top of page
Search

by Info @Editorial | November 24, 2025



Editorial


Mas dumarami na ang nag-o-online shopping para sa regalo. Kasabay nito, nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na inaasahang mas dadami ang mga scammer na mananamantala sa holiday rush. 


Sa gitna ng mga “big sale”, “flash deal” at “exclusive promo” madaling mahulog sa bitag ng panloloko — lalo na kung nagmamadali o naghahanap ng pinakamababang presyo.Hindi na bago ang modus. May mga pekeng online store, bogus riders, phishing links, at delivery scams na biglang sumusulpot tuwing peak season. Ngunit taun-taon ay marami pa ring nabibiktima.


Malinaw na mas mabilis ang pag-unlad ng panloloko kaysa sa pag-iingat ng mamimili.Kaya’t napakahalaga ng paalala na hindi sapat ang pagiging matalino sa pagpili—kailangan ding maging mapanuri at maingat. 


Sa panahon ngayon, may mga ‘click’ na may katapat na panganib. Dapat tiyaking nasa lehitimong platform ang transaksyon, i-verify ang seller, at gamitin lamang ang secure na payment channels. Higit sa lahat, huwag kailanman magbibigay ng sensitibong impormasyon tulad ng OTP o PIN.


Gayunman, hindi dapat ibunton ang buong responsibilidad sa mamimili. May tungkulin din ang pamahalaan na palakasin pa ang kampanya laban sa cybercrime. 

Kailangan ding higpitan ng mga online marketplace ang kanilang verification system at agarang tumugon sa reklamo ng publiko. 


Ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan, hindi pananamantala. Hindi dapat maging normal ang takot sa online shopping. Kung magtutulungan ang gobyerno, mga platform, at mamimili, maiiwasan ang panlilinlang at masisiguro ang ligtas at masayang pagdiriwang.


 
 

by Info @Editorial | November 23, 2025



Editorial


Isang 16-anyos na estudyante ang umamin na siya ang nagpakalat ng bomb threat sa kanyang paaralan. Ang idinahilan ng menor-de-edad sa mga pulis ay bored lang siya.


Nakapanlulumo ang mga kabataan na ginagawa itong trip o biro, paraan ng pagpapasikat, o pagtakas sa exam. Anumang dahilan, malinaw na hindi ito nakakatuwa. Una, ang pagpapakalat ng bomb threat ay krimen. Hindi ito simpleng kalokohan; may kaakibat itong mabigat na parusa sa batas. 


Kaya’t ang sinumang nagkakalat nito, estudyante man o hindi, ay maaaring harapin ang seryosong kaso, dapat lang na tuluyan. 


Hindi maaaring gamiting palusot ang “joke lang” kung ang resulta ay takot, pagkagambala, at pagkakagastos ng pamahalaan at paaralan.Ikalawa, ang ganitong aksyon ay pumipinsala sa komunidad. Kapag may bomb threat, nagsasagawa ng evacuations, kanselasyon ng klase, pagpasok ng pulis at bomb squad — lahat ito ay nagdudulot ng kaba, pagkaantala ng pag-aaral, at pag-aaksaya ng oras at pera. 


Isipin ang guro, magulang, at kapwa estudyante na nababalot ng nerbiyos dahil lamang sa iresponsableng gawa.Ikatlo, bilang kabataan na itinuturing na pag-asa ng bayan, dapat ay tularan sa pagiging responsable, hindi ang paglikha ng kaguluhan. 

Sa panahon ngayon, mas lalong kailangan ang pag-iingat sa salita at gawa. 

 
 

by Info @Editorial | November 22, 2025



Editorial


Sa gitna ng kontrobersiya sa pondo at proyekto sa ilang ahensya ng gobyerno, isa pa sa pinangangambahan ay ang sa Department of Health (DOH) kaugnay ng umano’y hindi patas na proseso ng pagba-budget para sa mga ospital. 


Sinasabing mas napapaboran ang malalaking medical centers kaysa sa maliliit na ospital sa malalayong lugar sa bansa. Matagal na umanong napapansin ang malalaking agwat sa pagpopondo.Kinuwestiyon din ang pamahalaan hinggil sa kawalan pa rin ng tertiary hospitals sa ilang rehiyon, sa kabila ng tinatayang P190 billion pondo para sa

health facility investments sa nakalipas na 15 taon.Tila may problema talaga sa sistema.


Mas napapaboran ang mataong sentro kaysa sa mga lugar na mas nangangailangan ng tulong. 


Dahil dito, lumalawak ang agwat ng kalidad ng serbisyong pangkalusugan — at ang kawalan ng tiwala ng publiko sa pamahalaan.Kung sinasabi ng gobyerno na prayoridad ang kalusugan, dapat ay makita ito sa paglalaan ng pondo. Hindi dapat maging depensa ang kakapusan lalo’t tumambad na ang bilyones na napupunta lang sa bulsa ng iilan.


Hindi makatarungan na may mga ospital na modernong-moderno habang ang iba ay kulang sa gamot, kama, at tauhan.


Kung seryoso ang pamahalaan na pagandahin ang serbisyo, unahin ang mga ospital na matagal nang nakakalimutan. 


Ang pantay na access sa kalusugan ay hindi luho, ito’y karapatan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page