top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 7, 2025



Photo: Ang Gilas Pilipinas women kahit manaig ay malabo na sa medalya at lalaban na lamang sila sa  ika-3 o ika-apat na puwesto. Tinalo ng mga Haponesa ang Gilas kahapon sa Taipei Peace Basketball Stadium sa Jones Cup. (Circulated image)


Laro ngayong Linggo – Taipei Peace

4 PM Pilipinas vs. Chinese-Taipei B (W) 

    

Isang panalo na lang ang kailangan upang manatili ang William Jones Cup crown sa Japan. Tinalo ng mga Haponesa ang Gilas Pilipinas, 94-74, sa pangalawa sa huling araw ng torneo kahapon sa Taipei Peace Basketball Stadium.

     

Hawak ng mga Pinay ang 46-44 bentahe matapos ang dalawang quarter sa likod muli ng malakas na laro ni Jack Danielle Animam na nagtala agad ng 15 puntos. Mula roon ay kumilos ang Japan na nalimitahan ang Gilas sa 12 lang sa pangatlong quarter upang lumayo at hindi na lumingon, 66-58.

      

Nagtapos si Animam na may 21 at 16 rebound upang lalong tumibay ang pagiging numero uno ng torneo sa pagpitas ng bola. Sumuporta sina Naomi Panganiban na may 14, Louna Ouzar na may 11 at Sumayah Sugapong na may 10. 

      

Balanse ang opensa ng Japan sa pangunguna ni Maika Miura na may 12 at sina Azusa Asahina, Suzuno Higuchi, Ufuoma Tanaka at Haru Owaki na may tig-11. Perpekto pa rin ang Japan sa 4-0. 

      

Wawakasan ng Pilipinas ang kanilang kampanya laban sa Chinese-Taipei B na binubuo ng mga mag-aaral sa kolehiyo. Kahit manaig ay malabong magawaran ang Gilas ng medalya subalit maaaring pantayan nila ang kartadang 2-3 at ika-apat na puwesto noong nakaraang taon.

        

Bago umalis ang Gilas papuntang Taiwan, naging bahagi si gwardiya Ella Fajardo ng pinakaunang Kingdom Elite Invitational Camp, isang espesyal na kampo na para lang sa kabataang kababaihan kasama ang MILO. Tinatayang 100 atleta ang lumahok kung saan hindi lang ang tamang paraan ng paglaro ang itinuro kundi pati mga aral sa buhay hango sa mga karanasan ni Fajardo sa loob at labas ng palaruan. 


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 7, 2025



Photo: San Miguel at Tropang 5G - PBA PH


Laro ngayong Linggo – Araneta

5:00 PM Ginebra vs. SMB

7:30 PM ROS vs. TNT 

      

Hahanapin ng San Miguel Beer at TNT Tropang 5G ang kanilang mga upuan sa magkahiwalay na Game 6 ng 2025 PBA Philippine Cup Semifinals ngayong Linggo sa Araneta Coliseum. Gagawin ng Barangay Ginebra at Rain or Shine Elasto Painters ang lahat upang ipilit ang nakakapanabik na Game 7 sa Miyerkules. 

      

Isang panalo na lang ang kailangan ng Beermen upang makabalik sa Finals matapos mabigo ang Barangay Ginebra sa Game 5, 103-92. Malaking kasunod ito ng 107-82 tambakan ng SMB noong Game 4. 

     

Umapoy si Cjay Perez para sa 31 puntos habang nag-ambag ng 27 si reserba Jericho Cruz. Double-double si June Mar Fajardo na 14 at 12 rebound. 

      

Kritikal ang pangalawang quarter kung saan binaligtad ng SMB ang 12-20 butas sa 49-44 bentahe bago ang pangatlong quarter. Naging mahigpit ng laban hanggang naka-shoot sina Fajardo at Perez para sa mas komportableng 99-90 agwat papasok sa huling minuto. 

      

Nanguna sa Ginebra sina Maverick Ahanmisi na may 19 at Scottie Thompson na may 14. Ito na rin ang unang pagkakataon na natalo ng dalawang sunod ang Gin Kings sa buong torneo. 

        

Samantala, tiyak na babalik na si Coach Chot Reyes sa TNT matapos mapatawan ng suspensiyon dahil sa naipong limang technical foul. Subalit wala pang katiyakan kung makakalaro ang mga pilay na sina Roger Pogoy at Kelly Williams na parehong lumiban sa Game 4. 

        

Kinuha ng ROS ang pagkakataon na kulang ang Tropa at lumapit sa serye, 2-3. Umabot ng 99-64 ang pagitan sa unang minuto ng huling quarter sa four-points ni Anton Asistio at nagawan ng paraan ng TNT na bawasan ito hanggang sa huling busina, 113-97. 


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 19, 2025




Tumikim ng pangalawang pagkatalo ang Alas Pilipinas sa Chinese-Taipei sa pagpapatuloy ng 2025 Asian Volleyball Confederation (AVC) Volleyball Nations Cup sa Isa Bin Rashed Hall sa Manama, Bahrain.


Nagtapos ang apat na set pabor sa Taiwanese sa 25-18, 23-25, 30-28 at 25-20. Madaling nakuha ng Taiwan ang unang set subalit nagising ang mga Pinoy upang maagaw ang pangalawa. Ibinigay ni Lloyd Josapat ng 24-23 lamang ang Alas at hindi umubra ang block touch challenge na inihain ng Taiwan para maging 25-23.


Sa pangatlong set, nasayang ang pagkakataon at itinala ng Taiwan ang huling tatlong puntos upang makabawi mula sa 27-28. Hindi nakabangon ang Alas at tuluyang bumigay sa huling set. Nanguna sa Chinese-Taipei si outside hitter Chang Yu Sheng na may 22 puntos.


Sumunod si Wen Yi Kai na may 14 at Kapitan Chang Yu Chen na may 12. Ipinagpag ni Kapitan Marck Espejo ang pilay para magsabog ng 24 mula 21 atake. Tumulong si Leo Ordiales na may 15 buhat sa 13 atake.


Binigo ng Pakistan ang mga Pinoy noong Martes sa apat na set – 25-18, 25-12, 18-25 at 25-22. Napilay si Espejo sa unang set at hindi na bumalik at sinikap ng kanyang kapalit Ordiales na buhatin ang koponan sa kanyang 22 puntos.


Maglalaro na ang Alas para sa ika-siyam hanggang ika-11 puwesto simula ngayong Sabado ng hating gabi. Kasama nila sa isang round robin ang mga kulelat mula sa Grupo A at D.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page