top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT
Search

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 15, 2026



TEKA NGA - IVANA, MAY P519 MILYON NA RAW-IG _ivanaalawi

Photo: IG _ivanaalawi



Totoo kaya na ang net worth ni Ivana Alawi ngayon ay umabot na sa P519 million? 

Well, if true, hindi nakapagtataka dahil may collection na siya ng mga luxury bags na milyun-milyon ang halaga.


Ang pinakamahal niyang Hermès bag ay ang Hermès Himalayan crocodile Kelly, na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P25 million. Meron na kaya nito sina Heart Evangelista, Jinkee Pacquiao o Zeinab Harake?


Anyway, pinaghirapan naman ni Ivana ang kinikita niyang milyones ngayon. Deserve niyang regaluhan ang sarili.


Besides, ibinabahagi naman ni Ivana sa mga nangangailangan kapag kumikita siya nang malaki sa kanyang vlogs. Marami na siyang natulungan at nabigyan ng ayuda.


Noon pang panahon ng COVID-19 pandemic ay tumutulong na siya at namimigay ng bigas, groceries at cash sa mga mahihirap, pati mga delivery rider ay kanyang natulungan. 


At may mahihirap na estudyante na nabigyan niya ng laptop at iPhone 17. Kaya naman, patuloy na dumarating ang blessings sa buhay ni Ivana. Kahit hindi na siya mag-showbiz, paldung-paldo na siya!





Sa pagpirma ni Vice Ganda ng kontrata sa MediaQuest Holdings, Inc. ni Mr. Manny V. Pangilinan, marami ang nagtatanong kung kakayanin pa kaya ng katawan niya ang malaking responsibilidad na nakaatang sa kanyang balikat?


Kare-renew lang ni VG ng kontrata sa Kapamilya Network, habang napapanood naman siya sa GMA-7 sa pamamagitan ng It’s Showtime (IS).


Sa noontime show ay siya ang tumatayong poste, kaya obligado siyang sumipot at mag-host araw-araw. Ito dapat ang kanyang maging prayoridad. 


Sa MediaQuest naman ay hindi lang isa ang show na kanyang gagawin. Magbabahagi rin siya ng iba pang shows sa TV5.


Fully loaded ang schedule ni Vice Ganda sa buong 2026, kaya naman bawal siyang magkasakit at hindi rin siya puwedeng basta na lang magbakasyon.


Kaya ang tanong ng marami ay kung kakayanin ba ni Vice Ganda ang workload niya ngayon. Plus, may movie pa sila ni Bossing Vic Sotto na kasali sa darating na Metro Manila Film Festival (MMFF) 2026.





Gustong maging Navy Reservist…

KYLINE, MAHUSAY BUMARIL 



MAHUSAY palang bumaril si Kyline Alcantara, at nagamit niya ito sa kanyang role sa Taskforce Firewall (TF) dahil napasabak siya sa pakikipagbarilan.


Mismong si Kylie Padilla ang nagpapatunay na magaling bumaril ang aktres, matatag daw ang pulso niya sa paghawak ng baril. At tama lang na napasama siya sa Team Firewall.


Sey naman ni Kyline, talagang sport niya ang firing at madalas siyang nagte-training sa paghawak ng baril. Balak din niyang maging Navy reservist.


Astig pala si Kyline at hindi lang sa drama siya magaling. Tulad ni Kylie Padilla, puwede rin siyang action star.


Sana, sa next project niya sa GMA-7, siya na ang lead star. Matagal na rin naman siyang Kapuso artist. 





MAY mga viewers ang nagtatanong kung bakit hindi nauubusan ng kuwento ang sitcom na Pepito Manaloto (PM). Mahigit 15 years na ito sa ere, pero nananatili itong napapanood tuwing Sabado sa GMA-7. 


Bukod kina Michael V., Manilyn Reynes, Nova Villa, Ronnie Henares, Jake Vargas at Chariz Solomon, wala naman nang malalaking artista na kasama sa cast. Minsan ay may mga guests din, pero may mga episodes na sila-sila ang bumubuo ng istorya. 


Parte rin ng PM sina Angel Satsumi, Mosang, John Feir, Janna Dominguez, Arthur Solinap at Maureen Larrazabal.


Ganunpaman, nananatiling mataas ang ratings ng PM dahil nakaka-relate ang mga viewers sa bawat episode. 


Si Michael V., bilang creative consultant, ay bihasa sa buhay-buhay ng mga tao sa kanyang paligid. Sa kanila siya kumukuha ng mga idea o sitwasyon na ginagamit niya sa comedy-drama series.


Simpleng-simple lang ang kuwento ng PM, pero may aral na maibabahagi sa mga viewers. Ito ang sikreto ng tagumpay ng show.

 
 

ni Mercy Lejarde @Talkies | August 15, 2026



Zoren sa FTWBA

Photo: FTWBA



Inamin ni Zoren Legaspi na hindi pa siya handang maging father-in-law sakaling dumating ang panahon na magkaroon ng asawa ang kanyang mga anak. 


Sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA), diretsahang tinanong ng King of Talk na si Boy Abunda si Zoren, “Yes or no, ready nang maging father-in-law?”


Walang pag-aalinlangan ang naging sagot ng aktor, “Nope. No. No.” 

Sa panayam, napag-usapan din ang magkakapatid na Legaspi — sina Zoren, Kier, Brando at Jippy na pawang mga anak ng yumaong aktor na si Lito Legaspi (SLN).


“Naalala ko, tatlo kayong magkakapatid — si Kier, ikaw, at si Brando. Sino ‘yung lapitin ng mga bakla?” tanong ni Boy.


Natatawang sagot ni Zoren, “Actually, parang kaming tatlo. Natatandaan ko nu’n, may business kasi ang erpat (tatay) ko sa Sta. Mesa. May game room du’n. Alam mo ‘yung Pac-Man, uso pa noon ang mga game room. So, tatawid kami ru’n.”


Ikinuwento ni Zoren na bago sila tumawid patungo sa game room ay may parlor silang dinaraanan.


“Bago kami tumawid du’n, may parlor kaming tatawiran, eh. Ano na, alam mo na? Nagsumbong kami sa erpat namin,” kuwento niya.


Ayon kay Zoren, hindi naman umano seryoso ang mga pangyayari at madalas lamang silang inaasar dahil puro lalaki ang magkakapatid at para silang magkakaibigan.

“Oo, ganu’n. Kinakatuwaan lang kami kasi puro lalaki. Para kaming magbabarkada,” dagdag niya.


Dito naman nagbiro si Boy, “At ang guguwapo ninyo.”

Sinang-ayunan naman ito ni Zoren at ikinuwento kung paano sila naging malapit na magkakapatid.


“Kaya kami lumaki ngayon na ‘di kami mabarkada kasi kaming apat mismo, magbabarkada na sa parties. Nag-start kami nang maaga, 16 years old, nagpa-party na kami sa Chicago nu’n,” saad ni Zoren.


Ibinahagi rin ni Zoren sa nasabing panayam na hindi niya binigyan ng dahilan ang asawang aktres na si Carmina Villarroel na makaramdam ng selos.


Tanong ni Boy, “Binigyan mo na ba si Mina ng dahilan para magselos?”

Saad ni Zoren, “As far as I know, wala pa, wala.”


Dagdag na tanong ni Boy, “Ikaw ba, kinakausap mo si Mina tungkol kay BB Gandanghari (dating Rustom Padilla)?”


Sagot ni Zoren, “Ah, very seldom. Not unless, you know, lumabas or i-pop-up ‘yung mga whatever. But at the end of the day, I never, you know, Tito Boy, honestly, ‘di ko alam ‘yung history nila. I never ask.”


Hirit ni Boy, “Pero sadya ‘yun?”


Sagot ni Zoren, “Because if you’re not happy with your past, bakit ko ipapakuwento sa ‘yo ‘yung malungkot mong nakaraan?”


Well, may katwiran ang katwiran ng guwapong aktor na si Zoren. 

‘Di ba naman, madlang people?

 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | August 15, 2026



Derek Ramsay-IG @ramsayderek07

Photo: IG @ramsayderek07



Palaisipan nu’ng una kung sino ang aktor at negosyanteng tinutukoy ng Land Transportation Office (LTO) na may-ari ng supercar na gumamit ng pekeng plaka kaya sinuspinde umano ang lisensiya ng driver habang in-impound naman ang naturang sasakyan.


Nang maglabas kasi ng direktiba ang LTO Chief na si Assistant Secretary Markus V. Lacanilao na inisyuhan ng Show Cause Order (SCO) ang rehistradong may-ari at itinalagang drayber ng isang supercar matapos matukoy na gumagamit ito ng pekeng plaka habang bumibiyahe sa pampublikong kalsada, hindi pinangalanan ang subject.


Sa isinagawang beripikasyon ng LTO, natukoy na ang plate number na ginagamit ng naturang sasakyan ay may ibang alphanumeric combination kumpara sa orihinal na motor vehicle license plate number na nakatalaga rito. 


Kaugnay nito, inatasan ang rehistradong may-ari at itinalagang drayber na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) at magsumite ng beripikado o sinumpaang paliwanag kaugnay ng posibleng paglabag sa Use of Number Plates, gayundin upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanilang lisensiya dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.


Samantala, isinailalim sa 90-araw na preventive suspension ang driver’s license ng itinalagang drayber at inatasang isuko ito sa IID. Ang naturang supercar ay inilagay din sa alarm status, at inatasan ang Law Enforcement Service (LES) na ipatupad ang pag-impound sa nasabing sasakyan.


Pahayag ni Asec. Lacanilao, “Walang VIP sa pagpapatupad ng batas. Kahit sino pa ang sangkot, kapag napatunayang lumabag, haharap sa kaukulang pananagutan. Hindi magdadalawang-isip ang LTO na kumilos laban sa sinumang lalabag sa ating mga patakaran. Walang palakasan, walang palusot, at walang exemption. Ang paggamit ng pekeng plaka at pag-iwas sa mga obligasyong dapat tuparin ay hindi pinapalampas ng LTO.”


Bagama’t walang tinukoy ang LTO chief, pinangalanan naman sa artikulong inilabas ng Bilyonaryo.com ang aktor na si Derek Ramsay na siyang may-ari ng naturang supercar.

Sinubukan naming kunin ang panig ni Derek kaya ipinadala namin sa kanya sa pamamagitan ng Facebook Messenger ang link ng naturang balita na lumabas online.


Gayunpaman, wala kaming natanggap na sagot mula sa aktor, bagama’t nakita naming ‘seen’ naman niya ang aming mensahe.


Inisip na lang naming hindi pa handang magbigay ng statement sa ngayon si Derek at baka kumonsulta muna ng lawyer bago maglabas ng anumang pahayag kaugnay ng isyu. 


Pero anumang oras, bukas ang aming pahayagan para sa kanyang panig.





Nasa’n ang hustisya? GUWAPONG AKTOR, BINIGYAN NG MAMAHALING KOTSE NG RICH SUGAR MOMMY, NAHULI NG ANAK, PINABABA



Blind item


BLIND ITEM:


TOTOONG-TOTOO ang kasabihang “Pera na, naging bato pa!” sa nangyari sa isang guwapong aktor na akala ay naka-jackpot na sa kanyang madatung na sugar mommy, pero ang ending, luhaan pala siyang uuwi.


May ilang buwan na rin ang clandestine affair ng guwapong aktor at ng rich businesswoman na azucarera de mama niya ngayon. 


Sikat at magaling namang umarte ang aktor, pero dahil siguro sa image niyang madalas ma-link sa mga bading, hindi siya mai-push nang husto ng kanyang mother network kaya hindi nagtutuluy-tuloy ang mga projects niya.


Natural, kung wala siyang steady job, saan nga ba siya kukuha ng pambayad sa bills niya? 


So, alam n’yo na kung bakit puwede siya sa bading, puwede rin sa mga girlalu na mas may-edad sa kanya. 


In short, basta may pera at kayang ibigay ang mga needs at luho niya, go na go siya, performance level to the max!


So, eto na nga, tuwang-tuwa ang guwapong aktor dahil may daily supply of food na siya mula sa rich businesswoman, spoiled pa siya kung ano’ng hilingin niya.

One time, habang super enjoy si guwapong aktor sa pagda-drive sa bagong mamahaling kotse na bigay sa kanya ng kanyang azucarera de mama, eh, bigla na lang silang hinarang at pinatigil ng anak na babae ng businesswoman.


Nabukelya pala ng anak ang illicit affair nila at nalamang binigyan siya ng kotse ng madatung nitong mudrakels, kaya ayun, masakit man sa kanyang loob, no choice siya nang pababain sa mamahaling karu!

Aguuuy! Nasaan ang hustisya ngani?!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page