top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Jan. 11, 2025



ISSUE #340


May kasabihan na, “Kapag may nag-akusa sa iyo ng isang bagay na hindi mo ginagawa, kadalasan ay maaaring dahil sila ang gumawa nito.” Bagaman hindi aporismo, sa ilang pagkakataon ang nasabi ay may batayan ayon sa mga tunay na pangyayari, tulad na lamang ng kasong ating ibabahagi sa ating artikulo ngayon.


Sa kasong Dingal v. People (G.R. No. 265) sa panulat ng Ikatlong Dibisyon ng Korte Suprema, na may entry of judgment noong ika-9 ng Oktubre 2024, ating tingnan kung ano ang naging pinal na pasya ng Korte Suprema ukol sa akusasyon ng homicide o kasong pagpatay sa isa sa ating mga kliyente na itago na lamang natin sa pangalang Antonio.


Bilang pagbabahagi sa mga pangyayari, ating suriin ang naging paglalahad mula sa bersyon ng tagausig. 


Alinsunod dito, aniya ay noong kinagabihan ng ika-22 ng Hulyo 2017, si Bernard, hindi niya tunay na pangalan at ang biktimang itago na lamang natin sa pangalang Carlo ay kapwa dumalo sa isang inuman. 


Si Carlo ay umalis upang bumili sa tindahan. Kung saan ay dumaan siya sa isang purok shed, kung saan aniya ay naunang nakita ni Bernard na nagtatalo ang akusadong si Antonio na may hawak na bolo at ang asawa nito. 


Dahil dito, naunang binalaan ni Bernard si Carlo na mag-ingat dahil sa nasabing pagtatalo sa pagitan ng mag-asawa. 


Dahil sa pag-aalala, napagdesisyunan ni Bernard na sundan na lamang si Carlo. Noong mapalapit na si Bernard kay Carlo, mga dalawang metro ang layo, meron siyang narinig na ingay at hindi maipaliwanag na tunog, matapos nito ay nasaksihan na niya ang nakabulagtang katawan ni Carlo at si Antonio na may hawak na duguang bolo. 


Kinasuhan si Antonio ng homicide o kasong pagpatay. Agad namang itinanggi ni Antonio ang mga paratang at ang pagkakaturo sa kanya ni Bernard sa pagpatay kay Carlo. 


Sa kabila nito, matapos ang paglilitis ay nahatulan ng Regional Trial Court si Antonio ng kasong homicide. Ang nasabing hatol ay kinatigan ng Court of Appeals matapos niya itong iapela. 


Sa huling pagkakataon, inakyat ni Antonio sa Korte Suprema sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan CA Escabusa-Amora mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (PAO-RSACU), Mindanao. Muling iginiit ni Antonio na mali ang ibinabang hatol sa kanya, sapagkat hindi katanggap-tanggap na sa bisa lamang ng natatanging salaysay ni Bernard ang kanyang konbiksyon. 


Muli, binigyang-diin ni Antonio ang hindi napansin na depensa niya sa mababang hukuman at sa hukuman para sa mga apela na si Bernard ay may motibo na idiin siya dahil sa nauna nitong isinampang kaso laban sa huli dahil sa away sa lupa. 


Bukod pa rito, hindi rin magkatugma ang mga salaysay ni Bernard, dahil ayon kay Bernard nagkita sila ni Carlo sa inuman, ito ay taliwas sa salaysay ng kanyang mga saksi. Panghuli, hindi kapani-paniwala na matapos na makita ni Carlo si Bernard na dalawang metro lang ang pagitan sa kanya ay mas pinili pa nitong umuwi sa kanyang tahanan na halos dalawampung metro ang layo upang humingi ng tulong sa halip na kay Bernard na aniya ay dalawang metro lang ang pagitan. 


Tulad ng ating unang nabanggit, pinal na ibinaba ng Korte Suprema ang kanilang hatol noong ika-9 ng Oktubre 2024. Kung saan, pinawalang-sala nito si Antonio at pinal na tinuldukan ang kanyang mga daing dulot sa mapanirang pagdidiin sa kanya.


Ayon sa Korte Suprema, mahalaga ang pagkakakilanlan ng pumaslang para sa matagumpay na pag-uusig ng kaso. Sa sitwasyon na hindi nagampanan, ang obligasyon na ito ay nagkaroon ng pagdududa sa pagkakakilanlan ng pumaslang, ang pagdududang ito ay nararapat na pagtibayin tungo sa pagpapawalang-sala ng akusado.


Sa kaso ni Antonio, nabigo ang tagausig na patunayan na si Antonio ang may-akda ng nasabing pagpaslang kay Carlo sapagkat maraming pangyayari ang lumalaban sa kredibilidad ng testigo. 


Una, kung totoong nais tulungan ni Bernard si Carlo, hindi katanggap-tanggap na hindi niya nagawang tulungan si Carlo kung dalawang metro lamang ang kanilang pagitan. Nakapagtataka rin na mas pipiliin pa ng biktimang si Carlo na umuwi sa kanilang bahay na halos dalawampung metro ang layo, habang may malalim na sugat upang humingi ng tulong.


Pangalawa, nakapagtataka rin na hindi nakita mismo ni Bernard ang akto ng pag-atake o pagsaksak kay Carlo at ang hindi niya maipaliwanag na aniya ay malakas na ingay na kanyang narinig bago niya nakita ang nakahandusay na katawan ni Carlo. 

Panghuli, ang salaysay ng saksi ni Antonio ay pinabulaan ang salaysay ni Bernard nang ipaliwanag nito na hindi nila nakita na nagkasabay sa inuman si Bernard at ang biktima. 

Dahil dito, hindi rin maalis ang posibilidad na ang maaaring may akda ng pagpaslang ay ang saksi na si Bernard, sapagkat naroon siya sa lugar kung kailan nangyari ang naturang pagpaslang. 


Bukod pa rito, hindi rin maitatanggi na may timbang ang alegasyon ng motibo, nang mapatunayan na may sapat na dahilan si Bernard na idiin si Antonio matapos siyang kasuhan nito, kung saan na-dismiss lamang matapos diumano ay nakiusap si Bernard kay Antonio na iurong ang kaso.


Alinsunod sa mga nabanggit, hindi napatunayan ng estado ang pagkakakilanlan ng pumaslang at ang mga pagdududa na ito ay nararapat na iresolba tungo sa pagpapawalang-sala kay Antonio – alinsunod sa pagpapalagay na inosente maliban lamang kung mapatunayan ang pagkakasala nang higit sa makatwirang pagdududa.


Sa kabuuan, bagama't nakalulungkot na ang isang buhay ay nawala, hindi rin maaaring pahintulutan ang pagkakulong ng isang taong inosente sa mata ng batas lalo na kung ito ay nakabatay lamang sa isang pagtuturo mula sa isang saksi na siya mismo ang nagdulot ng pagdududa at agam-agam sa pagkakakilanlan ng pumaslang. 


Sa lahat ng pagkakataon, hindi maaaring pahintulutan ang pagkakulong ng isang taong inosente upang hindi malibing sa hukay ang katarungan at katwiran. 


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Jan. 3, 2025



ISSUE #339


Maraming karumal-dumal na krimen ang araw-araw na lamang natin nababalitaan, maging sa telebisyon, social media at mga pahayagan. 


Minsan, hindi na natin mawari kung ano ang tumatakbo sa isipan ng ilan sa ating mga kababayan na nagagawang manakit ng kapwa at iba pang karahasan. 


Paano rin nila nagagawang kumitil ng mga inosenteng buhay? Ano nga ba ang saysay sa mga mali nilang gawain?


Ang kuwento na ibabahagi namin sa araw na ito ay ang kasong Tommy Cariño a.k.a. “Tommy Echavez” vs. People of the Philippines (G.R. No. 256856, August 12, 2024), sa panulat ni Kagalang-galang na Supreme Court Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen. Tatlong biktima na sina Marlon, Solidad at Virginia – bigla na lamang kinitil ang kanilang buhay ng mga salarin na hindi lubusang nakilala. 


Sama-sama nating tunghayan kung ano ang malagim na sinapit nila at kung paano pinagpasyahan ang kasong ito hanggang sa Kataas-taasang Hukuman.


Tatlong magkakahiwalay na paratang para sa krimen na murder ang kinaharap ni Tommy para sa pamamaslang sa mga biktima na sina Marlon, Solidad at Virginia. Ang kanyang kapwa-akusado na si Junefer ay nanatiling “at-large”. Kung kaya’t siya lamang ang nalitis sa hukuman.


Naganap ang pamamaslang sa mga biktima noong ika-1 ng Pebrero 2012 sa Talisay City, Cebu. Meron diumanong pagtataksil o treachery, malinaw na paghahanda o evident premeditation at pagsasabwatan sa pagitan nina Tommy at Junefer sa kanilang pananambang at pamamaslang sa mga nabanggit na biktima.


Ang pangunahing saksi sa krimen na ipinrisinta ng tagausig sa hukuman ay si Barangay Councilor Chan ng Barangay San Roque, Talisay City. Si SPO1 Espina na miyembro ng Philippine National Police at nakatalaga sa Talisay City Police Office at Atty. Sesbreño na asawa ng biktima na si Virginia na tumayo rin bilang testigo para sa tagausig.


Diumano, bandang alas-3:25 ng hapon, noong ika-1 ng Pebrero 2012 ay binabaybay ni Barangay Councilor Chan, kasama sina Barangay Tanod Labajo, Constantino at Icot, ang SRP Road sa Talisay City. Sila ay nakasakay diumano sa barangay multicab na minamaneho ni Teo. Noong sila ay panandaliang nakahinto sa kanto ng SRP Road at Rabaya Street ay nakarinig diumano sila ng walong putok ng baril na nagmula umano sa bandang likuran. Napatingin diumano si Barangay Councilor Chan sa kanyang kanan at nakita ang dalawang lalaki na riding-in-tandem. Wala umanong mga helmet ang dalawa at ang motorsiklo ay wala ring plaka. Papunta umano sa direksyon nila Barangay Councilor Chan ang nasabing motorsiklo. Nakita rin diumano ni Barangay Councilor Chan ang isang puti na Isuzu DMAX pick-up truck na may layong dalawampung metro sa kanilang likuran.


Tumigil diumano ang naturang motorsiklo sa likod ng barangay multicab, lumihis patungo sa bangketa at tumalilis ng takbo. Patungo umano ito sa direksyon ng Cebu City. 


Nakita rin umano ni Barangay Councilor Chan ang backride na nagpalit ng magazine ng baril. Sinubukan diumano nila na habulin ang nasabing motorsiklo ngunit umatras sila pagdating sa Evergreen Memorial Park nang tutukan diumano sila ng baril ng backride.

Bumalik diumano sina Barangay Councilor Chan sa kanto ng SRP Road at Rabaya Street at natagpuan ang mga biktima na sina Solidad, Virginia at drayber na si Marlon. Nabawi umano sa pinangyarihan ng krimen ang anim na walang laman na bala ng caliber .45, isang deformed slug, isang caliber .40 na baril, dalawang magazines, at isang cellular phone. 


Sa ballistic examination ay lumabas diumano na galing sa nakalap na baril ang mga nakalap na walang laman na bala at deformed slug.


Noong ika-2 ng Pebrero 2012 ay inimbitahan diumano ni SPO1 Espina sa himpilan ng pulis si Barangay Councilor Chan at mga kasamahan nito. Dahil nahuli umano ng dating si Barangay Councilor Chan, si Barangay Tanod Icot diumano ang nagbigay ng paglalarawan ng backride para sa cartographic sketching. Ipinakita umano nina SPO1 Espina at PO2 Sefuesca kina Barangay Councilor Chan ang nagawang cartographic sketch, kabilang na ang higit sa isang daan na larawan ng mga naaresto mula sa rogue gallery ng kanilang himpilan at itinuro umano ng naturang saksi si Tommy bilang backride at Junefer bilang drayber ng motorsiklo na sangkot sa pananambang.


Nakilala umano ni Barangay Councilor Chan si Tommy bilang backride dahil halos isang metro lamang ang layo nito mula sa likod na bahagi ng multicab. 


Nagkatinginan pa umano sila nang magpalit ng magazine ang backride. Nakasuot diumano si Tommy ng sumbrero at sunglasses. Hindi umano makalimutan ni Barangay Councilor Chan ang mukha ni Tommy sapagkat siya umano ay isang shooter at miyembro ng gun club, tulad ng biktima na si Marlon. 


Nakita na lamang umano muli ni Barangay Councilor Chan si Tommy noong ika-26 ng Pebrero 2012 sa hiwalay na kaso para sa illegal possession of firearm. Ginagamot diumano sa ospital noon si Tommy at nahirapan si Barangay Councilor Chan na makilala ito dahil namamaga ang mukha nito.


Mariin naman na itinanggi ni Tommy ang mga paratang laban sa kanya. Diumano, siya ay nagbabantay ng kanyang mga anak sa kanilang bahay noong araw ng sinasabing insidente. Nang dumating diumano ang kanyang ina bandang hapon noong araw na iyon ay lumabas siya upang bumili ng sigarilyo at naglakad-lakad sa Barangay Lagtang, Talisay City. Nakita niya umano si Mark, ang Kapitan ng Barangay at niyaya pa umano siya nito ng inuman ng alas-6:00 ng gabing iyon. Sila umano ay nag-inuman hanggang gabi at nalaman na lamang niya na isinangkot siya sa kaso ng pamamaslang noong siya ay nakulong na. Iginiit din ni Tommy na hindi niya umano kilala si Barangay Councilor Chan at ang mga tanod na kasamahan nito.


Batay sa testimonya ni Kapitan Mark, kababatang kaibigan niya si Tommy at pinsan ng kanyang ina. Nakita niya umano si Tommy na nakaupo at naninigarilyo sa tindahan sa baba ng kanilang bahay bandang ala-1:00 ng hapon noong ika-1 ng Pebrero 2012. 


Makalipas ang isang oras ay nagsimula na umano sila na mag-inuman ng kanyang grupo. Sumali umano sa naturang inuman si Tommy bandang alas-7 ng gabing iyon.


Sa Joint Decision na ipinalabas ng RTC, hatol na conviction ang iginawad kay Tommy para sa tatlong bilang ng homicide. Binigyan ng pananalig ng mababang hukuman ang testimonya ni Barangay Councilor Chan sa pagkilala nito kay Tommy bilang salarin sa krimen. Gayunman, hindi umano napatunayan ng tagausig ang mga sirkumstansya ng treachery at evident premeditation. 


Parusa na pagkakakulong ng walong taon, bilang minimum, hanggang labing-limang taon, bilang maximum, ang ipinataw kay Tommy. 


Siya ay pinagbabayad din sa mga naulila ng bawat biktima ng P50,000.00 bilang civil indemnity, P50,000.00 bilang moral damages, at P25,000.00 bilang temperate damages.

Naghain si Tommy ng kanyang apela. Ang hatol ng RTC na conviction ay pinagtibay ng Court of Appeals, Cebu City (CA Cebu City), ngunit binago ang halaga na kailangang bayaran ni Tommy sa mga naulila ng mga biktima na P50,000.00 bilang civil indemnity, P50,000.00 bilang moral damages at P50,000.00 bilang temperate damages. 

Ipinag-utos din ng hukuman ng mga apela ang pagpapataw ng 6% bawat taon na interes sa lahat ng danyos, mula sa araw na maging pinal ang nasabing desisyon hanggang sa mabayaran ito nang buo ni Tommy.


Naghain si Tommy ng Motion for Reconsideration, ngunit hindi ito ipinagkaloob ng CA Cebu City. Kung kaya’t naghain siya ng Petition for Review on Certiorari sa Korte Suprema. 

Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan S.A. Aguipo-Luna mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (PAO-RSACU) Visayas, iginiit ni Tommy na mali ang ibinabang hatol sa kanya sapagkat merong mga makabuluhan na katotohanan at sirkumstansya na hindi binigyang-pansin ng RTC. 


Ang hukom din diumano na nagpasiya sa kanyang kaso at ang hukom na naglitis sa kanyang kaso sa mababang hukuman ay magkaiba.


Kasama na iginiit ng depensa na mali ang desisyon ng CA Cebu City sapagkat hindi umano kapani-paniwala at merong materyal na pagkakaiba ang mga testimonya ni Barangay Councilor Chan. Partikular, sa sinumpaang salaysay diumano ni Barangay Councilor Chan ay sinabi nito na nakita niya si Tommy na binaril ang mga biktima habang sakay ng motorsiklo, gayung sa kanyang direkta na testimonya ay sinabi umano nito na nakarinig lamang siya ng mga putok ng baril at hindi niya alam kung saan ito nagmula o saan ito nakatuon. Sa kanya ring naging pahayag sa cross-examination, sinabi umano ni Barangay Councilor Chan na hindi niya nakita ang larawan ng drayber ng motorsiklo mula sa rogue gallery, taliwas sa naging pahayag ni SPO1 Espina na kinilala umano ni Barangay Councilor Chan at mga kasamahan nito ang backride at drayber ng motorsiklo na tumambang sa mga biktima. 


Lubhang hindi rin umano kapani-paniwala na nakita ni Barangay Councilor Chan ang mukha ng bumaril. Kung isasaalang-alang diumano na si Tommy ay residente ng nasabing lugar, lubhang imposible na hindi siya magsusuot ng helmet upang ikubli ang kanyang mukha at pagkakakilanlan. Walang-saysay din diumano na gumamit pa siya ng motorsiklo na walang plaka kung ilalantad din lamang niya ang kanyang mukha. Masasabi rin diumano na nabawasan ang abilidad ni Barangay Councilor Chan na makilala ang backride kung siya ay nakatuon sa baril at sa pagpalit ng magazine nito. Hindi rin umano kapani-paniwala ang sinasabi ni Barangay Councilor Chan na sila ay nagkatinginan ng naturang backride ng mata sa mata kung isasaalang-alang diumano ang mabilis na mga pangyayari at ang tuon ng naturang salarin sa pagpapalit ng magazine ng kanyang baril.


Giit pa ng depensa, malaki umano ang posibilidad na magkamali ng pagkilala si Barangay Councilor Chan sa salarin sapagkat iyon lamang ang unang pagkakataon na nagkita sila ng naturang backride. Diumano, dapat ding bigyang-puna ng hukuman ang hindi pagbibigay ni Barangay Councilor Chan ng paglalarawan ng backride at drayber ng motorsiklo gayung sinabi nito na nakita niya ang mukha ng dalawa.


Dagdag pa ng depensa, ang out-of-court identification na isinagawa ng mga pulis ay lubhang depektibo sapagkat ito ay kakikitaan ng hindi pinahihintulutan na pagmumungkahi o impermissible suggestion. 


Inamin diumano ni Barangay Councilor Chan na nakilala niya si Tommy sa pamamagitan ng cartographic sketch, bagay na hindi umano ipinirisinta sa hukuman. 


Ang nasabing sketch din ay batay sa paglalarawan na ibinigay ni Barangay Tanod Icot, ngunit maging siya man ay hindi umano ipinrisinta sa hukuman. Kung kaya’t hindi umano dapat isantabi ang posibilidad na gawa-gawa lamang ng mga pulis ang nasabing cartographic sketch, lalo na’t nabanggit diumano ni SPO1 Espina na ang naturang cartographic sketch ay merong pagkakahawig sa larawan ni Tommy na nasa tala ng kanilang himpilan.


Maliban sa mga ito, giit ng depensa na hindi sapat ang circumstantial evidence na ipinrisinta ng tagausig para mahatulan si Tommy sapagkat ang mga pinanggalingan diumano ng mga ito ay hindi napatunayan, self-serving at hindi kapani-paniwala na testimonya lamang ni Barangay Councilor Chan. 


Sa kabuuan, hindi umano napatunayan ng tagausig na si Tommy ang salarin sa krimen, kung kaya’t dapat umano na siya ay ipawalang-sala.


Sa muling pagsusuri at pag-aaral sa kaso ni Tommy, ipinaalala ng Kataas-taasang Hukuman, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Supreme Court Senior Associate Justice Leonen, na ang una na dapat mapatunayan nang higit pa sa makatwirang pagdududa sa bawat kasong kriminal ay ang pagkakakilanlan ng salarin. Kaugnay nito, mahalaga umano na gumamit ng ibayong pag-iingat ang hukuman sa pagtanggap ng ebidensiya patungkol sa pagkilala sa salarin mula sa natatanging saksi o sole witness sapagkat sa naturang pagkilala lamang diumano tanging nakasalalay ang magiging pagpapasya ng hukuman. Alinsunod umano sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong People vs. Teehankee, Jr., upang angkop na mapagpasiyahan ng hukuman ang pagtanggap ng out-of-court identification sa mga suspek ay sinusunod ang totality of circumstances test na merong mga sumusunod na factors: 


(1) The witness' opportunity to view the criminal at the time of the crime; (2) the witness’ degree of attention at that time; (3) the accuracy of any prior description given by the witness; (4) the level of certainty demonstrated by the witness at the identification; (5) length of time between the crime and the identification; and, (6) the suggestiveness of the identification procedure.”


Sa pagsasaalang-alang ng mga nabanggit na pamantayan, hindi umano kumbinsido ang Korte Suprema na lubos na napatunayan ng tagausig ang pagkakakilanlan ng salarin. 

Una, hindi umano binigyang-pansin ng mga mababang hukuman ang hindi pagbibigay ng paglalarawan ni Barangay Councilor Chan ukol sa backride. 


Ibinatay lamang umano ng naturang saksi ang pagturo kay Tommy bilang salarin bunsod ng cartographic sketch na ipinakita sa kanya ng mga pulis – cartographic sketch na hindi man lamang umano ipinrisinta sa hukuman bilang ebidensiya. 


Maging si Tanod Icot na siyang nagbigay ng paglalarawan na pinagbatayan ng nasabing

cartographic sketch ay hindi rin umano ipinrisinta sa hukuman. Nagdulot din diumano ng pagdududa sa isipan ng Kataas-taasang Hukuman kung ang pagkilala ba ni Barangay Councilor Chan sa salarin ay batay sa kanyang malaya at pansariling pagkakaalala sa pangyayari o kung naimpluwensyahan na ng naturang sketch sa pagkakaalala niya sa mukha ng salarin.


Ayon din sa Korte Suprema, hindi umano lubos na naipaliwanag ng testigo ng tagausig na si SPO1 Espina kung sa paanong paraan nila isinagawa ang pagpapakita kina Barangay Councilor Chan nang higit sa isang daan na larawan mula sa rogue gallery ng kanilang himpilan. 


Maging ang mga naturang larawan ay hindi umano ipinrisinta sa hukuman. Kapuna-puna rin umano sa Korte Suprema ang pagkakasalungat ng testimonya ni SPO1 Espina, na nakilala umano ni Barangay Councilor Chan at mga kasamahan nito ang backride at drayber ng motorsiklo mula sa rogue gallery at testimonya ni Barangay Councilor Chan, na hindi umano niya nakita ang larawan ng drayber mula sa rogue gallery. 


Ang pagkakasalungat na nabanggit ay nagpapakita umano ng posibilidad ng pagkakamali sa pagkilala ni Barangay Councilor Chan sa salarin. Hindi man lamang din ipinrisinta sa hukuman ang apat na kasamahan ni Barangay Councilor Chan na nakasaksi rin sa krimen.


Hindi rin umano maisantabi ng Korte Suprema na mabilis ang mga naging pangyayari sa naturang insidente ng pamamaril at na meron lamang limitado na oportunidad si Barangay Councilor Chan na maobserbahan ang itsura ng mukha ng backride. Ang atensyon ni Barangay Councilor Chan sa baril at sa pagpapalit ng magazine at ang kagyat na sandali na nasa likod ng multicab ang motorsiklo ng mga salarin ay mga sirkumstansya na nakabawas diumano sa atensyon ni Barangay Councilor Chan upang lubos niya na makilala ang backride.


Kung kaya’t para umano sa Korte Suprema, merong makatwirang pagdududa sa ginawang pagkilala ni Barangay Councilor Chan kay Tommy bilang salarin sa pananambang at pamamaslang kina Marlon, Solidad at Virginia. Sapagkat wala umanong ibang ebidensiya na nag-uugnay kay Tommy sa krimen na ipinaparatang laban sa kanya ay kinakailangan diumano na siya ay ipagpalagay na walang sala, alinsunod sa ipinag-uutos ng ating Saligang Batas.


Dahil sa mga nabanggit, minarapat ng Kataas-taasang Hukuman na baliktarin at isantabi ang desisyon at Resolusyon ng CA Cebu City at ipawalang-sala si Tommy. 


Ang desisyon na ito ng Korte Suprema ay naging final and executory noong Agosto 12, 2024.


Ang hustisya na nakamit ng isang panig ay maaaring mangahulugan na hindi pagkamit ng hustisya para sa kabilang panig. 


Sa kuwento na ito, natanggap ni Tommy ang hustisya na nararapat para sa kanya dahil hindi napatunayan ang kanyang pagkakasala. Subalit, hindi pa nakakamit ng mga biktima at kanilang mga naulila ang hustisya na para naman sa kanila. 


Ang mga totoong may-akda ng krimen ay hindi pa rin nagbabayad sa mata ng ating batas, lalo na sa batas ng langit. Kaya naman, ang mga daing mula sa hukay ay nananatiling walang patid. 


Nawa ay hindi sila tumigil sa pananalangin. Ang bawat dasal ng mga naulila ay hindi nawawaglit sa pakikinig ng Ama nating nasa langit. Hindi man nakamit sa ngayon ng mga nasabing biktima ang hustisya sapagkat ang pagkakakilanlan ng mga salarin ay hindi naitaguyod nang higit pa sa makatwirang pagdududa, naniniwala at nananalig kami na darating din ang araw na masisiwalat ang buong katotohanan sa kanilang pagpanaw. Hindi kami nawawalan ng pag-asa, may awa ang ating Ama. At, kung hindi man sa mundong ito matanggap ng mga totoong salarin ang kaukulang parusa, sa kabilang buhay ay tiyak na lubos na pagpaparusa ang mararanasan nila.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Dec. 29, 2024



ISSUE #338


Sa dami na ng nangyayari sa ating pang-araw-araw na buhay, meron mga pagkakataon na hindi na natin alintana ang ating ikinikilos o ginagawa. Kadalasan, wala rin sa ating hinagap na sa simpleng pagkukusa o pagkakawanggawa, isang malagim na sitwasyon na pala ang biglang bubulaga. 


Marahil naranasan na rin ninyo sa inyong buhay, ang masabi ang mga katagang, “Ako na nga ang nagkusa, ako pa ang napasama.” 


Walang sinuman ang nais malagay sa kapahamakan, lalo na’t para lamang makatulong o sa kabutihan. Subalit, sadya yata na ang kasamaan ay nariyan lamang sa ating kapaligiran.


Ang kuwento na ibabahagi namin sa araw na ito ay hango sa kasong People of the Philippines vs. Biembo Jayo y Patigdas (CA-G.R. CR No. 02106-MIN, April 19, 2023), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Oscar V. Badelles (Twenty-First Division). Dalawa ang inakusahan sa pamamaslang, subalit isa lamang ang nahatulan ng legal na kaparusahan ng mababang hukuman. Pagkukusang-loob diumano na nauwi sa pagkakapaslang ng isa sa nais niyang tugunan. 


Ating tunghayan ang mga pangyayari batay sa mga impormasyon na isinumite sa hukuman at kung ano ang naging pinal na desisyon sa partidong nahatulan.


Noong ika-7 ng Marso 2019, anti-bisperas ng kapistahan sa Lamac, Rebe, Lala, Lanao del Norte, nagpunta umano sa nasabing lugar sina Delson, Ariel at Mico upang manood ng Bikini Open, habang naroon ay nakainom diumano ang tatlo ng sampung bote ng Red Horse beer. Bandang alas-2:20 ng madaling araw ay naglakad na diumano ang tatlo pauwi nang may napansin sila na paparating na isang motorsiklo na merong sidecar. Huminto umano ito malapit na sa kanila at bumaba umano mula sa nasabing sasakyan sina Biembo at Wengie. 


Nagkaroon diumano ng gulo sa pagitan ng grupo nila Delson at Biembo, kung saan nasaksak diumano ni Biembo si Mico sa dibdib na naging sanhi ng dagliang pagpanaw ng naturang biktima.


Kasong murder sa ilalim ng Artikulo 248 ng Revised Penal Code ang isinampa na kaso laban kina Biembo at Wengie sa Regional Trial Court (RTC) ng Kapatagan, Lanao del Norte.


Batay sa paratang na inihain laban sa kanila, nagkaroon diumano ng sabwatan sa pagitan ng dalawa na kung saan si Wengie diumano ang sumuntok kay Mico, habang si Biembo naman ang sumaksak kay Mico sa dibdib at iba’t iba pang bahagi ng katawan ng biktima na naging sanhi ng pagkasawi nito.


Batay naman sa testimonya ni Wengie sa hukuman, kilala niya umano si Delson dahil ang kanilang mga dating kasintahan ay magkaibigan. 


Matapos umano ang Miss Lamac Beauty Pageant, nagpunta si Wengie at kanyang mga kasamahan sa tindahan ni Raquel upang bumili ng mga inumin. Nakita umano ni Wengie sina Delson, Ariel at Mico na nag-iinuman sa tindahan ni Jenny. Makalipas ang ilang sandali, nagpunta umano sina Delson sa tindahan ni Raquel at nagkaroon diumano ng berbal na alitan sa pagitan niya at ni Delson. Sa gitna diumano ng nasabing alitan ay bigla na lamang sinuntok ni Ariel si Wengie mula sa likod. Tumama umano ang naturang suntok sa likod na bahagi ng ulo at gilid ng mukha ni Wengie, dahilan upang mapadapa ito sa lupa. 


Magpapakawala umano sana ng suntok si Wengie ngunit siya ay napigilan ng kanyang mga kaibigan. Dumating na rin diumano ang mga magulang ni Wengie at dinala siya sa kanilang kapitbahay kung saan sila ay nanatili hanggang alas-4:00 ng madaling araw. Nakauwi na umano si Wengie at ang kanyang mga magulang sa kanilang bahay at nakatulog, subalit siya umano ay nagising bandang alas-6:00 ng umaga ring iyon nang sabihin sa kanya na isa siya sa mga pinaghihinalaan na sumaksak kay Mico.

Sinuportahan ng kanyang ina na si Virginia at kanilang kapitbahay na si Elena ang kanyang testimonya.


Mariin na itinanggi ni Wengie na meron siyang kaugnayan sa naganap na pananaksak at pamamaslang kay Mico. Itinanggi rin niya na kilala niya si Biembo. Nakilala lamang diumano niya si Biembo noong sila ay kapwa ma-detine sa Municipal Hall ng Lala, Lanao del Norte.


Batay naman sa testimonya ni Biembo, bandang alas-12:00 ng tanghali noong ika-6 ng Marso 2019 ay inutusan siya ng kanyang lola na magpunta sa Rebe, Lala, Lanao del Norte upang kausapin ang isang manggagawa. Nang wala umano roon ang nasabing manggagawa ay nagpasya si Biembo na kitain ang kanyang kaibigan na inanyayahan siya na maghapunan sa Sitio Anot, Lamac. Rebe, Lala, Lanao del Norte. 


Diumano, matapos siyang makapaghapunan ay nagpunta siya sa kubo ng kanyang kapatid at nakatulog doon hanggang madaling araw. 

Nang magising umano siya ay sumakay na siya sa motorsiklo na merong sidecar para umuwi. 


Sa daan ay naabutan niya umano na naglalakad ang tatlong kalalakihan, na kalaunan ay kinilalang sina Delson, Ariel at Mico. Pinara umano siya ng isa sa tatlo, agad siyang huminto sa pag-aakala na nais ng mga ito na makisakay. Paglapit diumano ng tatlo ay bigla na lamang siyang sinalakay at pinagsusuntok, dahilan upang siya ay mapahiga sa lupa. Agad umano siyang tumayo at nakita niya na ang isa sa mga ito na merong hawak na kutsilyo. 


Bagaman patuloy ang panununtok sa kanya, binigyang-tuon diumano ni Biembo ang may hawak ng kutsilyo at nakipagbuno siya para makuha ang naturang patalim. 


Nang makuha umano ni Biembo ang kutsilyo ay sinaksak niya ang isa at agad siyang tumalilis. Tumakbo umano siya sa basketball court upang humingi ng saklolo subalit wala umanong tao noong panahon na iyon. Kaya naman nagtago na lamang diumano siya sa isang kanal ng mahigit-kumulang 30 minuto bago siya umalis.


Sa ibinabang hatol ng RTC noong ika-3 ng Nobyembre 2020, pinawalang-sala si Wengie. Subalit, hatol na conviction ang iginawad kay Biembo para sa krimen na Homicide. 

Parusa na pagkakakulong ng 6 na taon at isang araw bilang minimum, hanggang 14 na taon at 9 na buwan bilang maximum ang ipinataw sa kanya. 


Siya rin ay pinagbabayad sa mga naulila ni Mico ng halagang P50,000.00 bilang civil indemnity, P50,000.00 bilang moral damages at P50,000.00 bilang exemplary damages.

Hiniling ni Biembo na muling isaalang-alang ang kanyang pagsamo, subalit ito ay tinanggihan ng hukuman. Kung kaya’t naghain siya ng kanyang apela. 


Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan H.J.A. Franje-Celestiano mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (PAO-RSACU) Mindanao, iginiit ng depensa na mali ang RTC na hindi binigyan ng konsiderasyon ang self-defense sa parte ni Biembo. Diumano, ipinagtanggol lamang ni Biembo ang kanyang sarili mula sa pagsalakay ng tatlong kalalakihan na inakala niyang makikisakay lamang sa kanyang dalang sasakyan.


Sa muling pagsusuri at pag-aaral ng CA Cagayan de Oro City sa kaso ni Biembo at sa ibinabang desisyon ng RTC ng Kapatagan, Lanao del Norte, isinaalang-alang ng appellate court ang mga natuklasan ng mababang hukuman kaugnay sa pagpapawalang-sala nito kay Wengie. 


Para umano sa CA Cagayan de Oro City, kung tinanggap ng mababang hukuman ang pagdadahilan o alibi ni Wengie na wala siyang kinalaman sa pananaksak kay Mico sapagkat siya ay nasa kanilang kapitbahay hanggang alas-4:00 ng madaling araw, noong ika-7 ng Marso 2019, kasama ang kanyang mga magulang at sila ay umuwi at nagising na lamang bandang alas-6:00 ng umagang iyon nang ipaalam sa kanya na isa siya sa mga pinaghihinalaan na sumaksak kay Mico, nangangahulugan diumano na nagsasabi ng totoo si Biembo – na mag-isa lamang siya na nakasakay sa naturang motorsiklo nang maabutan niya sa daan ang grupo nina Delson.


Ang ilan pang makabuluhan na katotohanan na naitaguyod diumano ng ebidensiya na isinumite ni Wengie sa mababang hukuman, na hindi umano napabulaanan ng tagausig ay ang naganap na alitan sa pagitan ni Delson at Wengie na kung saan sinubukan diumano na galitin ni Ariel si Wengie, subalit napigilan diumano ang pagganti ng huli bunsod ng pag-awat ng kanyang mga kaibigan at ng napapanahong pagdating ng kanyang mga magulang. 


Ang nasabing alitan ay naganap diumano ilang oras bago ang insidente sa pagitan ni Biembo at grupo nila Delson. Naitaguyod din diumano ng ebidensiya ni Wengie na hindi sila magkakilala ni Biembo at ang una nilang pagkikita ay noong ma-detine sila sa Municipal Hall ng Lala, Lanao del Norte.


Binigyang-tuon din ng hukuman ng mga apela ang iginiit ni Biembo na self-defense, upang mapatunayan na merong balidong self-defense, kinakailangan maitaguyod ang mga sumusunod na elemento: 


(1) Unlawful aggression o hindi makatarungan na pagsalakay ng biktima; 


(2) Makatwiran na pamamaraan ng pagsalag ng taong dumedepensa sa kanyang sarili mula sa pagsalakay ng biktima;  


(3) Walang sapat na probokasyon sa parte ng taong dumedepensa sa kanyang sarili para siya ay salakayin ng biktima.


Batay umano sa mga ebidensiya na isinumite sa hukuman, meron diumanong elemento ng unlawful aggression sa parte nila Delson, Ariel at Mico. Naging kapuna-puna sa appellate court ang naganap na alitan sa pagitan ng grupo nila Wengie at  Delson na sinubukan pa na galitin ni Ariel si Wengie, subalit hindi na nakaganti ang huli dahil sa pagkakapigil ng mga kaibigan nito. Kapansin-pansin  diumano na sina Delson, Ariel at Mico ay nakainom na ng 10 bote ng Red Horse beer, maiinit na ang mga ulo at balisa na bunsod ng naturang alitan. 


Kung kaya’t maaari umano na inaasahan ng mga ito ang paghihiganti mula sa grupo nila Wengie. Madilim din umano ang daan noong madaling araw na iyon at ang ilaw na meron lamang ay ang galing sa motorsiklo na minamaneho ni Biembo. Kung kaya’t maaaring hindi umano nakilala nang husto ng grupo ni Delson si Biembo, napagkamalan nila ito na kasamahan ni Wengie, at pinara nila ito at sinalakay sa maling pag-aakala na gaganti ito sa kanila.


Para rin sa hukuman ng mga apela, naitaguyod diumano ng depensa ang makatwirang pamamaraan ng pagsalag na ginawa ni Biembo bilang pagtanggol sa kanyang sarili. 

Natural lamang diumano na salagin ni Biembo ang taong merong hawak ng patalim sapagkat iyon ang pinakamapanganib para sa kanya. Natural din umano na saksakin niya ang tao na sasalakay sa kanya gamit ang naturang patalim, bagaman hindi inaasahan na mapapaslang niya ito.


Naitaguyod din ng depensa na walang sapat na probokasyon sa parte ni Biembo upang siya ay salakayin ng grupo ni Delson. Wala umanong patunay na ipinrisinta sa hukuman na maaaring magsilbing dahilan ni Biembo upang salakayin niya ang grupo nila Delson. Hindi rin umano kasapanta-sapantaha na salakayin ni Biembo nang mag-isa ang tatlong lalaki. Diumano, kung meron mang pagkakamali si Biembo, ito ay ang kanyang paghinto noong siya ay parahin sa pag-aakala na kailangan ng tatlo ng masasakyan.


Kung kaya’t kinatigan ng hukuman ng mga apela ang depensa ni Biembo na makatarungang pagtatanggol sa kanyang sarili o lawful self-defense lamang ang kanyang ginawa. Dahil dito, minarapat ng CA Cagayan de Oro City na baliktarin at isantabi ang naunang desisyon ng RTC at ipawalang-sala si Biembo. 


Ang Desisyon na ito ng CA Cagayan de Oro City ay naging final and executory noong Abril 19, 2023.


Ang kaso na ito ay isang paalala na hindi dapat galit, init ng ulo o paghihiganti ang inuuna. At kung iinom man ng alak, huwag sobra at baka ito ang iyong ikapahamak. 

Kahit ang biktima na napaslang na si Mico ay marahil hindi inaasahan na mauuwi ang gulo sa kanyang pagpanaw. Kung maibabalik lamang ang panahon, sana ay pinili na lang ng mga partidong sangkot sa gulo ang maging mahinahon.


Pakatandaan, ang buhay ay napakaiksi lamang, kaya ang oras at araw natin ay gawing makabuluhan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page