top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | September 16, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Inuulit natin, maaaring ituring ang pork barrel ay hindi isang klase ng pondo o budget, bagkus ito ay isang aktuwal na modus operandi.


Ito ay isang modus operandi na may iba’t ibang klase ng maniobra o diskarte — across all department of government.


-----$$$--


SA totoo lang, ang pork barrel, ay isa lamang sa mga dambuhalang “aswang” na ginagamit ng mga mandarambong.


May kakambal ito o asawa sa pangungurakot sa pondo ng bayan na mas ispesipiko at talamak na pinagpipiyestahan ng mga ‘buwaya’ -- at ‘kinukunsinte’ ng Konstitusyon at maging mga opisina ng gobyerno na naatasan magbantay sa pondo ng bayan.


----$$$--


ANG ka-asawa o tandem ng pork barrel ay ang mismong “Procurement and Disbursement Process” na dapat ay mahigpit na ipinatutupad -- across all levels of bureaucracy.


Ibig sabihin, sa pork barrel, sa-ayaw-o-sa-gusto-mo, direktang kasabwat dito kung hindi man mastermind ang ilang mambabatas — senador man o kongresista o kahit ang mga miyembro ng Sanggunian -- board members sa lalawigan, councilor sa siyudad at munisipalidad; at maging ang kagawad ng barangay -- hanggang SK.


----$$$--


MALUNGKOT sabihin — mulat ang lahat — opisyal man ng gobyerno o pribadong sektor kasama ang akademya — at hudikatura, matagal nang umiiral ang “pork barrel” system.


Ito ay mula nang ipayakap ng US government ang demokratikong proseso sa Republika ng Pilipinas sa bungad ng dekada 1940s.


----$$$---


ANG terminong pork barrel ay hango mismo sa kulturang Kano — at mauugat mismo ang terminong “barrel” sa American Indian.


Ang pag-iimbak ng beer o fermented agricultural products — ay karaniwang iniimbak sa barrel — sa mga sinaunang tao sa American continent.


--$$$--


POPULAR sa atin na iniimbak ang beer upang maging antigo at mapasarap sa barrel — kaya’t nakilala ang “barrel of beer”.


Pero, alam ba ninyong ang karne o mismo ang mga “taba” ng mga wild boar o baboy ay iniimbak din sa barrel upang magamit ito sa mahabang panahon — sa lahat ng pangangailangan sa sinaunang panahon — nang hindi pa naiimbento ang freezer at refrigerator.


----$$$--


ANG pag-iimbak ng karne at taba ng baboy sa bariles na yari sa “antigong kahoy” — ay ang aktuwal na “pork barrel” na terminong ibinansag ng mga US lawmakers sa mga pondo na may “diskresyon” ang mga mambabatas.


Ang Konstitusyon ng Pilipinas ay cloned-version ng US constitution — na hinahati sa tatlo ang sangay ng pamahalaan -- executive, judiciary at legislative.


----$$$--


SA US, ang executive function ay nakatoka sa implementasyon ng proyekto — partikular ang “final decision” -- pagpapatibay at iba pang proseso.


Ang judiciary ay nakatoka sa interpretasyon ng batas, at ang legislative ay nakatoka lamang sa paggawa ng batas.


----$$$--


PERO, dahil sa pagnanasa ng mga lawmaker ng US na makaamot o magkaroon ng konting “executive function” — sa pagtukoy o pagpili ng proyekto o programa — inimbento ang “pork barrel” system.


-----$$$--

SA Pilipinas, inabuso ang paggamit ng pork barrel — kung saan binibigyan ng luwag ang legislature na makaamot o magkaroon ng “kapangyarihan o power” na tumukoy ng proyekto — at malala — tumukoy ng kontraktor o halos “super 100 percent” na discretion — sa isang iskemang sikreto o lihim sa publiko.


----$$$--


DAHIL isang iskema o modus ang pork barrel — hindi lang ang administrasyon ni PBBM ang masasabit kundi maging ang panahon dapat mula kay Manuel Roxas Sr., Sergio Osmena Sr. at Jose Laurel — kung kailan, posibleng ipinatupad ang pork barrel.


Pero, hindi lang pork barrel ang ginagamit sa pandarambong, bagkus maging ang talamak na paglabag sa batas ng “Procurement at Disbursement Act’ — gamit ang iskemang inimbentong “bidding-bidding” o nilutong SUBASTA.


----$$$--


ANG dapat imbestigahan ng Independent Commission for Infrastructure ay hindi lang ang ‘infrastructure’ at flood control, bagkus maging ang lahat ng “subasta” at implementasyon ng lahat ng proyekto na nakaugat ang “lahat sa huwad na procurement at disbursement process”.


Hindi lang, sa huling 10 taon ang imbestigasyon — dapat ay masuri o masaliksik — ang lahat na nagdaang transaksyon — upang magamit ang mga datos na maiipon — sa PAGGAWA NG MGA BATAS na susugpo sa talamak na korupsiyon sa burukrasya — siyempre, kasama ang hanay ng pulisya at military.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | September 11, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Naghahalo ang balat sa tinalupan. 

Iyan mismo ang kahulugan ng BLOOD BATH.


----$$$--


HINDI nakaligtas sina ex-Senate President Chiz Escudero at maging si House Speaker Martin Romualdez sa kaliwa’t kanang expose.


Ang ugat?

Malinaw, ang diskarteng anti-VP Sara.


-----$$$--


PAULIT-ULIT na sinasabi ng kolum na ito na magbu-BOOMERANG ang pag-atake kay VP Sara.

Sa ayaw o sa gusto mo, political propaganda ang lahat.


----$$$--


NGAYON, hindi natin malaman kung sino ang utak ng expose kontra sa Senado at kontra mismo sa Kamara ng mga Representante.

Kumbaga sa boksing — parang Pacquiao vs. Marquez, aktuwal na basagan ng mukha.


----$$$-


WALANG puwedeng magsabi na ang ehekutibo o ang Malacañang ang nasa likod ng giyera-patani.

Kasi’y kapag naging grabe ang sitwasyon, magbu-boomerang din ito kay PBBM.


----$$$--


MAGBABANTAY tayo at magmamasid sa mga susunod na kabanata.

Kapag nadamay sa “sunog” ang Malacañang, may kakaibang ipinahihiwatig ito.


----$$$--


MAPAPANSIN na mayroon nang nagbubuyo ng mga kilos-protesta kung saan, kapag nagkamali ang pulisya — ay maaaring lumala ang sitwasyon.

Alalahanin natin na ang bruskong gobyerno ni Moammar Khadafy ay gumuho nang magkaroon ng madugong dispersal sa isang kilos-protesta.

Dapat ay maging mahinahon ang lahat, dahil ang makikinabang dito — ay ang mga “dayuhan” upang diktahan ang ating pamahalaan.


----$$$--


HINDI naman agad-agad magkakagulo kung iyan man ay isang sikretong maniobra.

Magkakaroon muna ng mga sistematiko at nakaayos na senaryo.

Iyan ay malalim at mahirap nang masukat.


----$$$--


SA gitna ng kahihiyan na ikinakalat ng mga ‘mandarambong’ na pulitiko at ganid na mga negosyante, nagbibigay konsuwelo naman si Tennis Star Alex Eala.

Nakaangat sa mapa ng daigdig ang watawat ng Pilipinas dahil sa serye ng mga pagwawagi ni Eala sa mga prestihiyosong torneo.


----$$$--


MAHIRAP makawala ang ilang senador at kongresista sa isyu ng dispalinghadong flood control projects.

Ito ay dahil ang pondo ay mula sa “INSERTION” sa badyet.


----$$$--


MAAARING ginamit lang ang lisensya ng mga kontraktor ng kutsabahan ng ilang opisyal ng DPWH, senador at mambabatas.

Dahil insertion, hindi puwedeng makaligtas dito ang Senado at Kamara ng mga

Representante.


----$$$--


ANG isyu ngayon ay hindi kung sinu-sino ang makakasuhan, bagkus ay kung sinu-sino ang “ililigtas” o MAKAKATAKAS sa kamandag ng batas.

Sinu-sino ang poprotektahan at sinu-sino ang magsasakripisyo sa gitna ng pagkakamal ng salapi ng mga tunay na utak ng pandarambong.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | September 10, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Sintalim ng kidlat ang pagkakasibak kay Senate President Chiz Escudero.

Nadale rin ni Sen. Tito Sotto ang pinakaaasam niyang “pordarekord”.

 

----$$$--


PAPALITAN ni Sen. Ping Lacson si Sen. Rodante Marcoleta bilang chairman ng Blue Ribbon Committee.


Kapag naging two-hundred percent ang performance ni Lacson — magkakaroon na ng bigating kalaban si VP Sara Duterte sa 2028 election.

Meaning, higit sa expectation ang dapat na performance.


----$$$--


TANGING si Lacson lamang ang mambabatas na hindi tumatanggap ng sinasabi niyang pork barrel.

Ibig sabihin, kakambal ng pork barrel ang korupsiyon, magkasingkahulugan ito.


----$$$--


PERO, sinasapawan ni Sotto si Lacson imbes na magbigay-daan sa kanyang BFF.

Malinaw na kapanalig ni PBBM ang trio nina Sotto, Lacson at ex-SP Migz Zubiri.


----$$$--


KUNG ngayon pa lamang ay isisistematiko ni PBBM ang pag-asiste sa LOS VETERANOS, hindi malayong magkaroon siya ng kaalyado sa panahon ng kanyang pagreretiro.

Mahalaga na maging kaalyado ni PBBM ang susunod na mauupo sa Malacañang upang hindi niya maranasan ang nangyari sa mga ex-President na sina Erap, GMA at Digong — makalaboso!


-----$$$---


PUWEDENG baliktarin ang “talunang Sotto-Lacson” sa huling presidential election.

Maaaring gawing “Lacson-Sotto”.


----$$$--


PUWEDENG idugtong sa Lacson-Sotto ang kanilang partido na NPC.

Posibleng maging akronim ang “LA-SO-N”.

Official color ay itim at may imahe ng “bungo at kalansay”.

Meaning: Hindi kamatayan, bagkus ay transpormasyon!


-----$$$--


UMISKOR uli ang kampo ni ex-PRRD sa ICC.

Kinatigan ng ICC ang mosyon na ipagpaliban ang confirmation of charges.

Pero, kasabay nito, sinasabing nakumbinse si ex-PCSO chief Royina Garma na “i-import” sa The Hague para maging “state witness” kontra kay Digong.


----$$$--


MAGAGAMIT si Garma kung sakaling matuloy ang kaso.

Ang problema ay kapag na-dismiss ang kaso dahil sa teknikalidad at kawalan ng hurisdiksyon.


----$$$---


ISANG dahilan ng pagkakabalam ng confirmation ng kaso ay ang kalusugan ni Digong.

Hindi raw maayos ang kalusugan ng dating pangulo.


----$$$--


KUNG totoo na health issue ang dahilan ng postponement, nagpapahiwatig kaya ito na totoong buto’t balat na ang dating pangulo?

Tandaan natin, ipinatawag ni Digong sa loob ng kanyang karsel ang lahat ng kanyang mga anak kamakailan lang.


----$$$--


KARANIWANG senyales ng “pamamaalam” ang reunion ng buong pamilya sa higaan ng “may-sakit”.

Maaaring ito rin ang dahilan kung bakit nais makausap nang personal ng abogado ni Duterte si PBBM.


For humanitarian reason, pauuwiin na si Digong sa Davao?!


-----$$$---


ANG isang kaso, kapag hindi naisampa sa husgado o walang hatol — ay malinaw na nananatiling inosente ang inaakusahan.

Kapag biglang ‘binawian ng buhay’ si Digong — moot-and-academic, ABSUWELTO siya sa lahat ng kaso!


-----$$$--


KAPAG absuwelto sa kaso si Duterte sakaling sabay ng kanyang ‘pagyao’, lalong aangat ang popularidad at makahigop ng simpatiya si VP Sara.

Swak-sa-balde, ang Malacañang sa 2028.


-----$$$--


HABANG buhay pa si Digong at malayo-layo pa ang 2028, kailangan nang tukuyin ni PBBM ang kanyang “manok” sa presidential derby.

Isa lang ang dapat niyang ingatan: Huwag sanang mai-BITAW sa gradas -- ang isang TIYOPE!

Ang mapait, baka TIYOPE na ay SIYOKE pa!

Ho! Ho! Ho!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page