top of page
Search

by Info @Editorial | October 29, 2025



Editorial



Tuwing Undas, milyun-milyong Pilipino ang sabay-sabay na bumibisita sa mga sementeryo upang alalahanin ang mga pumanaw na mahal sa buhay. 

Dahil dito, hindi maiiwasan ang siksikan, trapiko, at ilang insidente ng krimen o aksidente. 


At hindi lamang tungkulin ng pulisya o ng gobyerno ang pagpapanatili ng kaayusan. Responsibilidad din ng bawat isa ang maging maingat, responsable at disiplinado. 


Ang pagsunod sa mga alituntunin tulad ng pagbabawal sa alak, patalim o malalakas na tugtugin sa sementeryo ay simpleng paraan para mapanatili ang kapayapaan at kabanalan ng okasyon. Ang Undas ay panahon ng paggunita, hindi ng kaguluhan. 

Kung magtutulungan ang lahat, maiiwasan ang anumang abala at mas magiging makabuluhan ang ating pag-alala. 


Tunay nating maipapakita ang paggalang hindi lang sa mga yumao, kundi pati na rin sa mga buhay na nakikibahagi sa tradisyong ito.


 
 

by Info @Editorial | October 28, 2025



Editorial


Dumadaing ang mga rice retailer. 

Anila, mahal na ang bagsak ng bigas mula sa mga supplier. 


Bago pa man makarating sa palengke, mataas na ang presyo, kaya’t wala nang halos maipantapat na tubo ang mga nagtitinda. 


Kapag tinaasan nila ang presyo upang makabawi, umaaray ang mamimili; kapag hindi, sila naman ang lugi. Sa huli, parehong talo ang negosyante at ang karaniwang Pilipino.


Ang bigas, na dating simbolo ng kasaganahan, ngayo’y tila nagiging simbolo ng kahirapan. 


Ang bawat pagtaas ng presyo ay dagdag-pasanin sa mga pamilyang namumuhay sa arawang kita. 


Ngunit paano nga ba ito maaayos kung ang mismong supplier ay nagbebenta na ng mahal dahil sa mataas na gastusin sa produksyon, kakulangan ng suplay, at pagtaas ng presyo ng krudo at abono?


Dapat kumilos ang gobyerno upang tiyakin na hindi lamang ang mga mamimili ang nabibigyang pansin, kundi pati na rin ang mga retailer na nagsisilbing tulay sa pagitan ng magsasaka at ng merkado. 


Kailangang imbestigahan kung bakit tumataas ang presyo mula sa mga supplier, at kung may nananamantala ba sa sitwasyon.


Hindi makatarungan na sa bawat pagtaas ng presyo ng bigas, taumbayan lagi ang talo. Kung tunay na hangad ng pamahalaan ang murang pagkain sa bawat hapag, dapat nitong pagtuunan ng pansin ang ugat ng problema.

 
 

by Info @Editorial | October 26, 2025



Editorial


Sa panahon ngayon, hindi na maitatanggi ang lumalalang problema sa kalusugang pangkaisipan ng kabataan. 


Sa bawat paaralan, tahanan, at komunidad, may mga kabataang tahimik na nakikipaglaban sa depresyon, pagkabalisa, at iba pang suliraning emosyonal — ngunit madalas ay hindi sila nauunawaan o napapakinggan. Sa halip na pagkalinga, madalas ay panghuhusga ang kanilang natatanggap lalo na sa social media.


Dapat nang kilalanin ng lipunan na ang mental health ay kasinghalaga ng pisikal na kalusugan. Hindi ito kahinaan, kundi isang bahagi ng pagiging tao na nangangailangan ng malasakit at suporta. 


Nakababahala na marami pa rin ang kulang sa kaalaman tungkol sa mga senyales ng mental health issues. Dahil dito, maraming kabataan ang hindi nakakakuha ng agarang tulong.


Kailangang magkaisa ang pamahalaan, paaralan, at pamilya sa pagtugon sa krisis na ito. 


Dapat palawakin ang mga mental health program — mga counseling service, awareness campaign, at pagsasanay para sa mga guro upang matukoy ang mga batang nangangailangan ng tulong. 


Dapat ding tiyakin ng gobyerno na may sapat na mental health professionals sa mga pampublikong institusyon upang madaling ma-access ng kabataan ang serbisyong ito.

Higit sa lahat, isaisip sana natin na ang simpleng pakikinig, pang-unawa, at pakikipag-usap ay malaking hakbang na patungo sa kanilang paghilom.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page