@Editorial | October 25, 2023
Kasabay ng umiinit na tunggalian para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), kailangan ding paghandaan ang nalalapit na Undas.
Sa ngayon, hindi bababa sa 1,400 Metropolitan Manila Development Authority enforcers ang ipapakalat sa darating na Undas break.
Magpapatupad ang ahensya ng “no leave, no absent” policy para matiyak ang presensya ng mga enforcer sa lansangan. Sa pamamagitan nito, magiging maayos ang paggunita sa All Souls’ and Saints’ Days sa Nobyembre 1 at 2. May mga mahihingan ng tulong mula sa simpleng pangangailangan hanggang sa kumplikadong sitwasyon.
Umaasa tayo na mas maayos at ligtas ang paggunita ngayong taon at sana naman ay hindi madagdagan ang mga bibisitahing puntod dulot ng karahasan sa halalan.
Batid naman natin na halos araw-araw ay may napapatay na kandidato. Ganito kagrabe ang pulitika ‘pag hindi marunong lumaban nang patas ang kalaban. Kaya dapat magdoble-ingat at magdasal.
Para naman sa mga sangkot sa kaguluhan, panawagan natin sa pamahalaan na umaksyon agad at ipataw ang parusang nararapat.
Mabago na sana ang maruming kalakaran at bulok na sistema. Bigyan naman natin ng dangal ang halalan. Pumili ng mga karapat-dapat na lider na totoong mangunguna sa pag-angat sa ating bayan.