top of page
Search

News @Balitang Probinsiya | June 21, 2024



Quezon — Isang mister ang natagpuang patay ng kanyang misis kamakalawa sa labas ng kanilang bahay sa Brgy. Villa Aurin, San Narciso sa lalawigang ito.


Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jobert Quides, nasa hustong gulang at residente ng nabanggit na barangay.


Nabatid na mismong ang misis ni Quides ang nakatagpo sa kanyang bangkay sa labas ng kanilang bahay.


Sa pagsisiyasat ng pulisya, nabatid na may palatandaang pinatay ang biktima dahil may mga tama ito ng bala ng baril sa katawan.


Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabing krimen.



TOP 9 MOST WANTED, NASAKOTE


CAPIZ -- Isang top 9 most wanted criminal ang naaresto ng pulisya kamakalawa sa kanyang hideout sa Brgy. Banica, Roxas City sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ng pulisya ang suspek habang iniimbestigahan pa ito. 


Ayon sa ulat, dinakip ng pulisya ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay sa kinasasangkutan nitong kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa lalawigan.


Nabatid na nakita ng mga operatiba ang suspek sa nasabing lugar kaya agad itong inaresto.


Hindi naman nanlaban ang suspek at ngayon ay nakapiit na sa detention cell ng himpilan ng pulisya.



GUNRUNNER, TIKLO SA BUY-BUST


AKLAN -- Isang gunrunner ang nadakip ng pulisya sa buy-bust operation kamakalawa sa Brgy. Feliciano, Balete sa lalawigang ito.

Nakilala ang suspek na si Roberto Parijinog, nasa hustong gulang at nakatira sa nasabing bayan.


Ayon sa ulat, nang malaman ng pulisya na nagbebenta ng baril si Parijinog ay agad nagsagawa ng buy-bust operation ang mga otoridad kaya nadakip ang suspek na nakumpiskahan ng isang baril at mga bala.


Hindi naman nanlaban ang suspek nang arestuhin siya ng mga otoridad. 


Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and ammunitions.

 
 

News @Balitang Probinsiya | June 20, 2024



Camarines Sur — Isang pedicab driver ang namatay nang mabangga ng isang kotse kamakalawa sa Brgy. Sto. Tomas, Magarao sa lalawigang ito.


Ang biktima ay kinilala ng pulisya na si Leonardo Catipon, 59, at residente ng Brgy. San Francisco, Bombon sa nasabing lalawigan.


Ayon sa ulat, nawalan umano ng kontrol sa pagmamaneho ng kotse ang hindi pinangalanang driver nito kaya nabangga ang pedicab na kinalululanan ng biktima.


Nabatid na sa lakas ng impact ay nagtamo ng malaking pinsala sa ulo at katawan ang biktima.


Napag-alaman na sinampahan na ng mga otoridad ang driver ng kotse ng kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property.




BARANGAY OFFICIAL, BINOGA SA ULO


CEBU CITY -- Isang barangay official ang namatay nang barilin sa ulo ng isang hindi nakilalang armadong salarin kamakalawa sa Brgy. Duljo Fatima sa lungsod na ito.


Ang biktima ay nakilalang si Edward Abayan, nasa hustong gulang, administrative officer ng Brgy. Mambaling sa nabanggit na lungsod.


Ayon sa ulat, nasa loob ng isang karinderya sa nasabing barangay si Abayan nang sumulpot ang suspek at biglang binaril sa ulo ang biktima.


Agad dinala ng mga saksi ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.

Nagpalabas na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang suspek.




LOLA, 2 PA HULI SA DRUG DEN


ZAMBOANGA CITY -- Isang 60-anyos na lola, isang babae at isang lalaki ang nadakip sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa isang drug den sa Sitio Tumaga-Putik, Brgy. Tumaga sa lungsod na ito.


Hindi na muna pinangalanan ang lola at dalawa pang suspek na kapwa nasa hustong gulang habang iniimbestigahan sila ng mga otoridad. 


Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang pulisya na ginagawang drug den ang isang bahay sa naturang barangay kaya agad itong sinalakay at dito nadakip ang mga pusher.


Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng ilang gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.


Nakapiit na ang mga suspek na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.



‘HOT LOGS’, NAKUMPISKA


CAPIZ – Nasabat ng mga otoridad kamakalawa ang mga “hot logs” o mga punongkahoy na ilegal na pinutol sa kabundukan ng Brgy. Taft, Tapaz sa lalawigang ito.


Ang nasabing ‘hot logs’ ay nakumpiska ng mga otoridad na nakalulan sa isang trak na minamaneho ng isang nagngangalang “Dodoy,” nasa hustong gulang at tubong Iloilo. 


Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang pulisya na may lulan na mga ‘hot logs’ ang trak kaya pinara ang naturang sasakyan at dito nakita ang mga putol na punongkahoy na mahogany.


Nang hanapan ng mga dokumento ay walang naipakita ang driver kaya dinakip ito at kinumpiska ang mga ‘hot logs’ na nagkakahalaga ng P495,000. 


Nabatid na ang driver at ang amo nito ay sasampahan ng pulisya ng kasong paglabag sa Presidential Decree 705 o Revised Forestry Code of the Philippines.

 
 

News @Balitang Probinsiya | June 19, 2024



Agusan del Norte -- Isang empleyada ang sugatan nang saksakin ng isang holdaper kamakalawa sa Brgy. Tandang Sora, Butuan City sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ang biktima habang hindi pa naipapabatid sa pamilya nito ang naganap na pananaksak, samantalang ang suspek ay nakilalang si Rolando Gerodico, 51, at residente ng nasabing lalawigan.


Ayon sa ulat, armado ng isang baril at isang patalim nang looban ni Gerodico ang opisina ng Travel and Tours Agency at nagpahayag ng holdap, at pagkaraan ay sinaksak ng suspek ang biktima sa katawan.


Bagama’t duguan ay nagawa ng empleyada na makalabas ng establisimyento at humingi ng tulong sa pulisya kaya nadakip ang suspek.


Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa mga kasong frustrated murder, robbery, illegal possession of firearms and ammunitions at illegal possession of deadly weapon.




44 BAHAY, NASUNOG


ILOILO – Nasa 44 na bahay ang tinupok ng apoy kamakalawa sa Iloilo City sa lalawigang ito.


Ang sunog ay nagmula sa tahanan ng hindi pinangalanang residente sa nabanggit na lugar.


Ayon sa ulat, nakita ng mga residente na biglang sumiklab ang sunog sa isang bahay at dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy ay nadamay ang 43 pang kabahayan.


Wala namang iniulat na nadisgrasya sa naganap na insidente.


Sa ngayon ay inaalam pa ng mga arson investigator ang sanhi at halaga ng napinsala sa sunog sa nasabing lungsod.



MAGSASAKA, TIKLO SA BUY-BUST


NUEVA VIZCAYA -- Isang magsasaka ang nadakip sa buy-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. Sto, Domingo, Bambang sa lalawigang ito.

Ang suspek ay kinilala ng pulisya sa alyas na “Rudy,” nasa hustong gulang, residente ng nabanggit na bayan.


Ayon sa ulat, nagpanggap na buyer ng shabu ang mga operatiba, at nang pagbentahan sila ng suspek ay dito na agad dinakip ang drug pusher.  


Nakakumpiska ang mga otoridad ng isang pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.


Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



RIDER, DEDBOL SA POSTE


CAVITE -- Isang rider ang namatay nang bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang poste ng kuryente kamakalawa sa Muzon, Naic sa lalawigang ito.


Ang biktima ay kinilala ng pulisya na si Ernesto Pascua, Jr., nasa hustong gulang at residente ng nasabing bayan.


Ayon sa ulat, nawalan umano ng kontrol si Pascua sa pagmamaneho ng motorsiklo kaya bumangga ito sa poste.


Nabatid na sa lakas ng impact ay nagtamo ng malaking pinsala sa ulo at katawan ang biktima.


Dinala ng mga saksi ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page