ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | March 23, 2026
ISSUE #388
Ang malagim na insidente ay nasaksihan diumano ng kanyang anak-anakan na si Karen, at ang inakusahan sa naturang pamamaslang ay ang magtiyuhin na sina Jose at Jurnie.
Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng kuwentong ito at alamin kung nakamit ng kaluluwa ni Rene, at ng kanyang naulilang pamilya ang hustisya.
Batay sa paratang para sa krimen na murder na inihain laban kina Jurnie at Jose sa Regional Trial Court (RTC) ng Calamba, Misamis Occidental, nagtulungan at nagsabwatan diumano ang dalawa nang may malinaw na intensyon ng pamamaslang sa pamamagitan ng kaliluhan, sa pananalakay kay Rene, na noon ay mag-isa at walang armas.
Si Jose ang sumipa sa bayag ni Rene, dahilan upang mapahiga sa sakit ang biktima, at habang nasa ganoong kalagayan ay hinampas naman ni Jurnie ang noo at panga ni Rene, gamit ang isang kahoy na tatlong talampakan ang haba at dalawang pulgada ang diyametro, na nagdulot ng malubhang pinsala at kagyat na kamatayan ng nasabing biktima.
Naganap ang insidente alas-8:46 ng gabi, noong ika-13 ng Agosto 2016, sa isang barangay sa Sapang Dalaga, Misamis Occidental.
Naaresto si Jose noong ika-5 ng Nobyembre 2020 sa bisa ng warrant of arrest, samantalang nanatiling at-large naman si Jurnie.
Sa tulong at representasyon ng PAO-Calamba, Misamis Occidental District Office, iginiit ni Jose sa hukuman ng paglilitis ang pagsamo ng kawalan ng kasalanan. Tumayo bilang saksi para sa tagausig si Rolly, kapatid ng biktima.
Batay sa kanyang testimonya, nasa Alegria, Lopez Jaena, Misamis Occidental siya noong matanggap niya ang tawag mula sa isang concerned citizen ukol sa pagkakapaslang kay Rene at sa pagdadala sa kanya sa pagamutan. Pagkarating diumano ni Rolly sa pagamutan, agad siyang dinala sa morge, kung saan nakita ang wala nang buhay na katawan ni Rene, at napinsala umano ang mukha ng kanyang kapatid.
Noong ika-14 ng Agosto 2016, nang ipatala ni Rolly sa himpilan ng pulis ang sinapit ni Rene, na diumano ay nasaksihan ni Karen. Sinabi umano ni Karen sa kanya noong burol ni Rene na sinipa ang biktima sa bayag nito, dahilan upang matumba ito at hindi madepensahan ang sarili nang hampasin naman ng kahoy.
Batay sa testimonya ni Karen, na tumayo rin bilang saksi para sa tagausig, amain niya si Rene na kinakasama ng kanyang ina. Matagal na umano siyang nakatira sa Sapang Dalaga, Misamis Occidental. Diumano, nasaksihan niya nang hampasin ng kahoy ang kanyang “Tatay Rene” sa noo at panga nito. Bago pa umano maganap ang insidente, kilala at maraming beses na niyang nakita ang mga akusado na sina Jurnie at Jose.
Diumano, naganap ang insidente sa isang tindahan sa ibabang bahagi ng kanilang bahay na pagmamay-ari ng isang nagngangalang Noel. Dumating diumano ang kanyang amain mula sa trabaho bandang alas-8:00 ng gabi, noong ika-13 ng Agosto, na nangangamoy alak.
Sinundan umano ni Karen ang kanyang amain sa tindahan, may anim hanggang pitong metro ang pagitan nila. Nasa tindahan at nakaupo na umano sina Jurnie at Jose. Tumawag diumano ang kanyang Tatay Rene ng tao mula sa loob ng tindahan dahil may nais itong bilhin. Sinabihan diumano ni Jose si Rene na napakaingay nito. Sinuntok diumano ni Rene sa likod si Jose, dahilan upang matumba ito sa lupa. Sinubukan din umano ni Rene na suntukin si Jurnie. Nasipa naman diumano ni Jose si Rene sa bayag.
Nang gumanti na umano si Rene, hinampas naman siya ni Jurnie ng isang malaking kahoy. Natumba umano ang kanyang Tatay Rene, at hinampas ni Jurnie ang panga nito. Nabigla umano si Karen sa kanyang nasaksihan. Nakita rin niya na agad na umalis sina Jurnie at Jose. Isinugod diumano ni Noel ang kanyang Tatay Rene sa pagamutan. Noong oras na iyon, nasa pagamutan din ang kanyang ina na noon ay nanganganak.
Kinilala ni Karen sa hukuman si Jose kahit na nakasuot ng facemask at face shield ang akusado. Makikilala rin niya diumano si Jurnie kung kakailanganin. Para naman sa depensa, tumayo bilang saksi si Jose at si Nilo.
Batay sa testimonya ni Jose, nangongopra siya noong Agosto 13, 2016, sa plantasyon ng kopra na pagmamay-ari ng isang nagngangalang Nolie.
Sinabihan diumano sila ni Nolie na magkita sila sa may Luneta upang ibigay ang kanilang sahod, lugar kung saan naganap ang insidente
Dumating diumano sa Luneta si Jose bandang alas-2:00 ng hapon, subalit wala pa si Nolie na naghahatid pa ng kopra. Meron diumanong nag-iinuman noong oras na iyon at inalok silang tumagay. Hindi nagtagal, umalis din ang nag-iinuman. Humiga umano si Jose sa isang bangko, kasama ang kanyang pamangkin na si Jurnie, nang bigla umanong dumating si Rene at isa pang tao at sinuntok sila. Tinamaan diumano siya sa balikat at napatumba, habang si Jurnie naman ay tinamaan ng suntok sa ilong na nagdulot ng pagdurugo.
Napaatras diumano si Jurnie, habang si Rene naman ay nagpunta sa kalsada at kumuha ng bato. Nakakita umano si Jurnie ng patpat na panggatong na may isa hanggang isa’t kalahating pulgada ang diyametro at kalahating metro ang haba. Noong pakuha na umano ng bato si Jose, nahampas na ni Jurnie ang likod na bahagi ng leeg ni Rene, na naging sanhi upang matumba ang huli. Dumating diumano si Judy, kapatid ni Jurnie, at iniuwi si Jurnie sa kanilang bahay.
Bumalik diumano sa pagkakahiga sa bangko si Jose dahil sa matinding sakit sa kanyang balikat. Dumating diumano roon sina Edward, Francis, at Bobong. Si Jose umano ang naglipat kay Rene sa gilid at sinabihan naman siya ni Bobong na umuwi na sapagkat gabi na.
Katapat lamang diumano ng bahay ni Jose ang bahay ni Jurnie. Noong makauwi na siya, tinawag diumano ni Jurnie ang kapitan ng kanilang barangay at ang asawa nitong si Nilo at dinala sila sa himpilan ng pulis. Ninais umano ni Jose na sumuko sa takot na siya ay paghigantihan, ngunit tinanggihan diumano siya ng pulis dahil walang sumbong laban sa kanya. Pinauwi na umano siya at nakitulog na lamang sa bahay ng kanilang kapitan.
Isa umanong karpintero si Jose. Matapos ang insidente, nagtungo umano siya sa Dipolog upang magkarpintero at nanatili roon ng isang linggo. Namasukan din umano siya sa Dapitan at umuuwi lamang sa kanilang bahay sa Sapang Dalaga tuwing Sabado ng hapon, at muling babalik sa pinapasukan na trabaho tuwing Lunes. Hindi umano siya inaresto noong mga taon ng 2017, 2018, at 2019, kahit pa siya ay regular na umuuwi sa kanila.
Batay naman sa testimonya ni Nilo, na isa ring karpintero at nakatira sa Sapang Dalaga, siya ay nasa kanilang bahay noong ika-13 ng Agosto 2016. Diumano, tinawag ang kanyang asawa ng Hepe ng Pulis at pinasusundo si Jose upang pasukuin. Sumakay umano sa kanyang motorsiklo sina Jose at Jurnie at dinala sila sa himpilan ng pulis, kasama rin sina Joel at Librada. Pagdating doon, hindi umano sila pinapasok at kinausap lamang si Jose ng isang pulis sa labas ng bakod ng himpilan. Tinangka umano ni Jose na sumuko, ngunit sinabihan ito na hindi sila maaaring ikulong, sapagkat walang reklamo laban sa kanila, kaya sila ay pinauwi na lamang. Sakay muli ng motorsiklo, bandang ala-1:00 madaling-araw nang nakauwi sina Nilo. Diumano, pinatulog na lamang niya sina Jose at Jurnie sa kanilang bahay. Nakausap pa umano ni Nilo sina Jose at Jurnie na umamin na mayroon silang napaslang matapos na sila ay pagsusuntukin diumano ng biktima habang sila ay natutulog sa bangko.
Noong ika-27 ng Oktubre 2022 nang ihayag sa hukuman ni Manananggol Pambayan C.D. Silao-Decolongon na wala nang nais iprisinta na saksi at ebidensya ang depensa.
Sa pagdedesisyon sa kasong ito, masinsinang sinuri ng hukuman ng paglilitis kung naitaguyod nga ba ng tagausig ang bawat elemento ng krimen na murder—kung: (1) mayroong tao na napaslang; (2) ang akusado ang pumaslang sa biktima; (3) ang pamamaslang ay hindi saklaw ng krimen na parricide o infanticide; at (4) ang pamamaslang ay nangyari nang mayroon nang isa sa mga qualifying circumstances na nakasaad sa Artikulo 248 ng ating Revised Penal Code.
Ayon sa hukuman, napatunayan ng tagausig na napaslang si Rene noong gabi ng ika-13 ng Agosto 2016. Gayunpaman, hindi nakumbinsi ang RTC na ang akusadong si Jose ang salarin sa naturang pamamaslang.
Naging kapuna-puna sa hukuman ng paglilitis na positibong kinilala ng saksi ng tagausig na si Karen na tanging si Jurnie lamang ang humampas ng kahoy sa ulo at panga ng biktima.Bagaman iniangkla ng tagausig ang kriminal na pananagutan ni Jose sa diumano'y pakikipagsabwatan nito kay Jurnie na paslangin si Rene, wala namang naisumite na ebidensya sa hukuman na nagpatibay sa naturang conspiracy sa pagitan ng dalawa.
Sa katunayan, sinabi ni Karen sa kanyang testimonya na ang kanyang amain ang sumalakay kina Jose at Jurnie noong gabing iyon nang walang sapat na dahilan. Naging kapuna-puna rin sa hukuman ng paglilitis na hindi tinulungan ni Jurnie si Jose. Maging siya ay sinalakay ni Rene at gumanti lamang siya sa pamamagitan ng paghampas ng kahoy na kanyang nakita.
Sapagkat, nabigo ang tagausig na patunayan na nakipagsabwatan si Jose kay Jurnie, hindi na tinalakay pa ng RTC kung mayroon nga bang sirkumstansya ng kataksilan o treachery sa naganap na pamamaslang. Para sa hukuman ng paglilitis, ang naturang qualifying circumstance ay maaari lamang iugnay kay Jurnie. Sa kasamaang palad, hindi pa nakukuha ng hukuman ng paglilitis ang hurisdiksyon sa katauhan ni Jurnie, sapagkat hindi pa siya naaresto sa kabila ng pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa kanya.
Binigyang-diin din ng RTC na bagaman ang depensa ni Jose na pagtanggi o denial ay hindi pinatotohanan ng sinumang mapagkakatiwalaang saksi na walang interes sa kasong ito, maaari pa rin mapawalang-sala ang naturang akusado sapagkat ang pasanin ng pagpapatunay, nang higit pa sa makatuwirang pagdududa, na naganap ang krimen at ang katauhan ng salarin ay nakaatang sa panig ng nag-uusig. Pinapaalala ng hukuman ng paglilitis na hindi responsibilidad ng akusado na patunayan ang kawalan niya ng kasalanan. Kaugnay nito, karapat-dapat lamang na ipawalang-sala ang isang akusado kung ang kanyang pagkakasala ay hindi maitaguyod ng tagausig nang lagpas pa sa makatuwirang pagdududa.
Kaya’t minarapat ng hukuman ng paglilitis na igawad kay Jose ang hatol na pagpapawalang-sala. Ang desisyon na ito ng RTC Calamba, Misamis Occidental, na nilagdaan noong ika-18 ng Enero 2023, ay hindi na inapela o kinwestyon pa.
Karapatan ng sinumang biktima ng krimen ang makamit ang katarungan para sa kanilang dinanas na karahasan. Gayunpaman, hindi maaaring talikuran ng ating hukuman ang karapatan ng bawat akusado sa tamang legal na proseso kaugnay sa paglilitis ng kaso. Kung ang krimen ay hindi angkop na mapatunayan, o kung ang katauhan o partisipasyon ng akusado ay hindi maitaguyod nang higit pa sa makatuwirang pagdududa, kailangan igawad ang hatol ng pagpapawalang-sala.
Sadyang nakalulungkot na hindi naihatid kay Rene sa kabilang buhay ang hustisya sa kanyang pagkamatay. Hanggang ngayon, may pagdaing pa rin mula sa hukay para sa kaganapan ng katarungan na nauukol para sa kanya. Naisin man ng hukuman na ipagkaloob ito sa kanya, ang karapatan naman ni Jose na maipagpalagay na walang sala, hanggang sa ang kanyang pagkakasala ay mapatunayan nang lampas pa sa makatuwirang pagdududa, ay hindi rin maaaring isantabi o ipagwalang-bahala.
Nawa ay nakapulutan ninyo ng aral ang kuwento na aming naibahagi sa araw na ito.


