top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 7, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Personal tayong nagtungo sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. noong nakaraang Hunyo 3 upang saksihan ang paglagda nito sa ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act’ na mismong ang inyong lingkod ang principal author at sponsor.


Layon ng naturang panukala na bigyang pugay ang labis na pagsisikap at dedikasyon ng mga public school teacher sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kanilang annual teaching allowance. 


Walang mapaglagyan ang aking tuwa na ganap nang batas ang ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act’. Kaya bilang tagapagtaguyod ng mga teacher sa ating bansa ay labis-labis ang aking pasasalamat kay PBBM dahil sa pag-apruba ng panukala. 


Higit pang nakakatuwa na agad itong pinirmahan ng Presidente matapos na lagdaan din niya ang aking mga panukalang Expanded Centenarian Law at ang pagbabawal na sa ‘No Permit, No Exam’ policy. 


Ang bagong batas na ito ay katuparan ng matagal nang hiling ng mga guro na magkaroon ng dagdag na panggastos para sa kanilang epektibong pagtuturo.

Napakalaking tagumpay para sa mga guro ang pagsasabatas nito dahil sa halos limang taon nating ipinaglaban nang pukpukan sa Senado ang nasabing bill.


Base sa probisyon ng naturang batas, ang teaching allowance ng public school teachers ay nadagdagan ng mula P5,000 ay naging P10,000 simula  S.Y. 2025-2026. 


Sa kasalukuyan, ang natatanggap na teaching allowance ng mga guro na mas kilala bilang ‘chalk allowance’ ay P5,000 taun-taon. Pero bunsod ng nagtataasang presyo ng bilihin, hindi na ito sumasapat. 


Madalas nga ay naglalabas na sila ng pera galing sa kanilang bulsa para may maipambili ng mga gamit sa pagtuturo. At hindi na rin lang chalk o iba pang supplies ang kinakailangan ngayon. Dahil sa blended modality, nandiyan na ang pangangailangan ng mga guro sa internet connection, kuryente, laptop, at iba pa para makapagturo ng maayos.


Ayon sa datos, ang public school teachers ay tumatanggap ng allowance para sa kanilang aktuwal na pagtuturo. Noong 1988 ay mayroon lamang silang P100 allowance, P200 noong 1989-1992, P300 sa taong 1993-2007, P500 noong 2008, P700 noong 2009-2011, P1,000 sa taong 2012-2014, P1,500 noong 2015-2016, P2,500 taong 2017, P3,500 noong 2018-2020, at P5,000 noong 2021 hanggang sa kasalukuyan. 


Bukod sa Pangulo, nagpapasalamat din tayo sa lahat ng naging kasangga at kakampi para maabot natin ang pangarap na ito. Sa aking mga kasamahan sa Senado lalo na sa mga co-author, maraming thank you. 


Nagpapasalamat din tayo sa ating mga kasamahan sa House of Representatives for joining us in our fight for the passage of this measure. Ultimately, maraming salamat sa mga guro na nangarap kasama namin. Ito ay panalo niyo at panalo rin ng buong sektor ng edukasyon!


Kung tutuusin ay simula pa lamang ito ng mga hakbangin -- kumpara sa sakripisyong ginagampanan ng mga guro hindi lang para sa ating mga mag-aaral kundi sa buong komunidad na  kabilang sa paghubog kaya dapat na sila ay kalingain.


Napapanahon talaga ito para sa kapakanan ng mga guro. Isang hakbang pa lamang ito sa marami nating mga ipapasang panukala para bigyang sandata ang mga guro lalo na’t ang kanilang papel na ginagampanan sa buhay ng ating mga kabataan ay hindi matatawaran.


Hindi naman lahat ngunit may mga guro din na walang habas sa paggamit ng chalk lalo na kung nagagalit at ginagawang pambato sa makukulit na mag-aaral. Huwag sanang ganoon.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 3, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Kamakailan lamang ay kinalampag natin ang pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA) na maging handa sa mga darating na buwan dahil sa papalapit na tag-ulan.


Hindi pa nga naglilipat-linggo ay naglabas na ng anunsyo ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at sinasabing 13 hanggang 16 na bagyo ang posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa huling quarter ng 2024.


At hindi nga nagkamali ang PAGASA dahil nanalasa ang Bagyong Aghon at mahigit sa P365 milyon ang iniwang pinsala, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).


Sa pinakabagong situational report, hindi bababa sa 47 imprastraktura ang nasira sa Calabarzon, partikular sa Batangas at Quezon Province. Kabilang sa mga napinsalang imprastraktura ay mga kalsada at tulay.


Sinabi ng NDRRMC na mayroong 22 bahay sa Eastern Visayas na nawasak ng bagyo. Nananatili naman ang halaga ng agricultural damage sa P21,651,548.

Gayundin, sinabi ng NDRRMC na may naapektuhang 51,858 indibidwal o 16,404 pamilya, hindi pa kabilang ang anim na nasawi habang walo ang sugatan. Lumabas si Aghon ng PAR noong Miyerkules.


Ibig sabihin ay huwag talaga nating ipagwalang bahala ang anunsyo ng PAGASA dahil hindi umano nila inaalis ang posibilidad na ilan sa darating na bagyo ay magiging mapaminsala rin.


Batay na rin sa datos ng PAGASA, asahan ang high volume ng pag-uulan sa silangan at timog na bahagi ng bansa, partikular sa Mindanao sa darating na Oktubre dahil sa La Niña.


Gusto ko ring ipabatid sa lahat na hindi bababa sa 14 katao ang nasawi at 74 katao naman ang sugatan matapos silang mabagsakan ng isang billboard sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo noong isang linggo sa Mumbai, India.


Baka may ilang kuda nang kuda kung bakit pati sa India ay pinakikialaman natin -- hindi tayo nanghihimasok, kundi ipinakikita lang natin na kayang pabagsakin ng bagyo ang mga billboard. At napakalaking perhuwisyo dahil napakaraming ari-arian ang nawasak sa pagbagsak ng naturang billboard.


Marahil, sa susunod ay mas madali nang sumunod ang ating mga kababayan na tagapamahala ng billboard sakaling mag-anunsyo na dapat nang ibaba ang mga ito dahil may paparating na bagyo.


Hanggang sa kasalukuyan ay nagsasagawa pa rin sila ng rescue operation sanhi ng grabeng pinsala ng pagbagsak ng billboard na pinadapa lamang ng ihip ng hangin dulot ng bagyo.


Kung nangyari ito sa Mumbai, India ay huwag naman sanang ganito sa atin. Kaya kailangan ang ibayong pag-iingat — na sa mas maagang pagkakataon ay palagi tayong nagpapaalala para hindi tayo mapahamak.


Naglalakihan din kasi ang mga billboard sa ating bansa, hindi lang sa Metro Manila maging sa maraming lalawigan ay naglipana na ang mga ito na puwedeng tangayin ng malakas na hangin at makaperhuwisyo sa mga kababayan.


Hindi ko sinasabing mabuti at nangyari sa India ang sakunang ito, ngunit napakagandang halimbawa kung tutuusin. 


Ang punto ko lang naman ay huwag nating hintayin na sa atin mangyari ang trahedyang ito bago pa tayo kumilos, tulad ng palagi ring nangyayari sa maraming pagkakataon.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 31, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Nabulabog ang sambayanan at nagkaroon ng pagkakahati-hati makaraang lumabas ang balita hinggil sa diborsyo na inaprubahan na sa Mababang Kapulungan — ito ay matapos lumamang ng bahagya ang pumabor sa mga nais nang magkaroon ng divorce sa bansa.


Sa Senado ay mas matingkad ang hating opinyon ng ating mga kasamahan kung dapat bang maisabatas ang diborsyo sa bansa.


Sa buong mundo, bukod sa Vatican City, ang Pilipinas na lamang ang walang diborsyo

kaya marami na ring atat na atat na magkaroon nito sa bansa lalo na sa kaso ng mga mag-asawang hindi pinalad sa kanilang pagsasama.


Karaniwan ay nakipaghiwalay at nais magsimulang muli upang ayusin ang kanilang buhay ngunit hindi sila makakuha ng minimithing kalayaan dahil hindi sila makapa-file ng annulment na bukod sa masalimuot, mahirap ang proseso at may kamahalan pa.


Isa pa sa nakikitang problema ay ang hindi mapaghiwalay na kaugnayan ng relihiyon sakaling maisabatas ang diborsyo — ilan sa tutol sa diborsyo ay ang Simbahang Katoliko, ang Iglesia Ni Cristo at iba pang relihiyon.


Sa ngayon naman, nasa proseso na pinag-aaralan sa Senado kung dapat nang isabatas ang diborsyo — hindi pa ako personal na makapagpasya dahil para sa akin ay dapat kasing protektahan natin ang pagkasagrado ng kasal.


Marahil, bahagya akong nakakiling sa mga buo ang pamilya na tulad ko na masayang namumuhay kasama ang mga anak sa piling ng mahal kong asawa ngunit nababahala rin ako sa kalagayan ng mga kababayan nating naghiwalay dahil sa hindi na talaga karapat-dapat na magsama.


Alam natin na kailangan nila ng panibagong pagkakataon para hindi naman umano masayang ang kanilang buhay matapos ang masakit na hiwalayan.


Medyo may kabigatan lang talaga ang pagsasabatas ng diborsyo sa bansa dahil kahit noong unang panahon pa ay hindi ito matanggap ng marami nating kababayan kaya nga tumagal ito na hanggang ngayon ay wala pa ring batas hinggil dito.


Ngayon, heto na naman at umusbong ang usapin sa diborsyo — mabuting maghinay-hinay muna tayo at huwag magpabigla-bigla dahil napakakontrobersiyal ng usaping ito na posibleng humantong sa pagsisisi.


Marami rin kasi tayong mga kababayan na pangarap ang humarap sa dambana upang mangako ng habambuhay na pag-ibig sa maayos o hindi mang pamumuhay.


Sabagay, napakataas na rin ng bilang ng mga kababayan nating mas pinipili na lamang magsama ng walang kasal dahil nga sa takot na walang diborsyo — kaya posibleng tumaas din ang bilang ng magpapakasal sakaling maisabatas na ang diborsyo sa bansa.


Sa kabuuan, hating-hati ang opinyon ng mga kababayan — marami ang ayaw, marami ang gusto, pero pinakamabuti sa lahat ay pag-aralang mabuti at kung ano ang pagkakasunduan ay siya nating sundin.


Nauunawaan din kasi natin ang pinanggalingan ng mga nagtutulak nito, lalo na ang mga biktima ng mga mapang-abusong relasyon na sadyang walang patutunguhan.


Kaya hindi tayo sarado sa panukalang ito at masusi natin itong ikinukonsulta at pinag-aaralan.


Tiyak naman na hindi ito dedesisyunan dahil lamang sa kapritso ng ilang nais makipaghiwalay sa asawa at tiyak na iiral pa rin dito ang kapakanan ng marami nating kababayan.


Napakatagal nang usapin ng diborsyo sa ‘Pinas at marahil ay panahon na para hindi na rin tayo maiwan sa ibang mga bansa na mauunlad naman kahit may diborsyo.


Manatili tayong kalmado sa isyung ito at sabayan natin ng panalangin upang gabayan tayo ng Maykapal at hindi mapahamak dahil sa maling desisyon.


Sobrang bigat kasi kung pakikinggan lang natin ang mga kababayang nahiwalay sa asawa dahil palaging sinasaktan -- tapos doon na nahinto ang kanilang buhay na wala na silang pagkakataong mag-asawang muli.


Pero mas mabigat naman sa dibdib na ang pinagsama ng langit ay paghihiwalayin lang ng tao at makikita nating nag-iiyakan ang mga anak na walang kinalaman sa gulo at naging biktima dahil sa diborsyo.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page