ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 28, 2024
Ito na marahil ang “Golden Age of Sports” sa Pilipinas dahil sa sunud-sunod na karangalan ang nakakamit ng ating bansa sa international competitions.
Sa 2024 Paris Olympics ay nakapag-uwi ng dalawang gold medals ang ating gymnast na si Carlos Yulo, at nakasungkit naman ng bronze medals ang ating mga Pinay boxers na sina Nesthy Petecio at Aira Villegas.
Noong 2020 ay nakuha natin ang ating unang gold medal sa Olympics nang magwagi si Hidilyn Diaz sa weightlifting, habang nakapag-uwi naman ng silver sina Nesthy Petecio at Carlo Paalam, at bronze si Eumir Marcial sa boxing.
Bilang chair ng Senate Youth Committee, gawin natin ang lahat ng ating makakaya para maipagpatuloy ang momentum na ito at mas marami pang kabataang Pilipino ang mabigyan ng oportunidad na sumabak at magtagumpay sa sports o sa anumang larangang kanilang pipiliin sa buhay.
Kaya kahapon ay nagsagawa ang Senate Committee on Sports, na aking pinamunuan, ng post evaluation sa naging paglahok ng bansa sa 2024 Paris Olympics at iba pang international competitions. Tulad ng aking sinabi, hindi natin nais magturuan kung mayroon mang pagkukulang. Ang gusto lang natin ay maibigay ang sapat na suporta sa ating mga magigiting na atleta. Once in a lifetime lang ang mga oportunidad na ito kaya ibigay na natin ang buong suporta na nararapat.
Bawat taon, simula 2019 na ako ay naging chair ng Sports Committee at vice chair ng Finance Committee sa Senado, patuloy kong isinusulong ang pagtaas ng budget para sa sports. Kasama na rito ang pagpapaayos ng mga pasilidad tulad ng Rizal Memorial Coliseum at ang PhilSports Arena, pagbibigay ng sapat na suporta sa ating mga atleta na sumasabak sa international competitions, at maging sa pagpo-promote ng grassroots sports development upang makadiskubre ng iba pang kabataan na may potensyal.
Bukod pa riyan ang pagtatayo ng National Academy of Sports sa New Clark City base sa batas na isa tayo sa nag-akda at nag-co-sponsor sa Senado. Sa pamamagitan nito, puwede nang mag-aral at mag-ensayo ang ating mga student-athletes nang walang nakokompromiso. Nais nating mas palakasin ang NAS para mas dumami pa ang mabigyan ng oportunidad na mag-aral at magtagumpay sa palakasan.
Ang mga panalo natin ay patunay na kapag nagtulungan ang pribadong sektor at ang gobyerno ay malayo ang ating mararating. Kaya sana ay palaging magkaisa ang Philippine Sport Commission, Philippine Olympic Committee at National Sports Associations para mas matitiyak na hindi mapapabayaan ang training, preparation, at maging sa financial, moral at mental support ang ating mga atleta.
Sa katunayan, isinulong natin kasama ang PSC na mabigyan ang bawat Olympian ng tig-P500,000 financial support bago pa sila pumuntang Paris noong Hunyo. Maging ang mga paralympians natin na sasabak sa Paris Paralympics ngayong linggo ay nabigyan din.
Moving forward, importante talaga ang pagkakaisa dahil kapag panalo ang ating atleta, lahat ay nakikisaya. Pero kung talo o may aberyang nangyari, iwasan sana ang sisihan at mag-focus tayo kung paano ia-address ang anumang pagkukulang.
Ito rin ang dahilan kaya dumulog sa akin ang ating Olympian golfer na si Dottie Ardina na nagkaroon ng problema sa kanilang uniporme noong Paris Olympics, at isa ito sa ating natalakay sa pagdinig. Sabi niya, sa susunod ay kailangang i-improve pa natin ang ating preparasyon, maging mas maayos ang koordinasyon at dagdagan pa ang suporta sa ating mga atleta sa hinaharap.
Naging plataporma ang ating ginawang pagdinig sa Senado para maipahayag ng mga atleta ang kanilang mga saloobin, mapunan ang anumang kakulangan, at mahikayat ang iba pang stakeholders na makiisa para mas makapag-produce ng mga bagong bayaning atletang Pilipino.
Naririto lang ang komite handang makinig sa inyo.
Naibalita rin kamakailan ang ruling ng Supreme Court na nag-uutos sa PAGCOR at PCSO na mag-remit ng parte ng kanilang kita sa PSC ayon sa batas. Tututukan natin ito bilang mambabatas para magamit ang pondo sa sports development programs.
Pahalagahan natin ang sports dahil bukod sa mga medalya, isa itong paraan upang magabayan ang mga kabataan, mailayo sila sa masasamang bisyo tulad ng ilegal na droga, at para maging healthy at fit ang ating mga kababayan. Sabi ko nga, minsan lang tayong dadaan sa mundong ito, kaya kung anong kabutihan ang puwede nating gawin sa ating kapwa at kung anong karangalan ang maibibigay natin sa ating bansa ay gawin at ibigay na natin ngayon!
Ito ang dahilan kung bakit tayo patuloy na nagseserbisyo sa abot ng ating makakaya nitong nakaraang mga araw.
Naging guest of honor tayo sa graduation ceremony ng National Fire Training Institute (NFTI) Fire Officer Basic Course (FOBC) noong August 24 na idinaos sa NFTI Compound sa Calamba City, Laguna. Bukod sa tulong na ating ibinigay sa mga graduate, iminungkahi natin ang ating buong suporta sa ating mga fire officer at iba pang uniformed personnel.
Muli naman nating binalikan noong August 26 ang 746 na naging biktima ng sunog sa Cavite City at pinagkalooban ng tulong. Bukod sa ating ipinamahagi, nakatanggap din sila ng emergency housing assistance mula sa NHA na ating isinulong para may pambili ang mga biktima ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pagpapaayos ng kanilang nasirang tahanan.
Naging panauhing tagapagsalita rin tayo sa Graduate School Program Commencement Exercises ng Philippine Christian University (PCU) sa Taft Avenue, Manila. Pinayuhan natin ang 1,700 graduates na gamitin ang edukasyon para makapagserbisyo sa kapwa. Lagi rin tandaan na ang kabataan ay ang pag-asa at future leaders ng bayan.
Tuluy-tuloy din ang aking Malasakit Team sa paghahatid ng tulong sa mga nawalan ng hanapbuhay sa iba’t ibang komunidad. Sa San Jose, Batangas ay natulungan natin ang 50 katao katuwang si VM Renji Arcilla, at 254 pa kasama naman si Mayor Ben Patron. Natulungan din natin ang 650 sa Macalelon, Quezon kaagapay si VM Carmen Vidal; 500 sa Alabel, Sarangani katuwang si Mayor Vic Paul Molina Salarda; at 500 sa San Agustin, Surigao del Sur kasama si Mayor Nick Alameda. Sa ating suporta ay nabigyan din sila ng pansamantalang trabaho mula sa gobyerno.
Sinuportahan din natin ang 986 estudyante sa Malitbog, Bukidnon katuwang si Mayor Gary Casiño; at 1,000 na mahihirap sa Labason, Zamboanga del Norte katuwang si Mayor Jed Quimbo. Nakatanggap din sila ng tulong pinansyal mula sa gobyerno.
Namahagi rin tayo ng dagdag na tulong sa 2,500 na mahihirap sa Kumalarang, Zamboanga del Sur. Nakatanggap sila ng hiwalay pang suportang pinansyal mula sa lokal na pamahalaan na ating isinulong kasama si Mayor Ruel Molina.
Asahan na ang inyong Senator Bong Go ay patuloy na magseserbisyo sa inyo dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos. Magkaisa at magmalasakit tayo para sa karangalan ng bansa!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.