ni Gerard Arce / VA - @Sports | April 3, 2022

Tatangkain ng Creamline Cool Smashers at Cignal HD Spikers na mapanatili ang kanilang unbeaten winning streak at maitalaga ang kanilang napipintong pagtatapat para sa championship match sa magkahiwalay na tagpo ngayong araw sa mas tumitindi at umiinit na paluan at hampasan ng Game 2 ng best-of-three semifinal series sa 2022 Premier Volleyball League (PVL) Open Conference sa pagbabalik ng mga laro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ipinadama ng Cool Smashers ang kanilang bangis sa ikatlo at ikaapat na set upang tapusin ang laro at kunin ang Game 1 kontra sa sister-team na Choco Mucho Flying Titans sa bisa ng 25-18, 17-25, 25-19 at 25-11, habang muling magtatapat ang mga ito sa ikalawang pagkakataon bandang 3 p.m. Determinado naman ang bataan ni coach Shaq Delos Santos at buong koponan ng Cignal HD Spikers na tuldukan ang kanilang serye laban sa championship contender na Petro Gazz Angels sa 2nd game ng 6 p.m. bago ang main games ay magsasagupa muna ang Chery Tigo Crossover at Black Mamba Army Lady Troopers sa classification match sa 11 a.m.
Aminado si Cool Smashers coach Sherwin Meneses na nagamit na malaking bentahe sa panalo ng koponan ang malawak na karanasan ng kanilang mga manlalaro sa pangunguna nina Allyssa Valdez, Jema Galanza, Tots Carlos, Risa Sato, Pau Soriano, Celine Domingo, Kyle Negrito, Jeanette Panaga, Fille Cayetano at Julia de Guzman, habang nais ni Meneses na malaking bagay rin ang makapagpahinga at makarekober ang kanilang mga manlalaro para sa susunod na laban.
Inihayag ni Delos Santos ng HD Spikers na kinakailangan nilang panatilihin ang magandang panimula at malakas na pagtatapos kontra Petro Gazz na masugid at mahigpit nilang pinaghandaan upang mapunan ang mga kakulangan at adjustments sa laro.
“Kailangan mag-start ng strong and finish strong talaga kase medyo nagkakaroon kami ng mga lapses pagdating du'n, and good things sa endgame, kaya kailangan lang namin 'yung magandang recovery at pag-aralan lang namin yung pagkukulang namin, kase slow start talaga yung service namin, medyo easy, 'yung receive namin medyo struggle kami,” wika ni Delos Santos.



