top of page
Search

ni Eli San Miguel - Trainee @News | November 29, 2023




Nakumpiska ng pulisya ang 100 kilo ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng P12 milyon mula sa apat na drug pusher sa isinagawang buy-bust operation sa Purok 1, Brgy. Abut, Quezon, Isabela ngayong Martes.


Arestado ang mga suspek na mula sa Kalinga matapos silang magbenta ng marijuana sa isang pulis na nagkukunwaring buyer.


Nakuha sa kanila ang anim na kahon na may 66 na tumpok ng marijuana, isang caliber 9mm, isang magasin, mga bala, at ang boodle money.


Nasa pangangalaga na ng Philippine Drug Enforcement Group (PDEG)-Special Operations Unit-2 (SOU-2) ang mga suspek.


Dinala naman ang kontrabando sa Philippine National Police-Crime Laboratory sa Roxas, Isabela para sa wastong pagsusuri.

ni Eli San Miguel - Trainee @News | November 29, 2023




Idedeklara ang Antipolo Cathedral bilang isang "international shrine" sa isang misa na gaganapin sa Enero ng susunod na taon, ayon sa Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) ngayong Miyerkules.


Ayon sa CBCP, nakatakdang gawin ang Solemn Declaration of the International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage sa ika-26 ng Enero 2024 at pangungunahan ito ni Papal Nuncio Archbishop Charles Brown.


Magaganap din ang pagdiriwang sa gabi ng ika-127 plenary assembly ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines sa Maynila, at inaasahan na ilan sa mga obispo ang makikilahok sa pagdedeklara, base sa CBCP.


Binigyang-diin din ng CBCP na nagtatakda ang deklarasyon ng Antipolo Cathedral bilang unang "international shrine" sa Pilipinas, ikatlo sa Asya, at ika-11 sa buong mundo.

ni Anthony Servinio @Sports | November 29, 2023




Kumpleto na ang walong koponan na paglalabanan ang pinakaunang NBA In-Season Tournament matapos ang huling araw ng group stage. Nakuha ng Milwaukee Bucks, Boston Celtics, New York Knicks at Sacramento Kings ang tiket sa bisa ng mga hiwalay na tagumpay.


Naka-shoot si Malik Monk na may pitong segundong nalalabi upang itulak ang Kings sa 124-123 panalo sa Golden State Warriors at walisin ang apat na laro sa West Grupo C. Nanguna si De’Aaron Fox na may 29 habang 21 puntos si Monk.


Tinulungan ng Celtics ang sarili at tinambakan ang Chicago Bulls, 124-97, sa likod ng 30 ni Jaylen Brown. Nagtabla ang Boston, Orlando Magic at Brooklyn Nets sa taas ng East Grupo C sa 3-1 subalit nangibabaw ang Celtics dahil mas malaki ang kanilang kabuuang nilamang sa apat na laro.


Perpekto din ang Bucks sa East Grupo B at dinurog ang Miami Heat, 131-124. Malupit muli si Giannis Antetokounmpo sa kanyang 33 puntos at 10 rebound.


Nahabol ng Knicks ang Wild Card ng East bilang may pinakamataas na kartada sa tatlong pumangalawa sa mga grupo. Iniwan ng New York ang Charlotte Hornets, 115-91, sa halimaw na 25 puntos at 20 rebound ni Julius Randle.


Ang mga magtatapat sa knockout quarterfinals sa East ay ang Milwaukee laban New York at Indiana Pacers kontra Boston. Sa West, magkikita ang Los Angeles Lakers at Phoenix Suns kasabay ng Sacramento at New Orleans Pelicans.


Ang mga magwawagi ay tutuloy sa semifinals na gaganapin sa Las Vegas sa Disyembre 8. Sa parehong lugar din ang laban para sa korona at $500,000 sa Disyembre 10.


Lahat ng laro ng torneo maliban sa finals ay bibilangin sa kinagawiang 82 laro ng bawat koponan. Magkakaroon din na hiwalay na MVP at iba pang mga karangalan.


RECOMMENDED
bottom of page