ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | October 3, 2025

Napakasikip sa dibdib ng inyong Senator Kuya Bong Go nang makasalubong ko kamakailan ang isang lola na 68 years old, nagtitinda pa ng turon sa gilid ng daan para lang may pantustos sa pamilya. Sa edad niya, dapat may tulong na siyang natatanggap mula sa gobyerno — pambili man lang ng gamot, ng pagkain o pamasahe. Ang sakit sa damdamin na makitang ganito pa rin ang kalagayan ng marami nating senior citizens.
Kaya sa hearing ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development noong September 29, muli tayong nakiusap sa national government at sa mga kapwa ko mambabatas na sana ay unahin ang kapakanan ng ating mga nakatatanda. Ayon sa DSWD, meron pang halos isang milyong seniors na hanggang ngayon, hindi pa rin nakakatanggap ng social pension na itinatakda ng batas.
Para maibigay ang pensyon ng mga nasa waitlist, iminungkahi natin na kung maaari ay i-reallocate para sa ating mga lolo at lola ang pondong nakalaan sa flood control at ghost projects -- na ginagawa namang gatasan ng iilan!
Bilang inyong senador, ipinaglaban natin bilang co-author ang Republic Act No. 11916 na nagtaas sa buwanang pensyon ng ating indigent senior citizens. Patuloy din nating isinusulong ang Senate Bill No. 411 na layong magtatag ng national senior citizens hospital. Bukod sa lubos na pangangalaga sa ating seniors, hangad din natin na magkaroon ng malawak na research at training na nakatutok sa kanilang kapakanan.
Magtulungan tayo para mabigyan ng sapat na serbisyo at malasakit ang ating mga lolo at lola. Huwag natin sila pabayaan dahil kung wala sila ay wala rin tayo sa mundong ito.
Samantala, nitong nakaraang Lunes, September 29, sa pagdinig ng panukalang 2026 budget ng kanyang opisina, inihayag natin ang buong suporta sa opisina ni Vice President Sara Duterte. Naniniwala tayo sa ating “working VP” at sa serbisyong naihahatid niya, lalo na sa mga mahihirap nating kababayan. Mahalagang maisulong ang sapat na pondo ng Office of the Vice President dahil tiyak na taumbayan ang makikinabang dito.
Personal din tayong tumulong sa 286 nasunugan sa Sampaloc, Manila nitong October 1. Bukod sa ating tulong, may inihatid ding suporta ang national government para makatulong sa pagpapagawa ng kanilang mga bahay at makabangon muli.
Nitong nakaraang linggo, tuluy-tuloy na nagsagawa ng ilang relief operations sa iba’t ibang lugar ang ating Malasakit Team upang tumulong sa mga kababayan nating nasunugan at nabahaan, kabilang na ang 99 na biktima sa Cebu City at 447 sa Zamboanga City.
Dagdag pa rito, sa koordinasyon kasama ang pambansang pamahalaan, nagbigay din ang ating Malasakit Team ng tulong sa 65 biktima ng sunog sa Pasig City; 218 sa Mandaue City, 168 sa Cebu City, at 25 sa Talisay City, lahat nasa Cebu; at 18 sa Tagbilaran City, Calape, at Guindulman, Bohol.
Ang mga benepisyaryong ito ay nabigyan ng tulong upang makabangon sa kanilang hinaharap na pagsubok.
Patuloy kaming magseserbisyo sa inyo dahil bisyo ko ang magserbisyo at ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo ‘yan sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.




