top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 16, 2025



Photo : Pinangunahan ni Jenny Lumba, tagapangasiwa ng Takbo Para sa Kalikasan ng Green Media Events ang media launch ng Air Run Series sa SM Manila na gaganapin sa Set. 28 sa MOA Grounds, Pasay City kung saan inaasahang 8,000 mananakbo ang lalahok. Ang BULGAR ang opisyal na media partner ng TPSK. (BRTpix)


 

Sasakay ang Air Run, ang pangatlong yugto ng Takbo Para Sa Kalikasan 2025 sa tagumpay ng kanilang unang dalawang yugto na Fire Run at Water Run. Ngayon pa lang ay may 6,700 na ang nagpalista para sa karera ngayong Setyembre 28 sa MOA Grounds, Pasay City.


Tampok ngayon ang Half-Marathon o 21.1 kilometro na mula mall ay tutuloy sa Roxas Boulevard patungong Paranaque at babalik. Nandiyan pa rin ang 10 at limang kilometro.


Para sa mga hindi makakapunta sa araw mismo ng karera, maaaring lumahok sa virtual race at makukuha ang parehong medalya at t-shirt. “Ang aming target ay 8,000 kalahok at kampante ako na maaabot ito kung titingnan ang mainit na pagtanggap ng running community,” wika ni Jenny Lumba ng Green Media Events, ang tagapangasiwa sa karera.


Patuloy pa rin ang pagpapalista sa mga sangay ng Chris Sports sa Tinoma, Glorietta 3, SM Bicutan, Megamall, MOA at One Bonifacio High Street. May online din sa Facebook ng TPSK.


Bahagi ng malilikom na pondo ay mapupunta sa Haribon Foundation. Marami pang ibang mga proyekto ang Green Media na may kinalaman sa pagtanim ng puno sa kabundukan at paglinis ng mga dalampasigan.


Ang ika-apat at huling yugto ng TPSK ay Earth Run sa Nobyembre 16. Bago noon, magkakaroon ng espesyal na TPSK Pampanga Edition sa Clark.


Ang BULGAR ay opisyal na media partner ng buong TPSK. Abangan ang pagtakbo ng mga taga-Bulgar at mga inihandang sorpresa at regalo at ang pagdating ni Bulgarito.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 28, 2025



Photo : Gilas Pilipinas vs Macau Bears - Samahang Basketbol ng Pilipinas - SBP


Nagising ang Gilas Pilipinas sa tamang panahon upang talunin ang bisitang Macau Black Bears, 103-98, sa kanilang exhibition game noong Lunes ng gabi sa Araneta Coliseum.


Nagsilbing nararapat na despedida ang tagumpay bago sumabak ang pambansang koponan sa 2025 FIBA Asia Cup sa Jeddah, Saudi Arabia.


Bumira ng sunod-sunod na tres sa huling quarter si Justin Brownlee simula sa unang nagpatikim ng lamang sa mga Pinoy, 84-83. Tumira pa siya ng apat pang three-points at isang three-point play para lumayo ang Gilas, 101-94, at 1:41 ang nalalabi.


Lamang ang Black Bears sa halftime, 63-46, subalit inilatag ng kombinasyon nina Dwight Ramos, Cjay Perez at AJ Edu ang pundasyon ng paghabol ng mga Pinoy.


Tinuldukan ng three-points ni Scottie Thompson ang pangatlong quarter pero lamang para maging dalawa na lang ang lamang ng Macau, 81-79. Ayon kay Coach Tim Cone, napakahalaga na makapaglaro sila sa harap ng mga kababayan dahil mas madalas silang nasa ibayong-dagat.


Inimbitahan niya ang mga Filipino sa Saudi Arabia na panoorin ang kanilang mga laro. Nagtapos si Brownlee na may 32 puntos buhat sa limang tres at humakot ng 15 rebound sa 35 minuto.


Sumunod si Ramos na may 19 at anim na assist at Edu na may 15. Nanguna sa Macau sina Will Douglas na may 23 at Amorie Archibald na may 22 bilang reserba. Nag-ambag ng 17 si Jenning Leung. Maglalaro ng isa pang exhibition ang Gilas kontra Jordan pagdating nila sa Saudi. Ang FIBA Asia Cup ay tatakbo mula Agosto 5 hanggang 17.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 25, 2025



Photo by Reymundo Nillama / Bulgar Sports


Nanigurado ang San Miguel Beer at inuwi na ang 2025 PBA Philippine Cup matapos daigin ang TNT Tropang 5G, 107-96, sa Game Six kagabi sa Philsports Arena. Nagwakas ang seryeng best-of-seven, 4-2, at walang iniwan na duda ang Beermen.


Bumalik ang malupit na opensa at nagsama sina June Mar Fajardo at Jericho Cruz para itulak ang Beermen sa kanilang pinakamalaking lamang sa pangatlong quarter, 80-60.


Patuloy na pumalag ang TNT sa likod nina Jordan Heading, Kelly Williams at Almond Vosotros subalit may nakahandang sagot ang Beermen. Walang shoot sa unang tatlong quarter, biglang uminit si Marcio Lassiter para sa mga pandiin na puntos.


Kasama ang mga napapanahong buslo nina Fajardo at Cjay Perez ay sinigurado ang resulta. Parehong nagtapos na may tig-24 puntos sina Fajardo at Perez at humakot din ng 12 rebound si Fajardo.


Nagtapos si Cruz na may 13 at siya rin ang napiling Finals MVP ng PBA Press Corps. Nanguna sa TNT si Calvin Oftana na may 14 ng kanyang 19 sa unang quarter na kinuha ng Tropa, 25-23.


Sumunod sina Williams na may 17 at Brandon Ganuelas-Rosser na may 15. Nagwagi ang TNT sa Game One, 99-96. Bumangon ang Beermen at nagwagi ng tatlong sunod – 98-92, 108-88 at 105-91 – bago humabol ng isa pa ang Tropa sa Game Five, 86-78.


Magpapahinga muna ang mga koponan at magtitipon muli sa Oktubre para sa ika-50 season liga. Magsisimula ang taon sa Philippine Cup kaya ilang buwan malalasap ng Beermen ang tagumpay.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page