top of page
Search
  • Mylene Alfonso

Abogado, parang janitor daw magsalita... Chel Diokno, sapol kay P-Duterte


Nakatikim ng pang-iinsulto si human rights lawyer Chel Diokno mula kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagbatikos sa gobyerno hinggil sa pagsugpo sa COVID-19 pandemic at ang panghihikayat umano sa publiko na huwag sundin ang lockdown.

"Letche ka, galit ako sa 'yo, ul** ka," sabi ni Duterte sa kanyang mensahe sa publiko kagabi.

Bagama't iginagalang umano nito ang ama ni Diokno pero iba pagdating sa kanya.

"Ito si Diokno. Siya pa daw mag-abogado. Alam mo, Diokno, sa totoo lang, bilib ako sa tatay mo. 'Pag nasa korte 'yun noon, estudyante pa kami noon, talagang nanunuod ako," wika ni Duterte.

"Pero ikaw, nung nakita kita, wala ka talagang sinabi, Magsalita ka parang huwag lang ma-insulto 'yun ha. Kayong mga janitor, huwag kayong mainsulto. Tutal totoo namang janitor ka, di janitor ka. Sundalo ka, sundalo ka.Ito si Diokno magsalita, parang janitor," saad ng Pangulo.

Ito rin umano ang dahilan kaya hindi aniya nanalo si Diokno noong senatorial election.

"At saka tumakbo ka ng senador, hindi kayo bumoto ng tao. Alam mo kung bakit? Puwede kitang biruin? Huwag kang magalit. Alam mo kung bakit hindi ka nanalo? Kasi kalaki ng ngipin mo. Magsalita kalahati ng panga mo lumalabas. Kaya sa... Ako pa sa 'yo... Totoo. Tanungin mo Pilipino nakikinig ngayon. Kaya kung magsalita ka ng... Kalaki ng ngipin mo. Parang... Maghanap ka ng ba --- ano ba tawag d'yan? Vaciador. 'Yung nagtatadyak ng --- tadyak ng pang --- pang-patalas ng mga barbero. D'yan ka pumunta. Ilagay mo 'yung ngipin mo doon. Doon ka sa tadyak. Naglilibot 'yan," ayon kay Duterte.

Nagpasaring pa ang Pangulo kay Diokno gamit ang isang biro kung saan nagbabala rin siya kaugnay sa mga susunod nitong hakbang.

"Bakit ganun? Binabastos kita. Eh p***** i**, galit ako sa 'yo. Sumobra ka. Sige subukan mo. Subukan mong mag-converge-converge. Sige. Constitutional right man kaya 'yan. Subukan mo. Sumali ka. 'Pag hindi, ikaw ang ipauna," diin nito.

"Sige, subukan mo. Subukan natin. Magsubukan tayo. Sabi mo tama ka? Sabi ko mali ka. O ngayon, subukan natin. Hindi ka maaresto? Mag-imbita ka ng mga 10. D'yan, punta kayo ng Luneta. 'Pag hindi ikaw ang unang ikarga ko sa..." pahayag pa ni Duterte.

Ipinunto pa ng Chief Executive na wala sa panahon ang ginagawang pamumulitika ni Diokno dahil nasa gitna ang bansa ng krisis na dulot ng Coronavirus Disease 2019.

Dagdag pa ng Pangulo na may panahon sa pamumulitika kaya huwag na lamang itong dumagdag sa krisis na kinakaharap ng bansa.

"Huwag mo nga akong... May panahon na --- ng pulitika. Ito panahon may krisis, magpangdagdag ka."

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page