- BULGAR
- Oct 19, 2022
ni Ka Ambo - @Bistado | October 19, 2022
WALANG pinakaimportanteng elemento sa ibabaw ng mundo, kundi ang buhay.
'Yan ang esensya ng ating existence o pagiging nilalang.
◘◘◘
NUMERO unong prayoridad ang buhay.
Natutuwa tayo dahil nakapundasyon ang kampanya ni P-BBM kontra sa illegal drugs sa pag-iwas sa pagdanak ng dugo.
◘◘◘
TALIWAS kay ex-PRRD na prayoridad ang pagsugpo sa illegal drugs kahit magbuwis ng buhay ang mga suspek, mas nakatutok ang giyera kontra ilegal na droga ni P-BBM sa makataong pamamaraan.
Nakita natin ito nang makumpiska ang P6.7 bilyong halaga ng ilegal na droga—nang walang dumanak na dugo.
◘◘◘
WALA ring nasaktan sa mga naarestong suspek sa magkahiwalay na pagsalakay sa Tondo, Maynila at Pasig City.
Dahil d'yan, mas malaki ang tsansa na maituro ang mastermind at mabunyag ang modus-operandi—dahil “buhay ang suspek”.
◘◘◘
MAY ilang dokumento na nag-uugnay sa isang Police Master Sgt. Rodolfo Mayo, Jr. sa kalakalan ng ilegal na droga.
Sinasabing intelligence officer ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) si Mayo sa Metro Manila.
◘◘◘
Nabatid na lending ang negosyo ng suspek sa Sta. Cruz, Maynila na pinaniniwalaang legal front.
Sinisiyasat din ang posibilidad na “recycled” ang epektos mula sa mga nakaraang operasyon ng pulisya.
Huh, delikado 'yan.
◘◘◘
PINASISIGLA ngayon ni P-BBM ang PNP- Drug Related Data Integration Generation System (DRDIGS) sa pangunguna ng Directorate for Operations.
Ito ang nagsilbing digital library ng lahat ng impormasyon na ginagamit kontra droga.
◘◘◘
BAHAGI ng iniipong impormasyon sa database ang pag-monitor ng rehabilitasyon ng mga drug users.
Nakatutok ito sa demand-reduction strategy, na kasabay ng supply-reduction strategy.
Malinaw ang estratehiya—pero “walang tokhang-tokhang” o estilong vigilantes.
◘◘◘
KUNG tutuusin, walang basehan ang inaakusang EJK sa giyera kontra droga ngayon—sapagkat iginagalang ang karapatang-pantao ng mga suspek.
Ang buhay na suspek ay siyang susi sa pagtuturo sa mastermind at disyembre sa pagbubunyag ng sikretong modus ng mga kawatan.
◘◘◘
MALINAW din na walang inaasahang “collateral damage” o madadamay na inosenteng sibilyan sa giyera kontra droga.
'Yan ay mas mapayapang pagsugpo ng illegal drugs at kriminalidad na tatak ng bagong Marcos, Jr. Administration.
◘◘◘
TULOY na ang barangay at SK election sa Oktubre, 2023.
Pinalawak lamang ang “period of campaign”.
Kaawa-awa ang mga kapos sa badyet.
◘◘◘
PERO, ipinetisyon sa Korte Suprema ang pagpapaliban sa eleksyon.
Dapat aksiyunan agad ang hinihinging TRO—upang makapag-move on na ang mga kumokontra kung sakaling ibasura ito.
◘◘◘
NAKAPUNTO ang protesta sa “kapangyarihan ng Kongreso” na magtalaga gamit ang batas o magpalawig ng termino ng mga “elected officials”—nang walang basbas ng Konstitusyon.
Kung paano ito reresolbahin ng Korte Suprema at dedesisyunan nang teknikal—ay magsisilbing malaking precedent—sa paulit-ulit na pagpapaliban ng mga “nakatakdang halalan” sa bansa.




