top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 14, 2021



Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, mariing hinihimok ng inyong lingkod ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga local government units (LGUs) na tulungan ang Department of Education (DepEd) sa mas mabilis na pagpapabakuna ng mga guro laban sa COVID-19, lalo na’t nakatakdang simulan ang pilot test ng limited face-to-face classes sa Nobyembre 15.


Sa isang pagdinig ng Senado tungkol sa paghahanda ng pamahalaan para sa limited face-to-face classes, iniulat ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan na halos 60 porsiyento na ng mga guro ang nabakunahan kontra COVID-19. Katumbas nito ang 580,000 na bilang ng mga guro sa halos isang milyong mga guro at non-teaching personnel.


Alam nating may mga lokal na pamahalaan na nakikipagtulungan sa kanilang mga lokal na distrito o division upang mabigyang-prayoridad ang pagbabakuna ng mga guro laban sa COVID-19. Malaki ang maaaring maging papel ng DILG sa paghikayat o pagsulong sa ganitong uri ng mga ugnayan.


Mabuti at tiniyak naman ni DILG Undersecretary Ricojudge Echiverri na ang kagawaran ay makikipagtulungan sa DepEd upang mapabilis ang pagpapabakuna ng mga guro. Ayon din sa naturang opisyal ay titignan at susuriin ng ahensiya ang datos mula sa mga LGU pagdating sa mga gurong nabakunahan na, kung saan pagbabanggain ito sa datos na nakalap ng DepEd.


Upang matapos ang pagbabakuna ng mga guro, tiniyak din ni Undersecretary Malaluan na ipatutupad ng DepEd ang institutional approach sa pagpapabakuna. Makikipagtulungan din ang kagawaran sa National Task Force (NTF) Against COVID-19 upang pagtuunan ng pansin ang ating mga kaguruan na kabilang sa A4 priority list sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.


Noong Oktubre 10 ay umabot na sa 50 milyong doses ng bakuna laban sa COVID-19 ang naiturok sa buong bansa, ayon sa National COVID-19 vaccination dashboard. Pumalo naman sa 85.5 milyong bakuna ang dumating na sa Pilipinas noong Oktubre 9. Ang pagpapabakuna sa general population ay nakatakdang magsimula ngayong buwan.


Hindi pagkukulang ng guro kung gusto niyang pumunta sa paaralan kahit hindi pa siya nakatatanggap ng bakuna. Kaya naman, dapat nating bigyang-prayoridad ang mga guro, lalo na’t ang layunin natin ay makabalik na tayo sa face-to-face classes.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 05, 2021



Bagama’T mahalagang hakbang sa pagbabalik-normal ng edukasyon ang marahang pagbabalik sa face-to-face classes, nais bigyang-diin ng inyong lingkod bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, na dapat magpatupad ng remedial programs upang makahabol ang mga mag-aaral sa kanilang aralin.


Dahil sa pinangangambahang pag-urong ng kaalaman dahil sa mahigit isang taon na pagsasara ng mga paaralan, isinusulong natin ang ating panukalang programa para sa learning recovery na Academic Recovery at Accessible Learning (ARAL) o Senate Bill No. 2355.


Kabilang sa panukalang programa ang mga sistematikong tutorial sessions, kung saan ang inaasahang mga lalahok ay ang mga hindi nag-enroll noong nagdaang school year, pati na rin ang mga nahihirapan sa subjects na Language, Mathematics, at Science.


Ayon sa pagsusuri ng World Bank sa learning losses na dulot ng pandemya, ang Learning-Adjusted Years of Schooling (LAYS) ay tinatayang bababa mula 7.5 na taon patungo sa 5.7 hanggang 6.1 na taon, o katumbas ng 1.4 hanggang 1.7 taon na nawala. Ibig sabihin, ang kalidad ng edukasyon para sa 12-taon ng basic education ay magiging katumbas na lamang ng 5.7 hanggang 6.1 na taon ng pag-aaral.


Tinataya ng National Economic and Development Authority na dahil isang taong walang face-to-face classes, mawawala sa ekonomiya ang P11 trilyon sa susunod na apat na dekada.


Upang mapigilan ang lalong pag-urong ng pag-aaral, tututukan ng programang ARAL ang tinaguriang most essential learning competencies o basic subjects tulad ng Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang 10. Tututukan din ang Science mula Grade 3 hanggang 10. Bibigyang-prayoridad ang Reading o Pagbasa upang mahasa ang critical thinking at analytical thinking skills ng mga mag-aaral. Para sa Kindergarten naman, tututukan ng programa ang literacy at numeracy competencies.


Upang maabot ang bawat mag-aaral, ang ARAL Program ay isasagawa sa pamamagitan ng face-to-face, online at blended learning.


Mga guro, para-teachers at volunteer students mula sa kolehiyo ang magsisilbing mga tutor sa naturang programa. Ang mga volunteers mula sa kolehiyo ay dapat makapasa sa mock tutoring session na isasagawa ng Department of Education (DepEd). Ang pagsisilbi sa programa sa loob ng dalawang semestre ay maituturing na pagkumpleto nila sa Literacy Training Service sa ilalim ng National Service Training Program (NSTP).


Habang unti-unti nating binubuksan ang mga paaralan, mahalagang samahan natin ito ng tutorial sessions para sa mga mag-aaral. Dapat nating tiyaking makahahabol ang mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral at maiwasan ang pag-urong ng kanilang kaalaman.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | September 28, 2021



Kasalukuyang isinusulong ng inyong lingkod ang pagkakaroon ng mas marami pang mag-aaral sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS), kung saan ang bilang ng mga rehistrado ngayong school year ay katumbas lamang ng mahigit 33 porsiyento ng mga nagpatala noong nakaraang taon.


Nasa halos 200,000 pa lamang ang rehistrado sa ALS para sa School Year 2021-2022, batay sa datos na naitala noong Setyembre 15. Noong nakaraang school year, pumalo sa halos 600,000 ang mga mag-aaral ng ALS. Umabot naman sa 26.3 milyon ang bilang ng mga mag-aaral na nagpa-enroll sa mga pampubliko at pribadong paaralan, pati na rin sa sate at local universities and colleges (SUCs at LUCs) at nalampasan nito ang enrollment noong nagdaang taon na 26.2 milyon.


Kung kinaya ang mas mataas na bilang ng mga mag-aaral sa pormal na sistema ng edukasyon ngayong school year, kailangang mapantayan man lang ng ALS ang bilang ng mga enrollees nito noong nagdaang taon. Kaya nga dapat hanapin ng Department of Education (DepEd) ang mga mag-aaral na ito upang maipagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral.


Pinalawig ang ALS sa ilalim ng Republic Act No. 11510 o ang ALS Act, kung saan ang inyong lingkod ang pangunahing may-akda at sponsor, upang mabigyan ng pangalawang pagkakataon na makapag-aral ang mga hindi nakapagtapos o kaya naman ‘yung nahihirapang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral. Kabilang sa enrollees ng ALS ang mga mag-aaral na may kapansanan, indigenous peoples, ang children in conflict with the law, learners in emergency situations o sakuna, at nakatatandang nais ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.


Layunin ng ALS na hasain ang mga mag-aaral pagdating sa basic at functional literacy at life skills. Mandato rin ng naturang batas ang pagkakaroon ng ALS Community Learning Centers sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.


Sa isang ulat ng World Bank noong 2018, tinatayang 24 milyong Pilipinong may edad 15 pataas ang hindi nakatapos ng basic education. Base pa sa ulat, may mahigit dalawang milyong mag-aaral na may edad lima hanggang 14 ang hindi pumapasok sa paaralan. Nakalulungkot na dahil dito ay napag-iwanan na sila ng mahigit tatlong taon mula sa antas na dapat kinabibilangan nila.


Dahil sa kalagayang ito, kailangan ng masinsinang paghahanap sa mga kababayan nating maaaring makapag-aral sa ilalim ng ALS. Nararapat lamang na ihatid natin sa kanila ang edukasyon at tulungan natin silang magkaroon ng mas magandang kinabukasan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page