top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni VA - @Sports | April 28, 2022



Dahil sa iniindang injury sa kanyang kaliwang balikat,hindi isinama sa national boxing team na sasabak sa 31st Southeast Asian Games si Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam.


Sa halip, pinalitan siya ni Rogen Ladon, ang kanyang naging sparring partner noong nakaraang Tokyo Games na siyang nasa kondisyon upang sumabak sa laban. "Bigayan lang kami, noong nasa Tokyo kami tinulungan niya ako. Siya ang naging sparring partner ko. Ngayong siya ‘yung nasa top form para sa SEAGames, ako naman ang tutulong sa kanya," ani Paalam.

Kasalukuyan ngayong magkakasama ang mga national boxers na nagsasanay sa training camp nila sa Thailand. Parehas ng weight class sina Ladon at Paalam. Kapapanalo lang ng 28-anyos na si Ladon ng flyweight gold sa nakaraang Thailand Open kasama ng mga kapwa SEA Games bound na sina women’s lightweight Risa Pasuit at middleweight Hergie Bacyadan.

Magpo-focus na lang si Paalam sa darating na Hangzhou 19th Asian Games na idaraos sa Setyembre at sa posibleng isa pang stint sa Paris 2024 Olympics. Ayon kina Association of Boxing Alliances in the Philippines Secretary General Marcus Jarwin Manalo at Australian training director Don Abnett, pagkakataon na ni Ladon na magpakitang gilas sa Hanoi. “Carlo (Paalam) is not ready to compete yet while Rogen Ladon is in good form,” ani Abnett. “Rogen has been performing well in training and sparring since the start of the year,” wika naman ni Manalo. “He also won gold in the Thailand Open while Carlo is still catching up with his conditioning.” Ang iba pang sasabak sa SEAGames ay sina Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Felix Marcial (middleweight), Ian Clark Bautista (featherweight), James Palicte (light welterweight) at Marjon Piañar (welterweight) sa men's division at sina light flyweight Josie Gabuco, flyweight Olympian Irish Magno, featherweight Nesthy Petecio, Pasuit at Bacyadan naman sa women's.



 
 

ni VA - @Sports | April 21, 2022


Pinahanga ng mga Filipino poomsae players ang mga sumusubaybay sa nasabing event matapos nilang magwagi ng tatlong medalya sa ginanap na Online 2022 World Taekwondo Challenge 1 noong Martes.


Nagwagi ng gold si Southeast Asian (SEA) Games gold medalist Rodolfo Reyes sa national team individual male under-30 event habang nag-uwi naman sina Ernesto de Guzman at Jocel Ninobla ng silver medals sa national team individual male under-50 at national team individual female under-30, ayon sa pagkakasunod.


Ayon kay Philippine Taekwondo Association (PTA) Director Stephen Fernandez, ang naturang performance ay mas magpapasigla at magpapataas ng kanilang morale para sa nakatakda nilang pagsabak sa Goyang 2022 World Taekwondo Poomsae Championships sa South Korea sa darating na weekend.


“It shows that with the program of the PTA, and with the guidance of Grand Master Hong Sung-chon, our poomsae athletes have become world-class and that they always land on the podium of prestigious events like this,” ani Fernandez.


“There’s a big chance that the opponents they faced online will be the same ones they will face in the world championships.”


Maganda rin ani Fernandez na build up ang nasabing tagumpay para sa pagsabak nila sa darating na 31st SEAG sa Hanoi sa Mayo 12 - 23.


Humakot ang poomsae athletes ng 4 gold at apat ding silver medals noong biennial meet sa Manila noong 2019.

 
 

ni VA - @Sports | April 20, 2022



Nagpakita ng kahandaan na idepensa ang kanyang titulo sa heptathlon sa Vietnam Southeast Asian Games sa Mayo ang Pinay heptathlete na si Sarah Dequinan nang magwagi ng gold medal sa event ng katatapos na Singapore Open Athletics Championships noong Linggo.


Pormal na inangkin ni Dequinan ang gold medal matapos pumangalawa sa 800 meter run. Sa kabuuan ay nakatipon ng 5008 puntos ang 26-anyos na si Dequinan upang makamit ang ikatlong gold medal ng bansa sa nasabing athletic meet.


Bukod sa 800m, nakakuha ng malaking puntos si Dequinan sa 110m hurdles, 200m run at javelin throw kung saan siya ang nangibabaw at tatlong runner-up finish sa shotput, high jump at long jump. Pumangalawa sa kanya para sa silver medal si Norliyana Kamaruddin ng Malaysia na nakalikom ng 4875 puntos.


Tumapos na pangatlo ang teammate ni Dequinan na si Josefa Ligmayo makaraang magtala ng 4486 puntos. Nauna rito, nagwagi ng gold medal ang men’s relay team nina Frederick Ramirez, Joyme Sequita, Michael del Prado at Al Rhyan Labita sa 4 × 400 meter relay event na dinuplika ng women’s relay squad nina Bernalyn Bejoy, Eloisa Luzon, Jessel Lumapas at Maureen Schrijvers para sa dalawa pang gold medals ng Pilipinas.


Naorasan sina Ramirez ng 3:23.94, habang nagtala naman sina Bejoy ng 4:02.26 para sa kanilang gold winning performance.


Nagwagi naman si Janry Ubas ng silver medal sa men’s long jump matapos matalon ang distansiyang 7.52 meters kasunod ni Malaysian Andre Anura na siyang kumopo ng gold sa naitala nitong 7.60 meters. Nagdagdag si Luzon ng bronze medal mula sa women's 100-meter dash makaraang pumangatlo sa tiyempong 12.43 segundo.


Nauna nang nagwagi ng gold medals para sa bansa sina Natalie Uy at Katherine Khay Santos sa women's pole vault at long jump matapos magtala ng 4.20 meters at 5.93 meters ayon sa pagkakasunod. Nag-uwi ng dalawang silver medals si Alfrence Braza sa men’s 5000m at 1500m.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page