top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | May 27, 2025



ISSUE #353


Tumalon sa bintana at nagtago sa kanal – ‘yan ang aniya’y ginawa ng isa sa mga saksi sa nakagigimbal na krimen na kanya umanong nasaksihan. 

Ganunpaman, sapat ba ang mga nasaksihan at napatunayan ng saksi  upang mapanagot ang nagkasala?


Sa araw na ito, ating suriin ang naging paglilinaw ng Hukuman para sa mga apela sa nasabing katanungan kaugnay sa isa sa mga kasong nahawakan ng aming tanggapan.


Sa kasong People v. Pahuran (CA-G.R. CR No. 036-MIN, Mayo 08, 2025) sa panulat ni Honorable Associate Justice Ana Marie T. Mas, ating tingnan kung paano ang daing ng isa sa ating mga kliyente na itago na lamang natin sa pangalang “Eddie,” ay pinal na natuldukan nang siya ay mapawalang-sala mula sa kasong nagmula sa akusasyon ng sabwatan sa pagpaslang o murder. 


Bilang pagbabahagi ng mga pangyayari, ating suriin ang mga naging paglalahad mula sa tagausig at akusado. 


Sa buod ng tagausig, noong ika-12 ng Setyembre 2021, si Winston, hindi nito tunay na pangalan ay aniya’y kinontrata ng biktimang itago na lamang natin sa pangalang Rem upang sunduin mula sa bahay nila Elner, hindi rin nito tunay na pangalan. Hapon na nang siya ay makarating sa kinaroroonan ni Rem, dahil dito, hinimok aniya sila ni Elner na magpalipas na ng gabi at umaga na lang bumiyahe, sapagkat malayo pa ang kanilang pupuntahan. 


Pumayag si Rem at Winston na ipagpabukas na ang biyahe. Kinagabihan, nag-inuman sina Rem at Elner habang nagpahinga na lamang si Winston, sapagkat siya ang magmamaneho kinabukasan.


Bandang ala-1:00 ng madaling araw ng Setyembre 13, 2021, may narinig na malakas na boses mula sa labas si Winston na aniya’y may humahanap kay Rem at hinihimok ito na lumabas. Matapos sumilip ni Winston sa bintana, nakita niya ang isang grupo na armado ng mga bolo at baril. Pilit aniya niyang ginigising noon si Rem, subalit masyado itong lasing. Dahil hindi siya lango sa alak, nakuhang makatalon mula sa bintana ni Winston at nagtago ito sa kanal. 


Mula sa kanyang pinagtataguan, nakita niya ang pangunahing pinaghihinalaan na si Lino, hindi nito tunay na pangalan, na nagpaputok ng baril. Subalit, hindi nito nagawang matamaan si Rem. Dahil dito, si Lino at ang kanyang mga kasamahan ay kinuha at hinila si Rem mula sa kinaroroonan nito at aniya ay nagpalitan sa pananaksak at hambalos kay Rem.


Mga anim na metro ang layo ni Winston mula sa nasaksihan niyang pamamaslang kay Rem at aniya, bukod kay Lino, naroon din si Eddie, subalit hindi nailarawan sa salaysay kung ano ang naging partisipasyon nito.


Sa kabilang banda, mariing itinanggi ni Eddie ang pagkakadawit sa kanya sa krimen. Iginiit niya na hindi niya kilala ang biktima, ang saksing si Winston, at maging ang mga kapwa niya akusado sa kaso na ang ilan pa nga ay hindi pa nadadakip, o umamin na sa kanilang pagkakasala. 


Idinagdag pa niya na siya ay nakatira sa bayan na isang oras ang biyahe mula sa pinangyarihan ng krimen.


Matapos ang paglilitis, hinatulan si Eddie sa akusasyon laban sa kanya. Ayon sa Regional Trial Court (RTC), napatunayan ng tagausig ang pakikipagsabwatan ni Eddie kina Elner at Lino sa pagpaslang kay Rem nang siya ay positibong tinukoy ni Winston bilang isa sa mga kasama ni Lino.


Inakyat sa Hukuman para sa mga Apela o Court of Appeals sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Precy Jade A. Cheng-Cahilog mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (PAO-RSACU)- Mindanao ang kaso ni Eddie. 

Tulad ng ating unang nabanggit, sa desisyon na may petsang Mayo 8, 2025, pinal na tinuldukan ng Hukuman para sa mga apela ang daing ni Eddie nang siya ay mapawalang-sala.


Isinasaalang-alang ng Hukuman para sa mga apela ang kakulangan ng ebidensya na nagpapakita ng sabwatan o direktang partisipasyon ni Eddie sa pagpatay kay Rem, at dahil dito, hindi maaaring managot si Eddie sa krimeng inihabla laban sa kanya.

Ayon sa Hukuman, wala sa mga tala ng kaso pati na rin sa mga testimonya ng mga saksi ng prosekusyon ang nagpatunay ng direktang pakikilahok ni Eddie sa krimen. 

Dagdag pa ng Hukuman para sa apela na ayon sa kasong Macapagal-Arroyo v. People (G.R. No. 220598, Abril 18, 2017, sinulat nang noo’y Kasamang Mahistrado, Kagalang-galang na Lucas P. Bersamin), ang sabwatan o conspiracy diumano ay higit pa sa simpleng pagkakaibigan, at ang simpleng presensya sa lugar ng krimen ay hindi nangangahulugan ng pagkakaroon ng sabwatan. 


Sa katunayan, kahit ang kaalaman tungkol sa, o pagpayag sa, o pagsang-ayon na makipagtulungan ay hindi sapat upang ituring ang isang partido na kabilang sa isang sabwatan, kung wala namang aktibong pakikilahok sa paggawa ng krimen na may layuning isulong ang karaniwang plano at layunin. Isinasaalang-alang ang mga nabanggit, mahalaga na ang sabwatan ay mapatunayan nang lampas sa makatwirang pagdududa, at ang mga haka-haka at ispekulasyon ay hindi sapat upang mapanatili ang isang hatol.


Sa kasong ito, bagaman ang pagkakakilanlan kay Eddie ay positibong naisagawa sa pamamagitan ng pagtuturo ng saksing si Winston – ito ay hindi sapat na batayan kung walang patunay ng kanyang pakikilahok sa nasabing pamamaslang sa pangunguna nila Elner at Lino.


Sapagkat ang uri ng sabwatan ay implied conspiracy, mahalaga ang patunay ng aktibong partisipasyon upang mapanagot si Eddie sa mga akusasyon laban sa kanya. 

Ayon sa Hukuman, sinabi diumano ng Kataas-taasang Hukuman sa isa sa mga kaso nito na kung ang tanging kilos na maiaakibat sa isang akusado ay ang tila handang magbigay ng tulong, ngunit walang katiyakan na ito ay magiging isang hayagang kilos, walang sabwatan.


Sa kaso ring ito, kapansin-pansin na ang personal na pagtukoy ni Winston ay walang kinalaman sa pagkakasala ni Eddie dahil hindi nito tinukoy kung isa ba sa mga aktor ng krimen si Eddie. Dahil dito, pumalya rin ang prosekusyon na mapatunayan ang pagkakakilanlan ng salarin.


Gamit ang mga nabanggit, sa kawalan din ng matibay na motibo sa kanyang bahagi upang patayin ang namatay na biktima, hindi maaaring ligtas na ipalagay na nakipagkasundo si Eddie na gumawa ng krimen kasama ang kanyang mga kapwa akusado na sina Elner at Lino.


Samakatuwid, binibigyang-diin ng Hukuman na ang sabwatan ay dapat patunayan nang lampas sa makatwirang pagdududa. Kinakailangan, ang isang hatol na nakabatay sa natuklasang sabwatan ay dapat ayon sa mga katotohanan at hindi sa mga simpleng haka-haka. Ang ating legal na kultura ay nangangailangan na ang pagkakasala ay dapat nakabatay sa mga katotohanang bago maparusahan.


Moral na katiyakan at hindi lamang posibilidad ang nagtatatag ng kasalanan.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Apr. 25, 2025



ISSUE #352


Kamakailan ay nagkalat ang mga larawan at video, kung saan ipinapakita ang mga iba’t ibang uri ng awayan, suntukan, batuhan, at saksakan.


Sa ilang sitwasyon, meron ding mga tinatawag na labis na mausisa, tulad ng mga “nambato” o “nakibato” sa isang umiiral na laban o awayan. Sa ganitong sitwasyon, maaari bang maituring na kasabwat ang mga “nambato” o “nakibato”?


Sa araw na ito, ating suriin ang naging paglilinaw ng hukuman para sa mga apela sa nasabing katanungan kaugnay sa isang kaso na nahawakan ng aming tanggapan (Public Attorney’s Office o PAO).Sa kasong People v. Haberia (CA-G.R. CR No. 456, Marso 24, 2025) sa panulat ni Honorable Associate Justice Tita Marilyn B. Payoyo-Villordon, ating tingnan kung paano ang daing ng isa sa ating mga kliyente na itago na lamang natin sa pangalang “Marky,” ay pinal na natuldukan nang siya ay mapawalang-sala mula sa kasong nagmula sa akusasyon ng sabwatan sa pagpaslang o homicide.


Bilang pagbabahagi sa nangyari, ating suriin ang mga naging paglalahad mula sa tagausig at akusado. Sa buod ng tagausig, noong ika-19 ng Hunyo 2003, bandang ala-1:00 ng hating gabi, matapos manggaling sa isang computer shop sina Roy, Barley at Marky, kapwa hindi nila tunay na pangalan, ay napagdesisyunan nila na magtungo sa lamay sa karatig bahay.


Ayon sa saksing si Gerald, hindi rin nito tunay na pangalan, hinimok aniya siya nina Roy at Barley na bugbugin si Filmar, hindi rin nito tunay na pangalan, subalit hindi siya sumang-ayon at sumama rito.Matapos ang ilang sandali, nakarating na rin sa lamay si Filmar.


Subalit sina Roy at Barley ay may hawak na umanong kahoy at agad umano itong hinampas kay Filmar. Sinubukan pa umanong tumakbo ni Filmar, ngunit hinabol pa rin siya nina Roy at Barley.


Nang maabutan siya, hinataw umano si Filmar, kung saan tinamaan ito sa ulo at kamay. Dahil dito, nabuwal si Filmar habang patuloy ang paghataw sa kanya ni Roy. Kasunod nito, nambato diumano ng semento o bato si Marky kay Filmar.


Sinubukan aniyang pigilan ni Gerald sina Roy at Barley, subalit hindi niya kinaya ang dalawa. Kaugnay sa insidente, namatay si Filmar sa tinamong sugat, lalo sa pinsalang tinamo ng kanyang ulo.Kinaumagahan, bandang alas-7:00 ng umaga, dinala aniya ng kanilang mga magulang sina Roy, Barley, at Marky sa istasyon ng pulis upang isuko ang mga ito kaugnay sa pagkamatay diumano ni Filmar.


Sa kabilang banda, mariing itinanggi ni Marky ang mga akusasyon laban sa kanya. Aniya, bagaman siya ay naroon din sa computer shop, wala siyang kinalaman sa nasabing away sa pagitan nina Roy at Filmar. Dagdag pa niya, nakita niya umano na nagkaroon ng alitan sa computer shop sina Filmar at Roy dahil sa pamamato aniya ni Filmar kay Roy.


Dahil dito, gumanti si Roy sa pamamagitan ng paghampas ng kahoy. Sinubukan din umano niyang awatin ang mga ito, subalit wala siyang nagawa, kaya hindi nagtagal ay umuwi na rin siya.Sa proseso ng pagdinig sa kaso, sina Roy at Barley ay umamin sa pagkakasala. Matapos ang paglilitis, hinatulan si Marky sa mga akusasyon laban sa kanya.


Ayon sa Regional Trial Court o RTC, napatunayan ng tagausig ang pakikipagsabwatan ni Marky kina Roy at Barley sa pagpaslang kay Filmar nang siya ay nambato, na siyang maituturing na aktibong pakikilahok sa aktwal na pagsasagawa ng krimen.


Inakyat sa hukuman para sa mga Apela o Court of Appeals sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Maria Amelia Quiroz mula sa aming PAO-Special and Appealed Cases Service (PAO-SACS) ang kaso ni Marky.


Tulad ng ating unang nabanggit, sa desisyon na may petsang Marso 24, 2025, pinal na tinuldukan ng hukuman ang daing ni Marky nang siya ay mapawalang-sala.Isinasaalang-alang ng hukuman ang kakulangan ng ebidensiya na nagpapakita na nakipagsabwatan si Marky sa pagpatay kay Filmar, at dahil dito, hindi maaaring managot si Marky sa krimeng inihabla laban sa kanya.


Ayon sa hukuman , ang sabwatan o conspiracy ay higit pa sa simpleng pagkakaibigan, at ang simpleng presensiya sa lugar ng krimen ay hindi nangangahulugan ng pagkakaroon ng sabwatan.


Sa katunayan, kahit ang kaalaman tungkol sa pagsang-ayon na makipagtulungan ay hindi sapat upang ituring ang isang partido na kabilang sa isang sabwatan, kung wala namang aktibong pakikilahok sa paggawa ng krimen na may layuning isulong ang karaniwang plano at layunin.


Isinasaalang-alang ang mga nabanggit, mahalaga na ang sabwatan ay mapatunayan nang lampas sa makatuwirang pagdududa at ang mga haka-haka at ispekulasyon ay hindi sapat upang mapanatili ang isang hatol.


Sa kasong ito, ang ginawa ni Marky ay limitado lamang sa paghagis ng bato o halu-halong semento sa biktimang si Filmar, na tumama aniya sa balikat nito. Ang ganitong kilos lamang ay hindi nagpapakita na si Marky ay kumilos kasabay ng layunin nina Roy at Barley na patayin si Filmar. Kahit na naroon si Marky nang mangyari ang insidente, ang kanyang presensiya ay hindi nagpapakita na siya ay sangkot sa pagpatay na naganap.


Walang ebidensiyang ipinakita tungkol sa pag-uugali ni Marky bago, habang, at pagkatapos ng krimen na maaaring magpahiwatig na siya ay kasabwat nina Roy at Barley.


Ayon pa sa hukuman, ang desisyon sa luma ngunit hanggang ngayon ay napakahalaga at naaangkop na kaso ng People versus Portugueza (G.R. No. L-22604, 31 July 1967) ay nagbibigay-aral:


“Bagaman ang mga akusado ay magkakamag-anak at kumilos na may kaunting sabay-sabay o pagkakahawig sa pag-atake sa kanilang biktima. Gayunpaman, ang katotohanang ito lamang ay hindi nagpapatunay ng sabwatan. (People vs. Caayao, 48 Off. Gaz. 637) Sa kabaligtaran, mula sa kalikasan at bigat ng mga sugat na tinamo ng yumaong biktima, masasabi na ang umapela at ang isa pang akusado ay hindi kumilos ayon sa parehong layunin. Ang layunin ni Florentino Gapole ay patayin ang namatay, tulad ng ipinapakita ng katotohanan na siya ay nagdulot ng isang nakamamatay na sugat na halos putulin ang kaliwang braso. Sa kabilang banda, ang pinsalang dulot ng akusado, na bahagyang kumikiskis lamang sa subcutaneous na tisyu, ay hindi nagpapakita ng layuning patayin ang biktima. Hindi sapat na nakilahok lamang ang umapela sa pag-atake na ginawa ng kanyang kapwa-akusado upang isaalang-alang siyang kasamang pangunahing akusado sa kasong isinampa. Dapat din niyang ginawa ang kriminal na resolusyon ng kanyang kapwa-akusado bilang kanya.”


Gamit ang nabanggit na kaso, ang pahayag ng sabwatan ay lalong humihina dahil walang ebidensiya na may galit o sama ng loob si Marky laban sa biktimang si Filmar.


Sa kawalan ng matibay na motibo sa kanyang bahagi upang patayin ang namatay na biktima, hindi maaaring ligtas na ipalagay na nakipagkasundo si Marky na gumawa ng krimen kasama ang kanyang mga kapwa-akusado na sina Roy at Barley.


Sa katunayan, si Barley ay nagpatotoo na sinubukan ni Marky na awatin ang away sa pagitan nina Roy at Filmar.


Dahil dito, binibigyang-diin ng hukuman para sa mga apela na ang sabwatan ay dapat patunayan nang lampas sa makatuwirang pagdududa. Kinakailangan, ang isang hatol na nakabatay sa natuklasang sabwatan ay dapat ayon sa mga katotohanan at hindi sa mga simpleng haka-haka.


Ang ating legal na kultura ay nangangailangan na ang pagkakasala ay dapat nakabatay sa mga katotohanang ito bago ang sinuman ay maaaring maparusahan ng anumang krimen. Moral na katiyakan at hindi lamang posibilidad ang nagtatatag ng kasalanan.


Samakatuwid, muling ipinakita ng kasong ito na ang pawang presensiya sa pinangyarihan ng krimen, maging ang akto ng pamamato, kung hindi kaugnay sa layunin ng pangunahing may akda ng pamamaslang, ay hindi agad nangangahulugan ng pagkakaroon ng sabwatan.


Gamit ang mga nabanggit, ayon sa hukuman, dapat mapawalang-sala si Marky dahil hindi napatunayan ang sabwatan at kanyang pagkakasala nang higit sa makatuwirang pagdududa.


Ang nararapat na pagpapawalang-sala kay Marky ay naganap, at ang kaparusahan sa krimen ay iniatang sa mga totoong kumitil ng buhay ni Filmar. Ang kabanatang ito sa kaso ni Filmar. Kung saan, nabawasan ang bilang ng mga nanagot sa kaso, ay nagdagdag naman ng tamang kahulugan at totoong katuparan ng katarungan.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Apr. 6, 2025



ISSUE #351


Napakahalaga ng ebidensiya sa bawat paglilitis ng kaso, lalo na sa kasong kriminal. Hindi lamang dito malalaman ang katotohanan, dahil dito rin nakasalalay upang makamit ng biktima ang hustisyang inaasam. 


Ano nga ba ang maaaring mangyari o maging epekto sa kaso kung sakali na magkulang ang panig ng tagausig sa pagprisinta ng ebidensiya sa hukuman? 


Sabay-sabay nating tunghayan ang kuwento ni Jun na hango sa kaso na People of the Philippines vs. Rogelio Mangune y Castillo a.k.a. “Roger Piano” (CA-G.R. CR-HC NO. 18574, February 26, 2025), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Emily R. Aliño-Geluz (Seventh Division), at matuto sa mga tuntuning ibinahagi ng Court of Appeals (CA) Manila.


Si Jun ay biktima ng malagim na pamamaril na naganap noong Disyembre 31, 2010, sa Tondo, Manila. 


Ang mga napagbintangan na merong kinalaman sa nasabing pamamaril ay sina Roger, Arnel at Michael. Diumano, nagtulungan sila nang merong pagtataksil at malinaw na paghahanda upang isakatuparan ang pamamaslang sa biktima.


Kasong murder ang inihain laban kina Roger, Arnel at Michael sa Regional Trial Court (RTC) of Manila. 


Gayunpaman, “not guilty” ang taimtim nila na naging pagsamo sa hukuman.

Batay sa bersyon ng tagausig, si Jun ay nakikipag-inuman sa Molave Street, sa Tondo, bandang alas-8:00 ng gabi, noong Disyembre 31, 2010, nang meron diumano biglang dumating na dalawang lalaki na lulan ng isang motorsiklo. 


Ang nagmamaneho ng nasabing motorsiklo ay nakasuot diumano ng basketball jersey, habang ang nakaangkas na lalaki ay nakasuot ng itim na jacket, sombrero at may panyo na nakatakip sa kanyang mukha. 

Diumano, bigla na lamang pinaputukan ng baril si Jun ng lalaking nakaangkas, dahilan upang mapahiga umano ang biktima sa lupa. 


Nasaksihan diumano ni Kenneth, pinsan ni Jun, ang pangyayari. Si James naman, na may tatlo hanggang apat na metro ang layo, nakita niya rin diumano ang insidente ng pamamaril at tinamaan pa umano siya ng ligaw na bala. 


Nabalitaan diumano ng kapatid ni Jun na si Rolando ang kagaganap lamang na pamamaril. Agad umano itong nagtungo sa lugar na pinangyarihan ng insidente at nakita si Jun na nakahandusay na sa lupa habang tinututukan ng baril ng isang lalaki. 


Nadala pa umano ni Rolando si Jun sa pagamutan, subalit binawian din ito ng buhay.

Batay sa imbestigasyon na isinagawa ni SPO4 Ignacio, si Jun ay biktima umano ng “riding-in-tandem”. Nakitaan diumano ng koneksyon ang pamamaril kay Jun sa hiwalay na insidente ng pamamaril na naganap sa Caloocan noong Enero 1,  2011. Nakita umano sa camera ang insidente ng pamamaril, dahilan diumano sa pagkilala kina Arnel at Michael na mga may gawa ng krimen.


Sa autopsy na isinagawa sa bangkay ni Jun, narekober ang isang deformed na basyo ng bala mula sa kanyang vertebral column. Nakita rin sa nasabing pagsusuri na ang sugat na tinamo ng biktima ay kawangis na hugis ng narekober na bala.


Naaresto si Arnel noong Enero 6, 2011. Diumano, merong nakita na mga mensahe sa kanyang cellphone ukol sa ilang pamamaslang na nag-uugnay kay Roger. Meron diumanong nabanggit sa mga mensahe ni Roger ukol sa magiging kabayaran. 


Noong Enero 8, 2011 ay inimbitahan naman si Randy sa himpilan ng pulis sapagkat nabanggit diumano ang kanyang pangalan sa mga mensahe ni Roger. 


Batay sa kusang loob na salaysay ni Randy, nagkita umano sina Roger, Arnel at Michael noong Nobyembre 2010 at inutusan diumano ni Roger sina Arnel at Michael na patayin ang kapitbahay nito na si Jun.


Sa isinagawa na police lineup, kinilala umano ni Kenneth sina Arnel at Michael bilang mga pumaslang kay Jun.


Mariin namang itinanggi ni Roger ang paratang laban sa kanya. Aniya, siya ay nag-aalaga ng kanyang anak sa kanilang bahay nang bigla na lamang siyang nakarinig ng kumosyon sa labas ng kanilang bahay. Napag-alaman diumano niya na bumaril sa kapitbahay niya na si Jun. Nang humupa na umano ang kumosyon, sa bahay na ng kapatid ng kanyang asawa sa Cubao, Quezon City, nagdiwang ng Bagong Taon si Roger at ang kanyang pamilya. Diumano, makalipas ang dalawang araw, nalaman niyang pumanaw na si Jun.


Matapos ang halos labing-tatlong taon mula nang maganap ang pamamaslang kay Jun, nagbaba ng desisyon ang RTC. Guilty beyond reasonable doubt para sa krimen na murder ang mga inakusahan. 


Ayon sa RTC, napatunayan ng ebidensiya ng tagausig na sina Arnel at Michael ang bumaril kay Jun. Napatunayan din umano ang kriminal na responsibilidad ni Roger bilang principal by inducement batay sa mga mensahe na nakita sa cellphone ni Arnel.


Sina Roger at Arnel ay pinatawan ng pagkakakulong sa parusa na reclusion perpetua. Ipinag-utos din ng mababang hukuman na sila ay magbayad-pinsala at danyos sa mga naulila ni Jun. 


Ang kaso naman laban kay Michael ay na-dismiss bunsod ng kanyang pagpanaw habang dinidinig ang naturang kaso, alinsunod sa Artikulo 89 ng Revised Penal Code (RPC). 


Agad na naghain ng kanilang apela sina Arnel at Roger upang hilingin na mabaliktad ang ibinaba na hatol ng RTC. Subalit, sa pamamagitan ng isang mosyon, iniurong ni Arnel ang kanyang apela at ipinaabot sa CA Manila ang kanyang pagnanais na pagdusahan na lamang ang parusa na ipinataw sa kanya ng RTC. Ipinagkaloob ng hukuman ng mga apela ang nasabing mosyon.


Samantala, nagpatuloy naman ang apela ni Roger. Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan C.J.S. Mendoza mula sa aming PAO-Special and Appealed Cases Service (PAO-SACS), iginiit ng depensa na mali ang ibinabang desisyon ng RTC, sapagkat hindi umano napatunayan ng tagausig ang pagkakakilanlan nina Arnel at Michael bilang mga bumaril sa biktima. Mali rin umano ang RTC na hindi nito binigyan ng halaga ang depensa ng pagtanggi ni Roger. 


Dagdag pa ng depensa, hearsay diumano ang testimonya ni SPO4 Ignacio at ng saksi ng tagausig na si Randy. Hindi rin umano napatunayan nang higit sa makatuwirang pagdududa ang lahat ng mga elemento ng murder.


Sa muling pagsisiyasat sa apela ni Roger, ipinaalala ng CA Manila ang mga elemento ng krimen na Murder, na dapat ay: (1) Merong tao na napaslang; (2) Ang akusado ang pumaslang sa biktima; (3) Merong alinman sa mga qualifying circumstances na nakasaad sa Artikulo 248 ng RPC; at (4) Hindi parricide o infanticide ang naganap na krimen.


Batay sa desisyon ng appellate court, naitaguyod ang unang elemento ng krimen, sapagkat napatunayan na binaril si Jun na naging sanhi ng kanyang pagpanaw. Napatunayan din ang ikaapat na elemento – na hindi parricide o infanticide ang naganap na krimen.


Subalit, napatunayan ba ang ikalawang elemento? Batay sa desisyon ng RTC, sina Arnel at Michael ay mga principals by direct participation. Sila ay sapat na kinilala umano ng mga saksi na sina James at Rolando bilang bumaril sa biktima. Si Roger naman ay kinilala bilang principal by inducement base sa salaysay ng saksi na si Randy, sapagkat inutusan at inudyukan niya umano ng kabayaran sina Arnel at Michael upang kitilin ang buhay ni Jun.


Gayunpaman, naging kapuna-puna umano sa CA Manila na hindi partido si Randy sa sinasabi niya na naganap na usapan sa pagitan ng tatlong inakusahan at na hindi niya personal na kilala si Jun. Naging kapuna-puna rin diumano sa hukuman ng mga apela na kahit na hindi nagbigay ng kanyang testimonya sa hukuman si Randy upang patotohanan ang kanyang mga pahayag na isinaad niya sa kanyang salaysay ay kinonsidera ng mababang hukuman ang due execution nito at pinagbatayan pa ang nilalaman nito sa paghahatol sa mga inakusahan. Para sa appellate court, mali ang RTC sa hatol nito kay Roger sapagkat ang hindi pagpiprisinta kay Randy sa pagdinig ay nangangahulugan na ang kanyang salaysay ay hearsay evidence. Kung kaya’t hindi ito maaaring bigyan ng timbang bilang ebidensiya. Ganundin ang cellphone ni Arnel, na sinasabi na naglalaman ng mga mensahe na nag-uugnay kay Roger sa pamamaslang sa biktima, sapagkat hindi rin ito ipinrisinta sa hukuman. 


Binigyang-diin ng hukuman ng mga apela na ang pagbubukod sa mga nasabing ebidensiya bilang hearsay evidence ay bunsod ng tatlong dahilan: Una ay ang kawalan ng pagkakataon na ma-cross examine ng depensa ang saksi na pinagmulan ng naturang ebidensiya; Ikalawa, ang kawalan ng katibayan ng kilos ng naturang saksi; At ikatlo, ang kakulangan o kawalan ng panunumpa ng saksi na pinagmulan ng nasabing ebidensiya.


Kapansin-pansin din diumano sa appellate court na, matapos isantabi ang salaysay ni Randy at ang cellphone ni Arnel, wala nang iba pang ebidensiya ang nagpapatunay sa ibinibintang kay Roger na pag-uutos at pag-uudyok diumano nito kina Arnel at Michael na isakatuparan ang pamamaslang kay Jun.


Maging ang testimonya umano ni SPO4 Ignacio ay hindi maaaring magamit bilang katibayan ng kriminal na responsibilidad ni Roger. Para sa appellate court, ang naturang testimonya ay nagpapatunay lamang diumano sa isinagawang imbestigasyon ni SPO4. Ngunit dahil sa kakulangan ng tagausig, hindi nito pagprisinta kay Randy sa hukuman, maging ang kakulangan sa pagprisinta sa cellphone ni Arnel, hindi umano magagamit na sandigan. Binigyang-diin ng CA Manila, sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Emily R. Aliño-Geluz ng Seventh Division:


“The jurisprudence and law on the matter of hearsay is clear, such that a witness may only testify to facts derived from personal knowledge and not on matters that witness has learned, read or heard from another person.”

Ipinaalala rin ng hukuman ng mga apela na ang pasanin ng pagpapatunay ng pagkakasala ng inakusahan nang higit sa makatuwirang pagdududa ay nakaatang sa tagausig. Walang pasanin ang inakusahan na patunayan ang kanyang kawalan ng kasalanan. 


Kung kaya’t, bagaman likas na mahina ang depensa ng pagtanggi at pagdadahilan ng isang inakusahan, kung higit na mahina naman ang ebidensiya ng tagausig at meron kahit na katiting na pagdududa sa pagkakasala ng inakusahan ay kinakailangan na ang kapasiyahan ng hukuman ay kikiling para sa kaniyang pagpapawalang-sala. Sa kasong ito umano, bagaman positibo na kinilala ng mga saksi na sina Arnel at Michael ang may-akda ng pamamaril sa biktima, wala umanong ebidensiya na nagpapatunay sa paratang laban kay Roger na siya ang nag-uutos at nag-udyok na patayin si Jun.


Dahil dito, ipinag-utos ng CA Manila na isinasantabi ang naunang desisyon ng RTC Manila at ipinapawalang-sala si Roger. Ang nasabing desisyon ay naging final and executory rin noong ika-26 ng Pebrero 2025.


Nakakalungkot na sa kabila ng pagkakaroon ng saksi at ebidensiya, hindi pa rin nakamit ng biktima ang hustisya laban kay Roger dahil sa mga naging pagkukulang na naganap sa pag-uusig ng kaso. Gayunpaman, hindi naging lubos na kawalan ang ginawang pagsisikap ng mga naulila ni Jun sa pagsulong ng kaso, sapagkat tinanggap ni Arnel ang ipinataw na kaparusahan sa kaniya, sa kulungan siya ay nagbabayad at nagdurusa. 


Patuloy ang aming panalangin na makamit ng bawat biktima ang hustisya. Patuloy rin kaming magsisikap na tulungan ang bawat isa sa aming mga kliyente na inaakusahan upang makamit din nila ang angkop na katarungan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page