@Editorial | July 15, 2023
Nasa kahihiyan na naman ang hanay ng Philippine National Police (PNP) dahil sa iilang bulok, kapalmuks at walang konsensyang pulis.
Na-hulicam ang ginawang pagpasok ng limang pulis na pawang mga nakasibilyan sa isang computer shop. Ang siste, katulad ng mga naunang insidente ng hulidap.
Aakusahan ang negosyante na sangkot sa ilegal na gawain, tatakutin sabay hihiritan ng pera para hindi tuluyan.
Ang malala rito sa huling kaso, hindi lang basta nilimas ang kita ng computer shop, may bilin pa sa may-ari na magbigay ng P4,000 lingguhang ‘proteksyon’, gawain ba ‘yan ng matinong pulis?
May mga bulok pa ring ‘kamatis’ sa PNP.
Sa ngayon, pinatutugis na ni PNP Chief General Benjamin Acorda, Jr. ang limang pulis-Maynila na sabit sa robbery-extortion.
Inutusan na ang Manila Police District, PNP-Intelligence Group at Criminal Investigation and Detection Group para hanapin ang lima.
Kaugnay nito, sinibak naman ang lahat ng mga nakatalaga sa Manila Police District Intelligence Operations Unit dahil sa insidente.
Nakapanlulumo na ang mga inaasahang tagapagpatupad ng batas ay sila pa ang lumalabag.
Paano nakakalusot ang mga ganitong klase ng mga pulis? Saan o kanino kaya sila humuhugot ng lakas ng loob at kapal ng mukha para gumawa ng ilegal na gawain?
Kaya hamon sa pinuno ng kapulisan, linisin ang inyong hanay, pagsisipain na ang mga bulok bago pa makapanghawa ng iba.