- BULGAR
- Nov 22, 2022
ni Ka Ambo - @Bistado | November 22, 2022
NASA bansa ngayon si US Vice-President Kamala Harris.
Ire-“reset” ng pagdalaw ni Harris ang relasyon ng US at Pilipinas.
◘◘◘
HUH, bakit “reset” ang ginamit na termino sa pagbisita ng pangalawang leader ng US sa Pilipinas?
Sa kompyuter, kapag inire-reset ay may hindi ordinaryong error na hindi kayang aregluhin ng technician.
Kunsabagay, maaaring ang tinutukoy ay naging relasyon ng US at Pilipinas noong panahon ni Digong.
◘◘◘
HINDI tayo sang-ayon sa ginamit na katagang “reset”.
Hindi nakaranas ng error o negatibong relasyon ang Pilipinas sa kabuuan ng termino ni Digong.
◘◘◘
KUMBAGA, naareglo ba ni P-BBM ang “LQ” ng Pilipinas at US noong panahon ni Digong?
Kumbaga, naglambingan lang sina Digong at Obama.
He-he-he!
◘◘◘
KUNG tutuusin, naghinay-hinay na si Digong bago matapos ang kanyang termino nang ibasura niya ang kontrata sa pagbili ng helicopter sa Russia.
Sa totoo lang, lantaran din niyang binatikos ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine at nilinaw nitong hindi “siya katulad ng kanyang dating idolo”—dahil marami ang namatay sa naturang digmaan.
◘◘◘
GAYUNMAN, taliwas kay Digong, lantaran ang pagsuporta ni P-BBM sa US government.
At nilinaw nito, imposibleng makakilos ang Pilipinas nang wala ang kooperasyon ng US.
◘◘◘
BATAY sa umiiral na batas sa kamandag ng probisyon ng US- Philippine Mutual Defense Act, hindi puwedeng kumawala o tumakas ang Pilipinas sa pagsuporta sa US—at vice-versa.
Magkakambal talaga ang US at Pilipinas batay sa batas at kultura.
◘◘◘
ISANG agenda sa pagbisita ni Harris ay ang kooperasyon sa proyektong enerhiya.
Nagkasundo na ang dalawang bansa sa pagpapagamit sa Pilipinas ng “nuclear energy” upang maibsan ang climate change.
◘◘◘
NAUNA nang inihayag din ng Malacañang ang “nuclear energy” cooperation sa France.
Kumbaga, gagamit ng nuclear energy ang Pilipinas, kahit wala ritong planta ng nuclear.
Magandang balita ito.
◘◘◘
PREPARADO na ang lahat ng eskwelahan para sa 100% face-to-face class sa Enero, 2023.
Ibig sabihin, aktuwal nang balik-normal.
◘◘◘
KUNG balik-normal, ibig sabihin ay balik-problema rin sa urban area.
Naririyan na naman ang matinding trapik at krimen sa lansangan.
Sana’y maging alerto ang PNP—at tiyaking gumagana ang mga CCTV at police patrol.




