top of page
Search
  • BULGAR
  • Oct 19, 2025

ni Imee Marcos @Imeesolusyon | October 19, 2025



Imeesolusyon ni Imee Marcos



Grabe na ‘to mga besh! Parang hindi pa tayo tapos sa baha at bagyo, heto na naman — sunud-sunod tayong niyayanig ng lindol sa iba’t ibang parte ng bansa! Galit na ang Mother Earth!


Mula noong Setyembre 30, nagsimula na ang mga malalakas na lindol sa Cebu at halos araw-araw na may aftershock. Sinundan pa ito ng mas malakas na magnitude sa Davao! Maraming bahay ang nasira, marami ring kababayan ang natatakot at nangangamba para sa kanilang mga pamilya at kabuhayan. 


Kaya ang sabi ko, panahon na para seryosohin ang paghahanda! Ang lindol, hindi inaabiso. Ang buhay, hindi puwedeng isugal! Kaya’t narito ang mga IMEE-PORTANTENG PAALALA para handa tayo sa lindol:


Una, alam niyo ba kung saan magtatago kapag nagsimula na ang lindol? Hanapin ang pinakamatatag na parte, kung saan nagsasalubong ang poste at beam. Diyan ka dapat magtago para may proteksyon.


Pangalawa, kung may abiso at may oras pa, tumakbo agad sa wide open space. Dapat malayo sa gusali, puno, o poste. Alamin din kung saan ang itinakdang evacuation area ng inyong LGU at kabisaduhin ang ruta papunta roon.


Pangatlo, magpraktis kasama ang pamilya. Dapat lahat ng nasa bahay ay kabisado kung paano mabilis at maayos mag-evacuate kung kakailanganin. Practice saves lives! Oh ‘di ba! Mabuti na ang maging maagap at handa.


At panghuli, ayusin na ang inyong go-bag. Lagyan ng gamot, pera, mahahalagang dokumento, flashlight, pagkain, tubig, at iba pang kailangan sa oras ng sakuna. 


Oras na ring ayusin natin ang sistema ng pagtugon sa sakuna, kaya isinusulong ko ang “National Resiliency and Disaster Management Authority Act” na may layuning tapusin ang mabagal at magulong koordinasyon tuwing may kalamidad. Sa panukalang ito, gagawing “all-hazards” Authority ang NRDMA na may command at control sa lahat ng ahensya ng gobyerno, kabilang ang AFP at PNP, at ilalagay ito direkta sa ilalim ng Office of the President para mas mabilis ang kilos, desisyon, at agarang aksyon tuwing may sakuna.


Maging alerto at huwag maging kampante. Lahat tayo may papel sa kaligtasan ng ating pamilya! 


Hindi mapipigilan ang lindol, pero kaya nating iligtas ang ating sarili, pamilya, at komunidad.


‘Yan lang muna mga besh! Ingat kayo lagi at maging alerto! Babush!


 
 

ni Imee Marcos @Imeesolusyon | October 16, 2025



Imeesolusyon ni Imee Marcos


Alam n’yo mga beshie, bago ako naging senador, dumaan muna ako sa mga kanto — literal. Kabataang Barangay, Assemblywoman, Governor — lahat ‘yan dinaanan ko. Lahat ng klase ng reklamo, narinig ko na rin. Kaya ‘pag “LGU” ang usapan, hindi ko na kailangan ng Google. Kabisado ko ‘yan.


Ngayong panahon ng debolusyon, halos lahat ng trabaho — edukasyon, kalusugan, agrikultura — ibinagsak sa mga LGU. Pero bakit parang “Luging Government Unit” sila? Malaking responsibilidad ang ibinigay sa kanila — pero ang pondo, nakatali pa rin sa ITAAS!


Paano lalaban ang mga lokal kung puro utos mula sa taas at puro abiso mula sa DBM?


Kaya sa panukalang Senate Bill No. 119 o LGU Fiscal Autonomy Act, gusto nating baguhin lahat ng ‘yan — bigyan ng tunay na kalayaan ang mga LGU. ‘Yung may diskarte, may tapang, at may pondo para umaksyon agad, hindi ‘yung puro “review muna.”


Tatanggalin na natin ‘yung DBM review sa appropriation ordinances. Kasi kung laging “for review muna,” baka review na lang ang umabot, hindi serbisyo.


Kasi kung lagi na lang naghihintay ng “approval,” baka mauna pa ang bagyo kaysa sa tulong.


Ang tunay na serbisyo, nagsisimula sa baba — sa barangay, sa munisipyo, sa LGU mismo.


Ang LGU, hindi dapat Local Government Under Malacañang.


Kung gusto nating umangat ang bansa, panahon na para ang “L” sa LGU ay mangahulugang “Laya.” Agree mga beshie?!

 
 

ni Imee Marcos @Imeesolusyon | October 10, 2025



Imeesolusyon ni Imee Marcos


Alam mo ‘yung pakiramdam na parang nauubos ka na? ‘Yung araw-araw kang binubugbog ng mahal na bilihin, baha, trapik, utang, at kung anu-anong iskandalo sa gobyerno — na parang teleserye na walang katapusan? Eh paano ka pa nga naman hindi mababaliw sa ganitong sistema?


World Mental Health Day ngayong Oktubre 10, kaya’t gusto kong isigaw ito nang malakas: “TAKE CARE OF OUR MENTAL HEALTH NOW!” 


‘Wag nating hayaang sirain ng corruption at iba pang mga problema ang ating pag-iisip. 


Ito ang realidad: marami tayong kababayan na tahimik na naghihirap — mga estudyanteng hindi makatulog, mga nanay na nilalamon ng pagod, at mga kabataang nawawalan ng gana sa buhay dahil wala man lang nakikinig sa kanila.


Kaya isinusulong ko ang Senate Bill No. 1171, para maamyendahan ang Mental Health Act. Simple lang ang punto: magpatayo tayo ng community-based mental health centers sa bawat probinsya, lungsod, at grupo ng bayan. Libre, abot-kamay, at may sapat na tao, gamot, at pasilidad. 


‘Wag natin kalimutan, mental health is a basic right. Hindi ito pribilehiyo ng iilan.


Panawagan ko rin sa mga mental health experts, nurses, at teachers: tulungan nating palawakin ang serbisyo. Bigyan natin ng training ang mga kabataan para sa peer counseling, tulungan natin ang mga guro na magkaroon ng counseling certification, at hikayatin din ang mga kababayan abroad na ibahagi ang kanilang kaalaman.


Sa totoo lang, ang kalaban ng mental health ang malawakang korapsyon at kawalan ng malasakit.


Kung kaya nating magsayang ng bilyun-bilyong budget para sa kampanya at paninira sa iba, kaya rin nating maglaan para sa mental health at iba pang proyekto na para sa tao.


Kasi kung hindi na natin kayang alagaan ang ating sarili, paano pa natin maaayos ang bansa at ang bulok na sistema?



 
 
RECOMMENDED
bottom of page