top of page
Search

ni Angela Fernando @World News | Dec. 3, 2024



Photo: Dahiyeh suburbs sa Beirut - Bilal Hussein / AP Photo / Associated Press


Nasawi ang 11 sibilyan at 3 ang sugatan nu'ng Lunes sa muling pag-atake ng Israel sa dalawang bayan sa southern Lebanon, ang Talousa at Haris, ayon sa ulat ng mga lokal na opisyal.


Kinumpirma ng Israeli military na tinarget nila ang dose-dosenang posisyon ng Hezbollah sa iba’t ibang bahagi ng Lebanon.


Samantala, iniulat din ng mga otoridad ng Lebanon ang pagkamatay ng dalawa pang indibidwal sa ibang bahagi ng southern Lebanon, kabilang ang isang miyembro ng state security na nasawi habang nasa tungkulin.


Ito ay kasunod ng akusasyon ng Hezbollah na lumabag ang Israel sa kasunduang tigil-putukan.

 
 

ni Angela Fernando @World News | Nov. 30, 2024



Photo: Prince Mohammed bin Salman at si Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu - FB, circulated


Itinigil na ng Saudi Arabia ang pagnanais nito para sa isang malawakang kasunduan sa depensa kasama ang United States (U.S.) kapalit ng normalisasyon ng relasyon sa Israel.


Sa kasalukuyan, inihihirit na nito ang mas simpleng kasunduan sa kooperasyong militar, ayon sa dalawang opisyal ng Saudi at apat na opisyal mula sa West na nakausap ng Reuters.


Magugunitang nu'ng unang bahagi ng taon, bilang bahagi ng pagsisikap na makamit ang malawakang kasunduan sa seguridad, nagpakita ang Riyadh ng paghina sa posisyon nito ukol sa pagtatatag ng estado ng Palestine.


Binigyang-diin nito sa Washington na maaaring sapat na ang isang pampublikong pangako mula sa Israel para sa solusyon sa dalawang estado upang ma-normalisa ang relasyon para sa Gulf kingdom.


Ngunit dahil sa matinding galit ng publiko sa Saudi Arabia at sa mas malawak na rehiyon ng Middle East laban sa mga aksyong militar ng Israel sa Gaza, muling iginigiit ni Crown Prince Mohammed bin Salman na ang pagkilala sa Israel ay magiging kondisyonal lamang kung gagawa ito ng konkretong hakbang para sa pagbuo ng isang estado ng Palestine.


Samantala, patuloy na nagnanais ang Israel Prime Minister na si Benjamin Netanyahu na makamit ang normalisasyon ng relasyon sa Saudi Arabia bilang isang makasaysayang tagumpay at patunay ng mas malawak na pagtanggap ng kanilang nasasakupan sa mundo ng mga Arabo.

 
 

ni Angela Fernando @Overseas News | Nov. 29, 2024



Photo: Beirut's southern suburbs - Israel-Hezbollah war - Fadel Itani / AFP


Nagpahayag ang militar ng Israel na inatake ng kanilang air force ang isang pasilidad ng Hezbollah na ginagamit para mag-imbak ng mid-range rockets sa katimugang Lebanon kamakailan, matapos magpalitan ng paratang ang dalawang panig kaugnay ng paglabag sa tigil-putukan na layong tapusin ang mahigit isang taon ng labanan.


Ayon sa Israel, nagpaputok din sila nu'ng Huwebes sa direksyon ng kanilang tinatawag na mga suspek na dumating sakay ng mga sasakyan sa ilang lugar sa katimugang bahagi ng rehiyon.


Tinawag nila ang mga itong paglabag sa kasunduan sa tigil-putukan sa armadong grupong Hezbollah na suportado ng Iran, na nagsimula nu'ng Miyerkules.


Samantala, inakusahan ni Hezbollah lawmaker Hassan Fadlallah ang Israel ng paglabag sa kasunduan—naglabas din ng pahayag ang Lebanese army, na nagsabing ilang beses nilabag ng Israel ang mga nasabing kasunduan.


Ang palitan ng mga paratang ay nagpakita ng kahinaan ng kasunduan, na itinaguyod ng United States (US) at France upang wakasan ang labanan na kasabay pa ng giyera sa Gaza.


Magugunitang ang bisa ng tigil-putukan ay nasa loob lang ng 60 araw, na bahagi ng layuning makamit ang tuluyang pagtigil ng mga palitan ng pag-atake.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page