ni MC / VA - @Sports | May 22, 2022

Malapit na malapit nang makuha ng Philippine national men's basketball team ang gold medal at manatiling hari sa Southeast Asian basketball.
Dinomina kahapon ng Gilas Pilipinas ang Malaysia, 87-44 upang maitala ang ika-4 na diretsong panalo sa 31st SEAG sa Hanoi. Vietnam. Nilimitahan nila ang Malaysia sa 12 puntos lamang sa lahat ng quarters, habang ang Pinas ay umiskor ng higit sa 29 puntos sa 3rd quarter para makuha ang panalo.
Nangunguna ang Gilas sa pagtatapos ng unang 20 minutong aksiyon, 39-22. Namuno si Thirdy Ravena sa national team sa bisa ng 17 puntos, 7 rebounds, 5 assists at 2 steals. Makakalaban ng Pilipinas ang Rajiko Toroman coaches na Indonesia ngayong Linggo para isara na ang kanilang kampanya sa biennial meet.
Isang dipa na lang din ang layo ng Philippine national women's basketball team sa basketball gold medal nang pahiyain ang Singapore, 88-61 kahapon sa 31st SEAG.
Umaalagwa halos sa 31 puntos na kalamangan ang Gilas Pilipinas Women, 68-37, bago pa man matapos ang ikatlong peryodo. Pinipilit pa ng Singapore na makahabol pagdating ng 4th quarter pero masyado nang malayo ang agwat ng Pilipinas para pumalaot na sa panalo na unang tiniris ang Indonesia, Thailand at Vietnam.
Malaking iskor ang naitarak ni Clare Castro kontra Singapore sa 15 puntos at 4 rebounds, 2 blocks habang si Janine Pontejos at Khate Castillo ay may tig-14 puntos. Makasasagupa ng women's team ngayong Linggo ang Malaysia para madetermina na ang placings ng medalya.
Samantala sa tennis, ikatlong bronze medal ang naitala ni Alex Eala nang payukuin ng Thailand sa women’s singles semis. Napasuko siya ni no. 4 seed Luksika Kumkhum, 28. Unang naka-2 bronze si Eala sa women’s team event at mixed doubles kay Treat Huey. Ang parehong semis ay natalo sa Thailand.



