@Editorial | August 8, 2023
Target ng gobyerno na magkaroon ng halos P16 bilyong panukalang pondo para sa feeding program ng mga bata sa mga paaralan para sa susunod na taon.
Ito ay 45% o P4.9B na mas mataas kumpara sa aprubadong alokasyong pondo para ngayong taon na mayroon lamang P10.89B.
Maaari umanong may katumbas na 857 million meals ang pondong P15.795 billion para sa 2024 upang gawing malusog ang mga batang kulang sa nutrisyon.
Base sa 2024 National Expenditure Program, humiling ang Department of Education (DepEd) ng P11.711B para sa feeding program nito sa mga paaralan habang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman ay humiling ng P4.084B para sa kanilang supplementary feeding program.
Sa kasalukuyang taon, base sa data, nakapagbigay ang DepEd sa mahigit 1.6 milyong estudyante ng isang meal kada araw sa loob ng 120 araw habang ang DSWD naman ay nakapamahagi ng isang meal para sa 120 araw sa mahigit 1.7 milyong benepisyaryo.
Ayon sa DepEd, bahagi ng kanilang programa ang mga estudyante mula kindergarten hanggang Grade 6 mula sa mahihirap na pamilya at sa mga batang dumaranas ng pagkabansot.
Habang sa supplemental feeding program naman ng DSWD ay para sa mga batang edad 3 hanggang 5 na nasa daycare at iba pang child development centers.
Masasabing magandang programa ito lalo na kung mas mapapalawak. Kahit paano ay maiibsan ang gutom o kakulangan sa nutrisyon ng mga bata.
Umaasa tayo na magagamit nang maayos at magiging mas kapaki-pakinabang ang nasabing pondo. At masasabi nating tagumpay ang programa kung may magandang resulta at may resibo.