top of page
Search
  • Madel Villar

Nakapagtala ng mga bagong kaso ng COVID-19... SOUTH KOREA, MULING NAGSARA NG MGA ESKUWELAHAN


Napilitang magsara muli ang mahigit 200 eskuwelahan sa South Korea ilang araw matapos magbukas ang klase kasunod ng panibagong pagtaas sa mga kaso ng covid-19.

Ayon sa ulat, ilang araw lang matapos magbukas ang mga eskuwelahan sa SoKor ay nakapagtala ng 79 na bagong kaso ng virus infection.

Ito na ang pinakamataas na daily figures na kanilang naitala sa loob ng dalawang buwan.

Nabatid na karamihan sa mga kaso ay nasa labas umano ng Seoul na capital ng South Korea.

Partikular na sa Bucheon, kung saan may isang warehouse umano ang natukoy ng mga opisyal na hindi istriktong sumusunod sa infection control measures laban sa covid-19.

Maging sa mga sapatos at damit ng mga manggagawa nito ay may nakitang trace ng covid-19.

Dahil dito, inaasahan umano ang muling pagtaas ng mga kaso ng covid-19 sa South Korea kasunod ng patuloy na covid testing sa libu-libong empleyado ng nasabing center.

Sa ngayon, umabot na sa 11,402 ang covid cases sa South Korea.

Batay sa ulat, sinabi ng Ministry of Education ng SoKor na may 117 eskuwelahan din sa Seoul ang nag-postpone ng pagbubukas ng klase.

Maging mga parke at museums sa Seoul at kalapit na siyudad ay sarado rin ulit.

Ang mga negosyo naman ay hinikayat nang magpatupad ng flexible working arrangement at hinikayat ang publiko na umiwas muna sa mass gathering.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page