top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni MC / VA / Gerard Arce - @Sports | July 29, 2021




Patuloy pa rin ang pagbaha ng premyong salapi mula sa iba’t ibang grupo para kay Olympic gold medalist weightlifter Hidilyn Diaz matapos nitong masungkit ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Tokyo Olympics.


Nangako kahapon ng financial reward na P5-M sa 30-year-old weightlifter ang may-ari ng Phoenix Petroleum Philippines Inc. na si Dennis Uy nang magkampeon ito sa women’s 55-kg event sa Tokyo Games si Diaz. “Phoenix thru Siklab Atleta is giving Hidilyn Diaz P5 million and lifetime free fuel for winning the Olympic gold,” ani Uy.


Una rito, inanunsiyo ni Dr. Andrew Tan ng Megaworld na bibigyan niya si Diaz ng condominium unit sa Eastwood City na nagkakahalaga ng P14-M habang ang Century Properties ay magbibigay din ng house and lot na nagkakahalaga ng P4-million .


Tatanggap din si Diaz ng Medal of Valor mula sa PSC bukod pa sa P10-M mula sa government, P10-M kay Ramon S. Ang, P10M kay Manny V. Pangilinan at P3M kay Mikee Romero bukod pa sa lifetime free flights sa Air Asia. Gaya rin ng sinabi ni POC president Abraham Tolentino, tumaas pa at umabot na sa P50 milyon ang insentibong nakatakdang tanggapin ni Diaz.


Nag-aabang din ang P2.5million cash-incentive mula sa local government ng Zamboanga City. Maaari ring mamili ng titirhan si Diaz sa mga pabahay at condominium na ibibigay sa kanya kabilang ang ₱14-million residential condominium unit sa Eastwood, Quezon City mula sa Megaworld; ₱4-million house and lot galing naman sa PHirst Park Homes community na kanyang mapipili mula sa Century Properties.


Inihayag naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na may tsansang makatanggap pa ng karagdagang milyong piso ito mula kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbabalik sa bansa kahapon ni Diaz. Nakalinya ring i-promote na ang posisyon nito mula sa pagiging temporary sergeant sa “Staff Sergeant” mula sa Philippine Air Force ayon kay PAF Commanding General Allen Paredes.


Pinaniniwalaang aabot ng P100-million ang lahat ng insentibo at pabuyang matatanggap ni Diaz na maaaring magbigay na sa kanya ng maayos na pamumuhay sa oras na magdesisyon na itong magretiro.


Inamin mismo ni Diaz na nakahanda pa itong lumaban sa mga darating pang kompetisyon higit na ang 2024 Paris Olympics. Ngunit sinabi ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas Inc. (SWP) Monico Puentevella na napapanahon na para kay Diaz na tuluyan ng bitiwan ang mga mabibigat na bakal at tumutok na sa pagbuo ng sariling pamilya.


Susubukan niyang kumbinsihin si Diaz na magretiro na dahil wala na itong dapat pang patunayan at nais na lamang maging coach ng national team upang alalayan ang mga nakalinyang sumunod sa kanyang yapak.

 
 

ni MC / VA - @Sports | July 26, 2021



Pero hindi pa natatapos ang Cebuana skateboard sa kanyang misyon. Gusto pa nitong magdala ng karangalan sa mas malaking kumpetisyon sa gagawin nitong pagsabak sa laro ngayon araw sa Ariake Sports Park para sa unang pagdaraos ng skateboard competiton sa Quadrennial Games.


Hindi kilala si Didal bago ito pumailandang sa kasikatan matapos ang golden performances nito sa 2018 Asiad sa Palembang at sa SEAG na ginawa sa Pilipinas noong 2019. Target ni Didal na magpasikat sa pagtatangka nitong makuha ang gintong medalya kahit sa isa sa apat na events na paglalabanan sa skateboarding debut sa Olympics.


Naging malaking hit sa mga kabataan, ang skateboarding ay naging mahalagang bahagi ng street-culture sa iba’t ibang panig ng mundo at nilalaro sa international competitions. Pero bago lang ang skateboarding competition sa Olympic kung saan maglalaban ang mga kalahok sa mas malaki at mahirap na course. “Kung baga sa basketball, dati half-court lang ang inilalaro mo, ngayon full court,” ani Skateboard Pilipinas president Carl Sambrano. “The duration is the same. It’s still 45 seconds but in a bigger play,” dagdag ni Sambrano kung saan ang kalahok ay magkakaroon ng dalawang attempt at gagawa ng limang tricks.


Kahapon, nanood si Didal sa venue kung saan ginanap ang male skateboarding competition para ma-familiarize nito ang sarili sa course. Gagawin ang women’s preliminaries ganap na 8:30 a.m. (7:30 a.m. sa Manila) at final sa ika 1:30 ng hapon.

Samantala, nabigo rin ang Filipina swimmer na sì Remedy Rule na makaabot ng women's 100-meter butterfly semifinals ng Tokyo Olympics swimming event matapos niyang hindi mapabilang sa Top 16 ng mga heats sa Tokyo Aquatics Centre noong Sabado.

Nagtapos na pangalawa si Rule sa kanyang heat sa naitala nitong oras na 59.68 segundo. Subalit hindi iyon sapat upang mapabilang siya sa 16 na semifinalists dahil pang 25 puwesto lamang ang katumbas ng kanyang oras. Magsisikap na makabawi si Rule sa Martes ng gabi sa muli nyang pagsalang sa heats ng women's 200-meter butterfly event. V. A.

 
 

ni MC / VA / Gerard Arce - @Sports | July 26, 2021



Nakapasok na si artistic gymnast Carlos Yulo sa final ng Tokyo Olympics vault apparatus event matapos malagay sa top 8 ng category sa larong ginanap sa Ariake Gymnastics Center. Kumana si Yulo ng averaged points na 14.712 sa dalawang vaults, ang una ay ang Kasamatsu double full para sa iskor na 14.766, sumunod ay ginawa niya ang Dragulescu vault, sapat para sa iskor na 14.658. Makakasagupa niya sa final sa August 2 sina Shin Jeahwan ng Korea, Artur Davtyan ng Armenia, Nikita Nagornyy at Denis Abliazin ng Russian Olympic Committee, Adem Asil at Ahmet Onder ng Turkey, at Caio Souza of Brazil.


Iniinda ng 21-year-old ang masakit na balakang na tinamo nito sa pangit na performance sa kanyang paboritong event na pinagwagian niya ng gold sa 49th FIG Artistic Gymnastics World Championships noong 2019. Nagtapos si Yulo sa floor exercise na may kabuuang 13.566 points sa category para sa 44th place overall. Kinana ni Yulo ang double layout double full out pero hindi naging maganda ang landing nito.


Hindi rin maganda ang bagsak ng Pinoy gymnast sa second pass. Umiskor si Yulo ng 14.000 sa still rings (24th), 13.466 sa parallel bars (55th), 12.300 sa horizontal bar (63rd), at 11.833 (69th) sa pommel horse para sa grand total na 79.877 at ma-ranked na 47th overall na malayo sa top 24 ranking na kailangan para sa all-around final.


Samantala, biglang lumubog sa dagat ang pangarap ni Cris Nievarez na makakuha ng medalya sa Olympic matapos hindi makapasok sa Top 3 ng Men's Single Sculls Quarterfinal sa Sea Forest Waterway na ginanap nitong Linggo.


Si Nievarez na nakakuha ng outright quarterfinals berth noong Biyernes matapos mag-top 3 sa elimination round ay nagtapos sa tiyempong 7:50.57 para sa 5th place. Nahuli ito ng 34 seconds kontra sa third placer na si Mindaugas Griskonis ng Lithuania. Sinagpang naman ni Oliver Zeidler ng Germany at Luca Verthein Ferreira ng Brazil ang first at second places sa quarterfinal, ayon sa pagkakasunod-sunod, para makumpleto ang tatlong rowers na pumasok sa semifinals. Hindi pa naman uuwi si Nievarez dahil sasabak pa ito sa classification round sa semifinal sa C/D ngayong araw ng Lunes. Kahit hindi nakapasok sa podium, hawak pa rin ng rower mula sa Quezon ang pinakamagandang performance ng Philippine rower sa Olympics matapos pumasok sa quarterfinals.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page