top of page
Search

ni Ambet Nabus @Let's See | July 14, 2025



Photo: BINI - YT People vs Food


Grabe ang inabot na pamba-bash ng P-pop girl group na BINI mula sa mga netizens.

Sa isang guesting kasi ng naturang grupo sa isang kilalang foreign YouTube (YT) channel na may title na People vs. Food (PVF), ipinatikim sa kanila ang 11 street food nating mga Pinoy. 


Mula sa mixed nuts, kwek-kwek o kilala ring tokneneng, hopiang baboy, ChocNut, isaw, yema, balut, betamax (dugo), mamon, hanggang sa turon at taho, magkakaiba ang reaksiyon ng walong members ng grupo.


May mga agad na nagkagusto, may pasimpleng gusto, may maarteng hindi gusto at umaarteng first time na nakatikim o never pang nakatikim at all.


Kaya ang ending, nilait-lait at pinutakti ng bashing ang 8 members na sina  Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena.


Dahil nalilito na rin kami kung sino nga sa kanila ang sino, and since iisang grupo lang din naman sila, mukha ngang big negative vibe sa BINI ang pangyayari.


We have watched the video at halata talagang ‘yung mga umaarte (lalo na ‘yung naka-sumbrero) ay hindi nakakatulong sa pag-promote ng street food ng bansa. 


Daig pa sila nu’ng girl (may Pinoy blood din daw) na taga-abot ng food dahil kahit hindi siya sa Pilipinas nakatira ay ina-admire niya at kinakain talaga niya nang walang ‘poker face o plastic facial reaction’ ang mga street food lalo na ‘yung balut, kwek-kwek at hopia.


Given nga na hindi nila naranasan ang kumain ng naturang mga street food, or at all ay hindi nila bet ang lasa or what, the least those who displayed quite a face while eating or worse, giving some unsavory remarks and very low scores to those food ay maging civil man lang. 


Iba kasi ‘yung nagpapakatotoo sa nagiging bastos o disrespectful sa nakagawian nating mga Pinoy. Parang may narinig pa yata kaming nagsabi ng “nakakadiri, yucks, OMG!, awws, etc.” na associated nga sa negative reaction.


At dapat silang paalalahanan na nasa isang show sila na food and people ang format, kung saan ipino-promote ang pagkain ng isang bansa sa ibang lahi.

Marami tuloy ang nagtatanong kung naituro ba sa BINI ang aspetong ito, lalo’t nakikilala na rin sila outside the Philippines?


Sa aspetong pag-promote kasi ng turismo at kultura natin sa food ay tila sumablay nga ang BINI na ewan din kung saan pinulot ang mga accent o twang sa pag-i-English gayung ‘yung female host (Korean o Chinese ba?) ay napakadali at masarap pakinggan sa simpleng English speaking nito.



MEANWHILE, sandali rin naming nakasama sina Ma’am Charo Santos at Papa Dingdong Dantes sa mWell event sa the Podium kamakailan.


As we all know, bongga ang kampanya ng mWell sa pag-engganyo sa karamihan na i-empower ang mga sarili para sa mabuting kalusugan.


Ang mga kaugnay na produkto gaya ng mWell watch at ring na lagi rin naming suot-suot ay malaking bagay sa pagmo-monitor ng ating mga blood pressure, cholesterol, atbp. at ang pagkakaroon ng sound and quality sleep.


Sa naturang event ay inilunsad din ang official wellness anthem na I Am Well in collaboration with Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid and award-winning composer Jonathan Manalo.


At dahil nandu’n nga sina Ma’am Charo at Papa Dong na nagsuot din ng mga singsing at relo at naging mukha ng adbokasiya ng mWell, ipinapanood na rin sa amin ang pinagsamahan nilang movie na Only We Know (OWK).


That was our second and a half-time na mapanood ang movie (una ay halos kalahati lang dahil nasabay sa isang event, next ay sa isang sinehan na nag-iiyakan ang mga kasabay and third na nga itong sa mWell event). 


I’m telling you, nandu’n pa rin ‘yung feeling ng lungkot, saya at kilig sa tandem ng dalawa, pero may naiba na sa amin. Hahahaha! 



HINDI namin masisisi si Giselle Sanchez kung ngayon lang niya na-realize na may dapat siyang pagsisihan o i-regret sa ginawa niyang movie with Darryl Yap or mas appropriate

sabihin na ginampanan niya ang isang iconic role sa isang movie na tila hindi siya proud.


As an artist, alam dapat ni Giselle ang boundaries niya. As a mother na mayroong anak na umano’y naba-bash nang dahil sa naging appearance niya sa movie, dapat din ay may ready siyang sagot.


Sa panig naman ni Darryl na patolero rin talaga sa bawat isyu, natural lang na ipagtanggol niya ang kanyang obra at para sagutin na nag-regret din sila sa pag-cast kay Giselle is also understandable.


Sa showbiz nga lang kung saan pareho silang belong at active, parang mas masakit mabasa o marinig na nag-aaway ang matatalinong umano’y mga ‘has been o mga second at third rate actor at director’.

Aguy naman!!!

 
 

ni Ambet Nabus @Let's See | July 11, 2025



Photo: PBB Collab Big Winner - BreKa


Grabe talaga ang iskedyul ng mahal naming si dearest idol-friend Gov. Vilma Santos-Recto.


Sa pormal niyang paglagda ng apat na pangunahing Executive Order kaugnay ng mga programa niya sa HEARTS last Monday, July 7, sunod-sunod ang ginawa niyang pakikipagpulong sa mga lokal na lider ng Batangas Province.


Siyempre, may kani-kanyang prioridad at programa ang bawat locality, kaya naman sentralisado ang ‘goal achieving’ plan nila.


At dito nga rin niya kinakailangan ang energy at youth ni Luis Manzano, lalo’t nais ngang tuparin ni Luis ang naging laman ng kanyang kampanya sa Batangas lalo na ang mga usaping ‘youth, health, scholarships, technology training, at iba pa’.


Sa latest chika namin with Gov. Vi, may mga bago silang proyekto na hospitals (community) at mga industry-related jobs, kaya’t panay-panay rin ang pakikipag-meeting niya sa mga tamang agencies, kasama na ang ilang multi-sectoral projects sa ilalim ng ahensya ng mismong Pangulong Bongbong Marcos.


“Nakukumpleto mo pa ang tulog mo, Ate Vi?” tanong namin sa kanya.


“To be honest, hindi. But I try to get some power napping ‘pag may chance. Ganito naman talaga lagi sa umpisa, ‘yung pag-establish at pag-re-establish ng mga plano ang mahirap, ang madugo.. pero ‘pag naging cooperative at united ang lahat, gagaan na rin,” sagot nito.


“So ‘yung pinag-uusapan nating one movie project mo in three years ay?” pabitin namin susog.


“Alam mo ‘yan. Mangyayari ‘yan at the right time. Basta our lips are sealed muna,” sey nito.

O hayan ha! mga Vilmates, wait lang po muna tayo. Basta ipag-pray natin siya lagi dahil gabundok na responsibilidad ang nakaatang sa kanya sa lalawigan ng Batangas.

Buti na lang talaga, lagi rin siyang napapasaya ni Peanut, ang napaka-bibo at umaarteng anak nina Luis Manzano at Jessy Mendiola, Hahaha!



MATAPOS niyang lumabas mula sa Bahay ni Kuya,  balik-acting na si Sparkle artist Will Ashley para sa pelikulang Bar Boys 2 (BB2).


Sa kanyang Instagram (IG) post ay ibinahagi ng aktor ang kanyang excitement dito, “So happy to be back on set!” 


Naikuwento rin ni Will sa sumabak siyang muli sa isang workshop kasama ang direktor na si Kip Oebanda.


Well, kaabang-abang talaga ang projects na nakapila para sa Nation’s Favorite Son!

Meanwhile, excited din ang ilang naging supporter niya dahil mukhang may blessing na raw ang pagkakaroon niya ng ka-love team o ka-triangle sa tandem nina Bianca de Vera at Dustin Yu.


Hmmm...



NAGING emosyonal naman ang ilang mga contract stars, executives at mga empleyado ng ABS-CBN sa ginawa nilang seremonya last July 9.


Ito nga ‘yung pormal na pamamaalam dahil aalisin o gigibain na ang ABS-CBN compound kung saan nakatayo ang tinatawag na Iconic Millennium Tower o ang ABS-CBN Tower.


Simula nga ng makabalik ang network in 1986 after itong ma-establish as ABS-CBN broadcast network in the 60's (nagsimula ang company in 1946), ngayong 2025 na nga ito mamaalam.


Although alam naman nating lahat na masaya na ang kumpanya sa pagiging content provider ng programs at pakikipag-collab sa broadcast industry, may bahid pa rin siyempre ng lungkot sa mga taong nagsilbi at naging bahagi ng network,


Personally, sobra din kaming nalungkot dahil halos naging bahagi rin kami ng ABS-CBN for 20 years (officially) at kung isasama ng mga years na nag-OJT kami from 1986 to 1989, may plus 3 pa, Hahaha!


But we all have to move forward and be the useful individuals we need to be.



 
 

ni Ambet Nabus @Let's See | July 7, 2025



Photo: PBB Collab Big Winner - BreKa


Kumalat nga ang balitang hindi na nag-exert ng sobrang effort ang mga families nina River Joseph at AZ Martinez ng AzVer sa katatapos na Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition.


Talaga raw na ang makapasok lang sa ‘Big 4’ ang ambisyon ng mga pamilya nila dahil dito na nga raw sa outside world, kasama ang mga bago nilang mga supporters at fans, gagawa ng way na ma-sustain ang kasikatan nila.


“Kering-keri nilang makipagsabayan sa paggastos pero mas pinili nilang mag-lay low dahil may mga collab projects sila para sa dalawa,” sey ng mga AzVer fans.


Tinanghal ngang big winner ang BreKa nina Brent Manalo at Mika Salamanca na nakakagulat din ang dami ng mga supporters. Kahit ang duo ay gulat na gulat din sa naging resulta gaya ng RaWi nina Ralph de Leon at Will Ashley nang ang duos na lang nila ang naiwan.


Third big placer naman ang CharEs nina Charlie Fleming at Esnyr, na kinagiliwan ang pagiging proud Bisaya.


Congratulations and good luck dahil ‘ika nga, nandito naman talaga sa labas ang totoong laban.



MARAMI naman ang nagsasabi na tila may pagka-overprotective umano si Vincent Co kay Bea Alonzo.


Dahil napapadalas nga ang sighting sa dalawa sa mga public events, hindi maitatanggi na ang lahat ay nagpapalagay na more than friends na nga sila.


“Holding hands, akbay, pag-alalay, mga pagbulong at ilang touchy scenes with sweet smiles, kung ‘yun ang ating gagawing basehan to conclude na sila na, then ‘yun na nga,” komento ng mga observers.


‘Yun nga lang daw, kapag tila sobra nang nakukuyog o dumarami na ang gustong maki-Marites, may extra effort at kilos nang ginagawa si Vincent gaya ng pagbibigay ng mas mahigpit na hatak at tapik kay Bea at pag-alalay sa aktres na mararamdaman mo ‘yung konting pressure.


Gusto nating ipagpalagay at isipin na proteksiyon nga ‘yun para kay Bea dahil sino ba naman ang magnanais na masaktan o lapirutin na lang ang magandang si Bea ng mga Marites at mga uzi?


For us, Vincent is simply doing his job as a caring and loving boyfriend, ‘noh!

Huwag nang lagyan ng kulay at nega na malisya.



NGAYONG Lunes magkakaroon ng inauguration address bilang nagbabalik governor sa Batangas ang mahal nating si Gov. Vilma Santos-Recto.


Inaasahan siyempre na marinig ng mga Batangueño ang mga programa at adbokasiya na kanyang ginawa noon at muling ipagpapatuloy with newer and better plans.


At kahit nakabalik na nga ang anak na si Luis Manzano sa kanyang TV show, may inilaang mga araw ang aktor para maging assistant ng ina sa ilang mga gawain sa Kapitolyo.


Talaga raw personal na nagprisinta si Luis na tumulong sa kanyang ina lalo’t magka-align naman ang mga programa nila na inilatag during the campaign.


Hindi man pinalad na maging vice-gov. ang aktor-host, magsisilbi pa rin siya sa lalawigan sa mga kaparaanang naaayon sa batas at nakalinya sa mga programang may Talino at Puso.


Pamumunuan pa rin ni Luis ang mga programa sa edukasyon, kalusugan at kabataan na under ng HEARTS program ni Gov. Vi.


“At wala s’yang suweldo, ha? Talagang volunteer lalo’t may mga cause-oriented groups na voluntarily ay sasamahan s’ya,” kuwento ni Gov. Vi.


Samantala, matagumpay ngang nakabalik ang Rainbow Rumble (RR) sa TV ni Luis at sa unang mga episodes nito ay mabilis itong nag-viral sa socmed (social media) at nagtala ng bonggang rating.


Among the shows nga na ini-offer kay Luis Manzano, pinili niya ang RR.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page