top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | August 19, 2021



Sa ating paggunita ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Agosto, nais nating paalalahanang muli ang lahat sa kahalagahan ng pagtugon sa mga isyu ng wikang ginagamit sa pagtuturo.


Ang wikang ginagamit sa pagtuturo ay itinuturing na isa sa mga pangunahing isyu sa ating mga paaralan. Base sa naging resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), nasa 94 porsiyento ng mga mag-aaral na 15 taong gulang ang gumagamit ng wika sa kanilang mga bahay na iba sa ginagamit sa mga paaralan.


Base rin sa naturang assessment na sinalihan ng 79 na mga bansa, ang Pilipinas ang may pinakamababang marka sa Reading o Pagbasa. Lumalabas na isa lang sa limang mag-aaral sa bansa ang may sapat na kakayahan sa pagbabasa. Ayon sa Department of Education (DepEd), maaaring naaapektuhan ng gamit na wika ang kakayahan ng mga mag-aaral na maunawaan ang kanilang mga aralin sa Science at Mathematics.


Ang mandato ng Republic Act No. 10533 o ang Enhanced Basic Education of Act of 2013, na mas kilala natin bilang “K to 12 Law” ay ipatupad sa kurikulum ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE). Sa unang tatlong taon ng elementary education, ang pagtuturo, kagamitan sa pagtuturo, at assessment ay isasagawa sa lokal o wikang pang-rehiyon ng mga mag-aaral.


Magpapatupad naman ng language bridge program sa paggamit ng Filipino at English sa Grade 4 hanggang Grade 6, hanggang ang dalawang wikang ito ang magiging pangunahing wika ng pagtuturo sa secondary level.


Ang pagpapatupad ng MTB-MLE ay nagsisilbi ring hamon para sa ating mga guro. Sa isang pag-aaral na isinagawa ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2019, kabilang sa mga isyu ang kakulangan ng mga aklat na nakasulat sa mother tongue, pati na rin ang kakulangan ng teacher training sa pagtuturo ng mother tongue bilang wika sa pagtuturo.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ay inihain ng inyong lingkod ang Senate Resolution No. 610 na nagsusulong na repasuhin ang pagpapatupad ng MTB-MLE.


Maganda ang layunin ng mother tongue education na turuan ang mga bata sa wikang kanilang naiintindihan, ngunit nakikita nating may mga hamon sa pagpapatupad nito at naaapektuhan dito ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa. Sa pagreporma natin sa ating sistema ng edukasyon, kailangang resolbahin natin ang mga isyu sa wika ng pagtuturo.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | August 12, 2021



Sa pagsisimula ng enrollment sa mga pampublikong paaralan para sa School Year 2021-2022 sa Agosto 16, isinusulong ng inyong lingkod ang mas agresibo at mabisang pagpapatupad ng “Child Find System” o CFS. Sa pamamagitan nito, matutukoy, makikita at masusuri natin ang mga learners with disabilities o kabataang may kapansanan na hindi nakatatanggap ng edukasyon.


Bago pa tumama ang pandemya ng COVID-19 ay talagang hirap na ang mga learners with disabilities na maging bahagi ng general education system sa bansa. Bagama’t tinataya ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na may mahigit limang milyong kabataan sa bansa na may kapansanan, halos kalahating milyon lamang ang mga learners with disabilities na naka-enroll sa mga paaralan ng DepEd.


Lalo pang lumalala ang mga hamong kinahaharap ng ating mga learners with disabilities noong tumama ang pandemya. Ayon sa “Rapid Survey on the Situation of Children with Disabilities in the Context of COVID-19” na isinagawa ng Save the Children noong Mayo 2020, 48 porsyento ng mahigit 4,000 na mga kalahok ang nagsabing hindi sila makatanggap ng serbisyong pang-edukasyon dahil sa quarantine measures.


Sa Senate Bill No. 1907 o Instituting Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act, nakasaad na ang panukalang pagpapatayo ng Inclusive Learning Resource Center of Learners with Disabilities (ILRC) ay bibigyan ng mandatong ipatupad ang CFS. Itinuturing na puso ng Senate Bill No. 1907 ang mandato na walang mag-aaral na may kapansanan ang pagkakaitan ng pagkakataong makapasok sa anumang pampubliko o pribadong paaralan.


Sa ilalim din ng panukalang-batas, ang bawat lungsod at munisipalidad ay magkakaroon ng isang ILRC. Maliban sa pagpapatupad ng CFS, ang mga ILRCs na ito ay magbibigay ng mga serbisyong tulad ng linguistic solutions para sa deaf learners, speech-language pathology and audiology services, physical at occupational therapy, counseling at rehabilitation, serbisyong pang-medikal, transportasyon at iba pa.


Ang panukalang ILRC ay magkakaroon ng multidisciplinary team na bubuuin ng mga propesyunal, kabilang ang mga special education teachers, psychologist, guidance counselors, social workers, interpreters, at iba pang allied medical professionals.


Sa pamamagitan ng inclusive education, kumpiyansa tayong matutulungan natin ang mga mag-aaral na may kapansanan na makatanggap ng dekalidad na edukasyon at sapat na mga serbisyo. Sa panahong itinataguyod natin ang new o better normal, ating tandaan na walang mag-aaral ang dapat mapag-iiwanan dahil sa kanilang kapansanan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | August 10, 2021



Ngayong ipinatutupad muli ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Kalakhang Maynila at iba pang lugar sa bansa, hinihimok ng inyong lingkod ang mga awtoridad na maging alerto sa posibleng paglobo ng mga kaso ng karahasan laban sa kabataan.


Matatandaang noong nakaraang taon ay tinukoy ng grupong Save the Children ang datos ng Philippine National Police (PNP) na nagpapakitang dumami ang mga krimen laban sa mga kababaihan at kabataan noong magpatupad ng ECQ noong 2020.


Noong Abril 30, 2020, pumalo sa 1,284 ang bilang ng kasong naitala ng PNP, kung saan mahigit 500 dito ay mga bata at higit 700 ay laban sa kababaihan. Umakyat naman ito sa 3,600 noong Hunyo 4, 2020, kung saan higit 1,700 ang mga kaso laban sa kabataan at halos 2,000 naman sa kababaihan.


Nang ipatupad ang mga lockdown noong nakaraang taon, nakita natin ang paglobo ng mga kaso ng karahasan sa kababaihan at kabataan. Nanganganib na maulit ito kung hindi natin paiigtingin ang ating mga hakbang upang masugpo ang mga kaso ng karahasan. Nakababahala dahil ang maaaring maging bunsod ng karahasan laban sa kababaihan at kabataan ay ang hirap sa kabuhayan na dulot ng mga lockdown. Ang pinangangambahan natin dito ay ang posibilidad na mahirapang humingi ng tulong ang mga biktina dahil sa bagong mga paghihigpit sa health protocols.


Dapat panatilihin ang mga helplines ng National Bureau of Investigation Violence Against Women and Children Desk pati na rin ang PNP Women and Children Protection Center. Mahalaga rin ang papel ng mga barangay dahil mas malapit ang mga ito sa mga posibleng biktima.


Sa ilalim ng Protocol for Case Management of Child Victims of Abuse, Neglect, and Exploitation ng Committee for the Special Protection of Children, dapat magkaroon ang mga barangay ng help desk upang matutukan ang mga kaso ng karahasan at pang-aabuso laban sa kabataan at kababaihan. Mandato rin sa mga barangay na makipag-ugnayan sa mga social workers, health officials, at mga women and children protection units upang tulungan ang mga biktima.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, katuwang ang inyong lingkod upang bantayan at sugpuin ang ganitong uri ng karahasan at pang-aabuso. Huwag nating hahayaang masira ang kinabukasan ng kabataan. Kaya naman, sama-sama at ating pagtulungan ang mga wastong pamamaraan upang hindi na lumaganap ang krimeng ito sa mga komunidad.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page