top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | July 20, 2021



Sa pormal na pagwawakas ng School Year (SY) 2020-2021 noong nagdaang linggo, nais nating bigyang-diin ang masinsinang pagrepaso sa programang distance learning ng Department of Education (DepEd) bilang paghahanda naman sa susunod na pasukan.


Kamakailan ay inihain ng inyong lingkod ang Senate Resolution No. 739 upang suriin ang kahandaan ng mga paaralan na maghatid ng de-kalidad na edukasyon para sa SY 2021-2022 — sa pamamagitan man ng limited face-to-face classes, distance learning o iba pang paraan ng pagtuturo.


Ayon sa Pulse Asia Survey na kinomisyon ng inyong lingkod noong Pebrero, wala pang kalahati sa mga magulang na may anak sa basic education o 46 porsiyento ang nagsabing natututo ang kanilang anak. Lumabas din na 30 porsiyento naman ang hindi matukoy kung natututo o hindi ang kanilang anak, habang 25 porsiyento naman ang nagsabing hindi natututo ang kanilang anak.


Nabanggit din sa naturang survey ang pangunahing mga isyu na kinahaharap ng mga magulang, guardian, at mag-aaral mula noong pumutok ang pandemya. Kabilang dito ang hirap sa pagsagot sa mga modules (53 porsiyento), mahina o paputul-putol na internet (43 porsiyento), hirap sa pagtutok o katamaran sa pakikinig (42 porsiyento) at kakulangan ng mga gadgets para sa distance learning (36 porsiyento).


Bagama’t muling ipinagpaliban ang pilot test ng limited face-to-face classes, dapat pa ring paghandaan ng Department of Education (DepEd) ang muling pagbubukas ng mga paaralan sakaling payagan na ang pagsasagawa nito. Isa sa mahahalagang hakbang na dapat gawin ay ang pagtiyak na may sapat na pasilidad para sa tubig at kabuuang sanitation ng mga paaralan.


Ang problema sa sistema ng edukasyon ay nakita na natin bago pa tumama ang pandemya. Hindi naging maganda ang resulta ng 2019 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS), 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), at 2018 Programme for International Student Assessment (PISA). Kung hindi panghuli, pangalawa sa pinakahuli ang ating mga mag-aaral sa basic education pagdating sa math at science. Ang problemang ito ay pinalala pa ng isang taong pagsasara ng mga paaralan dahil sa COVID-19.


Bagama’t kasalukuyan naman ang pagreporma ng DepEd sa K to 12 kurikulum, isinusulong din ng inyong lingkod ang marami pang reporma sa iba’t ibang aspeto ng edukasyon tulad ng kalidad ng mga guro at education governance. Ang mga usaping ito ay patuloy nating tinatalakay sa panukalang muling pagbuo ng Congressional Oversight Committee on Education (EDCOM).


Mahalagang matuto tayo sa mga hamong ating kinahaharap sa distance learning upang maging mas handa na tayo oras na pahintulutan na ang pagkakaroon ng limited face-to-face classes.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | July 15, 2021



Kasalukuyang nakataas sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal. Kahapon ay iniulat ang anim na volcanic earthquakes dito at patuloy pa rin ang paglalabas ng malalaking usok o ‘yung tinatawag na steam plume kung saan isa sa mga nilalaman nito ay mapanganib sa kalusugan ng tao — volcanic sulfur dioxide (SO2). Bilang paghahanda sa posibleng mas malalakas na pagsabog nito ay mariin nating hinihimok ang Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng kabataan mula sa pagkakasakit pati na sa pang-aabuso.


Maliban sa pagkakaroon ng mga ligtas na espasyo para sa kabataan, isinusulong ng inyong lingkod ang agarang pagpapamahagi ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo tulad ng pagkain at nutrisyon, tubig, sanitary at hygiene kits, psychosocial interventions at iba pang kinakailangan sa panahon ng sakuna.


Ang pagpapamahagi sa mga pangangailangan at serbisyong ito ay nakasaad sa Republic Act No. 10821 o Children’s Emergency Relief and Protection Act. Minamandato ng naturang batas ang DSWD na bumuo ng Comprehensive Emergency Program for Children (CEPC) na magiging basehan sa pagresponde sa mga kalamidad at iba pang sakuna. Layunin ng programang ito na bigyang-proteksiyon at suportahan ang pangangailangan ng mga bata, pati na ng mga buntis at lactating mothers.


Bukod dito, tinututukan din natin ang kaligtasan ng mga bata mula sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso. Matatandaang, iniulat ng children’s organization na Save The Children noong nakaraang taon na hindi bababa sa 124,000 ang bilang ng kabataan na napilitang lumikas mula sa kanilang tahanan noong sumabog ang Bulkang Taal.


Nais nating bigyang-diin ang isa pang suliranin na kinahaharap ng mga bata, lalo na kapag may sakuna at anumang emergency situation kung saang maraming batang babae ang nahaharap sa banta ng karahasan at pang-aabuso. Sa pag-aaral noong 2017 ni Dr. Gloria Luz M. Nelson, isang social science researcher ng Department of Science and Technology DOST — National Research Council of the Philippines (DOST - NRCP), ang mga babaeng may edad 10 hanggang 19 ay humaharap sa panganib na mabuntis o mamolestiya sa kanilang pananatili sa evacuation centers. Ito ay mula sa pag-aaral ni Dr. Nelson tungkol sa epekto ng mga Bagyong Yolanda at Ruby noong 2013 at 2014 sa batang kababaihan.


Mandato rin sa ilalim ng Children’s Emergency Relief and Protection Act ang mas pinaigting at komprehensibong hakbang upang masugpo at ma-monitor ang iba’t ibang uri ng pang-aabuso at karahasan sa panahon ng kalamidad.


Upang matugunan naman ang mga hamong hinaharap ng mga evacuees, tulad ng congestion, kakulangan ng mga pasilidad at iba pang panganib, inihain din ng inyong lingkod noong 2019 ang Senate Bill No. 747 o ang Evacuation Center Act na naglalayong magkaroon ng permanenteng evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | July 08, 2021



Ngayong naglabas na ng executive order ang Pangulo na nagdedeklarang gawing prayoridad ang pagsugpo sa teenage pregnancy o maaagang pagbubuntis, nais nating muling ipaalala ang matagal na nating binibigyang-diin — ang kahalagahan ng pagpapatupad ng comprehensive sexuality education (CSE).


Mandato ng Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) Act of 2012 (Republic Act 10354) ang pagkakaroon ng angkop na reproductive health education. Kabilang sa mga dapat talakayin ay ang mga isyung tulad ng proteksiyon mula sa maagang pagbubuntis, pang-aabusong seksuwal, gender-based violence, at responsableng asal. Upang gabayan ang paghahatid ng CSE, nilabas ng DepEd ang DepEd Order No. 31 s. 2018.


Nakalulungkot mapag-alamang sa kabila ng pagsasabatas ng RPRH Act, patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga batang ina, ayon sa Commission on Population and Development (POPCOM).


Bilang Chairman ng Committee on Basic Education, Arts and Culture sa Senado, noon pa natin ibinigay ang babala na ang pagpapatupad ng lockdown dahil sa COVID-19 pandemic ay maaaring maging sanhi ng lalong pagdami ng mga batang ina. Iniulat ng POPCOM na noong 2020, mahigit 2,000 sanggol ang isinilang ng mga batang ina sa Cordillera, mas mataas ng 46.43 porsiyento mula sa mahigit 1,600 na isinilang noong 2019.


Para sa 2019, ang mga menor-de-edad na 15 pababa na naging ina ay mahigit 62,510 mula sa 62,341, base sa ulat ng POPCOM. Ayon pa sa komisyon, mahigit 2,000 batang may edad na 10 hanggang 14 ang nanganak noong 2019, mas mataas ng tatlong beses mula sa 755 na naitala noong 2000.


Sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), lumalabas na sa pagtuturo ng RPRH ay nakita ang kakulangan ng manpower at pasilidad, pagsasanay, kagamitan sa pagtuturo, koordinasyon at monitoring system. Ayon pa sa PIDS, hindi rin sapat at abot-kamay ang mga trainings sa pag-integrate ng CSE sa kurikulum.


Ang kagandahan ng Republic Act No. 11510, o ang Alternative Learning System Act, kung saan ang inyong lingkod ang pangunahing may-akda at sponsor ay nagbibigay ito ng pagkakataon sa mga batang ina na muling makapag-aral.


Naniniwala tayong ang pagbibigay ng sapat at wastong edukasyon ay isa sa mga pinakamahalagang hakbang na maaari nating gawin upang hindi mapagkaitan ang ating mga kabataang mag-aaral ng magandang kinabukasan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page