Nade-depressed at nagpapakamatay, dumarami, ‘wag isnabin!
- Ryan B. Sison
- Sep 2, 2019
- 2 min read

PagbibIgti, pagtalon sa mall at pag-inom ng lason — ilan lang ang mga ito sa mga paraan ng pagpapakamatay na ginagawa ng dumaranas ng depresyon dahil sa mga hindi kinakayang problema.
Kamakailan, inalarma ni San Jose del Monte, Bulacan Rep. Florida Perez-Robes ang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan sa pagtaas ng bilang ng pagpapakamatay, depresyon at iba pang mental health problems sa kabataan.
Aniya, karaniwang nagtutulak sa mga ito ang depresyon, kawalan ng pag-asa, kakulangan ng atensiyon at suporta, gayundin, ang kawalan ng moral values at iba pa.
Dagdag pa rito, pabata nang pabata ang mga nasasangkot sa depression-related suicides sa bansa kung saan batay sa 2017 World Health Organization (WHO) report, ito ang pangalawa sa pangunahing sanhi ng pagpapakamatay ng indibidwal na nasa edad 15 hanggang 29.
Samantala, itinuturing ng Department of Health (DOH) ang depresyon bilang “serious health condition” kung saan tinatayang 3.3 milyong Pinoy na ang apektado nito.
Ayon sa kongresista, mahalagang pangunahan ng Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) ang paglulunsad ng ethical orientation program para maturuan ang kabataan ng moral at philosophical values para sa human survival.
Gayundin, mahalagang mapaigting ang pagpapatupad ng Republic Act 11036 o Philippine Mental Health Law, kabilang ang pagpo-promote ng anti-suicide hotlines.
Sa totoo lang, hindi lamang pamahalaan ang dapat mabahala dahil kung tutuusin, responsibilidad nating mga magulang na obserbahan at alamin kung may pinagdaraanan ang ating mga anak, gayundin, huwag tayong mahiyang humingi ng tulong sa mga propesyunal kung kinakailangan.
‘Ika nga, walang mukha ang depresyon kaya hangga’t maaari, maging mabuti tayo sa bawat isa at maging sensitibo sa mga salitang bibitawan natin upang maiwasang ma-trigger ang mga dumaranas nito.
Ilang buhay na ang nasayang dahil dito kaya ang panawagan sa mga magulang at kinauukulan, magtulungan para hindi na tumaas pa ang bilang ng insidente ng pagpapakamatay sa bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments