top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Anthony E. Servinio / VA - @Sports | October 30, 2021





Nahirapan ang punong abalang Singapore bago tuluyang iniligpit ang palaban na Pilipinas, 1-0, sa pagpapatuloy ng Asian Football Confederation (AFC) Under-23 Asian Cup 2022 qualifiers Huwebes ng gabi mula sa Jalan Besar Stadium. Pormal na naglaho ang pangarap ng Young Azkals na makapasok sa prestihiyosong torneo matapos ang kanilang ikalawang sunod na talo sa Grupo H.


Nilusutan ni forward Glenn Kweh ang depensa upang maipasok ang nag-iisang goal ng laban sa ika-51 minuto. Bago noon, binigyan ng gintong pagkakataon ang mga Pinoy na makauna subalit tumama sa baras ang penalty kick ni kapitan Oliver Bias sa ika-23 minuto at natapos ang first half na walang goal ang dalawang panig.


Karangalan na lang ang nakataya sa huling laban ng Pilipinas kontra Timor Leste sa Oktubre 31 (Linggo) simula 5:00 p.m. Sa unang laro, binigyan ng defending champion Timog Korea ng matinding aral ang Timor Leste, 6-0, para sa ikalawang sunod na tagumpay at solong liderato ng grupo.


Samantala, nabunot ang Philippine Women’s National Football Team sa Grupo B ng Asian Football Confederation (AFC) Women’s Asian Cup India 2022 kasama ang Australia, Thailand at Indonesia sa opisyal na seremonya na ginanap online noong Huwebes.


Ngayon ay malinaw na ang daan na tatahakin ng mga Pinay at ang kanilang bagong Coach Alen Stajcic sa prestihiyosong torneo.


Bubuksan ng Pilipinas ang kampanya kontra sa Thailand sa Enero 21 sa lungsod ng Navi Mumbai. Susunod ang Australia sa Enero 24 sa Mumbai at Indonesia sa Enero 27 sa Pune.


Nasa Grupo A ang punong abalang India, Tsina, Chinese-Taipei at Iran. Ang Grupo C ay kinabibilangan ng defending champion Japan, Timog Korea, Vietnam at Myanmar.


Ang dalawang may pinakamataas na kartada sa bawat grupo ay tutuloy sa knockout playoffs. Kukunin din ang dalawa sa pinakamataas sa tatlong koponan na nagtapos ng pangatlo upang makabuo ng walong kalahok.


 
 

ni VA - @Sports | October 24, 2021




Target ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) ang posibilidad na makapagdaos ng face-to-face competitions kapag nagbukas ang Season 97 ng liga sa susunod na taon. Inihayag ni NCAA Management Committee chairman Dax Castellano ng season host College of Saint Benilde na nagsimula na sila sa ManCom ng planning sessions para sa season na balak nilang simulan ng maaga sa 2022.

"We're on the right track. After the resumption of training, with all the approval and analysis and safety protocols, maybe soon or coming next year, we'll see players and athletes live," ayon kay Castellano sa panayam sa kanya sa programang GMA-7, 24 Oras. Gayunman, nilinaw ng pamunuan ng liga at ng mga opisyal ng broadcast partner na GMA Network na pinakamahalaga pa rin sa kanila ang kalusugan at kaligtasan ng student-athletes.

Ayon kay Oliver Victor Amoroso, ang first vice president at head ng GMA Regional TV and Synergy, importanteng panatilihin ang lahat ng mga kalahok na ligtas at malusog habang unti-unting nagsasanay ang bansa sa new normal sa gitna ng pandemya.


"Season 97 will be exciting, especially that we are really targeting to have the sporting events although limited only," ani Amoroso. Kailangan ng NCAA ng pahintulot mula sa league policy board members, Commission on Higher Education (CHEd) at ng Inter-Agency Task Force para makapagdaos ng face-to-face games

 
 

ni Anthony E. Servinio / VA - @Sports | October 18, 2021






Kabuuang 12 koponan ang sasabak sa one-day invitational tournament na inaasahang magbibigay nang maaksiyong panimula para sa nakatakdang season ng local 3x3 tournament ngayong taon lalo na at bumababa na ang kaso ng COVID-19 sa bansa.


May pasilip ang Chooks-to-Go Pilipinas 3x3 para sa sisimulang bagong season sa Miyerkules sa Laus Events Center sa San Fernando, Pampanga. Huling lumarga ang 3x3 nitong Oktubre 2000 sa ginanap na President's Cup sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.


Ayon kay league owner Ronald Mascariñas, malaking tulong ang pagsasagawa ng sports para manumbalik ang matatag na katauhan ng Pilipino na mahabang panahon ding nagtiis dulot ng pandemya. "The pandemic has really affected our goal of garnering valuable FIBA 3x3 points for the country in our dream of qualifying for the 2024 Paris Olympics," pahayag ni Mascariñas. "For us to re-ignite the fire of our stakeholders and team owners, we organized this one-day tournament which has no entry fee. "It's about time 3x3 basketball returns," aniya.

Binubuo ang 12 koponan ng HeiHei Manila, Pacquiao Coffee Bacolod, BRT Sumisip Basilan, Homegrown Grains Bocaue, AMACOR Mandaluyong, RBR Cabiao Nueva Ecija, Pasig Kingpins, Adam Esli Pasay, MNL Kingpin Quezon City, Essen Immunoboost Sarangani, Zamboanga Valientes, at ARQ Builders Cebu.


Gagamitin sa liga ang FIBA 3x3 World Tour format kung saan hahatiin sa tatlong grupo ang 12 koponan para sa single round elimination. Ang mangungunang dalawang koponan sa bawat grupo ay makauusad sa knockout playoffs. Pinapayagan ang mga koponan na magpalaro ng foreign reinforcements. Naghihintay ang premyong P100,000 sa kampeon, habang P50,000 at P20,000, sa runner-up. Nagsagawa ng pagpupulong ang organizers at mga kinatawan ng koponan kahapon kung saan natalakay din ang ipatutupad na ‘health and safety’ protocols gayundin ang FIBA 3x3 rules.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page