top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 21, 2024


Pasado na sa ikatlong pagbasa ng Mataas na Kapulungan ang Eddie Garcia Bill, kung saan isa tayo sa may akda. Layon nito na pangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon.


Buong-puso tayong nagpapasalamat sa ating mga kasamahan sa Senado sa pagpasa ng makabuluhang panukalang ito. Malaking bagay ang hatid nito para sa pagtaas ng antas ng kapakanan ng ating mga kasamahang manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon.


Ang mga sakripisyo at mahusay na trabaho na ipinamalas ng mga manggagawa sa naturang industriya, na ang layunin ng batas ay mapataas ang kanilang kapakanan. Sila ang mga staff at crew na ang mga kamay ay nagdurugo habang nagtatayo ng mga set at entablado. Ang mga extra na nagtatrabaho buong araw na walang tigil at walang maayos na lugar para maghintay at may napakaliit lamang na kita. Ang mga stuntmen na nagtataya ng kanilang buhay sa mga aksyon na eksena tulad ng pagsabog, pagsusunog, at barilan. 


Bagama’t hindi natin sila madalas na nakikita sa eksena, kahit minsan ay hindi man lang sila nababanggit sa kredito sa dulo ng palabas, ngunit alam nating kung wala sila, hindi magiging sapat ang galing ng mga bida upang maihatid ang mga kuwento na ating sinusubaybayan. Kaya’t para sa kanila ang layunin ng panukalang ito.


Dapat ding bigyan ng parehong halaga at pag-aalaga ang mga manggagawa sa nasabing industriya na ibinibigay sa ibang sektor dahil bukod sa kasipagan ay napakadelikado pa ng kanilang hanapbuhay.


Ganu’n din dapat natin ituring ang ating mga kasamahan sa telebisyon at pelikula, katulad kung paano natin pinahahalagahan ang iba pang mga manggagawa at ang malaking ambag nila sa ekonomiya. Sila ay dedikado at masisipag tulad ng iba, kaya’t hindi dapat nating sila balewalain.


Kaugnay nito ay ipinagkakapuri natin ang yumaong batikang aktor at direktor na si Eddie Garcia na ang pagpanaw ay nagsilbing inspirasyon sa pagsulong para sa mas magandang kondisyon ng trabaho ng mga manggagawa ng pelikula at telebisyon.


Manong Eddie, habambuhay naming dadakilain ang iyong talento at galing, at iyong mabuting pagkatao. Saludo kami sa iyo at sa legasiyang iniwan mo sa amin. Para sa iyo po ang panukalang ito.


Anak ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 14, 2024


Medyo nadadalawang-isip ang marami nating kababayan dahil ngayon ay Araw ng mga Puso at kasabay nito ay ang Ash Wednesday, na tradisyunal na ipinagdiriwang ang Valentine’s Day na masaya ngunit, sobrang taliwas nito sa Ash Wednesday dahil sa ito ang unang araw ng ayuno para sa Kuwaresma.


Ang Valentine’s Day at Ash Wednesday ay parehong may kahalagahan sa iba’t ibang konteksto, at ang kanilang importansya ay nakasalalay sa pananampalataya ng isang tao, personal na halaga, at kultural na impluwensya.


Ang Valentine’s Day, na ipinagdiriwang tuwing Pebrero 14, ay tradisyunal na kaugnay sa mga ekspresyon ng pag-ibig at pagmamahal. Ito ay isang araw kung kailan nagpapalitan ang mga tao ng mga card, bulaklak, at regalo sa kanilang mga romantikong relasyon o

nagpapahayag ng pagmamahal at pasasalamat sa kanilang mga kaibigan at pamilya.


Bagaman ang Araw ng mga Puso ay hindi isang relihiyosong pag-iral, ito ay naging isang kultural at komersyal na pagdiriwang ng pag-ibig at mga relasyon.


Sa kabilang dako, ang Ash Wednesday ay nagmumula sa panahon ng mga Kristiyano ng Kuwaresma, isang yugto ng pagmumuni-muni, pagsisisi, at paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay. Ito ay nangyayari 46 araw bago ang Linggo ng Pagkabuhay, at ang petsa nito ay nag-iiba kada taon. Ang pangalang Ash Wednesday ay nanggaling sa kaugalian ng paglalagay ng abo sa noo ng mga Kristiyano sa hugis ng krus bilang isang tanda ng pagsisisi at pagpapakumbaba. Ang abo ay kadalasang gawa sa pagsusunog ng palm leaves na binasbas noong nakaraang Palm Sunday.


Sa aspeto ng relihiyosong kahalagahan, itinuturing na isang malungkot na araw ang Ash Wednesday para sa maraming Kristiyano, lalo na ang mga kabilang sa mga Katoliko, Protestante, at Ortodokso. Ito ay nagiging paalala ng kamatayan, ang pangangailangan ng pagsisisi, at panahon ng espirituwal na pagmumuni-muni at pagpapakumbaba.


Ang kahalagahan ng Valentine’s Day at Ash Wednesday ay subyektibo at nakasalalay sa perspektibo at pananampalataya ng bawat isa. Para sa mga nagbibigay prayoridad sa kanilang pananampalataya, maaaring mas mahalaga ang Ash Wednesday dahil ito ay nagsisimula ng isang espirituwal na mahalagang yugto. Sa kabilang banda, ang mga indibidwal na naglalagay ng mataas na halaga sa pag-ibig, relasyon, at mga romantikong kilos ay maaaring mas matahimik ang Valentine’s Day.


Mahalaga ring tandaan na madalas, ang mga tao ay nakakahanap ng balanse sa paggunita ng parehong pagdiriwang sa pamamagitan ng pagtukoy sa gitna na sumasalamin sa kanilang mga halaga at paniniwala. May mga taong pumipili na ipagdiwang ang Ash Wednesday sa isang mas pagninilay-nilay na paraan, samantalang patuloy pa rin ang paggunita ng Valentine’s Day kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.


Sa buod, ang kahalagahan ng Valentine’s Day at Ash Wednesday ay nag-iiba-iba mula sa tao hanggang tao, at maaaring pumili ang bawat isa na bigyang prayoridad ang isa kaysa sa isa batay sa kanilang personal na mga halaga at pananampalataya.


Ang Ash Wednesday ay simula ng unang araw ng ayuno kung saan marami ang nagsasagawa ng pag-aayuno o pagpapakasakit kabilang na ang pag-iwas sa paggawa ng mga kalayawan, pagkain ng masasarap, kaya ipinagbabawal ang pagkain ng karne na siya namang ginagawa ng mga nagse-celebrate ng Valentine’s Day, kaya magkasalungat talaga ang dalawang ito at marami ang naguguluhan kung paano ito parehong ipagdiriwang.


Sa kabuuan, parehong pag-ibig ang pinag-uusapan sa Ash Wednesday at Valentine’s Day -- dahil ang Ash Wednesday ay ang pagpapahayag ng pag-ibig sa Panginoon, samantalang ang Valentine’s Day ay pagpapahayag ng pag-ibig sa ating minamahal na romantiko.


Napakadali namang mamili, dahil para sa akin, ano ba ang dapat unahin pag-ibig sa kapwa tao o pag-ibig sa Panginoon?


Anak ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 12, 2024


Binigyang-pansin natin ang mga may-ari at operators ng mga naglalakihang billboards na tila kabuteng nagsulputan sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa ito ay delikado at posibleng magdulot ng kapahamakan sa ating mga kababayan partikular na sa mga motorista.


Sa aking isinumiteng Resolution No. 924, ipinaliwanag ko ang mga istrakturang ito sa lansangan na lubhang mapanganib sa mga motorista at ito ay binigyang pansin din ng mga advocate hinggil sa kaligtasan sa kalsada.


Katulad na lamang ng LED billboards na nagiging sanhi ng pagkagambala sa mga taong bumibiyahe at nasa manibela dahil sa mga nakakasilaw na ilaw at gumagalaw o may pinapalabas sa monitor na billboards at lubhang lumalawak na ang pangamba patungkol sa safety ng mga mamamayan.


Gayundin, gaano ba katibay ang mga structure ng mga billboards na ito na lubhang mapanganib sa oras na may kalamidad katulad ng bagyo o pagbaha, at lindol.


Kailangang matiyak natin ang kaligtasan ng mga motorista sa mga posibleng aksidente at kapahamakan na maaaring dahil sa mga naglalakihang billboards at lubhang nakakaabala ng atensyon ang mga ito lalo na ang mga kumukutitap na ilaw na maaaring magdulot ng disgrasya.


Hindi lamang ito maituturing na driving destruction at nakaambang panganib lalo na ‘yung tibay ng structure nito na kapag humampas ang malalakas na hangin sa tuwing may bagyo ay posibleng matumba. At ang higit na panganib nito ay kapag nagkakaroon ng lindol. Ang mga structure na ito ay lalo pang magpapalala sa sitwasyon kapag nagresulta ito ng kapahamakan na dapat naman nating maiwasan.


Kung matatandaan natin noong Marso 2022, inisyu ang Executive Order (EO) No. 165 upang magtalaga ng regulasyon para sa out-of-home advertising signs at billboards, sa dahilang nagdudulot ito ng traffic distractions at panganib hindi lamang sa mga motorista kundi pati na rin sa publiko.


Bilang chairman ng Committee on Public Works, inatasan ko na ang mga may-ari at operators ng naglalakihang billboards na ito na sumunod sa regulasyon hanggang sa darating na Marso 2024, dalawang taon makalipas ang pag-isyu ng EO.


Malapit na ang deadline na itinakda ng EO at kailangan nating suriin kung sumunod ba sa mga panuntunan at batayan ang mga billboard owners at operators na ito at nararapat lamang na panagutin ‘yung mga hanggang ngayon ay nagmamatigas pa rin.


Magpapatawag din ako ng public hearing makaraang i-refer ito sa Committee on Public Works upang mapag-usapan ang nabanggit na resolusyon na aking isinumite at isasalang natin agad ang pagdinig sa lalong madaling-panahon. Hangad ko rin na mapaigting ang ating mga batas ukol sa pagpapatupad ng ganitong klaseng advertisements. Agad natin itong pag-uusapan.


Huwag na nating hintaying may mabagsakan bago pa tayo kumilos. 


Lilinawin ko na hindi naman ako kontra sa advertising industry lalo pa at taga-pelikula ako at alam ko ang halaga ng tinatawag nating ad/prom o advertising and promotion.


Subalit, kailangan natin ng maayos at ligtas itong uri ng advertising dahil naglipana na at naglalakihan pa.


Kung matatandaan natin, dati ang mga billboard ay sa ibabaw lang ng building at gilid ng mga kalsada nakalagay, pero ngayon sa gitna na ng mga kalsada at pati nga tawiran ng mga kalsada ay mayroon na.


Hindi naman natin tinutukoy ang mismong content o laman ng mga billboard dahil baka maging isyu pa ‘yan ng freedom of speech and expression, at may presumption na lang tayo na maayos ang kanilang pagsunod. 


Susuriin natin ang mga billboard na ‘yan kung mabuti ba ang kanilang lokasyon gayundin, ang mga motion billboard at mayroon pang LED na lubhang delikado lalo na sa gabi.


Nais nating busisiin ang mga obligasyon ng ating mga ahensya maging ng mga local government units (LGUs).


Uulitin ko, hindi tayo kontra sa advertising na ‘yan pero dapat nating ayusin.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page