kumita ng milyun-milyon nang gawing modus ang publishing ng city ordinance sa isang lungsod sa south
ni Chit Luna - @Yari Ka! | July 23, 2020
Nagtatamasa limpak-limpak na salapi ang isang publisher sa mga inilalathala nitong ordinansa ng mga konsehal sa isang lungsod sa Metro Manila.
Sa kasalukuyang patakaran, kapag maganda ang “cash-sunduan” ay sa kanya ibibigay ang santambak na inaprubahang ordinansa na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso.
Ayon sa ating asset, hindi nila masikmura ang lantarang illegal na kalakalarang ito.
Itago natin sa pangalang “Kyah” (Kuya) ang nagsisilbi umanong negosyador at kolektor kung saan naglalaro sa P5-K kada pahina ang lagayan ng “for the boys”.
Kamakailan, nagpalathala ito sa isang pahayagan ng 100 pahinang anunsiyo ng ordinansa sa lungsod sa south. Tinawaran ito kada pahina, ngunit makaraang mailathala ay humingi ng tig-P3, 000 ang ating bida sa publisher—dahil kaugalian na ang patakarang “suhol” ay ibinigay ito sa kanya.
Pero nalaman ni “Kyah” na mali ang inilathala kung kaya’t ipinaulit ang anunsiyo at inilipat ito sa ibang diyaryo na maglalathala raw ng tama.
At ito na nga ang publisher na malakas daw sa meyor kaya nakakakuha ng malaking budget para sa anunsiyo. Ipinaulit ang paglalathala ng anunsiyo nang tatlong beses na may 120 pahina na nagkakahalaga ng milyones. Sabi pa ni “Kyah”, “Malakas ka naman, sir kay meyor kaya mabilis tayong makakasingil.”
Aba, nagkatotoo nga dahil dalawang araw lang matapos i-publish nang tatlong beses ang anunsiyo ay nakakubra ang mga buwaya bago mag-lockdown.
Sa unang “minaling anunsiyo”, kumita si “Kyah” ng humigit-kumulang na P360, 000 habang sa pangalawang anunsiyo ay kumita naman ito ng mahigit sa P1, 800, 000! Wow, palakpakan naman d’yan!
Ang galing ng mga galawan, pero si “Kyah” ay bagman lang pala ng kanyang “Boss” na responsable sa mga pagkakaperahan umano ng konseho.
Kung susumahin ay tumataginting na P6-M ang inilabas sa kabang-yaman ng lungsod na ito.
Ayos talaga ang mga mokong na ito, nakahanap ng pagkakakitaan nang maglockdown dahil kahit may pandemya ay ipinalabas na ulit ang anunsiyo sa ilang diyaryo na ang sirkulasyon ay sa area lamang ng south.
Bakit? Dahil binusalan sila para hindi mabunyag ang talamak na anomalya sa publication ng city ordinance.