top of page
TALKIES - JOEY KAY ALLAN DU’N KA NA SA IT’S SHOWTIME-IG _angpoetnyo & _allan_klownz.jpg
Search

ni Jenny Rose Albason @World News | April 25, 2026



Israeli Defense Minister Israel Katz - FB


Nagbanta ang Israel na handa nitong ibalik ang Iran sa “dark ages” sa gitna ng patuloy na paglala ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.


Ayon kay Israeli Defense Minister Israel Katz, nakahanda ang kanilang militar na muling maglunsad ng opensiba laban sa Iran. Sinabi rin niya na “The targets are marked,” at hinihintay na lamang umano nila ang pahintulot mula sa Estados Unidos upang ipagpatuloy ang operasyon.


Dagdag pa ng opisyal, isa sa kanilang layunin ang tuluyang pabagsakin ang pamumuno ng dinastiya ni Khamenei.


Samantala, inaasahang magpupulong si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu kasama ang mga matataas na opisyal ng seguridad upang talakayin ang tumitinding sitwasyon sa Israel at Lebanon.


Patuloy ring lumalala ang sigalot sa pagitan ng Estados Unidos at Iran. Kabilang sa mga ulat ang pag-agaw ng US sa ilang barko na umano’y may kargang langis mula sa Iran, kasabay ng muling pagsasara ng Iran sa Strait of Hormuz.


Sa kabila ng mga naunang pag-atake na ikinasawi ng ilang matataas na opisyal ng Iran, nananatiling matatag ang pamahalaan ng bansa. Gayunman, nagbabala si Katz na ang susunod na posibleng pag-atake ay magiging mas mabagsik at magdudulot ng mas matinding pinsala.


 
 

ni Jenny Rose Albason @World News | April 24, 2026



Donald J. Trump - FB


Ipinahayag ni US President Donald Trump na umano’y pumayag ang Iran na huwag ituloy ang pagbitay sa walong babaeng raliyista, matapos umano niyang makiusap at bilang pagpapakita rin umano ng respeto sa kanya bilang Pangulo ng Estados Unidos.


Ayon kay Trump, apat sa mga kababaihan ay agad na palalayain habang ang apat pa ay makukulong ng isang buwan. Tinawag niya itong “very good news” at iginiit na resulta ito ng kanyang direktang pakiusap.


Gayunman, pinasinungalingan ng mga otoridad sa Iran ang naturang pahayag. Ayon sa Iranian judiciary news agency na Mizan News Agency, walang nakatakdang pagbitay sa nasabing mga kababaihan at tinawag nilang gawa-gawa lamang umano ito ng Amerika.


Giit pa ng Iran, ginagamit lamang umano ni Trump ang isyu upang magpakitang-gilas at ilihis ang atensyon mula sa iba pang isyung pampolitika at tensyon sa rehiyon, kabilang ang usapin sa Strait of Hormuz.


Dagdag pa ng Iran, may ilang naarestong kababaihan na nakalaya na, habang ang iba ay nahaharap sa mga kasong maaaring humantong sa pagkakakulong ngunit hindi sa parusang kamatayan.


Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa White House at Iranian Foreign Ministry kaugnay ng magkasalungat na ulat.


 
 

ni Jenny Rose Albason @World News | April 24, 2026



U.S. forces nag-patrol sa Arabian Sea malapit sa MV Touska , April 20, 2026 - US Navy photo


Nagpatuloy ang tensyon sa Strait of Hormuz matapos ang mga ulat ng umano’y pag-atake ng Iran sa tatlong barko malapit sa isa sa pinakamahalagang daluyan ng langis at gas sa mundo, na nagdulot ng pangamba sa posibleng epekto sa pandaigdigang suplay.


Ayon sa mga ulat, iginiit ng Iran na ang mga hakbang ay tugon sa umano’y naval blockade ng Estados Unidos at sa ilang insidente sa karagatan. Dalawang barko umano ang nasamsam habang isa pa ang naiulat na na-stranded malapit sa baybayin ng Iran.


Naganap ang insidente ilang araw matapos ang magkakasalungat na pahayag mula sa US at Iran hinggil sa kondisyon ng pagbubukas ng strait, na nagdulot ng kalituhan sa mga barkong dumaraan sa ruta.


Ayon sa mga analyst, lumilikha ng “genuine confusion” ang magkasalungat na utos at pahayag mula sa dalawang panig. Giit nila, ginagamit umano ng Tehran ang kontrol sa Strait of Hormuz bilang leverage sa negosasyon at bilang paraan upang maapektuhan ang shipping costs at insurance premiums ng mga barko.


Sa kasalukuyan, daan-daang barko at libu-libong tripulante ang naiulat na naiipit pa rin sa rehiyon, habang nananatiling pabago-bago ang sitwasyon sa isa sa pinaka-kritikal na shipping routes sa pandaigdigang kalakalan ng langis at gas.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page