@Editorial | October 04, 2023
Nasa P23.62 bilyong halaga ng narcotics umano ang nasabat ng mga awtoridad mula nang magsimula ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Umabot umano sa 61,269 ang mga naarestong suspek, kabilang ang 4,174 high-value targets (HVTs), sa 44,338 anti-illegal drugs operations mula Hulyo 1, 2022 hanggang Setyembre 30 ngayong taon, ayon sa pinakahuling datos ng PDEA.
Nasa 683 drug den at isang clandestine shabu laboratory din ang nalinis ng mga awtoridad sa parehong panahon.
Kinumpirma rin ng PDEA na hindi bababa sa 27,748 sa 42,046 na barangay ang idineklarang drug-cleared, habang 7,785 pa rin ang apektado ng droga.
Hindi natin maikakaila na mas lumalakas ang mga sindikato ng ilegal na droga, at hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang pagkalat ng mga ilegal na gamot at tila nakakalusot sa batas.
Wala rin tayong nababalitaan na napaparusahang drug lords at narco-politicians, bagay na nakapanlulumo.
Mukhang kailangan na ng kamay na bakal ng gobyerno laban sa lumalaganap na ilegal na droga.
Panawagan natin sa gobyerno, gumawa sana ng mas epektibong hakbang upang mapigilan ang pagpupuslit ng mga ipinagbabawal na gamot sa bansa. Sampulan ang mga sangkot, walang palalampasin.