top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 29, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Medyo naging emosyonal tayo nang makumpirma nating ganap nang isang batas ang matagal na nating inilaban ng pukpukan sa Senado — ang ‘Eddie Garcia Law’ o ang An Act Protecting the Welfare of Workers in Movie and Television Industry na ang tanging layunin lang naman ay mabigyan ng proteksyon ang kapakanan ng mga manggagawa mula sa industriya ng pelikula at telebisyon kung saan tayo nagmula.


Sa ngalan ng buong showbiz industry ay taos-puso tayong nagpapasalamat kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) dahil hindi siya nagdalawang isip na lagdaan ang R.A. NO. 11996 at sa wakas ay tuluyan nang naging batas itong itinulak nating panukala para sa  kapakanan ng ating mga kasamahang manggagawa sa movie at television industry. We fought long and hard for the passage of this measure. This is a victory for our workers and the industry.


Mula noon ay lagi ko na ngang sinasabi na sa industriyang ito, dito ako isinilang at dito na ako nagkamuwang. Utang ko sa industriya, sa mga manggagawa, at sa publiko kung nasaan ako ngayon. This is one way of giving back.


Bago pa man ako pumalaot sa pulitika ay isa na sa aking pangarap ang matulungan ang industriyang aking pinagmulan kaya hindi lamang ito tagumpay sa panig ng mga manggagawa sa showbiz industry kundi katuparan din ng isang matagal na pangarap.


Parang isang bombang sumabog nang mapabalita ang pagpanaw ng isang Eddie Garcia dahil sa isang aksidente na naganap sa gitna mismo ng taping at hindi tayo pumayag na mauwi lamang sa wala ang trahedya. Kaya bukod sa hindi malilimutang alaala ay isang kapaki-pakinabang na batas pa itong ‘Eddie Garcia Law’ na ngayon ay ipinagbubunyi ng buong showbiz industry.


Tinitiyak kasi ng naturang batas na ang mga manggagawa sa pelikula at telebisyon ay mabibigyan ng proteksyon ng kanilang mga employer sa lugar ng kanilang pinagtatrabahuhan. Nakasaad din dito na dapat ay ipatupad ng employer ang tamang oras ng isang ordinaryong nagtatrabaho at maging ang tamang pasahod at kaukulang benepisyo tulad ng social security at iba pang benefits, basic necessity, health and safety, working conditions and standards, at insurance para sa manggagawa.


Hindi naman talaga matatawaran ang naging ambag ni Eddie Garcia sa mundo ng pelikula at telebisyon — karangalan ng bawat isang artista na makasama siya sa isang pelikula kaya hindi tayo makapapayag na maglaho ang kanyang pangalan na namayagpag sa mahabang panahon.


Nakakataba rin ng puso na itong R.A. No 11996 ay tinawag na ‘Eddie Garcia Law’ dahil mananatili itong mamumutawi sa bibig ng bawat miyembro ng showbiz industry kahit ako ay tumanda na o lumisan na rin pagdating ng panahon.

Isa rin sa ipinagpapasalamat ko ay ‘yung inabutan ko kahit maikling bahagi ng pananatili sa showbiz industry ni Eddie Garcia — na alam naman nating halos lahat ng sikat at iginagalang na artista sa bansa ay nakaeksena nito.


Bilang isang artista ay malaking karangalan na si Manoy Eddie ang kontrabida sa isang pelikula dahil iba ang lebel ng kanyang atake sa pagganap na hanggang sa ngayon ay pilit na tinutularan ng maraming artista.


Nag-iisa lamang siya sa industriya ng pelikulang Pilipino at nawa ay magsilbing gabay ang batas na ito upang hindi mawala sa alaala ng mga taga-showbiz ang kanyang pangalan lalo pa’t kung ang ipinaglalaban ng mga manggagawa sa showbiz industry ay ang kanilang kapakanan.


Kay Tito Eddie, this is for you and our friends and family in the industry. Maraming-maraming salamat for inspiring us to fight for this. Simula pa lang ito para sa tuluy-tuloy na pag-angat ng kapakanan ng ating mga kasamahan.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 27, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Marami ang nagluksa sa pagpanaw ni Direk Carlo J. Caparas noong nakaraang Sabado, Mayo 26 sa edad na 80. 


Hindi malinaw kung ano ang naging sanhi ng kanyang paglisan ngunit maliwanag naman sa lahat na sa huling hantungan talaga ang ating paroroonan. 


Lingid sa kaalaman ng ilan na higit sa lahat ay isa ako sa pinakamalungkot kaya nag-alay talaga ako ng madamdaming pamamaalam sa isang taong aking tinitingala at itinuturing na mentor. 


Napakarami sa kanyang mga nilikha at panulat ang binigyang-buhay ng aking ama sa pinilakang tabing, at kasama riyan ang aking launching movie na “Dugong Buhay.” Mula noon hanggang sa aking pagganap na Flavio sa “Panday”, kinikilala ko ang lahat ng paggabay ni Direk Carlo. Hindi ako magiging isang Bong Revilla kung wala siya. 


Kahanga-hanga ang isang Carlo J. Caparas kung paano siya nagsimula bilang isang security guard sa Atlas Publication sa Roces Avenue, Quezon City at sa gitna ng kanyang duty ay pinag-aaralan niya ang mga script na isinusumite ng mga writer-contributor ng script sa naturang publication. 


Mula rito ay nagsimula na siyang magsulat ng mga short stories, kung saan siya unang nabigyan ng pagkakataon hanggang matuto na siyang gumawa ng nobela at dito na niya nabuo ang Totoy Bato (1977), Bakekang (1978), Panday (1980) at ang Ang Babaing


Hinugot sa Aking Tadyang (1980) na pawang tinangkilik sa Komiks na inilalathala ng Atlas Publications. 


Taong 1981 ay nabigyan naman ng pagkakataon si Carlo Caparas na gumawa ng kauna-unahan niyang pelikula na siya mismo ang director, ito ang Ang Babaing Hinugot sa


Aking Tadyang noong 1981 na pinagbidahan ni Vivian Velez. 


Dito nag-umpisa ang pagsikat ni Direk Carlo at nasundan na ang kanyang mga tanyag na obra tulad ng Panday, Joaquin Bordado, Kamagong, Kamandag, Elias Paniki, Tasya Fantasya, Gagambino, Pieta, Kuratong Baleleng, The Cory Quirino Kidnap: NBI Files at marami pang iba. 


Taong 2008, napansin ang husay ni Direk Carlo nang gawaran ito ng Sagisag Balagtas Award at mula rito ay lalong pumaimbulog ang kanyang karera, hindi lang bilang tagapaglikha ng mga bagong karakter sa pelikula, kundi isang mahusay na direktor kung saan ang pinakahuli niyang nagawang pelikula ay Kamandag Ng Droga taong 2017. 


Malaking kawalan sa industriya ang tulad ni Carlo Caparas dahil bihira ang gaya niya na nag-iisip ng iba’t ibang karakter na nagiging superhero at tinatangkilik ng publiko. 

Isang halimbawa ang Panday na mula sa isang simpleng panday na gumagawa ng patalim o espada ay nabigyan niya ng ibang katauhan ang katagang panday na naging pelikula pa ni yumaong Fernando Poe Jr. at maging ang inyong lingkod ay gumawa rin ng pelikulang Panday. 


Napakalayo ng narating ni Carlo Caparas mula sa isang ordinaryong security guard ay naging isa ito sa mga pinakasikat na direktor sa pelikula. 


Naging inspirasyon din si Carlo Caparas ng napakaraming manunulat sa Komiks kung paano siya nagsikap para mapansin ang kanyang talino sa kabila ng wala naman siyang pormal na edukasyon sa pagsusulat.


Dahil kay Direk Carlo, marami ang naengganyong magsulat sa iba’t ibang larangan na isa siya sa nagbigay ng daan para sa mga baguhang mahuhusay na nais pumalaot sa pagsusulat. 


Sa dinami-rami ng manunulat sa pelikula ay bukod tangi si Carlo Caparas na hindi nakatuon sa ‘love story’ at drama na karaniwan nating napapanood dahil napakataba ng kanyang utak para mag-isip ng mga bagong karakter na magmamarka sa publiko. 

Ibang mag-isip si Carlo Caparas — at napakaraming bagong sibol ang malikot ding mag-isip ngunit hindi naman nabibigyan ng tamang pagkakataon, kaya posibleng matagalan bago magkaroon muli ng isa pang Carlo J. Caparas. 


Kayamanang maituturing sa ngayon ang mga naging obra ni Direk Carlo na dapat nating ingatan upang tuwing mapapanood natin ang mga ito, maaalala nating minsan ay may isang Carlo J. Caparas. 


Ilan sa mga blockbuster movie ng aking ama ay kanyang obra, at hanggang sa ngayon ay wala pa ring katulad ang mga kuwento na kanyang nilikha na talagang tatak Carlo Caparas. 


Sayang nga lamang at dumating na siya sa kanyang hangganan at hindi na inabot ng mga bagong sibol na dapat ay magkaroon pa ng pagkakataong makakilala ng bagong karakter na iidolohin. 


Bilang isa sa mga pinakanamamalagi pa sa industriya ng pelikula ay mami-miss talaga natin ang isang Carlo Caparas dahil sa husay niyang mag-isip ng kakaibang nilalang na sa huli ay tagapagtanggol ng bayan. 


Kay Direk Carlo, alam naming nasa tahimik ka nang kalagayan, alam naming isa sa panahong ito ikaw ay magbabalik sa pamamagitan ng iyong lahi o kung sinuman na dadaloy ang talento gaya ng iyong husay sa panulat – hihintayin ka namin. 


Wala ka mang katulad, ngunit sana ay huwag naman kaming pagkaitan ng panahon ng isa pang tulad mo na magpapatuloy ng iyong mga ideya para may bagong mapapanood ang publiko. 


Isa sa nakikitaan ko ng potensyal ay ang kanyang anak na si Peach dahil siya ang nagkumpirmang pumanaw na ang kanyang ama at sa pamamagitan ng kanyang post sa social media, narito ang makabagbag damdamin niyang panulat na pinamagatang,


‘Sa Bawat Tipa ng Iyong Makinilya’.


“Halos umaga na, sa libliban ng Ugong isang makinilya, pilitang binabasag ang katahimikan roon.


“Isang mananalaysay ng kwento ng buhay, nilalabanan ang antok, nagsusunog ng kilay.


“Sa kanyang taglay na brilyo mga obra maestrang nobela kanyang nabuo.


“Panday, Pieta, Elias Paniki, Bakekang, Totoy Bato ang ilan lamang sa mga ito.


“Sa larangan ng komiks siya ang naghari, naging bahagi ng kultura, naging yaman ng lahi.


“Umabot sa lona ng pinilakang tabing, hinangaan, pinalakpakan ng bayang magiting.


“Subalit buhay ay sadyang may wakas…


“Pack up na Direk. Oras na ng uwian.


“Hayaang kasaysayan ang humusga sa iyong mga obra.


“Salamat Direk Carlo J. sa mga dibuho at istorya.


“Mga istoryang nabuo sa bawat tipa ng iyong makinilya…


“Carlo J. Caparas


“1944 – 2024” 


Nakakapangilabot ang kabuuan ng panulat na ito ng anak ni Direk na si Peach ngunit makikita natin dito na hindi tuluyang namaalam si Carlo dahil nag-iwan siya ng ilang patak ng dugo na nananalaytay sa kanyang anak na hindi man pumalaot bilang isang manunulat ay alam nating buhay ang dugo ng isang Carlo J. Caparas. 


We have all lost a great creative mind. Hindi matatawaran ang kanyang naging papel sa pagpapalaganap at paglago ng kulturang Pilipino. 


Our culture is vastly richer because of him. 


Maraming salamat sa lahat Direk Carlo! Rest in peace! 


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 24, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Nakatutuwang malaman na nabigyan ng kaukulang pansin sa kamakailang ginawang sectoral meeting sa Malacanang ay ang kawalan ng tubig para sa marami nating kababayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. 


Dahil dito ay agad na umaksyon si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) at mabilis na inatasan ang mga ahensya ng pamahalaan na tutukan ang pagbibigay ng malinis na tubig sa tinatayang 40 milyong Pilipino. 


Ang direktiba ay ginawa ng Pangulo agad-agad matapos makumpirma na marami pang mga kababayan ang walang nagagamit na malinis na tubig hanggang sa kasalukuyan. 


Nabatid na isa sa ahensyang inatasan ay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kasama ang iba pang kagawaran na dapat ay mabigyan ng access sa malinis na tubig ang nabanggit na bilang ng mga Pinoy. 


Lumabas sa naturang pagpupulong ang mga lugar na natukoy na walang malinis na tubig ay mga komunidad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at mga malalayong isla. 


Napag-alaman na kalimitang ang tubig mula sa mga bukal, sapa at pati na tubig-ulan ang ginagamit ng may 40 milyong Pinoy kaya nais ni PBBM na matutukan agad para mabigyan ng malinis na tubig ang mga ito. 


Ang akala natin ay kuryente lamang ang problema sa maraming lalawigan ngunit napakarami palang komunidad ang walang maayos na tubig sa malaking bahagi ng Mindanao. 


May kasabihan nga na mawalan na ng kuryente, huwag lang ang tubig na isang malaking palaisipan kung paano naisasalba ng ating mga kababayang hanggang ngayon ay walang maayos na supply ng tubig ang pang-araw-araw nilang buhay. 


Kaya nang makumpirma mismo ito ng Pangulo ay agad nitong pinakilos ang mga ahensya na may kapasidad na maresolba ang kawalan ng tubig ng milyun-milyon pa nating kababayan. 


Bigla nga akong nalungkot na puro kaunlaran ang ating pinag-uusapan pero marami pa pala tayong kababayan na ultimo tubig na lang ay wala pang sapat na supply. 

Paano natin masasabing maunlad ang isang lugar kung ang mga taong naninirahan dito ay wala pa sa lebel ng disenteng pamumuhay at isa sa basehan nito ay ang pagpihit ng gripo na may dumadaloy na tubig sa loob ng tahanan. 


Maayos na daloy ng tubig ang isa sa basehan ng sinasabing ‘quality of life’ na pamantayan ng isang disenteng pamumuhay na hindi kailan man mararanasan ng ating mga kababayan sa BARMM kung hindi sila magkakaroon ng sapat na supply ng tubig. 


Nakalulungkot na malaman na may mga kababayan tayong nasa ganito pa ring kalagayan ngunit nakatataba ng puso na matiyak na mareresolba na ang suliraning ito sa lalong madaling panahon. 


Siguradong maaayos na ang problemang ‘yan — dahil ang Pangulo na ang naglabas ng direktiba — maliban na lamang kung sawa na sa kanilang panunungkulan sa pamahalaan ang mga namumuno sa inatasang ahensya. 


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page