top of page
Search

ni Mharose Almirañez | September 29, 2022



ree

Umakyat na sa walo ang nasawi sa paghagupit ng Super Typhoon Karding, kung saan kabilang ang lima na mula sa Bulacan na pawang mga miyembro ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office rescue team, dalawa mula sa Cabangan, Zambales at isa sa Quezon province, batay sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).


Iniulat din na may ilang nawawala sa Mercedez, Camarines Norte. Habang 60,817 katao o 16,476 pamilya naman ang apektado ng bagsik ni ‘Karding’. Ang mga apektadong residente ay nagmula sa 948 barangay sa Ilocos Region, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol at Cordillera Administrative Region.


Marami na tayong bagyong pinagdaanan at mas pinatatag tayo ng mga ito. Katulad ng paulit-ulit na paalala sa mga residenteng nakatira sa binabahang lugar, narito ang ilang pangunahing dapat gawin tuwing may bagyo:


1. MAG-IMBAK NG PAGKAIN. Delikadong lumabas ng bahay sa kasagsagan ng bagyo dahil posible kang matamaan ng kidlat, lumilipad na yero, atbp. Alam naman nating hindi sapat ang relief goods mula sa pamahalaan upang mapunan ang ating mga kumakalam na sikmura. Kahit pa sabihin sa forecast na hihina naman ang bagyo kinabukasan, mainam pa ring mag-imbak ng mga pagkain na madaling lutuin upang maiwasan ang pagkagutom sa magdamag na pag-ulan. Isa pa’y hindi naman agad-agad humuhupa ang baha matapos ang bagyo.


2. MAGHANDA NG EMERGENCY KIT. Kabilang dito ang hygiene kit, first aid kit, survival kit at hand tools. Magagamit mo ang martilyo bilang pambakbak ng mga pader, kisame at bubong kung sakaling ma-stranded ka sa lugar na malapit nang abutin ng baha. Tipirin mo ang battery ng iyong cellphone saka ihanda ang power bank at flashlight. Ilista mo na rin ang emergency hotlines na puwede mong kontakin upang makahingi ng tulong.


3. IBASTA ANG MAHAHALAGANG GAMIT AT DOKUMENTO. Iprayoridad mo ang ilang kasuotan at importanteng dokumento sa inyong paglikas. Iwanan mo na sa bahay ang mabibigat na cabinet at sala set dahil hindi naman ‘yun aanurin ng baha. Samantala, bago umalis ng bahay ay tiyaking nakalagay sa mataas na lugar o palapag ang inyong appliances upang hindi mabasa at masira. Ikandado rin ang pinto upang hindi anurin papunta sa ibang bahay ang inyong kagamitan. Huwag mo nang balikan at panghinayangan ang mga naipundar mong gamit dahil puwede mo pa ulit ipundar ang mga ito, once maka-survive ka sa baha. Isipin mo ang mga taong umaasa sa ‘yo kung lulusong ka sa baha para lamang hakutin ang mga naiwan n’yong gamit sa bahay.


4. UMANTABAY SA BALITA. Mahirap kasi kung susuungin mo pa rin ang bagyo papasok ng school without knowing kung suspendido ba ang klase. Mahirap din kung papasok ka pa sa trabaho gayung walang biyahe ng tren. Napakahirap mag-commute tuwing maulan dahil hindi lang naman sa lugar n’yo binabaha kundi maging ang highway. Sakaling makalabas ka ng bahay, mababaliw ka sa kakaisip sa kalagayan ng mga kamag-anak mong naiwan sa inyo. Kaya bago umalis, mainam kung umantabay ka muna sa balita. Alamin kung anu-anong lugar ang tatamaan ng bagyo, kailan ito magla-landfall at kung kumusta ang weather kada oras. Baka kasi Signal No. 5 pala sa lugar n’yo, tapos hindi ka aware.


5. SUMUNOD SA LGUs ‘PAG PINALIKAS. Kada level ng tubig sa ilog ay may katumbas na first alarm, second alarm, third alarm and so on. Kapag sinabing forced evacuation, huwag na kayong matigas ang ulo. Lumikas na kayo at huwag na hintaying pumasok sa inyong bahay ang baha bago kayo tuluyang lumikas. Safety first, ‘ika nga. Isipin n’yo rin ang kalagayan ng mga rescuer na posibleng mapahamak sa katigasan ng ulo n’yo. Kaya please, kapag ipinatupad na ang pre-emptive evacuation ay sumunod na lang.

Sa huling tala, umabot sa mahigit P3 milyong halaga ng imprastruktura ang nasira sa Mimaropa Region bunsod ng Bagyo Karding. Samantalang nasa P1.525 milyon halaga ang mga nasira sa agrikultura sa Cordillera Region.


Sa ngayon ay ilang residente pa rin ang nananatili sa evacuation centers. Tandaang patuloy pa ring nananalasa ang COVID-19, kaya siguraduhing nasusunod ang social distancing, kahit pa optional na lamang ang pagsusuot ng facemask. Kung lulusong naman sa baha o lilinisin ang binahang kabahayan ay siguraduhing nakasuot ng boots at gloves upang hindi ma-leptospirosis. Inspesksyunin din ang mga kagamitang maaaring pagbahayan ng lamok upang makaiwas sa dengue.


Okie?

 
 

ni Lolet Abania | July 7, 2022



ree

Dalawang tropical cyclones ang maaaring pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa susunod na mga araw, ayon sa PAGASA ngayong Huwebes.


Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PAGASA Administrator Undersecretary Vicente Malano na sa susunod na tatlong araw, wala silang na-forecast na tropical cyclone na papasok sa PAR.


Gayunman, dalawang tropical cyclones ang kanilang namataan na papasok sa bansa makalipas ang tatlong araw.


“Ayon po sa ating mga datos na nakikita sa ngayon, wala po tayong nakikitang mga sama ng panahon o bagyo sa susunod na tatlong araw. Mayroon tayong inaasahan, after three days... may mangyayari na inaasahan po natin na may bagyo, tropical cyclone na papasok sa ating Philippine Area of Responsibility,” pahayag ni Malano.


“Ang characteristics po nitong dalawang bagyo na nakikita po natin ay kamukha po ng nakaraang dalawang bagyo na pumasok dito sa Philippine Area of Responsibility itong si Caloy at Domeng na si Domeng papuntang Norte at ‘yung isa naman nanggaling sa West Philippine Sea at pumunta po siya ng China area,” dagdag ni Malano.


Ayon sa PAGASA, “Intertropical Convergence Zone (ITCZ) will bring inclement weather over Southern Luzon, Visayas, and Mindanao.”


Ang Metro Manila at ang natitirang bahagi ng bansa ay magiging bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may isolated na mga pag-ulan o thunderstorms, ayon pa sa state weather bureau.

 
 

ni Lolet Abania | May 1, 2022


ree

Nakapagtala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng pinakamataas na heat index temperature na 50 degrees Celsius, nitong Sabado, Abril 30, sa Dagupan City sa Pangasinan.


Sa ulat ng state weather bureau, ang temperatura ay nai-record nang alas-5:00 ng hapon, kahapon.


Ang heat index o “init factor” ay ang sukatan ng temperatura na nararamdaman ng isang tao, kumpara sa aktuwal na tinatawag na air temperature.


Ayon sa PAGASA, ang mga lugar na nakapag-register ng above-40 degrees Celsius heat index, nito ring Sabado ay ang mga sumusunod:

• Aparri, Cagayan: 46ºC, nasa 5PM

• Laoag City, Ilocos Norte: 44ºC, nasa 2PM

• Casiguran, Aurora: 42ºC, nasa 2PM

• Masbate City, Masbate: 42ºC, nasa 1PM

• NAIA, Pasay City: 42ºC, nasa 1PM


Sinabi naman ng PAGASA na mula Marso 1 hanggang Abril 30, ang pinakamataas na heat index ay nai-record din sa Dagupan City na nasa 54ºC noong Abril 22, alas-2:00 ng hapon.


Klinasipika rin ng PAGASA bilang nasa “danger” zone ang mga lugar na may heat index na nagre-range ng 42ºC hanggang 51ºC, at nasa “extreme danger” kapag ang heat index ay nasa 52ºC at pataas.


Paliwanag ng PAGASA, kapag ang heat index ay nasa danger zone, ang mga residente ay maaaring makaranas ng heat cramps at heat exhaustion, at posibleng tamaan ng heat stroke kung magpapatuloy ang exposure nito.


Sa mga lugar na nasa ilalim ng extreme danger, ani PAGASA, “heat stroke is imminent.”


Paalala naman ng weather bureau sa publiko na limitahan ang kanilang oras na inilalaan sa labas o outdoors, uminom ng maraming tubig at iwasan ang tea, coffee, soda at liquor.


Hinihimok din ang lahat na gumamit ng payong, sumbrero at magsuot ng damit na may manggas.


Pinapayuhan naman ng PAGASA ang publiko na mag-iskedyul ng tinatawag na heavy-duty activities sa umpisa ng umaga o kaya matatapos na ang buong araw kapag ang temperatura ay mas lumamig na.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page