top of page
Search

ni Mai Ancheta | June 13, 2023




Nagpatikim ang Bulkang Mayon sa pamamagitan ng effusive eruption o pagdaloy ng lava nitong Linggo ng gabi.


Ayon kay Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) Officer-in-Charge Dr. Teresito Bacolcol, pasado alas-7 ng gabi nitong Linggo nang makita ang pagdaloy ng lava mula sa isang bahagi ng Bulkang Mayon.


Ang effusive eruption aniya ay ang mabagal na pagdaloy ng lava at mababa ang kasamang gas kaya dadaloy lang ito mula sa bulkan.


Sinabi ng opisyal na mas mababa ang peligro sa effusive eruption kaysa explosive eruption kaya umaasa ang Phivolcs na sana ay hindi magkaroon ng explosive eruption sa mga darating na araw.


"So hopefully, ganito lang 'yung magiging situation, hindi na ito mag-e-evolve pa into an explosive eruption," dagdag ni Bacolcol.


Nakapagtala aniya ang Phivolcs ng 21 volcanic earthquakes mula sa bulkan pero wala pang palatandaang kailangang itaas sa Alert Level 4 ang sitwasyon sa Mayon.


Samantala, pinalawig ng Albay provincial government sa pitong kilometro ang danger zone sa Bulkang Mayon mula sa dating six kilometers dahil sa tumataas na naitalang aktibidad nito.


Batay sa abisong inilabas ni Albay Governor Edcel Greco Lagman, pinaghahanda ang lahat ng residenteng nasa seven-kilometer status para mailikas agad kapag lumala ang pag-alburoto ng Mayon.


Hangad aniya ng provincial government na matiyak ang zero casualties para masiguro ang kaligtasan ng lahat.


Mahigit 14,000 na residente na ang nailikas na sa mas ligtas na lugar dahil sa patuloy na ipinakikitang abnormal na aktibidad ng bulkan


 
 

ni Madel Moratillo | June 12, 2023



Naglaan ng 1.8 milyong piso ang Department of Health bilang contingency fund sa mga maapektuhan ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.


Ayon kay DOH Sec. Ted Herbosa, inatasan na rin niya ang kanilang central office at Disaster Risk Reduction and Management Office para mag-mobilize ng karagdagan pang pera para dagdag-pondo.


Sa monitoring ng DOH, nasa higit 6,300 indibidwal ang nananatili sa 18 evacuation centers sa Albay.


Tiniyak ni Herbosa na naka-monitor ang kagarawan sa mga nasabing evacuation centers lalo na at lantad ang mga ito sa banta ng pagkalat ng acute respiratory infections maging ng COVID-19.


Nais din nito na magdala ng bivalent COVID-19 vaccines sa mga nasabing evacuation centers para maprotektahan lalo ang vulnerable populations sa virus.


Nagbabala rin si Herbosa sa panganib sa kalusugan ng pagkakalanghap ng sulfur dioxide o ashfall. Payo niya, magsuot ng N95 masks bilang proteksyon.


Una rito, itinaas na sa Code Blue alert ang sitwasyon sa Albay. Sa ilalim nito, lahat ng municipal/district hospitals, provincial hospitals, rural at city health units at offices, maging Albay Provincial Health at Emergency Management Staff personnel ay kailangan mag-report sa Province Health Office


 
 

ni Mai Ancheta | June 11, 2023




Isang bagong summit lava dome ang nakita sa bunganga ng Bulkang Mayon.


“A new summit lava dome in the Mayon Volcano Crater emerges as its pre-existing one has been pushed out in increments that formed rockfall in the first week of June 2023,” pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa official Facebook page nito.


Nasa 59 na rockfall events na ang naitala sa bulkan sa nakalipas na 24 oras.


Sa kabuuan, nasa 579 na rockfall events ang naitala simula noong June 1, 2023.


Nanatili sa Alert Level 3 ang bulkan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page