top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | May 5, 2023


Itinuturing ng mga magulang na malaking kayamanan ang magkaroon ng anak na may malasakit sa kanilang pamilya. Mapalad si Gng. Alice Capellan ng San Mateo, Rizal, sa kanyang anak na si Edwin Jan C. Bognot sa pagkakaroon ng magandang katangian na ito.


Ayon sa Salaysay ni Gng. Alice, si Edwin ay “Masipag at responsableng anak dahil tumutulong siya sa pagtitinda ng gulay bago siya pumasok sa kanyang paaralan.”


Higit pa rito ang nais gawain ni Edwin, subalit 14-anyos pa lamang siya nang pumanaw.



Nag-aagaw-buhay na siya, ngunit nasabi pa rin niya kay Gng. Alice na malungkot siyang ‘di na niya matutupad ang pangarap niyang alagaan ang kanyang ina sa pagtanda nito.


Si Edwin na namatay noong Hulyo 11, 2020, ang ika-155 na naturukan ng Dengvaxia under ng Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki, at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA). {22 Disyembre 2015}. Siya ay sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ito ng kanyang mga magulang, at ayon sa Certificate of Death, ang sanhi umano ng kanyang pagkamatay ay Brain Herniation Syndrome (Immediate Cause); Intracranial Bleed (Antecedent Cause); Acute Myelogenous Leukemia (Underlying cause) at Hyperleukocytosis (Other significant conditions contributing to death).


Si Edwin ay dalawang beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan sa San Mateo, Rizal. Ang una ay noong Hunyo 28, 2016 at pangalawa noong Enero 11, 2017.


Ayon sa Salaysay ni Gng. Alice, siya ay isang malusog, masayahin at aktibong bata. Dagdag pa niya, “Si Edwin ay hindi pa nagkaroon ng dengue at kailanman ay hindi nagkaroon ng malubhang karamdaman o naospital, maliban na lamang nitong kamakailan kung saan ay malubha siyang nagkasakit na naging sanhi ng agaran niyang pagpanaw.”


Pagdating ng taong 2019, narito ang naging karamdaman ni Edwin:

  • Marso - Nagsimula siyang makaramdam ng pananakit ng tiyan, lagnat at pagkahilo. Matapos ang ilang araw ay nawala rin ang pananakit ng tiyan ni Edwin, ngunit sumakit naman ang kanyang ulo at nilagnat.

  • Abril 4 - Mayo 9 - Nahilo at namumutla siya, pina-check-up siya sa isang ospital sa Rodriguez, Rizal. Ang resulta ng laboratory examination ay mababa umano ang kanyang hemoglobin, platelet, CBC atbp. Pinayuhan si Gng. Alice na ilipat sa isang ospital sa Quezon City si Edwin, sapagkat kulang sa pasilidad ang ospital na pinagdalhan. Sa nabanggit na ospital, maraming doktor ang tumingin sa kanya. Sinabihan si Gng. Alice na mayroon umanong leukemia si Edwin. In-admit agad siya nanatili sila roon ng mahigit isang buwan. Sinabihan sila ng mga doktor na isasailalim siya sa chemotherapy. Mayo 9, ay lumabas siya sa nasabing ospital.

  • Mayo 16 - Sa kanyang follow-up check-up, nakita ng mga doktor na mababa ang kanyang hemoglobin kaya sinalinan siya ng dugo.

  • Hunyo 6 - Nag-follow-up check-up sila sa ospital sa Quezon City para sa kanyang platelet concentrate transfusion, ngunit ‘di ito natuloy dahil sa kawalan ng platelet concentrate.

  • Hunyo 9 - Ibinalik siya sa nasabing ospital dahil nagkalagnat at umihi na siya ng dugo. Nagtagal sila ng halos mahigit dalawang linggo. Nagkakalagnat at dumura na siya ng dugo, at parte diumano ‘yun ng chemotherapy.

  • Hunyo 24, 27 at 28 - Nakalabas na si Edwin ng ospital, patuloy pa rin siya sa pag-inom ng gamot. Matapos ang tatlong araw, ibinalik siya sa ospital para sa kanyang follow-up check-up.

  • Hunyo 28 - Nag-chemotherapy siyang muli.

  • Hulyo 5 at 12 - Inilabas siya ng ospital at pinayuhang bumalik sa Hulyo 12 para sa kanyang CBC.

  • Agosto 13 hanggang 20 - Muli siyang na-confine dahil sa impeksyon at siya ay nilagnat muli. Nagtagal din siya ru’n hanggang Agosto 20.

  • Setyembre 4 at 12 - Isinagawa muli ang kanyang push chemotherapy.

Narito ang kanyang pinagdaanan noong Hulyo 2020, hanggang sa siya ay pumanaw.

  • Hulyo 8 - Ayon sa mga doktor, hindi na kayang gamutin si Edwin ng mga gamot kaya iuwi na lang siya at ‘yun din ang ginawa ni Gng. Alice.

  • Hulyo 10 at 11 - Noong Hulyo 10 ay sinabihan na ni Edwin si Gng. Alice na pakawalan na niya ito, ‘wag na siyang ibalik sa ospital dahil ganundin ang kalalabasan at hindi na kakayanin ang mga gastusin. Nagsusuka na umano ito ng dugo, at pati ang ihi niya ay may dugo na rin. Isinugod siya ni Gng. Alice sa ospital bandang alas-10:00 ng gabi, at pagdating du’n, hindi na rin siya nalunasan. Tuluyan siyang pumanaw, alas-7:46 ng umaga, noong Hulyo 11, 2020.

Hinaing ni Gng. Alice,“Napakasakit para sa akin bilang isang ina na mawalan ng anak. Malaki ang hirap na dinanas ni Edwin dahil sa Dengvaxia, at nang araw na tinurukan ng bakuna kontra dengue ang aking anak, walang nagpaliwanag sa akin kung ano ba talaga ang magiging epekto nito sa kalusugan, maliban lamang sa binigay nilang papel na binigay ng kanyang guro na kailangan pirmahan dahil para sa kalusugan niya raw ito.


“Sa kabila ng mahabang gamutan, hindi bumuti ang kanyang kalagayan. Pabalik-balik kami sa ospital pero hindi siya bumubuti. Hindi naman siya sakiting bata bago siya maturukan ng Dengvaxia. Sa sampung anak ko, silang dalawa lamang ni Abegail C. Bognot ang naturukan ng Dengvaxia at nagkaroon ng karamdaman. Ngayon, ako ay nangangamba sa kalusugan ni Abegail dahil may mga araw na sumasakit ang tiyan nito at nakararanas ng pagdugo ang kanyang gilagid.”


Hirap na hirap nang huminga si Edwin, ngunit ang ina pa rin niya ang kanyang inaalala, hiniling niya noon na patugtugin ang “Awit Kay Inay.” Tunay ngang ang bawat isa sa mga batang naging biktima ng Dengvaxia ay may iba’t ibang kuwento na nakakabagbag damdamin.


May kani-kanya silang pangarap na binigyang tuldok ng mabagsik na bakuna na kumitil ng kanilang buhay. Isa lamang si Edwin sa mga batang ‘yun. Siya ay kabilang sa mga kabataang Dengvaxia vaccinees na pumanaw, mga biktimang mapagmahal sa kanilang magulang at mabubuting halimbawa ng kanilang henerasyon.


Sila ay kasama sa Dengvaxia cases na itinataguyod ng aming Tanggapan laban sa hukuman. Sa ipinagkakapuring mga halimbawang ito ng kanilang henerasyon, tuloy ang aming laban – sa gitna ng sariling mga laban ng aming Tanggapan.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | April 28, 2023


Maraming buhay ang nabuwis noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic. May mga pamilyang mapalad na ligtas ang lahat sa kanila, ngunit hindi sa dengue. Ganito ang nangyari sa Pamilya Diola ng Bulacan. Ang isa sa mga miyembro ng kanilang pamilya na si Diana Diola ay namatay.


Bagama’t siya ay Dengvaxia vaccinee, ayon sa kanyang Death Certificate, ang sanhi ng kanyang pagpanaw ay Dengue Severe.


Ayon sa salaysay ng kanyang mga magulang na sina G. Arman at Gng. Maricel Diola,

“Matapos bumigay ang murang katawan ng aming anak na si Diana dahil sa Dengue Severe ay sinabihan kami ng mga doktor na ilabas na agad sa ospital para hindi siya maisama sa mga may COVID-19. Sinabihan kami na ang sanhi ng kamatayan ng aming anak ay Dengue Severe at ‘di ang COVID.”


Si Diana, 13, at namatay noong Hunyo 26, 2020. Siya ay ang ika-154 na naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA).


Si Diana ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan sa Bulacan. Siya ay unang nabakunahan noong Abril 11, 2016, pangalawa noong Oktubre 11, 2016, at pangatlo noong Abril 19, 2017.


Noong Hunyo 2016, matapos siyang mabakunahan ay sumakit ang kanyang tiyan. Siya ay dinala sa Sapang Palay Ospital, at pinauwi rin matapos maresetahan ng gamot. Kapag nakakainom siya ay nawawala ang pananakit ng kanyang tiyan.


Nasundan ng pagsakit ng kanyang tiyan noong 2017, matapos siyang mabigyan ng pangatlong bakuna. Mula nang siya ay mabakunahan ng Dengvaxia, madalas nang sumasakit ang kanyang tiyan at wala na ring ganang kumain. Binigyan siya ng kanyang mga magulang ng vitamins upang ganahan kumain. Nagpatuloy ang kanyang pananakit ng tiyan, at tuwing nangyayari ito, dinadala ni Gng. Maricel sa ospital at isinasailalim sa laboratory tests si Diana, ngunit wala silang makita na sanhi ng pananakit ng kanyang tiyan. Nagpatuloy din ang kawalan niya ng ganang kumain kaya pinaiinom siya ng gatas para may pandagdag na nutrisyon sa kanyang katawan.


Noong 2018 hanggang 2020, narito ang sinapit na hirap ni Diana dahil sa papalalang mga suliraning pangkalusugan hanggang sa siya ay pumanaw noong Hunyo 26, 2020.


  • Taong 2018 - Nagpatuloy ang pananakit ng kanyang tiyan. Sa kabila ng laboratory tests na isinagawa sa kanya, hindi matukoy kung ano ang dahilan ng pagsakit nito. Sa tuwing nabibigyan siya ng gamot ay nawawala ang sakit ng kanyang tiyan, subalit bumabalik makalipas ng ilang buwan. Gayunman, patuloy ang pagkawala ng kanyang ganang kumain. Nagtaka ang kanyang mga magulang dahil kahit ano’ng check-up, walang nakikitang dahilan kung bakit sumasakit ang kanyang tiyan.

  • Hunyo 2018 - Hindi na siya kumakain at nanghihina na. Ipinasok siya sa ospital, at nanatili siya roon nang walong araw. Walang makitang mali sa kanyang laboratory tests, kaya inuwi na siya.

  • Taong 2019 - Nagpatuloy ang pagsakit ng kanyang tiyan. Tuwing sumasakit ang kanyang tiyan, pinaiinom siya ng gatas dahil inisip ng kanyang mga magulang na baka sanhi lamang ng kanyang paghinang kumain ang pagsakit ng kanyang tiyan.

  • Hunyo 21, 2020 - Dumaing siya ng pananakit ng tiyan at nilagnat. Dinala ulit siya sa pinagdalhang ospital sa Sapang Palay. Umabot sa 39 degrees Celsius ang taas ng kanyang lagnat, at ayon sa kanyang laboratory test, mayroon siyang Urinary Tract Infection (UTI). Pagkatapos noon ay iniuwi na siya.

  • Hunyo 23, 2020 - Nilagnat at dinala siyang muli sa ospital. Dumaing siya ng pananakit ng tiyan, ulo at kasu-kasuan. Sa laboratory tests, UTI pa rin ang nasa findings. Niresetahan siya ng antibiotics at iniuwi siya pagkatapos. Noong uminom siya ng gamot, bumuti naman ang kanyang kalagayan.

  • Hunyo 25, 2020 - Habang siya ay nagsisipilyo, wala umano siyang makita, nahihilo at namamanhid ang kanyang mga paa, at nawalan din siya ng malay. Binuhat siya ni G. Arman upang madala muli sa ospital. Nalaman na mababa ang kanyang platelet count at may dengue siya. Nabanggit din ng doktor na wala umanong pulso at blood pressure si Diana at kritikal na siya. Dahil sa kanyang kalagayan at walang espesyalista sa dengue ang ospital, inilipat siya isang ospital sa Pampanga. Kritikal pa rin ang kanyang kalagayan at dinala sa Pediatric Intensive Care Unit (PICU).

  • Hunyo 26, 2020 - Si Diana ay sinalinan ng dugo. Naging kritikal siyang muli. Naglabasan na ang dugo sa kanyang bibig, ilong at sa ibang parte ng kanyang katawan. Siya ay binawian ng buhay alas-6:00 ng umaga, nang araw na ‘yun.


Ayon sa kanyang mga magulang, “Napakasakit ng dagliang pagpanaw ng aming anak. Siya ay masiyahin, masigla at malusog na bata bago siya mabakunahan ng Dengvaxia. Subalit nang siya ay mabakunahan, naging matamlay at nawalan na siya ng gana kumain. Ito pala ang epekto ng Dengvaxia, ano’ng klaseng gamot ito at nagdulot ng sakuna sa kalusugan ng aming anak?


“Napakadali lamang naglaho ang lahat ng pangarap ng aming anak. Matalino siya sa kabila ng madalas na pagsakit ng kanyang tiyan at pagkawala ng ganang kumain ay nanatili siyang nangunguna sa klase. Dahil dito, kahit mayroong General Community Quarantine (GCQ) at hirap makakuha ng sasakyan ay pumunta kami at humingi ng tulong sa Public Attorney’s Office (PAO) para isailalim si Diana sa Forensic Examination para malaman namin ang tunay na dahilan ng biglaang pagpanaw niya. Kasama sa aming hiling sa PAO ay ang mabigyan kami ng tulong legal para maipaglaban namin ang kamatayan ng aming anak.”


Ang GCQ at mas matitindi pang pagsubok ay hinarap ng Pamilya Diola, mabigyan lamang ng katarungan ang sinapit ni Diana. Kasama ang kanyang kaso ngayon sa tinaguriang Dengvaxia cases na patuloy na ipinaglalaban ng aming Tanggapan sa kabila ng mga balakid na makamtan ang hustisya para kay Diana at tulad niyang mga biktima.


Isa na naman ang kaso ni Diana na nagpapakita na hindi pinag-aralang mabuti ang bakunang Dengvaxia, sapagkat sa halip na siya ay mabigyan ng proteksyon ng naturang bakuna, siya ay namatay dahil sa severe dengue. Paano ipaliliwanag ng mga kinauukulang responsable sa pagpapatupad ng pagbabakuna ng Dengvaxia na isa na namang bata ang nagbuwis ng buhay dahil sa naturang bakuna? Ang masakit pa rito, Dengue Severe ang sanhi ng maagang paglisan ni Diana, parehas ng sakit na sana ay napigilang dumapo ng bakunang Dengvaxia kung ito ay naging mabisa tulad ng sinasabi ng mga nasasakdal sa usaping Dengvaxia fiasco.


Tuloy ang laban dahil ang pinakamatinding pandemya ay hindi ang COVID-19 kundi ang kawalan ng hustisya!


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | April 21, 2023


Ang Araw ng mga Puso ay karaniwang ipinagdiriwang ng mga taong nagmamahalan. Bukod sa mga magsing-irog, magkakaibigan, kasama rin dito at maaaring nangunguna pa ang pamilya. Ngunit paano kung bago sumapit ang araw na ito ay may pumanaw na miyembro sa isang pamilya? Naranasan ng pamilyang Castillo ng Las Piñas ang malagasan ng mahal sa buhay na si Rhenzyl Castillo, noong Pebrero 13, 2020.


Ibinahagi ng magulang ni Rhenzyl na sina G. Arnel at Gng. Mary Anne ang kanilang salaysay,

“Napakasakit ng dagliang pagpanaw ng aming anak. Siya ay malusog at maliksing bata. Mahilig siyang maglaro ng basketball at kumanta. Madalas siyang naglalakad papunta sa kanyang paaralan at pauwi sa bahay habang bitbit niya ang kanyang mga gamit sa paaralan.


Mga limang kilometro rin ang layo ng kanyang nilalakad sa tuwing siya ay pumapasok sa eskuwelahan. Kumpleto rin ang bakuna na aming naibigay kay Rhenzyl kaya kampante kaming malusog siya.”


Si Rhenzyl, 13, ang ika-153 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015}. Siya ay sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ito ng kanyang mga magulang. Ayon sa kanyang Certificate of Death, ang sanhi ng kanyang pagpanaw ay Cardiogenic Shock (Immediate Cause); Rheumatic Heart Disease in Failure (Antecedent Cause). Si Rhenzyl ay isang beses naturukan ng Dengvaxia noong Oktubre 23, 2017 sa lugar nila noon sa Las Piñas.


Kaugnay nito, sabi nina G. at Gng. Castillo, “Naunang nabakunahan ng Dengvaxia ang aming anak na sina Abigail Maureen sa kanilang paaralan sa Las Piñas East National High School, at Rhainiel sa kanyang paaralan sa Talon Elementary School, Las Piñas. Sumunod namang nabakunahan nang magkasabay sina Rhenzyl at kanyang mga kapatid na sina Arianne Mitch at Rhainzther sa aming health center. Sa parehong pagkakataon ay hindi kami kasamang mag-asawa noong naturukan silang limang magkakapatid.”


Noong taong 2017 hanggang 2018, narito ang ilan sa mga nangyari kay Rhenzyl:

  • Nobyembre 2017, unang linggo - Matapos siyang mabakunahan ng Dengvaxia, nagkaroon siya ng mataas na lagnat. Hirap din siyang huminga, hirap sa pagtulog at nakaupo na lamang siya. Dinala siya sa isang health center kung nasaan ang medical records niya. Sinabihan sila ng doktor na ipa-x-ray siya, at ‘yun naman ang kanilang ginawa. Base sa resulta ng nasabing x-ray, si Rhenzyl ay may pneumonia. Siya ay isinailalim sa dalawang linggong gamutan.


  • Disyembre 25 at 29 - Uminda siya ng pananakit ng tiyan. Mas ramdam pa ang sakit ng kanyang tiyan sa tuwing hinahawakan ito. Nagtagal ang pananakit ng kanyang tiyan hanggang Disyembre 29, 2017.


  • Enero 2018, unang linggo - Namamanas at naninilaw na ang kanyang mukha at paa. Naninilaw din ang kanyang mga mata. Dinala siya agad sa isang health center at isinailalim sa laboratory tests, at nalaman na may Hepatitis siya.


  • Enero 12 at 15 - Dinala si Rhenzyl sa isang ospital sa Manila upang ipakita ang resulta ng kanyang laboratory tests. Habang sinusuri siya ng doktor, hirap siya sa paghinga, kaya sinabihan sila na kailangan siyang i-confine. Habang siya ay naka-confine, isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri tulad ng ECG, x- ray, blood test, atbp. Dahil dito, nalamang may sakit siya sa puso.

  • Enero 15 - Lumabas siya sa nasabing ospital.

Pagdating ng taong 2020, narito ang matinding pinagdaanan ni Rhenzyl hanggang sa bawian siya ng buhay, noong Pebrero 13, 2020:


  • Pebrero 8 - Hirap siyang makatulog at masakit ang kanyang dibdib.

  • Pebrero 9 - Nagkalagnat na si Rhenzyl.

  • Pebrero 10 at 12 - Dinala siya sa isangpagamutan sa Las Piñas City. Ayon sa sumuri sa kanya, kailangan siyang ma-confine dahil nahihirapan siyang huminga. Dahil walang bakanteng kuwarto, ipina-confine siya sa ibang ospital. Sa emergency room muna siya nanatili, at isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri. Namumutla na si Rhenzyl at naka-oxygen. Hindi nagbago ang kalagayan niya sa mga sumunod na araw.

  • Pebrero 12 - Inilipat siya sa ward section, habang namumutla at hirap pa rin sa paghinga.

  • Pebrero 13 - Pagsapit ng alas-3:00 ng madaling-araw, nagligalig at labis ang pagpapawis kahit malamig ang buong katawan niya. Mababa rin ang lebel ng kanyang sugar at pulse rate, at ipinasok na siya sa ICU hanggang sa naging kritikal na ang kondisyon niya. Pagsapit ng alas-9:00 ng umaga, tuluyan na siyang pumanaw.

Labis ang pagdadalamhating nararamdaman ng pamilyang Castillo sa pagpanaw ni Rhenzyl, at labis ang pag-aalala sa apat pa nilang anak na naturukan din ng nasabing bakuna. Anila:


“Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia. Kami ay napagkaitan ng pagkakataon na malaman kung ano ang puwedeng maging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan ng aming anak. Hindi nila ipinaliwanag ito sa amin.


Naturukan ng Dengvaxia ang aming anak na walang paunang pahintulot sa amin. Kung nasabihan lamang sana kami na puwede itong makasama sa kalusugan ng aming anak at magiging sanhi pa ng kanyang dagliang pagpanaw, malamang ay hindi siya nabakunahan ng Dengvaxia.


Labis din ang aming pag-aalala ngayon para sa aming apat pang anak na nabakunahan ng Dengvaxia. Dahil dito, nais naming mapanagot ang mga taong mayroong kinalaman sa pagpapalaganap ng Dengvaxia vaccine nang walang pag-iingat at tamang pag-aaral.”


Wala sa bilang ng nasawi ang lalim at sakit ng pagdadalamhati. Ang kamatayan ng isa ay hindi dapat ikumpara ang bigat sa pagkawala ng marami. Ang kamatayan ng kahit anumang bilang ay laging may hapdi at bigat na hatid sa dibdib. Gayunman, sa mga pamilya na higit sa isa ang naturukan ng Dengvaxia, namatay man o survivor, hindi maitatangi ang labis na alalahanin at tila wala nang katapusang kalbaryo sa kanilang mga buhay.


Dahil dito, ang aming Tanggapan at PAO Forensic Laboratory Division na kanilang nilapitan ay nagkakaloob ng patas at walang diskriminasyon na paglilingkod, sinuman o anumang bilang ang pinag-uusapan, parehong katarungan ang nararapat na matamo sa hukuman.


Ito ay isang pangako na aming tutuparin hanggang sa dulo ng labang ito. Mananalig kami na makakamit namin ang katarungang para sa pamilyang Castillo at iba pang mga bata na naging biktima ng Dengvaxia.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page