- BULGAR
- Nov 9, 2022
ni G /VA - @Sports | November 9, 2022

Umalis na noong Lunes ng Gabi ang Gilas Pilipinas national basketball pool patungong Jordan para sa FIBA World Cup Asian qualifying games na idaraos doon at sa Saudi Arabia. Makakasagupa ng mga Pinoy na pinangungunahan nina Kai Sotto at Angelo Kouame sa fifth window ng FIBA World Cup qualifiers ang koponan ng Jordan sa Nobyembre 11 at ang Saudi Arabia sa Nobyembre 13. Hindi dumalo ng kanilang huling ensayo ang 6-foot-10 center na si Kouame noong Sabado ng gabi upang makapasok sa kanyang klase sa Ateneo.
Inaayos naman ng Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP)ang mga kaukulang detalye upang makasama ng Gilas Pilipinas sa Middle East si Sotto. Pinaghandaang mabuti ng Gilas training team ang laban nila kontra Jordan partikular sa depensa.
Sa pamumuno ng kanilang naturalized player na isang shooting guard sa katauhan ni Dar Tucker kasama ang backcourt partner nitong si Freddie Ibrahim at 6-foot-10 slotman na si Ahmad Al-Dwairi, umabot ang Jordan sa semifinals.ng nakaraang FIBA Asia Cup kung saan tinalo sila ng Lebanon. Hindi nakasama ng koponan si team captain Kiefer Ravena dahil naoperahan ito sanhi ng impeksiyon sa kanyang ngipin. Bukod kina Sotto at Kouame ang iba pang kasamang sasabak sa Middle East ay sina Japan B League imports Dwight Ramos, Ray Parks at Thirdy Ravena.
Kasama rin nila ang mga Philippine Basketball Association (PBA) stars na sina reigning MVP Scottie Thompson at mga kakampi nito sa Barangay Ginebra na sina Japeth Aguilar at Jamie Malonzo, CJ Perez ng San Miguel Beer, Roger Pogoy, Calvin Oftana at Poy Erram ng TNT.
Maliban kay Kouame, ang Isa pang collegiate star na kasama sa pool ay si Kevin Quiambao ng La Salle.






