top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 14, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Sa darating na Linggo, Hunyo 16 ay ipagdiriwang natin ang Father’s Day na hindi lang sa ating bansa kundi sa buong mundo.


Ngunit, ang mga bansang tulad ng India, USA, UK, Japan, Ireland, Bangladesh at Pakistan ang Father’s Day ay ginugunita tuwing ikatlong linggo ng Hunyo, na pumatak ng Hunyo 18 noong nakaraang taon.


Ang pagiging isang ama ay hindi puwedeng ipagsawalang bahala dahil ang katulad ng isang responsableng tatay ay isang superhero na palaging nakahanda anumang oras para sa kanilang mga anak.


Walang makasasapat na salita para sa kahalagahan ng ama na walang pagod sa pagtatrabaho basta maibigay lamang ang pangangailangan ng kanyang buong pamilya.


At upang mabigyan ng karampatang pagpupugay ang mga ama at iba pang tumatayo lamang bilang isang ama ay kailangan nating alalahanin ang napakahalagang araw na ito para sa kanila.


Ang kasalukuyang pagdiriwang ng Father’s Day ay hango sa panahon ng Katoliko sa Europa na ginugunita tuwing ika-19 ng Marso, at isine-celebrate ito kasabay ng piyesta ni Saint Joseph na mas kilala bilang ‘Nourisher of the Lord’ para sa mga Katoliko na siyang tumayong ama ng Panginoong Hesus.


Mula rito ay dinala ng mga Amerikano ang tradisyong sinimulan ng mga Espanol at Portuguese sa iba’t ibang bahagi ng mundo.


Ang paggunita sa Father’s Day sa US at iba pang bansa sa labas ng tradisyong Katoliko ay nagsimula noong 20th century pa. 


Ang kauna-unahang pagtatangka ng selebrasyon ng Father’s Day ay isinagawa noong Hulyo 5, 1908 na ginanap sa Fairmont, West Virginia, ngunit hindi ito naging simula para maging national movement at sa halip ay nabuwag pa ang paggunitang ito, pero muling binuhay noong 1911, kung saan naganap ang city wide ng pagdiriwang ng naturang araw.


Sa ating bansa, karaniwang magkakasama ang buong pamilya tuwing Father’s Day, kaya inaasahang puno na naman ang mga establisimyento partikular ang mga restaurant dahil sabay-sabay na kumakain ang kani-kanilang pamilya matapos na magsimba.


Noong unang panahon ay hindi naman gaanong napagtutuunan ng pansin ang okasyong ito ngunit sa paglipas ay nakakaramdam na tayo ng kirot kung hindi tayo nababati sa Father’s Day.


Napakalaking bagay para sa mga ama na mabati sila ng mga kaibigan o kakilala — lalo’t higit ito kung magmumula ang pag-alaala sa mismong mga anak.


Kaming mga ama ay hindi naman umaasa ng kahit anong pabulosong pagdiriwang o regalo — ‘yung simpleng halik lang mula sa anak o iba pang mahal sa buhay at bumati ng happy Father’s Day ay labis-labis nang kasiyahan.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
  • BULGAR
  • Jun 12, 2024

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 11, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Isa sa pinakamahalagang araw sa kasaysayan ng bansa ang ginugunita tuwing sasapit ang ika-12 ng Hunyo – ang ‘Araw ng Kasarinlan’ o Independence Day.


Isa itong regular holiday sa Pilipinas na ipinagdiriwang taun-taon bilang paggunita sa deklarasyon ng ating bansa noong Hunyo 12, 1898 na simula ng ating kalayaan mula sa mahabang panahong pananakop sa atin ng mga Kastila.


Ang taunang pagtalima sa Independence Day ay nagsimula makaraang lagdaan ni dating Pangulong Diosdado Macapagal ang Republic Act No. 4166 noong Agosto 4, 1964 na isa na itong legal holiday.  


Ang naturang batas ay base sa deklarasyon ni General Emilio Aguinaldo at ng puwersa ng rebolusyunaryong Pilipino na nagsikap para makakawala tayo sa kalupitan ng mga Kastila. Sa kauna-unahang pagkakataon noong 1898 ay itinaas ang bandila ng Pilipinas kasabay ng pagpapatugtog ng ating pambansang awit ngunit ang inakala nating kalayaan ay napakaiksi lamang dahil sa hindi kinilala ng Kastila at ng Estados Unidos ang isinagawa nating deklarasyon.


Ang kasunduan sa Paris noong 1898 ang siyang naging dahilan kaya tuluyan nang nahinto ang giyera sa pagitan ng Espanya at United States — isinuko ng mga Kastila ang buong kapuluan at ikinompromiso sa mga Amerikano.


Nagsimula naman ang pag-aalsa ng Pilipinas laban sa Amerika noong 1899 at nakamit natin ang pambansang soberanya noong Hulyo 4, 1946 hanggang sa maaprubahan nga ang RA No. 4166 na siyang nagdeklara bilang holiday ang Hunyo 12.


Totoong ang Independence Day ay special public holiday, ito ay araw ng pahinga o day-off para sa lahat ng ating mga nagtatrabahong kababayan, walang pasok sa eskwela at karaniwan ay sarado ang ilang mga negosyo.


Kadalasang ginugunita ang araw na ito sa pagsasagawa ng mga parada na nilalahukan ng mga mag-aaral, empleyado ng pamahalaan, mga manggagawa at iba pang sektor upang hindi makalimutan ng ating mga kababayan ang makasaysayang pangyayari.


Ngunit, ang pinakaaabangan ay ang parada ng mga pulis at sundalo na pinangungunahan ng pangulo ng bansa at karaniwang nagwawakas sa isang talumpati at pagbibigay ng 21-gun salute.


Marami naman sa ating mga kababayan ang inuubos lamang ang Araw ng Kasarinlan sa pamamagitan ng pamamasyal sa mga parke at pagtungo sa mga shopping mall at masayang ninanamnam ang kalayaang ating tinatamasa.


Mahalagang kahit isang araw ay maisip din ng mga kabataan na malaya nilang nagagawa ang kanilang mga gusto tulad ng pagsasayaw, pag-awit, pakikilahok sa mga palakasan at iba pa dahil sa kabayanihan ng mga magigiting na Pilipino.


Maraming kabataan ngayon ay mahuhusay magsulat, magagaling gumawa ng mga makabagong kanta at mga nilalaman sa YouTube at iba pang social media platform na sana ay hindi naman makalimutan ang ating kasaysayan.


Araw-araw ay may bagong nauuso, may bagong pangyayari, may bagong sumisikat na pinagkakaabalahan ng ating mga kababayan ngunit sana naman sa tuwing sasapit ang ‘Araw ng Kasarinlan’ ay saglit tayong lumingon sa kalawakan para alalahanin ang napakahalagang araw na ito sa bawat Pilipino, kahit sadali lamang!


Happy Independence Day! Mabuhay ang Pilipinas!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 11, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Ayon sa 2024 survey ng Social Weather Stations (SWS), kalahati umano ng mga Pilipino ang pumabor sa diborsyo bilang opsyon sa mga mag-asawa na ‘irreconcilably separated’.


Lumabas din sa survey na 31 percent ang hindi pabor sa diborsyo, habang 17 percent naman ang undecided sa isyu.


Ang 50 percent na pabor sa divorce ay mas mababa kumpara sa 55 percent noong June 2023 at 65 percent noong March 2023.


Lumabas din sa survey ang net agreement score na +19, na maituturing na ‘moderately strong’ bagama’t nakapagtala ng pagbaba mula sa +27 net agreement score sa June 2023 survey ng SWS sa legalisasyon ng diborsyo sa bansa.


Ayon pa sa SWS, malakas ang net agreement score sa mga taong may live-in partner kumpara sa iba pang demographic tulad ng hindi pa kasal, balo, hiwalay at may-asawa.


Mataas ang pagpabor sa diborsyo sa Metro Manila, na sinusundan sa Balance Luzon (bahagi ng Luzon pero sa labas ng Mega Manila), Visayas, at Mindanao.


Pasado na sa Kamara de Representantes ang panukalang legalisasyon ng diborsyo pero sa Senado ay may pagkakahati-hati rin.


Sa dinami-rami ng pabor at sa dinami-rami rin ng ayaw ay mas makabubuting hayaan nating makarating sa Senado ang usapin at bigyan ng pagkakataong pagdebatehan upang tumining at lumutang ang talagang desisyon — lalo pa at hating-hati ang lahat.


Medyo may kabigatan ang usaping ito dahil tiyak na aalma ang nasa kabilang panig pabor man o hindi at inaasahang maglalabasan ang santambak na katuwiran para maitaas lamang ang kanilang panig.


Ngayon pa lamang ay pinakikiusapan na natin ang publiko na maging mahinahon sa magiging resulta dahil dapat natin na tanggapin sa ating loob pabor man sa gusto natin o hindi dahil hindi naman ito basta pinili lang.


Tiyak na daraan ito sa katakut-takot na argumento at pagtatalunan ito ng mga mambabatas upang patunayan ang mabuti at masamang dulot nito na sa huli ay hahantong din sa botohan na lalahukan ng mga ibinoto ninyong senador.

Anuman ang maging resulta ay wala na tayong magagawa dahil hindi naman ito dedesisyunan tungo sa ikasasama ng bawat isa kundi palaging sa kapakanan ng taumbayan.


Dapat kalmante lamang ang lahat, lalo na ang mga relihiyon sa bansa na tutol sa diborsyo tutal malaki naman ang tsansa dahil maging ang resulta ng SWS survey 50-50 ang mga Pinoy — pabor at hindi pabor ganoon din sa Senado, kaya maganda ang laban na ito. 


Para sa akin ay hindi naman tamang ang pinagsama ng langit ay basta na lamang paghihiwalayin ng tao, ngunit siyempre hindi rin tama na hindi natin igalang ang desisyon ng nakararami — lalo na’t kung isa nang batas.


Madasal lang tayong gabayan ng Maykapal ang mga mambabatas upang makapagdesisyon ng tama para sa ikabubuti ng lahat.


Anuman iyon ay huwag na tayong mabahala at palagi nating isipin na dumaan ito sa masusing pag-aaral at mahabang argumento bago maging isang ganap na batas.

Sa ngayon, makabubuting palakasin na lang muna natin ang moral ng ating mga anak, lalo na ‘yung nagpaplano na magpakasal na hindi ito kaning mainit na isinubo na kapag napaso ay maaaring iluwa agad.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page