top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 28, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Kapuri-puri ang inisyatiba ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na suspendihin ang pangongolekta sa ilang bahagi ng Manila-Cavite Toll Expressway upang matulungang maibsan ang gastusin ng publiko mula sa hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng petrolyo, pero dapat na ipatupad na agad ito. 


Tutal aprubado na naman ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., kaya nga inatasan na niya ang PRA para sa suspensyon ng paniningil sa lahat ng uri ng sasakyan na tumatahak sa Manila-Cavite Expressway (CAVITEX) patungo sa mga lugar ng Taguig, Parañaque, Las Piñas, Bacoor, at Kawit, tiyak na mapaluluwag din ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa mga naturang lugar.


Sobra kong ikinatutuwa ang hakbang ng PRA na suspendihin ang pagsingil ng toll sa ilang parte ng CAVITEX. This will surely provide ease to the public especially that cost of goods and prices are rising.


Malaking pasasalamat kay Pangulong Marcos dahil batid niya ang kalagayan at dinaranas ng ating mga kababayan, lalo na ang ordinaryong Pinoy na makakatipid dahil sa 30-day toll suspension na ito.


Ang PRA bilang operator ng CAVITEX ang siyang magpapatupad ng toll holiday bagama’t wala pang inaanunsiyong petsa kung kailan ito isasakatuparan -- kaya nga pinupukpok natin ang Toll Regulatory Board (TRB), ang inatasang magpatupad nito na gawin na sa lalong madaling panahon. 


Tuluy-tuloy kasi ang infrastructure development sa iba’t ibang bahagi ng bansa, lalo na sa Cavite at Southern Luzon.


We are really entering a golden age of infrastructure development. Dito pa lang sa Cavite, ramdam na ramdam na ang mga makabuluhang proyekto ng pamahalaan na paniguradong maghahatid ng malaking benepisyo sa ating mga kababayan.


Excited na rin ang mga Caviteños na matapos ang mga isinasagawang expressway links, kabilang na ang LRT Line 1 Extension na magbibigay ng mabilis at maayos na biyahe sa publiko.


Kaya umaapela tayo sa ating mga kababayan na habaan pa ang pasensya at pag-intindi dahil malaking abala ang mga konstruksyon ngunit kapag natapos ang mga ito ay napakalaking ginhawa naman.


Ngayon pa lang ay hihingin na natin ang pang-unawa ng taumbayan sa posibleng aberyang dulot ng construction ng mga daan na ito. Rest assured that we will remind the DPWH and the contractors to be efficient and timely in delivering results. Excited na ako sa mga development na ito kaya sama-sama tayong sumuporta rito.


Ang Cavitex C5 Link ay pinagsama-samang proyekto ng PRA, TRB, at Cavitex Infrastructure Corporation, na isang subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corporation na idinisenyo upang mapabuti ang rehiyonal na paggalaw ng mga tao at mga kalakal, na nag-aalok ng mas mabilis at higit pang mahusay na ruta para sa mga commuter at serbisyo sa transportasyon.


Kaya sa mga motorista na panay ang reklamo sa dalang abala ng naturang proyekto ay konting tiis muna dahil para sa ating lahat ang proyektong ito.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 24, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Nakatutuwa ang naging hakbangin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mapadali ang pagresponde sa kalamidad dahil isang mobile application ang kanilang dine-develop para sa eksakto at real time disaster incident reporting. 


Ipinakilala ng Disaster Response Management Group (DRMG) ang Advanced Data Gathering for Assistance Preparedness for Protection (AGAPP), isang innovative tool na naglalayong magbigay ng real-time situation reports sa panahon ng kalamidad. 


Mahalaga nga naman na bukod sa plano ay kailangang maging very specific sa lahat ng datos — dahil ito lamang ang paraan upang matugunan nang tama ang nangangailangan nating mga kababayan. 


Mabuti ang ganitong inisyatibo dahil ipinakikita nito na nag-iisip ang mga ahensya para mapagaan ang sitwasyon sa tuwing may dumarating na calamity. Lalo pa at pinaghahandaan na rin natin ang tag-ulan. 


At ang isa sa paraan ay matiyak ang datos sa bawat lugar — halimbawa sa mga evacuation center, dapat ay matukoy kung ilan ang nagdadalang-tao o mga kababayan nating may kapansanan upang mas mapabilis ang pagbibigay ng tulong. 


Sa pamamagitan ng inihahandang software ng DSWD, hindi lamang matutukoy ang bilang ng mga kababayan na nasa evacuation center kundi magagamit at makapagreresponde pa nang maayos sa kanila. 


Nabatid na ang advanced data gathering application ng AGAPP ay nagbibigay ng malinaw na data, image capturing, geotagging para sa mas mabilis na communication process. 


Ang Disaster Response Command Center (DRCC) naman na nasa Central Office ay mas lumawak pa dahil sa Mobile Command Centers (MCC). At kung gumagana na ang mga gadget sa mga field worker ay madali nang maibabato ang mga detalye mula sa mismong pinangyarihan ng kalamidad, direkta patungo sa Central Office at sa mismong oras. 


Mas mabilis ito habang pati datos ay maibabato nang tama. Ang DRCC na inilunsad kamakailan, ang siyang magiging central hub para sa disaster monitoring, reporting, at coordination sa paghahanda at mabilis na pagresponde sa panahon ng kalamidad. 


Bukod naman sa DRCC ay umarangkada na rin ang mga MCC at idineploy ito sa 14 DSWD regional offices. 


Ang nasabing MCC ay naglalaman ng state-of-the-art Information and Communications Technology (ICT) equipment na magbibigay ng real-time coordination and communication information sa national at local government agencies. Gayundin, ang MCC ay mayroong free WiFi at internet connectivity, at free charging para sa mga mobile phone sa mga disaster-hit areas na walang kuryente. 


Maganda talaga ang hakbanging ito ng DSWD at malaking tulong sa atin. Kaya binibigyan natin ito ng pansin upang iparating din sa taumbayan na hindi naman tumitigil sa pag-iisip ang pamahalaan kung paano makatutulong sa mga kababayan. 


Alam n’yo naman ang inyong lingkod, wala tayong ibang hangad kundi ang mapadali ang pagpapaabot ng tulong sa mga kababayan lalo na sa panahon ng mga kalamidad. 


Magiging mas mabilis na ang pagtugon dahil sa pakikipagkoordinasyon sa DSWD, at sana ay masimulan na ito ng naturang ahensya. 


Sana ganito rin mag-isip ang iba pa nating ahensya, hindi ‘yung puro anunsiyo ng problema pero walang inilalatag na solusyon. 


Isa pa sa dapat bigyan ng pagsaludo ay ang bagong upong National Bureau of Investigation (NBI) Director na si Jaime Santiago. Hindi pa man din nag-iinit ang puwit nito bilang hepe ng ahensya ay nasakote na agad ang mga hacker na kinabibilangan ng isang Information Technology (IT) officer mula sa kilalang media organization at dalawang iba pa dahil umano sa pangha-hack sa mga website ng gobyerno, mga Facebook account at mga pribadong kumpanya tulad ng bangko na matagal na nating problema. 


Mga miyembro ng hacking group na Philippine LulzSec at Globalsec ang tatlo na pinamumunuan ni Art Samaniego, IT officer ng pahayagang Manila Bulletin. 


Matagal nang sakit ng ulo ang sindikatong ito dahil kabilang umano sa mga na-hack ng grupo ay ang website ng Philippine Army, Philippine Navy at National Security Agency. 


Alam nating marami pang mareresolbang problema itong si Santiago na hindi masusukat ang dedikasyon pagdating sa trabaho. 


Sana, pamarisan ng iba ang ipinamamalas ng mga ahensyang ito ng pamahalaan at hindi ‘yung tutulog-tulog lang sa pansitan. 


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 17, 2024


Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Tuwang-tuwa tayo sa pagkakahirang ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM) kay Jimmy Santiago bilang kapalit ni NBI Director Medardo De Lemos at nanumpa na ito kay Executive Secretary Lucas Bersamin.


Kilala natin ang kredibilidad at husay nitong si Santiago bago pa niya narating kung ano ang kinalalagyan niya ngayon at alam nating nasa mabuting kamay ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga panahong ito.


Kaya dapat ay magtago na ang mga kriminal at iba pang masasamang loob dahil tiyak na hindi sila titigilan ng bagong NBI chief na si Jaime “Jimmy” Santiago.


Talagang ‘very good choice’ ni PBBM si Santiago bilang NBI chief.


Noong 1996, isinapelikula natin ang buhay ng bagong NBI chief na pinamagatang “SPO4 Santiago: Sharpshooter” at ako mismo ang gumanap bilang siya kaya alam na alam ko ang kredibilidad niya kung gaano kasikap ang taong ‘yan.


Kaya natutuwa ako sa bagong yugto na ito ni Santiago dahil mula sa isang pagiging mahusay na pulis ay nagawa pa nitong mag-aral hanggang sa maging isang ganap na abogado.


Malayo rin ang narating nito bilang isang lawyer at napakarami nitong naipanalong kaso kaya hindi nagkamali ang Pangulo na italaga siya bilang chief ng NBI dahil naniniwala ako na mapapaganda ang takbo ng ahensya sa panunungkulan ni Santiago. 


Sa kanyang panunumpa pa lamang bilang NBI director ay inihayag na ni Santiago na target niya ang pagsugpo sa talamak na gawain ng mga cybercriminal at scammer na matagal na nating problema.


Kaya hindi ako mangingiming isapelikulang muli ang buhay ni Santiago bilang chief ng NBI dahil bilib ako na magiging mahusay ito dahil bukod sa tapat sa tungkulin ay hindi nasasangkot sa katiwalian.


Tiyak na ngayong alam na ng publiko na ang isinapelikula kong “SPO4 Santiago” ay siya ring Santiago na chief ng NBI kaya ngayon pa lamang ay excited na ang ating mga kababayan sa magiging performance nito bilang hepe ng ahensya .


Hindi kasi ito basta asintado lang sa paghawak ng baril kundi tapat talagang maglingkod kaya asahan nating may paglalagyan ang mga malalaking isda na sangkot sa mga tiwaling gawain at ito ang kailangang-kailangan ng bansa.


Jackpot tayo sa pagkakahirang kay Santiago dahil tiyak na pamamarisan pa ‘yan ng mga susunod na chief ng NBI at sana ay magtuluy-tuloy na ang pagganda ng takbo ng ahensyang ito.


Kaya kay Jimmy Santiago, napakarami ng mga kababayan nating umaasa sa iyong husay at katapatan — sana ay huwag mo kaming bibiguin.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page