top of page
Search

ni Lolet Abania | June 5, 2022



Labing-apat na hikers mula sa Cavite, ang nailigtas ng mga awtoridad na nasa paanan ng Mount Bulusan nang sumabog ang naturang bulkan ngayong Linggo ng umaga.


Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bayan ng Barcelona, Sorsogon sa lugar at tinulungan ang mga hikers na makaalis sa paanan ng bulkan.


Ayon kay Barcelona MDRRMO chief Leo Paul Ferreras, alas-11:00 ng umaga nitong Sabado, sinimulan ng mga hikers ang kanilang pag-akyat sa Mount Bulusan, kung saan nag-umpisa silang maglakad sa Barangay San Ramon.


Nabatid ng mga miyembro ng MDRRMO, ang sitwasyon ng mga hikers habang nagpapatrolya sa mga barangay na malapit sa bulkan, para pagsabihan ang mga residente na sila ay dapat nang magsilikas.


Bandang alas-10:37 ng umaga ngayong Linggo, naitala ang phreatic eruption o pagsabog ng Bulusan Volcano, ang unang pagputok simula noong 2017. Naging tahimik mula noon ang bulkan matapos ang eruption nito.


Ayon sa PHIVOLCS, dalawang bayan sa Sorsogon, ang Juban at Casiguran ay nakararanas na ng ashfall. Nai-report din ng local disaster authorities ng pagkakaroon ng ashfall sa tatlong barangay sa bayan ng Irosin. Sa ngayon, wala pang nai-report ang mga awtoridad sa kabuuang bilang ng mga residenteng nagsilikas.


 
 

ni Lolet Abania | June 5, 2022



Naitala ang pagsabog ng Mount Bulusan sa Sorsogon ngayong Linggo ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).


Agad na itinaas ng PHIVOLCS ang alert status ng Bulusan Volcano sa Alert Level 1 (low-level unrest) mula sa dating 0 (normal). “Alert Level 1 status is now raised over Bulusan Volcano, which means that it is currently in an abnormal condition,” pahayag ng PHIVOLCS.


Ayon kay PHIVOLCS Director at Science Undersecretary Renato Solidum Jr., naitala ang phreatic eruption ng alas-10:37 ng umaga at tumagal ng 16 minuto.


“Kanina, nagkaroon ng phreatic eruption ang Bulusan Volcano... ‘Yung pagsabog ay sanhi ng pagpapakulo ng tubig sa ilalim ng crater. Tumagal ito ng 16 minutes at patuloy natin itong sinusubaybayan,” sabi ni Solidum sa isang radio interview ngayong Linggo.


Sa isang bulletin kalaunan, na inisyu ng alas-11:40 ng umaga, sinabi ng PHIVOLCS na ang eruption ay tumagal ng humigit-kumulang sa 17 minuto, habang isang steam-rich grey plume na umabot sa isang kilometrong taas ang naobserbahan mula sa munisipalidad ng Juban, bago ito pumailanglang pakanluran.


“Hindi naman kataasan ang taas ng pagsabog. May mga maitim o dark gray na eruption cloud na nakikita na umuusli sa crater nito na hindi naman kataasan. Posible itong mangyari sa Bulusan (Volcano) na madalas magkaroon ng phreatic eruption,” saad ni Solidum.


“With the ongoing activity ng Bulusan, magtataas tayo ng Alert Level 1 [we will raise it to Alert Level 1],” sabi ni Solidum na aniya pa, napansin din nila na tumaas ang bilang ng volcanic earthquakes ng bulkan na umabot sa 77 beses sa magdamag.


Ayon pa sa PHIVOLCS, “a phreatic eruption refers to a steam-driven explosion that occurs when water beneath the ground or on the surface is directly heated by hot rocks or new volcanic deposits (e.g. pyroclastic density currents, lava) or indirectly by magma or magmatic gas.” Nakapagtala naman ng ashfall sa Juban at Casiguran, sabi ng PHIVOLCS.


Sa report ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), apat na barangay sa Irosin ay nakaranas din ng ashfall. Paalala naman ni Solidum sa mga residente, dapat nang iwasan ang four-kilometer radius ng permanent danger zone dahil lubhang mapanganib sa nasabing lugar sa ngayon.


“Furthermore, people living within valleys and along river/stream channels especially on the southeast, southwest and northwest sector of the edifice should be vigilant against sediment-laden stream flows and lahars in the event of heavy and prolonged rainfall should phreatic eruption occur,” pahayag pa ng PHIVOLCS.


 
 
  • BULGAR
  • Oct 20, 2021

ni Lolet Abania | October 20, 2021



Sumabog ang isang bulkan sa Japan ngayong Miyerkules, kung saan nagbuga ito ng ash falls na umabot ng ilang milya sa papawirin habang ang mga opisyal ay nahirapang magbigay ng babala sa panganib na idudulot ng lava flows at mga nagbabagsakang mga bato, subalit wala namang nai-report na nasawi o napinsala dahil dito.


Ayon sa Japan Meteorological Agency, ang Mount Aso, isang tourist destination na nasa main southern island ng Kyushu, ay nagbuga ng abo o ash ng 3.5 km (2.2 miles) taas nang ito ay sumabog bandang alas-11:43 ng umaga (0243 GMT) ngayong Miyerkules.


Itinaas ang alert level ng bulkan sa 3 na nasa scale na 5, at pinayuhan ang mga residenteng iwasan muna ang lugar, habang nagbabala rin sa lahat hinggil sa panganib ng pagbagsak ng mga tipak ng bato at pyroclastic flows sa loob ng radius nito na nasa 1 km (0.6 mile) sa paligid ng Nakadake crater ng bulkan.


Sinabi ni Chief Cabinet Secretary Hirokazu Matsuno sa mga reporters na sa ngayon, inaalam na rin ng gobyerno ang estado at bilang mga mga climbers na naroon sa naturang bundok, habang aniya, wala pang report na nasawi matapos ang pagsabog ng bulkan.


Nakapagtala rin ang weather agency ng matinding ash falls mula sa 1,592-meter (5,222-foot) mountain na nasa prefecture ng Kumamoto na inaasahan pang mararanasan sa mga kalapit na bayan hanggang mamayang hapon.


Matatandaang nagtala na rin ng eruption noong 2019 ang Mount Aso, habang 63 katao naman ang namatay nang sumabog naman ang Mount Ontake noong September 2014.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page