top of page
Search
  • BULGAR
  • Dec 22, 2023

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | December 22, 2023


Ilang araw na lang ay Pasko na, ang araw na pinakahihintay ng ating mga kababayan kung saan ginugunita natin ang kapanganakan ng ating Panginoong Hesus.


Napakahalaga ng kahulugan ng Pasko sa napakarami nating kababayan, at sa buong mundo ay kilala ang ating bansa na may pinakamahabang pagsalubong sa Kapaskuhan kasabay ng pagsigla ng ating mga pamilihan.


Bagama’t walang kaugnayan sa kautusan ng Simbahang Katoliko ay tila nagkukusa na ang marami nating kababayan na sa unang araw pa lamang ng buwan ng Setyembre ay marami na nagpapatugtog ng mga awiting may kaugnayan sa Pasko.


Alam ng ating mga kababayan na hindi ito inuutos ng simbahan ngunit pagpapakita ito ng maraming Pilipino ng pagkasabik sa pagdating ng araw ng Pasko at katunayan maging ang pamahalaan at mga negosyante ay nakikisabay sa pagbibigay ng maagang benepisyo para mga manggagawa.


Nitong nakaraang linggo bagama’t may babala ang Department of Health (DOH) na mag-ingat sa posibleng paglaganap ng ‘walking pneumonia’ partikular sa Metro Manila ay kitang-kita pa rin ang pagdagsa ng maraming tao sa mga shopping mall at mga restaurant.


Marami sa dinarayo ng ating mga kababayan ay mga pangdekorasyon na maaaring gamitin sa pagsalubong sa Pasko at isa sa mga nangunguna ay ang iba’t ibang laki ng Christmas tree at sari-saring disenyo ng Belen.


Pinakamahalagang tampok ang Belen na inilalagay sa mga simbahan ilang araw bago sumapit ang Pasko na binubuo ng isang nakahigang sanggol sa sabsaban kasama sina Maria at Jose na napapaligiran ng mga pastol at ng kanilang mga tupa.


Hindi mawawala ang tatlong Haring Mago at mga anghel na nagsisiawit sa itaas na bahagi ng Belen dahil sa pagsilang sa Mesiyas na nagbibigay ng napakalaking mensahe para sa kapayapaan hindi lang sa ating bansa kung hindi sa buong daigdig.


Sa Pilipinas ay may ginaganap na Belenismo Festival sa Tarlac na taun-taong dinarayo ng marami nating kababayan na naging dahilan kaya sila tinawag na ‘Belen Capital of the Philippines’ dahil sa labis na pagbibigay importansya nila sa Belen.


Tinawag itong Belenismo na mula sa katagang Belen na salitang Espanyol na ang ibig sabihin ay artistikong paggawa ng Belen na hango noong taong 1223 nang si St. Francis of Assisi at ang ilang kasama ay gumawa ng kauna-unahang Belen.


Ang Belen ay isa sa pinakaprominentang simboliko sa pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas o ang Nativity Scene na galing sa katagang Bethlehem kung saan isinilang si Hesu-Kristo, at mula noon ang Belen ay nagtataglay na ng mensahe ng pagmamahal, awa at kababaang loob ng ating Panginoon.


Dito nagmula ang parol na kasama rin sa disenyo ng Belen na sumisimbolo naman sa liwanag ng tala na diumano ay naging gabay ng tatlong Haring Mago para matunton ang lugar kung saan isinilang si Hesus ay naging permanenteng disenyo na rin ang Belen.


Hindi lang mga simbahan, paaralan at maging ang mga establisimyento sa maraming lugar ay makikitaan na ng Belen at may pagkakataong naglalakihan pa ang mga ito ng tulad sa sukat ng normal na tao.


Sa huling bahagi ng dekada ‘60 hanggang sa unang bahagi ng taong 2000 ay may napakalaking Belen na dinarayo ng marami nating kababayan sa COD building sa Araneta Center ngunit taong 2003 ay inilipat na ito sa Greenhills Shopping Center sa San Juan at sa ngayon ay nasa Taytay, Rizal na.


Noong kasagsagan ng pandemya ay pansamantalang lumamya ang Belen Festival sa Tarlac partikular noong nakaraang taon ngunit ngayong taon ay inaasahang muling magbabalik sigla na ang pagandahan ng mga gawang Belen.


Magarbo at karaniwang may kaya sa buhay ang mga lumalahok sa Belen Festival sa Tarlac dahil halos lahat ng kumpanya, mga negosyo, mga pribadong indibidwal at mga kilalang grupo ay lumalahok sa Belen Festival sa Tarlac na dinarayo tulad din ng pagdayo sa Panagbenga Festival sa Baguio.


Patuloy na pinupuntahan ng ating mga kababayan ang mga nagdaang piyesta ng Belen sa Tarlac dahil sa kahusayan at karunungan ng ating mga kababayan sa paggawa ng Belen na may iba’t ibang klase ng materyales na hindi mo aakalaing magagawa.


Kahanga-hanga ang paggamit ng sako ng bigas bilang materyales, may gumagamit ng pinatuyong damo, sawali, kawayan ngunit kapag nalagyan na ng magagandang ilaw ay hindi mo mapipigilang mamangha dahil sa sobrang gaganda ng mga Belen.


Buong mundo na ang nahuhumaling sa Belen dahil sa kasalukuyan ay itinatampok din ito sa maraming bahagi ng mundo tulad sa gitna ng St. Peter’s Square sa Vatican.


Mayroon din sa Metropolitan Museum of Art sa New York City at Carnegie Museum of Arts sa Pittsburgh.


Hindi rin nagpapahuli ang mga siyudad sa Australia, Canada, Germany, Italy, Poland at United Kingdom ay may kani-kanyang naglalakihang Belen at ang Nativity Scene sa Bethlehem mismo kung saan nagsimula ang lahat, sa Orthodox Church of the Nativity na siya ring plaza ng naturang lugar.


Kahit gaano kaganda o kamahal ang ating Belen ay hindi ito kasing halaga ng tunay na diwa nito — dahil ito ang nagpapaalala sa marami nating kababayan na sa panahong ito ay isinilang ang ating tagapagligtas — Ang Hari ng Lahat!

 

Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | December 18, 2023


Ikalawang taon na simula nang alisin ng Department of Health (DOH) ang mga restriction sa pandemya kaya mas excited ang ating mga kababayan na magparoo’t parito sa mga pamilihan bilang bahagi ng paghahanda sa darating na Pasko.


Bukod sa handang pagkain ay pinaghahandaan ng mga magulang, tito at tita na maibili ng laruan ang kanilang mga anak, pamangkin at ganoon din ang mga ninong at ninang na kailangang magbigay ng regalo sa kani-kanilang mga inaanak.


Sa mga empleyado naman ay kabi-kabila ang mga dadaluhang Christmas party at kaakibat nito ang bitbit na regalo kaya lahat ay obligado ring bumili ng kani-kanilang pang-exchange gift at pangregalo sa kani-kanilang monito o monita.


Kaya naman ilang buwan bago mag-Disyembre ay naglipana na sa mga pamilihan ang iba’t ibang klase ng pangregalo kasama na ang mga laruan na nakaeengganyong bilhin dahil napakamura ngunit hindi tayo nakasisiguro kung ang mga ito ay ligtas.


Nasa gitna ngayon nang pagba-budget ang ating mga kababayan na tumanggap ng 13th month pay at iba pang bonus mula sa kani-kanilang pinagtatrabahuhan at sa rami ng mga gastusin ay hindi maiiwasang maengganyong bumili ng mga tila hindi safe na pangregalo.


Matanda man o bata ay hindi ligtas sa mga nakalalasong produkto at dapat tayong maghinay-hinay sa pagbili ng laruan dahil kagagaling lang sa pagdurusa ng mga bata sanhi ng nagdaang pandemya tapos ay mabibigyan pa ng laruang delikado sa kanilang kalusugan na tiyak na hindi man natin sinasadya ay magdudulot ito ng kapahamakan.


Masyado tayong abala at hindi natin napagtutuunan ng pansin ang ating mga binibili ngunit nagbigay ng babala ang consumer at environmental protection group hinggil sa matinding epekto sa kalusugan ng mga bata ang mga ipinagbibiling laruan sa halip na makapagbigay ito ng saya sa kanila.


Bagama’t nakatutok sa mga bata ang mga environmental protection group ay kailangan ding paalalahanan ang mga nakatatanda dahil hindi lang laruan ang nakalalason kundi maging mga beauty product at ibang plastic product na pangregalo.


Ayon sa Laban Konsyumer, Inc. at EcoWaste Coalition, kailangang maiparating ang tamang impormasyon sa mga mamimili hinggil sa kaligtasan ng mga pekeng produkto at laruang nasa merkado lalo pa at isa ito sa pangunahing binibili ngayong Kapaskuhan.


Mas nakakiling nga lamang ang mga babala para sa mga bata dahil sa higit silang mabilis na maapektuhan kumpara sa mga nakatatanda na hindi rin naman ligtas ngunit may kakayahan nang mag-ingat.


Kailangan umano ng karagdagang pag-iingat sa pagbili ng laruan at iba pang pekeng produkto na ngayon ay bumabaha sa mga pamilihan partikular ang mga imitasyon, walang tatak at hindi rehistrado base pa sa Chemical Safety Campaigner ng EcoWaste.


Imbes na aliw ang idulot sa mga bata ng biniling laruan ay karaniwang nagtataglay ito ng nakalalasong kemikal at delikado rin sa dahilang may nasusugatan, nasasakal, naaapektuhan ang mata at tenga bukod pa sa may nabubulunan.


Hindi naman nagkukulang ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga panuntunan para sa mga legal na toymakers, distributors at retailers ngunit maraming tiwali ang nagbebenta ng laruan na hindi pasado sa quality at safety verification kabilang na ang product labelling requirements. 


Dapat umanong iwasan ng mga mamimili ang mga laruang nagtataglay ng hazardous chemicals partikular ang mga painted toys na karaniwang isinusubo o hindi sinasadyang naisusubo ng isang batang naglalaro.


Ang madalas na pagkalantad ng isang bata sa mga laruang nagtataglay ng hazardous chemicals ay nakaaapekto sa kanilang growth at development na nagreresulta pa sa lower intelligence quotient (IQ), poor school performance, reduced attention span, at anti-social behavioral.


Kaya hindi pala biro ang masamang epekto ng mga laruang naglipana lalo na sa bangketa at hindi lang ito sa Divisoria at Baclaran laganap dahil sa halos lahat ng pamilihan sa bansa ay nakikita na ang mga laruang ito na karaniwang pinipili ng mga mamimili dahil sa murang halaga.


Sa pag-iikot ng EcoWaste ay may mga laruan silang nakita na may bakas ng heavy metals tulad ng antimony, arsenic, cadmium, at chromium na wala ring product labelling information bilang pagtugon sa Republic 10620, o ang Toy and Game Safety Labeling Act.


Nakakaligtaan ding tutukan ay ang patuloy pang pagdagsa ng ‘ukay-ukay’ sa iba’t ibang bahagi ng bansa na kung dati-rati ay mga lumang damit lamang ang ibinebenta, pero ngayon bukod sa sapatos, bag at iba pang gamit ay santambak na ring laruan ang ipinagbibili ng mura.


Maliban sa segunda-manong kasangkapan ay may mga ukay-ukay business na rin na talagang ang ipinagbibili lamang ay mga pinaglumaang kagamitan kabilang na ang laruan na lulan ng container van galing sa ibang bansa na ibinabagsak sa mga retailer sa Pilipinas na halatang dumaan sa Bureau of Customs (BOC).


Bukod sa imitasyon ay kasama rin ang mga ukay-ukay na laruan na nasa merkado na natukoy na positibo sa iba pang harmful chemicals kabilang na ang polybrominated diphenyl ethers (PBDEs) na labis na nakaaapekto sa endocrine o hormone system ng mga bata.


Totoong mabuti ang recycling partikular sa mga bagay na nakaaapekto sa kalikasan ngunit hindi tama na tangkilikin ang mga recycled toys galing sa ibang bansa na kontaminado ng kung anu-anong kemikal na kalaunan ay makaaapekto sa mga bata.


Ibang usapin kung ngayon tayo mananawagan sa mga ahensya ng pamahalaan na posibleng makasawata sa mga ilegal at delikadong mga laruan na ito dahil ilang araw na lamang ay Pasko na at panahon na nang pamimili kaya tayo mismo ay dapat na mag-ingat.


Pero sakaling makarating sa tanggapan ng kinauukulan, tulad ng Department of Trade and Industry (DTI), Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ng pamahalaan ang problemang ito at mabagabag na agad nilang aksyunan, ay isang malaking bagay ito para sa kaligtasan ng mga bata.


Tandaan na sa pagbili ng ligtas na mga laruan ay tingnan ang rekomendadong edad sa product label at piliin ang akma sa edad ng bata, abilidad, hilig at maturity level habang tiyaking ligtas at pulido ang pagkakagawa ng laruan kahit mumurahin lamang.


Huwag bumili ng mga laruang pira-piraso o kakasya sa bibig ng isang bata upang maiwasang aksidenteng maisubo at malulon gaya ng holen, laruan na may botones at baterya, maliban na lamang kung nasa tamang edad na ang bata para sa isang partikular na laruan.


Sa mga nakatatanda naman, hindi lahat ng mura o kahawig ng orihinal na produkto ay ligtas gamitin, lalo na kung mga beauty products — tapos ipangreregalo mo baka mamaya sa halip na gumanda ang niregaluhan mo ay mas lalo pang pumangit!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | December 15, 2023


Dalawang tulog na lang at matutunghayan na ninyo ang pinakaaabangan nating pamamahagi ng regalo na taun-taon nating ginagawa at ngayon ay tatawagin natin itong POGI NA PASKO CHRISTMAS GIVEAWAY 2023.

 

Ganap na alas-6 ng hapon sa Disyembre 17, 2023 ay mapapanood nang live ang taunan nating selebrasyon sa pamamagitan ng ating account na facebook.com/bongrevillajrph.

 

Hindi naman lingid sa kaalaman ng ating mga tagasubaybay na simula noong kasagsagan ng pandemya ay nagsimula na tayong mamahagi ng regalo sa pamamagitan ng pagsubaybay sa ating programa dahil sa bawal noong lumabas ng bahay.

 

Humupa na ang sitwasyon sa pandemya ngunit hindi na tayo tumigil sa pamamahagi dahil sa paraang ito ay naaabot natin ang ating mga kababayang naninirahan sa malalayong lalawigan.

 

Nakakatuwa rin na kasama natin ang ating mga kababayan at nakakadaupang palad natin sila.

 

Kasama sa buong pagdiriwang na bukod sa masaya ay napakalaki pa ng tsansang makapag-uwi ng naglalakihang premyo.

 

Hindi naman natin kayang puntahan lahat ng ating mga kababayan sa panahong ito ng Kapaskuhan kaya napakalaking bagay nang pagsasama-sama natin sa nabanggit nating social media platform upang kahit paano ay magkaroon ang lahat ng pagkakataong magwagi.

 

Masuwerte ang mabubunot at mananalo ng dalawang mobile sari-sari store, tiyak na kahit bahagya ay mababago nito ang kabuhayan ng masuwerte nating kababayan dahil karagdagang kita ito.

 

Mapalad din ang kababayan nating makakapag-uwi ng ‘Bokyo ni Tolome’ o ‘yung bagong nauusong sasakyan na tatlo ang gulong mula sa India na alternatibong pamalit sa tricycle na minsan ay tinawag ding tok-tok.

 

Ilan pa sa maaaring mapanalunan ay 4 na iPhone, 15 Promax, 3 iPhone 15, pangkabuhayan package, cash prizes na P100K, P50K, P25K, P10K, at may malaking-malaking sorpresa na ikatutuwa ng mga manonood.

 

Sa mga kalahok na nag-fill up sa GOOGLE FORM na ito: https://forms.gle/j2XUb2Rk5XwzoUzcA ay pinaaalalahanan nating isang entry lang bawat kalahok ang mananalo dahil automatic na matatanggal ang may higit sa isang entry.

 

Kung sakaling dalawang beses mabunot ang entry ng isang kalahok, ang mas malaking premyo lamang ang mapapanalunan upang mas marami umano ang mabibigyan ng pagkakataon.

 

Sa mga hindi naman nag-fill-up sa GOOGLE FORM ay mas lalo kayong manood at tumutok dahil sa may nakalaan ding naglalakihang premyo para sa inyo, para everybody happy. 

 

Magkakaroon din ng 2023 AMAZING ANG PASKO DANCE CHALLENGE! Group Category: 1st Prize-P100,000, 2nd Prize-P50,000 at 3rd Prize-P30,000; Couples Category: 1st Prize-P30,000, 2nd Prize-P20,000 at 3rd Prize P10,000; Solo Category- 1st Prize -P20,000, 2nd Prize- P10,000 at 3rd Prize –P5,000. 

 

Lahat ng kalahok sa dance contest ay nag-download ng ‘Idol kita sa Pasko/Pogi na Pasko Jingle na siyang gagamiting tugtugin sa lahat ng kategorya sa dance contest na ngayon pa lamang ay napakarami ng kalahok na nag-post ng kani-kanilang videos sa wall kasama ang #AmazingangPasko, #BongRevilla at #PoginaPasko

 

Hindi pa rin mawawala ang mga palarong Pachingko, Amazing Roleta, Poging Pasko Stockings,Trivia Games at marami pang iba na pangungunahan ko mismo bilang host, kasama ang aking maybahay na si  Rep. Lani Mercado-Revilla.

 

Makikigulo rin sa naturang show ang aking mga anak na sina Bryan, Ram, Loudette, Gianna at ang mister nitong si Jed at may mga sorpresa pa tayong inihanda na labis na ikasisiya ng ating mga tagasubaybay.

 

Kaya huwag na huwag magpapahuli dahil sa sandaling kumurap lamang ay maraming kaganapang posibleng mapalampas tulad ng mga pagkakataong makapag-uwi ng naglalakihang papremyo.

 

Noong nakaraang taon ay maraming sorpresa na wala sa programa ang nangyari kaya asahan din na may mga karagdagang papremyo na hindi pa natin inaanunsyo na kasama sa mga inihanda nating sorpresa.

 

Samantalahin natin ang pagkakataong ito na panahon ng bigayan at saglit tayong mamamahinga sa paggawa ng batas upang kahit paano ay maipagdiwang natin ng masaya ang paparating na Pasko.

 

Ayaw naman nating maging tunog relihiyoso, ngunit baka makaligtaan natin na ang tunay na diwa ng Pasko ay tungkol sa pagbibigayan at pagpapasalamat na hanggang sa kasalukuyan ay narito pa rin tayo sa mundo dahil sa isinilang ang ating Panginoon.

 

Basta magkakasama ang buong pamilya, sabay-sabay na magsimba, magkakasalo kahit payak ang pagsasaluhan sa lamesa -- ay higit pa sa sapat para maabot ang tunay na diwa ng Pasko!

 

Salamat nga pala at umabot na tayo sa 3.5 milyong followers sa ating Facebook account at dumarami pa! 

 

Anak ng Teteng!

 

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page