ni Ka Ambo @Bistado | February 6, 2023
ISA tayo sa naniniwala na hindi dapat gampanan ni P-BBM ang pagiging Agriculture secretary.
Kumbaga, dapat ay nakapokus ang isang kalihim sa isang malaking problema.
◘◘◘
DAPAT ay nakatutok sa isang departamento ang kalihim upang maasikaso ito.
Matagal nang may sandamukal na ismagler sa sektor ng agrikultura.
◘◘◘
ANG mga magsasaka ay ginagamit lang ng mga mandarambong.
Hindi nakikinabang ang mga magsasaka, bagkus, nagkakamal ng mga salapi ang mga ‘traders’ gamit ang produktong agrikultura.
◘◘◘
KAPAG ‘traders’, magkatuwang sa pandarambong ang mga ismaglers at opisyal ng gobyerno.
Hindi kailangan ang debate sa isyung ‘yan.
◘◘◘
PARA direktang tulungan ang magsasaka, hindi presyo ang dapat tutukan. Bagkus, kailangan ding tutukan ang pagpapalawak ng mga bukirin.
Kapag presyo ang isyu, ang direktang tinutukoy d’yan ay traders o middlemen, hindi ang mga magsasaka na sangkot sa produksyon.
◘◘◘
ANG magsasaka ay siyang gumagalaw sa produksyon. Ang trader, middlemen, biyahero o ahente ang nakikinabang sa presyo o merkado.
Dapat ay maunawaan ‘yan ng kalihim o presidente na siyang tumatayong DA secretary.
◘◘◘
SA agrikultura o iba pang industriya, ang konsyumer ay bahagi ng pagkilos. Ibig sabihin, ibang isyu ang konsyumer, trader at magsasaka.
Kakaunti ang ganap na nakakaunawa niyan.
◘◘◘
MAGING ang matataas na opisyal ng gobyerno, kasama na ang mga taga-Palasyo ay walang sapat na karanasan, kaalaman at edukasyon hinggil sa isyu ng agrikultura.
‘Yan ang dahilan kung bakit nagkakaletse-letse.
◘◘◘
ANG pagiging kongresista o senador ay hindi kasingkahulugan ng pagiging eksperto, husay o talino. Nakaupo sila sa gobyerno mula sa simpleng popularidad, dami ng campaign fund, donor o libreng publisidad mula sa larangan na kanilang ginagalawan.
Uulitin natin, walang sapat na kaalaman ang ilang mambabatas kaugnay sa agrikultura.
Ibig sabihin, maaaring magbigay sila ng dispalinghadong opinion o suhestyon dahil sa kakapusan sa pang-unawa sa problema.
◘◘◘
SENTIDO-KUMON na ang pagpapalaki ng lupain na ginagamit sa agrikultura ang aktuwal na susi sa pagbaba ng presyo ng agri products.
Napakateknikal niyan, pero bakit hindi nauunawaan ng mga mambabatas at ehekutibo?
‘Yan ay dahil wala silang karanasan nang aktuwal sa larangan ng pagsasaka at kung hindi man, bahagi sila ng “sapot ng korupsyon” sa pamahalaan.
◘◘◘
SHORTCUT ang pagbungkal sa mga panot na bundok at nakatiwangwang na lupain upang mataniman at magbunsod ng industrial farming.
Ang malalaking korporasyon ay dapat bigyan ng insentibo sa industrial rice farming, onion production, garlic production at vegetable production.
◘◘◘
KUNG nagagawa ng malalaking korporasyon na mag-invest sa poultry, piggery, plantation ng prutas o sugar cane, bakit hindi sila itulak sa rice farming at vegetable production?
Magsasaka ang makikinabang sa industriyalisasyon ng pagsasaka katuwang ang malalakingkorporasyon. ‘Yan ang magpapababa ng presyo.
Makakapag-export pa ang Pilipinas imbes na mag-import at maging biktima ng mga pusakal na ismaglers na nasa loob ng pamahalaan mismo.
Mahirap bang isipin yan o talagang ayaw mag-isip ng mga bopol na nasa pamahalaan?




