top of page
Search

ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | June 9, 2024



Kuwento ng Buhay at Pag-Ibig

Dear Sister Isabel,


Hindi ko alam kung paano ko uumpisahan ang kuwento na gusto kong ibahagi sa inyo, dahil naguguluhan ako sa sitwasyon ko ngayon. 


Ang hirap pa lang magpakabanal no? Dati akong makasalanan ngunit dahil gusto kong magbago at mabawasan kahit kaunti ang mga nagawa kong kasalanan noon, pilit kong binabago ang mga bagay na nakasanayan ko noon. 


Marami ako naging boyfriend at kahit pamilyadong tao ay pinapatulan ko. Okey lang din sa akin ang maging isang kabit. Pero ngayon, pinagsisisihan ko na ‘yun. 


Narito ako ngayon sa probinsya para magbagong buhay, ngunit nag-uumpisa pa lang ako ay nakunsumi na agad ako sa kapitbahay namin, palibhasa hindi sila mga nakapagtapos ng pag-aaral kaya wala na para sa kanila ang mang-apak ng ibang tao.  


Palagi silang nakaharang sa gate namin, kahit na alam naman nilang doon kami dadaan. Sila pa ang galit at nakasimangot kapag dumadaan ako para lumabas. 


Sinisikap ko namang magtimpi, pero dumating na nga sa puntong nakapagsalita ako, at hindi nila nagustuhan ang mga sinabi ko. 


Mula noon, hindi na sila humarang sa gate namin upang doon mismo maglagay ng silya at magtsismisan. Hindi ko alam kung matutuwa ako o hindi sa nangyari. Nagi-guilty din ako dahil hindi ko sila nakasundo. 


Ano ba ang gagawin ko para mawala ang guilt na nararamdaman ko ngayon? 


Nagpapasalamat,

Leonora ng Pasig City



Sa iyo, Leonora,


Napakahirap talagang magpakabanal, ngunit kung talagang gusto mong magpakabanal ang una mong dapat matutunan ay ang kasabihan na, “Kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay,” ibig sabihin, mag-isip ka ng bagay na ikagagaan ng loob ng kapitbahay mo para sila mismo ang mahiya at makaramdam na mali ang ginagawa nila. 

Kapag may handaan sa inyo, bigyan mo sila ng handa o kaya naman kapag nagluto ka ng masarap na ulam, ipatikim mo rin sa kanila, puwede mo rin silang bigyan ng ukay-ukay mong damit na halos bago pa. 


Ang mga ganyang tao ay walang pinag-aralan, at karamihan sa kanila ay mababaw lang ang kaligayahan. Tiyak na matutuwa sila kapag ginawa mo ‘yang mga pinapagawa ko sa iyo. 


Sa palagay ko, sila na ang kusang mahihiya, hindi na tatambay at haharang sa gate n’yo.


‘Yan ang ibig sabihin na kapag binato ka ng bato, batuhin mo rin ng tinapay. 


Hanggang dito na lang, sumaiyo nawa ang kapayapaan at tuluy-tuloy mong tahakin ang matuwid na landas ng buhay na gusto mong mangyari sa iyo.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo




File Photo

 
 

ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | June 5, 2024



Kuwento ng Buhay at Pag-Ibig

Dear Sister Isabel,


Magandang araw sa inyo riyan sa BULGAR. Ang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa aking in-laws, ang hirap pala talagang makisama ‘no?


Ang tinutukoy ko ay ang magulang ng asawa ko. Akala ko magiging masaya kami ng anak ko na maka-bonding sila, pero konsumisyon pala.



Bawat kilos namin ay napupuna, maski sa pagluluto ng pagkain, dapat daw ay isama silang lahat. Eh maliit lang ang budget namin dahil maliit lang naman ang pinapadala ng asawa kong nasa abroad. Kung tutuusin, kulang na kulang iyon sa pag-aaral ng mga bata at panggastos namin. 


Napilitan kami ng mga anak ko na magbakasyon muna rito sa in-laws ko dahil bakasyon din ng mga bata.


Gusto ng asawa ko maka-bonding ng mga anak namin ang in-laws ko. Hirap na hirap talaga ako kung paano pakikisamahan ang in-laws ko. 


Doon ko na-realize na sobrang hirap pala talaga makisama, balak ko na sanang umuwi sa bahay namin. May sarili naman kaminb bahay sa Batangas habang sa

Laguna naman nakatira ang in-laws ko. Hindi ko naman maikuwento sa asawa ko na nahihirapan akong pakisamahan ang magulang niya. Kaya sinarili at kinikimkim ko na lang ang konsumisyong nararanasan ko.


Tama bang umuwi na kami ng mga anak ko sa sarili naming bahay? Hindi ko na kasi kaya ang ugali at pagtrato nila sa akin. Hihintayin ko ang payo n’yo.


Nagpapasalamat,

Dolor ng Batangas



Sa iyo, Dolor,


Lawakan mo pa ang pang-unawa mo, maging broad minded ka at matutong makisama sa ibang tao lalo na sa in-laws mo.


Kung hindi mo na talaga kaya ang ugali at pagtrato nila, tama lang na bumalik kayo sa sarili n’yong bahay kaysa mamatay ka sa konsumisyon dahil sa hindi magandang pagtrato nila sa iyo. 


Gaano na ba kayo katagal d’yan? Kung 2 weeks na kayo riyan, sapat na ‘yun upang maka-bonding ng mga anak mo ang mga kamag-anak nila. 


Huwag ka rin magpakita ng attitude sa kanila, pakisamahan mo pa rin sila, dahil ganyan talaga ang buhay.


Ang taong marunong magtiis at makisama  ay ginagantimpalaan ng langit.


Huwag kang mag-alala dahil nakatingin sa iyo ang  Diyos. May gantimpala kang makukuha kapag nalampasan mo ang pagsubok na iyan sa buhay mo.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo



File Photo

 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-27 Araw ng Abril, 2024



ree


MATAGAL ding pinangarap ni Via na magkaroon sila ng bonding ng kanyang tunay na ama. Pero, wala siya maramdaman na kasiyahan ngayon, at para bang hungkag na hungkag ang kanyang puso. 


Isang malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan dahil napagtanto na niya ang dahilan, ‘yun ay dahil kay Nhel, muli na naman kasi niyang naalala ang kanyang asawa. 


“Hindi mo na ba ako kayang patawarin?” Malungkot na tanong ng kanyang ama. 


Hindi man sila nagkasama ng matagal na panahon, para pa ring nilamutak ang kanyang puso dahil sa sakit na naaaninag niya sa boses nito. 


“Ho?”


“Naalala mo na naman ba ‘yung asawa mo?” Tanong nito sa kanya pagkaraan. 


“Mahal ko siya.”


“Pero, bakit mo siya iniwan?”


“Eh, hindi niya naman ako mahal,” matabang niyang sabi kaya bigla siyang napapiyok. 


“Paano ka nakakasiguro? Hindi mo ba nararamdaman ang pagmamahal niya sa iyo kahit kaunti?” Tanong nito. 


Hindi niya magawang sagutin ang tanong ng kanyang ama dahil alam niya sa sarili na ‘di nagkulang si Nhel upang ipinaramdam iyon.


“Ang dahilan kaya niya ako pinakasalan ay para makapaghiganti siya,” matabang niyang sabi. 


“Siya nga pala ang tunay na ama ni Pedro Pedral.” Wala sa loob nitong sabi pagkaraan. 


Bigla siyang natigilan nang makita niyang nagbago ang hitsura nito. Naningkit ang mga mata nito na para bang binalot ng pagkamuhi ang puso. 


“Oho,” sabi niya pagkaraan ng ilang sandali. 


“Mas maigi pang huwag mo na siyang balikan.”


‘Yun naman talaga ang gagawin niya, pero hirap na hirap siyang panindigan ito.

“Parang hindi ko na ho kaya.”


Naningkit ang mga mata nito pagkaraan at sabay sabing, “At sa palagay mo ba pahihintulutan kita?” Mabalasik na tanong nito.



Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page