jennylyn at kung paano niya pinapanatiling secure ang kanilang relasyon.


Tinanong siya ng King of Talk na si Boy Abunda, “How loyal are you to Jennylyn Mercado?”

Walang pag-aalinlangang sagot ni Dennis, “Siguro, sa tagal na naming magkasama ni Jen mula noon hanggang ngayon, parang wala naman kayong narinig na naging problema tungkol sa mga ganyan. So siguro, sabihin ko talagang 100 percent loyal.”


Dagdag pa ng aktor, ayaw niyang gumawa ng bagay na maaaring magdulot ng problema sa kanilang pagsasama.


“And ayoko nang magkaroon ng iba pang problema kung magloloko man ako or ano. Ayoko, ‘di ko na maa-afford ‘yun sa dami ng ginagawa ko,” ani Dennis.


Hindi rin pinalampas ni Boy ang pagkakataong tanungin kung nabigyan na ba niya ng dahilan si Jennylyn para magselos nang malala.


“‘Di mo pa nabibigyan ng pagkakataon na talagang magselos nang malala si Jennylyn?” tanong ni Boy.


Ayon kay Dennis, hangga’t maaari ay ayaw niyang bigyan ng dahilan ang kanyang misis para makaramdam ng selos o pagdududa.


“Ayoko na s’yang bigyan ng mga dahilan para magselos. Unang-una, Tito Boy, kumbaga, sinisiguro ko na lahat ng kilos ko, alam n’ya, na ‘di n’ya pag-iisipan ng kahit na ano,” ani Dennis.


Ipinaliwanag din ni Dennis na mahalaga sa kanya na magkaroon ng peace of mind si Jennylyn pagdating sa kanilang relasyon.


“Gusto ko, secured ‘yung utak n’ya. Meron s’yang peace of mind na kahit may gawin, eksena na ganito, secured pa rin s’ya sa asawa n’ya,” aniya.


Sa panayam, napag-usapan din ang paraan ni Dennis ng pag-iwas kapag may babaeng lumalapit o nagpapakita ng interes sa kanya.


Tinanong siya ni Boy, “Guwapo ka at alam ng lahat ‘yan sa industriya. Ano’ng ginagawa mo ‘pag nilalandi ka?”


Sagot ni Dennis, “‘Di ko na lang pinapansin, Tito Boy. Nangyari na rin ‘yung ganu’n. ‘Di ko masyadong iniisip. Siguro, sa umpisa, mapa-flatter ka, pero ‘pag inisip mo ‘yung mga consequence na maaaring mangyari ‘pag may ginawa kang ‘di maganda, kumbaga, du’n pa lang, alam ko nang ‘di para sa akin. Ayoko na ng gulo.”


Hirit naman ni Boy, “Tama naman. Oo, because again, you’re making a difficult choice. Pero kung alam mo kung nasaan ka, alam mo rin kung saan ka pupuwesto, ‘di ba?”


Sagot ni Dennis, “At alam mo kung kuntento ka. Tama. At alam mo ‘yun—honest at loyal.”

Tinanong naman ni Boy kung napag-uusapan ba nila ni Jen ang tungkol sa kanilang mga nakaraang relasyon.


“Napag-usapan din po, pero minabuti namin na ‘di na lang s’ya maging topic palagi dahil feeling ko, ‘di naman din makakatulong dahil tapos na, eh. Unless may mga problema na kailangang i-resolve,” saad ni Dennis.


Well, big tumpak ka riyan, Dennis! Wala nang dahilan para pag-usapan pa ang mga nakaraang relasyon dahil past is past. 

Pak, tumpak! ‘Di ba naman, madlang people?





Sa loob ng maraming taon, buong puso at katapatan na ipinamalas ng icon na si Imelda Papin ang tunay na diwa ng paglilingkod sa bayan, pamumunong may malasakit, at walang sawang pagtulong sa kapwa Pilipino.


Bilang Board Director ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), naging bahagi siya ng mga programang nagbibigay ng tulong medikal, panlipunan, at pinansiyal sa mga Pilipinong nangangailangan. 


Sa kanyang paglilingkod, ginamit niya ang kanyang impluwensiya upang itaguyod ang mga gawaing pangkawanggawa, pagkakaisa at paglingap sa mga nangangailangan.


Bilang pagkilala sa kanyang panghabambuhay na dedikasyon sa serbisyo, malasakit sa kapwa, huwarang pamumuno, at mahalagang ambag sa bayan, buong-pagmamalaking iginagawad ng Gawad Parangal ng Bayaning Pilipino kay Imelda Papin ang Lifetime Achievement Award bilang Huwaran sa Serbisyong Pampubliko at Serbisyong Pantao.


Ang kanyang buhay ay patunay na ang tunay na kadakilaan ay nasusukat sa mga buhay na natulungan, mga pusong napasigla, at pag-asang naibahagi sa kapwa.

Aniya, “Ang tunay na bayani ay yaong ginagawang gawa ang malasakit at iniiwan ang pamana ng paglilingkod at pag-asa.”


Sa Gawad Parangal ng Bayaning Pilipino, pinararangalan si Imelda Papin bilang isang huwaran ng malasakit, paglilingkod, at pagmamahal sa bayan.

Congratulations, Mel! You truly deserve this recognition.

‘Yun lang, and I thank you.


 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 12, 2026



Luis Alandy - IG

Photo: FB Angel Locsin


Sa unang pagkakataon ay kinlaro ng aktor na si Luis Alandy o Adrian Alandy ang tungkol sa blind item ng aktres na si Beauty Gonzalez na may co-actor siyang nakaeksena na may bad breath, at nagbigay pa ng clue na nagsisimula ang pangalan nito sa letrang A.


Naging viral ito at kani-kanyang hula ang mga netizens kung sino si A. 

At dahil may naging post si Adrian o Luis ng: “Oks ka na? Masaya na?” ay may mga naghaka-haka na siya ang tinukoy ni Beauty.


Nagkasama sina Beauty at Adrian sa GMA series na House of Lies (HOL) mula Enero hanggang Mayo, 2026.


Sa maiksing sagot ni Adrian ay umiwas na si Beauty na magsalita sa mga nagtatanong sa kanya.


At sa kuwentuhan nina Adrian, Stanley Chi at Benjie Paras para sa online show na Men’s Room na mapapanood sa One News PH YouTube (YT) channel ay napag-usapan nila ito.


“In-interview kasi si Beauty sa isang show at parang tinanong s’ya kung may artistang mabaho o mabahong hininga. ‘Di ko alam (buong tanong), ‘di ko napanood ‘yung segment, pero nagbigay s’ya ng initial, tama ba?


“‘Di ko alam ‘A’ yata ‘yung sinabi n’ya, so nag-assume na ‘yung mga tao na ako. Pero nag-message sa akin si Beauty na, ‘Oo, may lumalabas na ikaw ‘yung pinangalanan ko.’ Sabi ko naman, ‘Oo nga, never naman, saka kumpiyansa naman ako sa sarili ko o siguro, kung ako man, o siguro, may time na madaling-araw o ano, pero never. At sa tagal ko na sa industriya, wala namang ganu’ng tsismis, saka… (natawa),’” esplika ni Alandy.


Humirit si Benjie, “Ako, katabi kita, wala naman (naamoy), ang bangu-bango mo nga.”

“Hahaha! Amoy kape lang,” sabi ng aktor.


“Sa totoo lang, wala nga raw letter ‘A’ sa first name at ang ikinaganda lang ng article na ‘yan o tsismis na ‘yan na ipine-presume ng tao na may bad breath, s’yempre, as an actor, kailangan ko ring maging aware, lalo na kung sino ang makakausap mo. S’yempre, iisipin na bad breath ka kaya kailangan, mas maging aware ka na sa hygiene mo,” pahayag ni Alandy.


Nagkuwento naman si Benjie na minsan daw ay nagkatuwaan sila habang nasa set na nagmeryenda sila ng mangga at bagoong at usapang walang magtu-toothbrush.

“Galing kasi sila sa comedy o sitcom kaya puro sila kalokohan talaga,” katwiran ni Alandy.


Going back to Beauty ay hindi na rin tinanong ni Alandy kung sino ‘yung naka-work nito na may bad breath.


“Inano ko na lang, take it constructively,” saad ng aktor.





Luging-lugi! SIKAT NA AKTRES, SOBRANG KURIPOT, BAYAD SA STYLIST, KULANG PA PANG-GRAB KAYA INAYAWAN NA






BLIND ITEM:


Hindi na binalikan ng kilalang stylist ang sikat na aktres dahil sobrang baba raw nitong magbayad kapag kinukuha siya sa event.


Naging magkaibigan ang stylist at sikat na aktres nang gumawa sila ng pelikula at dahil nagustuhan ng huli ang una ay kinomisyon niya itong siya na ang magbibihis sa kanya kapag may mga dinadaluhang events.


Nagulat lang ang stylist dahil nu’ng bayaran na siya ng aktres ay kulang pa sa pamasahe ang ibinigay sa kanya.


Nagulat din kami at nalaman naming hindi niya binanggit ang talent fee (TF) sa kilalang aktres kaya siguro inakala ng huli na okay na sa kanya ang bayad na wala pang dalawang libong piso.


“Alam n’yang mahal ang professional fee namin sa events dahil nagkasama na kami, pero nagulat talaga ako. ‘Teh, kulang pang pang-Grab, taga-South ako. Ano, one-way lang ‘yung dalawang libo?” iritableng sabi ng stylist.


Nakadalawang events pa ang kilalang aktres sa stylist na pareho pa rin ang bayad kaya nu’ng muli s’yang tinawagan ay hindi na siya sumipot at nagdahilang marami siyang ginagawa.


“Kaya tingnan mo ‘yung mga ginagamit n’ya ngayon sa mga pinupuntahan n’ya, ang layo sa dati,” sabi pa ng stylist.


May pinanood kaming vlog na guest ang sikat na aktres at nagulat kami. Parang maggo-grocery ang suot na damit at parang hindi rin nag-make-up dahil namumutla ang hitsura.


“‘Yan ang napapala ng ‘di nagbabayad nang tama. Siguro, pati make-up, nagkukuripot s’ya,” kuwento ulit ng stylist.


Sa pagkakaalam namin ay may pera at malaki ang TF ng kilalang aktres kaya nakapagtataka na ganito siya magbayad sa professional fee ng mga taong nakakatulong sa imahe niya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page